Linggo, Hunyo 30, 2013

KALAYAAN: SUSI NG PAGSUNOD AT PAGLINGKOD SA DIYOS

Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon 
(1 Hari 19, 16b. 19-21/Salmo 15/Galacia 5, 1. 13-18/Lucas 9, 51-62) 

Si Hesus ay patungo sa Herusalem sa ating Mabuting Balita. Ito'y upang maharap ni Hesus ang Kanyang tadhana. Ang Kanyang tadhana ay hindi maganda sa paningin ng tao o ng mundo. Bakit? Kamatayan sa Krus ang Kanyang tadhana. Hindi dapat ito danasin ng isang tao katulad ni Kristo. Ngunit, dahil sa pagmamahal Niya sa Diyos at sa kapwa, hindi Siya naging duwag. Hindi Niya inisip ang Kanyang kapakanan. Sa halip, inisip Niya ang kapakanan ng sangkatauhan. Siya'y naging malaya upang paglingkuran ang Diyos at ang kapwa. 

Sa unang bahagi ng ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin na ayaw tanggapin ng mga Samaritano si Hesus. Ito ay dahil alam nilang papunta Siya sa Herusalem. Pupunta ang Panginoon at ang mga alagad sa Samaria upang makahanap sila ng matuluyan. Pero, ang problema ay ayaw tanggapin ng mga Samaritano si Kristo dahil papunta Siya ng Herusalem. Kaya, wala silang lugar upang makapagpahinga. 

Dahil doon, tinanong nina Santiago at Juan kung payag ang Panginoon na gumanti sila laban sa kanila. Payag ba ang Panginoon na parusahan ang mga Samaritano? Hindi. Pinagsabihan pa nga ang Kanyang mga alagad na nag-iisip ng masamang balak sa Samaritano. Ang iniisip ng magkapatid ay hindi wastong paggamit ng kalayaan mula sa Diyos. 

Sabi ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia sa Ikalawang Pagbasa, ang kalayaan ay isang pagpapala't biyaya mula sa Diyos. Ang kalayaan ibinigay sa atin ng Diyos upang paglingkuran at mahalin ang kapwa-tao. Hindi ginagamit ang ating kalayaan mula sa Diyos upang bumalak ng masama laban sa kapwa o kaya sa Diyos. Dahil, kung gayon, ubos na tayong lahat. Inaabuso natin ang kalayaang ibinigay sa atin ng Diyos. Hindi iyon ang gusto ng Diyos. Ang gusto ng Diyos - maglingkod at magmahalan tayo. Iyan ang regalo ng kalayaan ng Diyos. 

Dumako naman tayo sa ikalawang bahagi ng ating Ebanghelyo.  Mapapakinggan natin ang mga maaring sumunod kay Hesus. Ang una'y nagsalita kay Hesus. Sinabi niyang, "Susundan kita kahit saan." Pero, patalinghaga ang sagot ni Hesus. Ang ibig sabihin ng sagot ni Hesus sa taong ito, "Seryoso ka ba sa sinabi mo? Kung sumunod ka sa akin, may mga pagsubok na haharapin mo." 

Mahirap ang sumunod kay Hesus. Kung ang hanap natin ay ginhawa, aba, kay Hesus, may ginhawa. Pero, ang mahirap pa, hindi natin matatakasan ang pagsubok. Ang pagsubok ay nangyayari palagi. Kahit saan tayo pumunta, ang daming pagsubok na kinakailangan nating harapin. Si Kristo, gayon din. Kinakailangan Niyang tiisin ang walang matuluyan o mapagpahingahan. Iyan ang mahirap. Pero, si Kristo, tinitiis Niya ang mga paghihirap na ito, lalung-lalo na noong namatay sa Krus. 

May pangalawa naman. Siya'y tinawag ni Hesus. Ngunit, nagpalaam naman ang taong ