Sabado, Nobyembre 26, 2022

PAGPAPALANG NAGHAHATID NG KALIGTASAN

11 Disyembre 2022 
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A) 
Isaias 35, 1-6a. 10/Salmo 145/Santiago 5, 7-10/Mateo 11, 2-11

Saint John the Baptist in Prison Visited by Two Disciples (c. Between 1455 and 1460) by Giovanni di Paolo (1403-1482) from the Art Institute of Chicago Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.  

Inilaan ang Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon sa pagninilay sa kagalakang dulot ng pagdating ng Panginoon sa lahat. Ito ang dahilan kung bakit ang Linggong ito ay tinatawag ring "Linggo ng Kagalakan" o "Linggo ng Gaudete." Ang bawat isa sa atin ay iminumulat sa kagalakang dulot ng Panginoong Jesus Nazareno sa tanan. Ang tunay na kagalakan ay nagmumula lamang sa Panginoon. Kaya naman, marapat lamang na hintayin at paghandaan natin nang may galak ang pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno. Ang pagdating ng Poong Jesus Nazareno ay hindi isang nakakatakot na sandali kundi isang sandaling puno ng galak at pag-asa para sa mga tunay na debotong umiibig, tumatalima, nananalig, at sumasampalataya sa Kanya.

Sa mga Pagbasa para sa araw na ito, inilarawan ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa tanan. Ito ang pagpapala ng Panginoong Diyos na pinagtutuunan ng pansin at buong kataimtimang pinagninilayan sa Linggong ito. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumating at darating muli upang ipagkaloob ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Sa pamamagitan nito, ipinapalaganap ng Diyos ang tunay na kagalakan at pag-asang nagmumula sa Kanya. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos na dumating sa mundong ito sa pamamagitan ng ipinangakong Manunubos na si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay nagdulot ng tunay na galak at pag-asa sa lahat. 

Ang pagpapalang pagliligtas ng Panginoong Diyos ay isinalungguhit sa pahayag na inilahad sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Binigyang-diin sa pahayag na ito ng Diyos kung paanong Niya ipapalaganap at ihahatid sa tanan ang tunay na galak at pag-asang nagmumula sa Kanya. Ang Diyos ay naghatid ng galak at pag-asa sa lahat sa pamamagitan ng biyaya ng Kanyang pagliligtas. Ito ang Kanyang pangako. Kung tutuusin, mayroon pa ngang dagdag na pangako ang Panginoon sa Unang Pagbasa. Hindi Niya ito patatagalin pa. Tutuparin ng Diyos ang pangakong ito sa panahong Siya mismo ang nagtakda. Dagdag pa ng Panginoong Diyos, nalalapit na ang panahong kung kailan Niya ito tutuparin. Ang Kanyang pangakong ito ay tunay ngang naghatid ng galak at pag-asa sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan ni Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno, tinupad ng Diyos ang pangakong ito. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Halina, Panginoong D'yos, upang kami ay matubos" (Isaias 35, 4). Napakalinaw ang pagsalungguhit ng mga salitang ito sa galak at pag-asang hatid ng pagtubos ng Panginoon. Ang biyaya ng kaligtasang nagmumula sa Diyos ay tunay ngang naghahatid ng galak at pag-asa. Si Jesus Nazareno, ang ating Panginoon at Manunubos, ay ang paalala ng biyayang ito na naghahatid ng tunay na galak at pag-asa. 

Tinalakay rin ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito kung paanong ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay naghahatid ng tunay na galak at pag-asa sa lahat. Ang mga salita sa pangaral ni Apostol Santo Santiago ay nagbibigay ng kapanatagan at lakas ng loob para sa bawat Kristiyano sapagkat isa lamang ang mensaheng nais niyang iparating: ang pagdating ng Panginoon ay sandali, oras, at araw ng galak at pag-asa. Ito ay dahil ipagkakaloob sa atin ang biyaya ng kaligtasan. Dahil dito, ang lahat ng mga Kristiyano ay pinakikiusapan ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa na manatiling tapat at maging matiyaga sa pananalig, pag-ibig, debosyon, at pananampalataya hanggang sa pagdating ng ating Panginoong si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Mga salitang nagpapanatag ng loob at nagbibigay ng galak at pag-asa sa lahat ang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa dalawang alagad ni San Juan Bautista sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Inilarawan ng Panginoong Jesus Nazareno ang lahat ng Kanyang mga ginawa na nagpapatunay dumating Siya sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan nito, pinalakas ng Panginoong Jesus Nazareno ang puso at kalooban ng Kanyang kamag-anak na si San Juan Bautista na nakabilanggo sa mga sandaling yaon. 

Hindi lamang para kay San Juan Bautista na nakabilanggo sa mga sandaling yaon ang mga salitang binigkas ni Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Bagkus, para rin ito sa lahat. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, binibigyan tayo ni Jesus Nazareno ng lakas at tibay ng loob upang manatiling tayong tapat sa ating pamamanata, pananalig, pag-ibig at pananampalataya sa Kanya. Sa pamamagitan nito, tinutulungan rin ni Jesus Nazareno ang bawat isa sa atin na mapuno ng galak at pag-asa habang ang Kanyang pagdating ay ating pinananabikan at pinaghahandaan. 

Bakit hinihimok tayong magalak? Mayroong pagpapalang darating. Ang pagpapalang naghahatid ng kaligtasan na ipinagkakaloob sa atin ng Banal na Santatlo ay darating. Sa pagdating ng pagpapalang ito na naghahatid ng kaligtasan, ang tunay na galak at pag-asang nagmumula sa Diyos ay iiral at lalaganap. Ang pagpapalang ito ay walang iba kundi ang Katamis-tamisang Poong Jesus Nazareno. 

Biyernes, Nobyembre 25, 2022

ANG NAGPAPABANAL SA BAHAY-DALANGINAN

10 Disyembre 2022 
Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila 
1 Hari 8, 22-23. 27-30/Salmo 83/Juan 2, 13-22 


Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagtatalaga sa Dambana ng Katedral ng Maynila, itinutuon ang ating pansin sa pagpapabanal sa bahay-dalanginan. Gaya ng iba pang mga Simbahan, isang banal na lugar ang Katedral ng Maynila. Isa lamang ang dahilan kung bakit banal ang mga gusaling Simbahan katulad ng Katedral ng Maynila - ang presensya ng Diyos. Ang presensya ng Panginoong Diyos ay nagpapabanal sa mga gusaling Simbahan katulad ng Katedral ng Maynila. Oo, ang Panginoong Diyos ay lagi nating kasama saan man tayo magtungo araw-araw, subalit, ang mga lugar na ito na tinatawag ring bahay-dalanginan gaya ng Katedral ng Maynila ay itinayo at itinatag upang lalo nating maramdaman ang presensya ng Diyos at maging isang pasulyap ng walang hanggang kaharian ng Diyos sa langit para sa atin. 

Ito ang dahilan kung bakit ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagalit sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang presensya ng Diyos na nagpapabanal sa Templo ay hindi na ginalang ng mga tao. Kung ang presensya ng Panginoong Diyos na nagpapabanal sa Templo ay ginalang ni Haring Solomon sa Unang Pagbasa, kabaliktaran naman nito ang nakita ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito na inilaan para sa taunang paggunita sa Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila. Sa halip na igalang at parangalan ang presensya ng Diyos, umiral ang pandaraya, pang-aapi, at kasakiman. Taliwas ito sa pagpapakita ng paggalang sa Panginoon. 

Gaya ng sabi sa Salmo para sa araw na ito: "Ang Templo Mo'y aking mahal, D'yos na makapangyarihan" (Salmo 87, 2). Isa lamang ang dahilan kung bakit - ang presensya ng Diyos. Ang presensya ng Diyos lamang ang tanging dahilan kung bakit ang mga bahay-dalanginan ay sagrado. Sa mga bahay-dalanginan o mga gusaling Simbahang ito katulad na lamang ng Katedral ng Maynila, nananahan ang Panginoong Diyos na lagi nating kasama araw-araw. Sa mga bahay-dalanginang ito, ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang nag-uumapaw na biyaya na tanda ng Kanyang pag-ibig, habag, at awa para sa atin. Kaya naman, ang mga bahay-dalanginang ito ay dapat pahalagahan. 

Ang presensya ng Panginoon na nagpapabanal sa mga bahay-dalanginan katulad na lamang ng Katedral ng Maynila ay dapat nating igalang at pahalagahan. Hindi rin ito tumutukoy sa mga gusaling Simbahan lamang kundi na rin sa lahat ng mga bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo Hesus, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Huwebes, Nobyembre 24, 2022

ANG MAHABAGIN AT MAPAGMAHAL NA DIYOS NA LAGING NAKIKINIG

8 Disyembre 2022 
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria 
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38 

The Virgin of the Immaculate Conception (c. 1660) from the Workshop of Bartolome Esteban Murillo (1617-1682) courtesy of the Walter Arts Museum is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Ang sandaling isinesentro sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ay isa lamang patunay na tunay ngang nakikinig ang Diyos. Pinakikinggan ng Diyos ang mga daing, samo, at hiling ng Kanyang bayan. Bilang tugon sa mga daing at samo ng bayan Niyang nasadlak, nalugmok, at nabihag sa ilalim ng mga makapangyarihang puwersa ng kasalanan, kadiliman, at kamatayan, ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa lahat ang biyaya ng Kanyang kaligtasan. Ginamit ng Panginoong Diyos ang Kanyang kapangyarihan upang iligtas, palayain, at liwanagan ang sangkatauhan. Sinimulan ng Diyos na isakatuparan ang planong ito sa pamamagitan ng sandaling itinatampok at ginugunita ng Simbahan sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang sa napakaespesyal na araw na ito: ang Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. 

Sa salaysay ng pagkalugmok ng tao sa kasalanan na inilahad sa Unang Pagbasa, ang pakikinig ng Diyos ay binigyan ng pansin. Bagamat alam ng Panginoong Diyos na ang Kanyang utos ay sinuway nina Adan at Eba, nakinig muna Siya. Ang Diyos ay nakinig muna sa paliwanag nina Adan at Eba tungkol sa dahilan ng kanilang pagsuway sa utos na huwag kainin ang ipinagbabawal na bunga. Hindi nila maipagkakaila sa Diyos na sinuway nila ang Kanyang utos. Subalit, pinakinggan muna sila ng Diyos bago Niya isinagawa ang Kanyang hatol. Oo, pinalayas ng Panginoon sina Adan at Eba mula sa Halamanan ng Eden bilang parusa sa kanilang pagsuway sa Kanyang utos. Subalit, sa kabila ng pagpapalayas kina Adan at Eba mula sa Halamanan ng Eden, binigyan Niya ng pag-asa ang sangkatauhan. Ang nang-hikayat sa tao na suwayin ang Diyos ay dudurugin at tatalunin balang araw. Ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan mula sa mga puwersa ng demonyo, ang prinsipe ng kadiliman at kasalanan, na nanlinlang at nang-alipin sa lahat sa pamamagitan ng pagdurog sa kanyang ulo. Ang mga tanikala dulot ng pagkabihag sa ilalim ng demonyo ay tatanggalin ng Panginoon mula sa atin. Ang pangakong ito ay natupad sa panahon ng Bagong Tipan sa pamamagitan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.

Bago dumating ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mundo upang iligtas tayo sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay, hinirang muna ng Ama ang babaeng magiging bukod na pinagpala sa lahat ng mga babae upang maging Kanyang Ina. Ang hinirang ng Diyos upang maging tagapagdala ng ipinangakong Mesiyas ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ang Nazarenang si Mariang Birhen ay itinalaga ng Diyos upang maging bagong Kaban ng Tipan at unang Tabernakulo nang sa gayon ay matupad Niya ang Kanyang tugon sa daing, hiling, at samo ng tanan na tubusin sila mula sa pagkaalipin sa kasalanan, kadiliman, at kamatayan. Dahil sa pag-ibig, habag, at awa ng Diyos, ipinasiya Niyang iligtas ang sangkatauhan. Kaya naman, ang unang bahagi ng planong binuo ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan ay ang pagligtas sa Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanan bago siya isilang sa lupa. Sa pamamagitan nito, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen na Kanyang pinili't hinirang ay ginawa Niyang marapat maging Ina ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Kaya naman, ang bati ng Arkanghel San Gabriel sa Mahal na Inang si Mariang Birhen sa salaysay ng Anunsasyon o ang Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon na itinampok sa Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nagsimula nang ganito: "Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos! Sumasaiyo ang Panginoon!" (Lucas 1, 28). Ang mga salitang ito ay pagkilala sa babaeng hinirang ng Diyos sa lahat ng mga babae sa kasaysayan ng mundo upang maging unang Tabernakulo at Bagong Kaban ng Tipan. Ang babaeng ito mula sa bayan ng Nazaret na itinalaga ng Diyos upang maging Ina ng Panginoong Jesus Nazareno ay nagbigay naman ng taos-puso niyang pagtalima sa Kanya bilang tugon sa paghirang at pagtalaga sa kanya ng Diyos (Lucas 1, 38).

Pinatotohanan naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa araw na ito ang kagandahang-loob ng Panginoon. Sabi ni Apostol San Pablo na itinalaga tayo bilang mga anak ng Diyos dahil sa Kanyang kagandahang-loob na nahayag sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Niloob Niyang makipag-isa tayo kay Hesus upang maging Kanyang mga anak dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob (Efeso 1, 4-5). Ang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos na inihayag sa lahat ng Poong Jesus Nazareno ay ang dahilan kung bakit Niya tayo iniligtas. Ito rin ang dahilan kung bakit bago Niya ipagkaloob ang Poong Jesus Nazareno bilang ating Tagapagligtas at Mesiyas, iniligtas muna Niya mula sa bahid ng kasalanan ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. 

Dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, pinakinggan ng Diyos mula sa kalangitan ang mga daing, samo, at hiling ng Kanyang bayan na iligtas sila. Bilang tugon, ipinagkaloob Niya si Jesus Nazareno upang maging ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Subalit, bago Niya ipinagkaloob si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang babaeng Kanyang hinirang at itinalaga upang dalhin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan si Jesus Nazareno na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, ay iniligtas Niya mula sa bahid ng kasalanan. Sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawang ito, inihayag ng Panginoong Diyos na lagi Siyang nakikinig sa atin. 

Mabuti pa ang Diyos, pinakikinggan tayo. Tayo ba, nakikinig rin ba tayo sa Kanya? Ang ating mga puso at isipan ba ay laging bukas sa Kanya? Ang ating debosyon sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay naipapakita rin ba natin sa pamamagitan ng pakikinig at pagtalima sa Kanya? 

Sabado, Nobyembre 19, 2022

PAGHAHANDA PARA SA PAGDATING NG NAZARENO

4 Disyembre 2022 
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A) 
Isaias 11, 1-10/Salmo 71/Roma 15, 4-9/Mateo 3, 1-12 

Sermon of Saint John the Baptist (circa 1695) by Jan Reisner (1655-1713), from the Collection of the Church of St. Francis de Sales in Krakow, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Tuwing sasapit ang Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon, ang pangangaral ni San Juan Bautista sa ilang tungkol sa pagsisisi sa kasalanan ay laging isinasalaysay sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan nito, itinutuon ang ating pansin sa halaga ng pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan habang hinihintay at pinaghahandaan natin ang pagdating ng Panginoon. Habang hinihintay at pinaghahandaan natin ang Kanyang pagdating, dapat nating pagsisihan at talikuran ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Para kay San Juan Bautista, nararapat itong gawin ng tanan upang maging marapat ang lahat na salubungin ang Panginoong Diyos. 

Buong sigasig na itinuro ni San Juan Bautista sa simula ng salaysay sa Ebanghelyo na dapat pagsisihan at talikdan ang kasalanan dahil nalalapit na ang paghahari ng Diyos (Mateo 3, 1-2). Isinasalungguhit ni San Juan Bautista sa mga salitang ito sa kanyang pangaral ang halaga ng pagbabalik-loob sa Diyos bilang tanda ng pagbukas natin ng ating mga sarili sa Kanya. Taos-puso nating ipinapahayag nang buong kababaang-loob ang pagpanig at pagtanggap sa Diyos bilang ating Hari at Tagapagligtas. Kung gagawin natin ito, magiging busilak ang ating mga puso at loobin. Nararapat lamang na dalisayin at gawing busilak ang ating mga puso at loobin sa ating paghahanda ng sarili para sa pagdating ng Panginoon. 

Ang tema ng pangaral ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo ay ang halaga ng pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang temang ito ay tinalakay rin sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung ano ang mga magaganap sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Ang tunay na katarungan, kapayapaan, at katapatan ay Kanyang paiiralin. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo ang dahilan kung bakit dumating sa mundo ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sabi niya na dumating sa mundong ito si Kristo Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, upang iligtas ang lahat. Ang pagtubos ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay pagtupad sa Kanyang pangako sa Lumang Tipan at paghayag ng habag at pag-ibig para sa lahat (Roma 15, 8-9). Ito ang dahilan kung bakit dapat talikuran at pagsisihan ang kasalanan habang ang pagdating ng Mahal na Poon ay buong galak at kababaang-loob nating pinaghahandaan at pinananabikan.  

Hindi lamang nating pinaghahandaan ang ating mga sarili para sa taunang paggunita sa pagsilang ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na ipinagdiriwang tuwing ika-25 ng Disyembre. Bagkus, pinaghahandaan rin natin sa panahong ito ang Kanyang muling pagdating bilang Dakilang Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao sa wakas ng panahon na hindi alam ng sinuman dito sa mundo kung kailan ito. Higit sa lahat, pinaghahandaan rin natin ang mga 'di inaaasahang sandaling darating Siya sa ating buhay upang dalawin tayo. Sa pagdating ng Poong Jesus Nazareno, ano ang makikita Niya sa ating mga puso at loobin? 

Patuloy tayong binibigyan ng pagkakataong paghandaan nang  mabuti ang ating mga sarili para sa pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno. Huwag nating sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Poong Jesus Nazareno na paghandaan ang Kanyang pagdating. Ating pagsisihan at talikdan ang makasalanang pamumuhay at magbalik-loob sa Kanya. Kapag ito ang ating gagawin, ang ating mga puso, isipan, at loobin ay Kanyang dadalisayin at gagawing busilak. Ito ang nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Salubungin natin Siya nang may mga pusong Kanyang dinalisay at ginawang busilak. Ang mga pusong Kanyang dinalisay at binusilak ay tanda ng ating taos-pusong pagbukas ng sarili sa Kanya at pagtanggap sa Kanya bilang Dakilang Hari at Manunubos. 

Biyernes, Nobyembre 18, 2022

ANG ATING PINANANABIKAN AT PINAGHAHANDAAN

2 Disyembre 2022 
Biyernes ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Isaias 29, 17-24/Salmo 26/Mateo 9, 27-31 

This image from Good News Productions International and College Press Publishing via Free Bible Images (FreeBibleimages.com) is under an Attribution-NonCommercial-NoDerivatives 4.0 International (CC BY-NC-ND 4.0) License.

Tuwing sasapit ang Panahon ng Pagdating ng Panginoon na tinatawag ring panahon ng Adbiyento, itinuturo ng Simbahan ang halaga ng paghihintay at paghahanda. Ang bawat isa sa atin ay mayroong pinananabikan at pinaghahandaan. Ipinakilala sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang dahilan kung bakit tayo naghihintay at naghahanda, lalung-lalo na tuwing sasapit ang panahon ng Adbiyento. 

May darating. Subalit, ang darating ay hindi isang bagay. Kaya, hindi dapat tanungin kung ANO ang darating. Bagkus, ang dapat nating tanungin ay SINO. Sino nga ba ang darating? Gaano ba siya ka-espesyal? Bakit ganyan siya ka-espesyal? Bakit ba nating pinaghahandaan at hinihintay ang kanyang pagdating? Ano nga ba ang gagawin niya sa kanyang pagdating?

Inilarawan sa Unang Pagbasa ang mga mangyayari sa pagdating ng ating hinihintay at pinaghahandaan. Sa Unang Pagbasa, inihayag na makakakita ang mga bulag, ang mga bingi ay makakarinig, ang mga may kababaang-loob ay idadakila, at ang mga sinungaling, mapang-api, gahaman, at nagpapairal ng iba't ibang uri ng katiwalian sa lipunan at sa buong mundo ay parurusahan at lilipulin ng Panginoon (Isaias 29, 18-21). Ang kadiliman, katiwalian, at kasamaan ay mapapalitan ng liwanag, katarungan, kabutihan, at higit sa lahat, kabanalan. Inihayag rin ng Diyos sa Unang Pagbasa na hindi magluluwat at sasapit rin ang panahong Kanyang itinakda upang tuparin ang pangakong ito. Sa Ebanghelyo, ipinakilala kung sino ang tutupad sa pangakong ito ng Diyos sa Matandang Tipan - ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dalawang bulag na buong kababaang-loob na lumapit at nagmakaawa sa Kanya ay Kanyang pinagaling. Nakakita ang dalawang lalaking bulag dahil sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Sabi nga sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, "Panginoo'y aking tanglaw, Siya'y aking kaligtasan" (Salmo 26, 1a). Ginawa ito ng Panginoong Jesus Nazareno noong una Siyang dumating sa sanlibutan bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Muli Niya itong gagawin sa tuwing dumarating Siya sa ating piling sa pang-araw-araw na buhay ng bawat isa sa atin at higit sa lahat sa muli Niyang pagbabalik sa wakas ng panahon bilang Dakilang Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao. Ang masaya nating hinihintay at pinaghahandaan ay yaong bukal ng tunay na kaligtasan, katarungan, at liwanag na walang hanggan - ang Panginoong Jesus Nazareno. 

Bakit tayo nananabik at naghahanda sa panahong ito? Itinutuon ng Simbahan ang ating pansin, ang ating mga mata, ang ating mga puso, at ang ating mga isipan sa tunay na dahilan ng ating paghihintay at paghahanda. Ang tangi nating hinihintay at pinaghahandaan ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Si Jesus Nazareno na darating upang magkaloob ng tunay at walang hanggang kaligtasan, kalayaan, katarungan, at liwanag ay ating hinihintay at pinaghahandaan. 

Huwebes, Nobyembre 17, 2022

PAGSALUBONG SA MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO

27 Nobyembre 2022 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A) 
Isaias 2, 1-5/Salmo 121/Roma 13, 11-14a/Mateo 24, 37-44 

Leandro Bassano (1557-1622), The Last Judgment (circa 1595), from the National Museum of Western Art Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is a faithful reproduction of the said work of art. 

Taun-taon, tuwing sisimulan ang isang panibagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan sa pamamagitan ng Unang Linggo ng Panahon ng Pagdating ng Panginoon, laging itinatampok at pinagninilayan sa Ebanghelyo ang isa sa mga pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagdating sa wakas ng panahon. Sa pamamagitan nito, ipinapaalala ng Simbahan na ang Panahon ng Adbiyento ay hindi lamang isang panahon ng paghihintay at paghahanda para sa paggunita sa Kanyang unang pagdating bilang isang munting sanggol sa sabsaban sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno tuwing sasapit ang ika-25 ng Disyembre taun-taon kundi isa ring panahon upang lalo nating mapaghandaan ang ating mga sarili para sa Kanyang Muling Pagdating sa wakas ng panahon. 

Walang sinuman sa atin sa mundong ito ang nakakaalam kung kailan magwawakas ang panahon. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na nga mismo ang nagsabi sa isa sa Kanyang mga pangaral tungkol sa paksang ito na tanging ang Amang nasa langit lamang ang nakakaalam kung kailan ang araw na iyon (Mateo 24, 36). Sa Kanyang pangaral tungkol sa nasabing paksa na inilahad sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, inihalintulad pa nga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa araw at oras ng pagdating ng baha noong panahon ni Noe at maging sa oras ng pagdating ng magnanakaw sa gabi ang Kanyang Ikalawang Pagdating sa wakas ng panahon (Mateo 24, 37-39. 42-44). Sa pamamagitan ng mga paghahalintulad na ito, idinidikit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang isa sa mga mahahalagang detalye tungkol sa Kanyang pagdating bilang Dakilang Hukom sa wakas ng panahon. Hindi malalaman ng sinumang tao sa mundong ito kung kailan ang araw at oras ng Kanyang Ikalawang Pagdating. Hindi taglay ng sinumang tao sa mundong ito ang kakayahang alamin at hulaan nang tama kung kailan nga ba talaga iyon. 

Dahil walang sinuman sa mundong ito ang nakababatid kung kailan nga ba talaga ang nasabing araw at oras, ipinapaalala ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang halaga ng pagiging handa sa lahat ng oras. Kinakailangan nating gamiting mabuti ang bawat oras at araw sa paghahanda ng ating mga sarili para sa pagdating ng Poong Señor Jesus Nazareno bilang Dakilang Hukom. Kung nais nating salubungin nang may taos-pusong  galak at pag-ibig ang Panginoong Jesus Nazareno sa Kanyang Muling Pagdating, kailangan nating ilaan ang bawat oras at araw na ibinibigay sa atin upang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanya bilang paghahanda para sa araw at oras ng Kanyang Pagdating. 

Inilarawan ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa ang lahat ng mga ibinunyag sa kanya ng Panginoong Diyos sa isang pangitain tungkol sa mga huling araw. Ang mga huling araw ay inilarawan ni Propeta Isaias bilang panahon ng galak, kaligtasan, liwanag, at kapayapaan para sa lahat. Ang dahilan nito ay walang iba kundi ang Diyos. Dahil sa Diyos, magkakaroon ng galak, kaligtasan, liwanag, at kapayapaan ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Dagdag pa nga ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, nalalapit na rin ang panahong ililigtas ng Panginoon ang mga tapat sa Kanya hanggang sa huli. Sa pagdating ng Nazarenong si Kristo Hesus, ang lahat ng mga magpapasiyang maging tapat sa Kanya hanggang sa huli ay hindi Niya pagkakaitan ng walang hanggang biyaya. Bagkus, biyayaan sila ng Poong Señor ng walang hanggang galak, pag-asa, kaligtasan, liwanag, kapayapaan, at buhay. 

Sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D'yos" (Salmo 121, 1). Ito ang nais ng Panginoong Jesus Nazareno para sa bawat isa sa atin na umiibig, nagpupuri, nagpapasalamat, at sumasamba sa Kanya. Pagdating ni Jesus Nazareno, ano ang makikita Niya sa ating mga puso? Galak dahil tayong lahat ay Kanyang ililigtas at isasama sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman? 

Hindi natin alam kung kailan darating muli ang Panginoong Jesus Nazareno. Subalit, dapat nating panabikan at paghandaan ang Kanyang Muling Pagdating sapagkat ang biyaya ng Kanyang walang hanggang pagliligtas, liwanag, galak, at buhay ay Kanyang ipagkakaloob sa mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. Ang mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno ay buong galak na nananabik at naghahanda ng kanilang mga sarili nang mabuti para sa Kanyang pagdating. Hindi nila binabalewala ang bawat araw at oras na ibinibigay sa kanila ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang paghandaan ang kanilang mga sarili para sa Kanyang pagdating. Araw-araw silang nagsisikap tahakin ang landas ng kabanalan bilang pagsasabuhay ng kanilang taos-pusong debosyon, pag-ibig, pagpuri, pasasalamat, at pagsamba sa Kanya. 

Sabado, Nobyembre 5, 2022

ANG HARING NAKASUOT NG KORONANG TINIK AT NAKAPAKO SA KRUS

20 Nobyembre 2022 
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K) 
2 Samuel 5, 1-3/Salmo 121/Colosas 1, 12-20/Lucas 23, 35-43 

 Jan van Eyck (c. 1390-1441), Figure of Christ from the Ghent Altarpiece: Adoration of the Lamb (1432), is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.

Laging itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa pagiging tunay at dakilang Haring walang hanggan ng Panginoong Hesus. Araw-araw, taun-taon, kahit kailan, sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa mundong ito, laging itinuturo at ipinapaalala sa atin ng Simbahan na tanging si Kristo Hesus lamang ang tunay at walang hanggang Hari upang hindi natin makalimutan ang katotohanang ito. Para sa Simbahan, hindi dapat malimutan ng bawat Kristiyano ang katotohanang ito. Kaya naman, lagi tayong isinasanay ng Simbahan na kilalanin, papurihan, parangalan, pasalamatan, sambahin, mahalin, at sundin ang tunay at walang hanggang Dakilang Hari na si Kristo Hesus. 

Ang Huling Linggo sa Kalendaryo ng Simbahan ay inilaan para sa napakamaringal at napakaespesyal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan. Bakit nga ba napakaespesyal ng pagdiriwang na ito? Hindi ba araw-araw naman nating ipinagbubunyi, pinararangalan, pinupuri, at sinasamba si Kristong Hari? Bakit kailangan ng ganitong pagdiriwang? Bagamat araw-araw nating pinararangalan, pinupuri, pinasasamalatan, kinikilala, sinasamba, ipinagbubunyi, at iniibig si Kristong Hari, napakaespesyal ang araw na ito bilang Kanyang Simbahan. Sa taunang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahang ito, ipinapaalala sa atin na magwakas man ang lahat ng bagay, isa lamang ang mananatili - ang kaharian ni Hesus. 

Subalit, kakaibang larawan ng Hari ang itinatampok sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang tunay at walang hanggang Dakilang Hari na walang iba kundi si Hesus ay hindi nakaluklok sa isang maringal na trono na may hawak na sedro. Katunayan, hindi rin gawa sa ginto ang koronang Kanyang suot sa Ebanghelyo. Bagkus, ang koronang Kanyang suot ay gawa sa tinik at nakapako Siya sa isang kahoy na krus sa Bundok ng mga Bungo na kilala rin bilang Golgota o Kalbaryo. Kaliwa't kanan ang walang tigil na paglibak ng Kanyang mga kaaway sa Kanya. Sa halip na bigyan Siya ng pugay, walang tigil na insulto at pangungutya mula sa mga tao ang Kanyang tinanggap. Isa lamang ang kumilala sa Kanya bilang Hari - si Dimas na isang salarin na buong kababaang-loob na nagtika't nakiusap kay Hesus na huwag siyang limutin. 

 'Di hamak na mas maringal ang kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa kaysa sa kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Mas angkop pa nga sa paksa ng pagiging hari ang kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa kaysa sa kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Sa Unang Pagbasa, pinahiran ng langis ang noo ni Haring David bilang hudyat ng simula ng kanyang pagiging hari ng Israel. Sa Ebanghelyo, ang tunay at walang hanggang Hari na si Kristo Hesus ay nakapako sa krus. 

Paano nangyari ito? Ang tunay at walang hanggang Dakilang Hari na si Hesus na higit na dakila kaysa sa ninuno Niyang si Haring David ay walang tigil na nilibak at kinutya habang nakapako Siya sa krus? Anong uri ng lohika ito? Bakit nangyari ito? Bakit kung sino pa ang pinakadakila sa lahat ay Siya pang walang tigil na ininsulto ng Kanyang mga kaaway at walang awa nilang pinatay sa pamamagitan ng pagpako sa Kanya sa krus? Kung sino pa yung pinakadakila, Siya pa yung kaawa-awa at walang kalaban-laban. Kung sino pa yung pinakadakila, Siya pa yung pinakamahina. 

Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo ang dahilan kung bakit si Kristo ay naging mahina sa kabila ng Kanyang pagiging tunay at walang hanggang Dakilang Hari sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na iniligtas tayo mula sa kasalanan at kadiliman sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Ang bawat isa sa atin na binihag ng kasalanan at kadiliman ay pinalaya ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Dahil tayong lahat ay iniligtas at pinalaya ni Kristo Hesus, ibinilang rin tayo sa Kanyang kaharian. Dahil sa Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus, tayong lahat ay naging bahagi ng Kanyang kaharian. Niloob ito ng Ama dahil sa Kanyang pag-ibig. 

Tayong lahat ay inaanyayahan ni Kristong Hari, ang tunay at walang hanggang Haring nakapako sa Krus, na maging bahagi ng Kanyang mga pinaghaharian. Dahil sa pag-ibig Niyang tunay ngang dakila, ipinasiya ni Kristong Hari na ibigay ang Kanyang sarili bilang handog upang maligtas at mapalaya tayo mula sa kadiliman at kasalanan. Ang hangad ng tunay at walang hanggang Dakilang Hari na si Hesus ay matanggap natin ang pagkakataong ito upang makasama natin Siya sa langit magpakailanman. Ito ang dakilang pag-ibig ni Kristong Hari. 

Hieronymous Francken I (1540–1610), The Crucifixion (between 1555 and 1610), from The Knohl Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to is age.

Biyernes, Nobyembre 4, 2022

ANG WAKAS NG PANAHON

13 Nobyembre 2022 
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Malakias 3, 19-20a/Salmo 97/2 Tesalonica 3, 7-12/Lucas 21, 5-19 

Jose Bermudo Mateos (1853-1920)Eudoro y Cimodocea en el anfiteatro (1884), from the Museo del Prado Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to is age.

Muling itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa mga katotohanan tungkol sa wakas ng panahon. Pansamantala lamang ang buhay sa mundong ito. Subalit, hindi lamang ang buhay sa mundo ang kaisa-isang bagay na pansamantala lamang. Pati na rin ang mismong mundong ito ay pansamantala lamang. Ang daigdig na ito ay hindi mananatili magpakailanman. Mayroong wakas ang mundong ito. Kaya naman, pinagninilayan nang buong kataimtiman ang wakas ng panahon sa tuwing papalapit ang wakas ng Liturhikal na Taon o Siklo sa Kalendaryo ng Simbahan. Ang buhay sa daigdig na ito at ang mismong daigdig na ito ay hindi pang-magpakailanman. 

Ang mga salita ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Malakias ay isang pahayag tungkol sa Kanyang gagawin pagsapit ng araw ng Kanyang pagdating. Ang Diyos ay darating upang parusahan ang mga palalo't masasama at iligtas ang lahat ng mga matutuwid na tumatalima't sumusunod sa Kanya nang buong kababaang-loob. Mapapahamak at parurusahan magpakailanman ang mga masasamang taong tatakwil sa Panginoon na laging nagbibigay ng pagkakataon sa kanilang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya noong namumuhay pa sila sa daigdig na ito. Ang mga nagsisikap maging tapat at masunurin sa kalooban ng Panginoon hanggang wakas ay pagkakalooban ng kaligtasan at buhay na walang hanggan. 

Sa Ebanghelyo, inilahad ang mga katagang binigkas ni Hesus tungkol sa wakas ng panahon. Una Siyang dumating sa mundo noong unang panahon bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na isinugo ng Amang nasa langit upang iligtas ang lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Sa wakas ng panahon, darating muli si Hesus bilang Dakilang Hukom. Bagamat sa mga sandaling iyon ay nasa gitna Siya ng pagtupad ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas, si Hesus ay nagsalita na tungkol sa mga magaganap sa mga huling araw hanggang sa wakas ng panahon. Nagbigay Siya ng babala tungkol sa mga dapat asahan ng mga apostol at ng mga susunod na henerasyon ng mga Kristiyano bago sila pumanaw o kaya naman ang wakas ng panahon, anuman ang mauna. Sa totoo lamang, marami rin ang  mamamatay bago sumapit ang wakas ng panahon. 

Ilan sa mga inilarawan ni Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa mga magaganap bago ang wakas ng panahon ay ang paglitaw ng mga bulaang propeta. Isa lamang ang balak ng mga bulaang propetang ito. Ang kanilang balak ay linlangin ang ibang mga tao para lamang sa sarili nilang mga interes. Ang Panginoong Diyos ay gagamitin pa nga nila upang maisakatuparan ang kanilang masasamang balak. Mambubudol sila ng kapwa para lamang maiangat ang kanilang mga sarili. Walang awa nilang sasamantalahin ang kapwa-tao, lalo ang mga dukha. Kahit mga dukha, sasagasaan at aapakan nila. Tapos, gagamitin nila bilang katuwiran ang kalooban ng Diyos. Ang kapal ng mukha. 

Kaya naman, ang babala sa atin ni Kristo ay maging maingat. Mayroon pang dagdag na babala si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Huwag maging tamad. Hindi lamang pagdating sa pang-araw-araw na buhay at tungkulin sa mundo kundi na rin sa ating espirituwal na pamumuhay. Sa mundong ito, ang kasipagan at katiyagaan ay mahalaga upang magkaroon ng magandang buhay. Kung paano natin itong sinisikap gawin sa pang-araw-araw na buhay, sa pisikal at pinansiyal na paraan, dapat lamang tayong maging masipag rin pagdating sa espirtuwal na aspeto ng ating buhay. Hindi dapat magpaloko sa mga manlilinlang, lalo na ang mga bulaang propeta. Dapat mag-ingat tayo mula sa tukso ng mga mapanlinlang at manloloko. Lagi rin nating suriin at pagbulay-bulayan ang kalooban ng Panginoong Diyos para sa atin at tuparin ito. Ito ang dapat nating gawin upang maihanda natin ang ating sarili para sa wakas. 

Hindi natin alam kung kailan magwawakas ang panahon. Katunayan, bagamat alam nating papanaw tayo sa mundong ito balang araw, hindi natin alam kung kailan iyon. Dahil dito, kinakailangan nating paghandaan ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pagsisikap na tahakin ang landas ng kabanalan araw-araw upang makamit natin ang awa ng Dakilang Hukom na walang iba kundi si Hesus. Kung nais nating kalugdan at kahabagan tayo ni Kristo Hesus, ang Dakilang Hukom, huwag tayong maging tamad. Lagi tayong magsumikap na maging mabuti at banal. Huwag tayong magpaloko o magpabudol sa mga nagpapakilalang Mesiyas sapagkat tanging si Hesus lamang ang tunay at nag-iisang Mesiyas na ipinagkaloob sa atin ng Amang nasa langit. 

Huwebes, Nobyembre 3, 2022

SAGRADONG TAHANAN

9 Nobyembre 2022 
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22 

Giacomo van Lint (1723-1790), The Basilica of Saint John Lateran, Rome (c. 1790), is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.

Isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang isa sa mga sandaling si Hesus ay nagpakita ng galit. Ang galit ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo ay bunga ng Kanyang pag-ibig at malasakit para sa Templo na tahanan ng Ama (Juan 2, 16). Ang presensya ng Diyos sa Templo ay hindi na pinansin o binigyan ng halaga. Ang Templo ay hindi lamang basta gusali na itinayo ng mga tao. Bagkus, ito ay tahanan ng Diyos. Sinasagisag ng Templo ang pasiya ng Diyos na manahan sa piling ng tao. Iyon nga lamang, hindi na pinahalagahan ng mga tao ang pasiyang ito ng Panginoon na isang malinaw na pagpapamalas ng Kanyang pag-ibig at habag para sa tao. 

Ang Templo ng Diyos ay inilarawan sa Unang Pagbasa bilang isang bukal kung saan umaagos ang tubig papunta sa iba't ibang lugar. Ang biyaya ng Diyos ay umaagos at dumadaloy mula sa Kanyang Templo. Ito ang dahilan kung bakit sagrado ang tahanan ng Panginoong Diyos. Mula sa Kanyang tahanan, dumadaloy ang Kanyang biyaya. Bagamat ang Panginoong Diyos ay nananahan sa Kanyang maluwalhati at walang hanggang kaharian sa langit, ipinasiya Niyang manahan rin sa piling ng mga tao sa Templo upang maibuhos at matanggap ng mga tao ang Kanyang biyaya. Ang maka-langit na biyaya ng Diyos ay Kanyang pinaaagos mula sa Templo. 

Kaya, gayon na lamang ang galit ni Hesus sa Ebanghelyo. Sa halip na mabighani at maakit ang mga tao sa dahilan kung bakit itinayo ang gusali ng Templo, itinuring na itong isang gusali lamang. Kinalimutan nila kung bakit itinayo ang Templo. Sa Templo, nananahan ang Diyos. Iyon nga lamang, ang puso ng mga tao ay napakalayo mula sa Diyos. Tila, wala nang halaga para sa habag at biyaya ng Diyos ang mga tao. 

Sa Ikalawang Pagbasa, pinaaalalahanan ni Apostol San Pablo ang mga Kristiyano na dapat ingatan ang katawan dahil ito ang Templo ng Diyos. Ipinahiram lamang ito sa atin ng Diyos. Subalit, ang ating mga katawan ay mga templo ng Espiritu Santo. Kaya, hindi natin dapat abusuhin ang ating mga katawan. Ang ating mga katawan ay dapat ingatan nang mabuti sapagkat ang mga ito ay gusali ng Panginoong Diyos. Ang ating mga katawan ay sagrado dahil mga templo ito ng Diyos. 

Hindi dapat limutin ang kasagraduhan ng tahanan ng Diyos. Ang tahanan ng Diyos ay ang bukal ng Kanyang biyaya. Mula sa tahanan ng Panginoon, umaagos ang Kanyang biyaya. Hindi lamang ito tumutukoy sa mga gusaling Simbahan, kundi sa ating lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo Hesus.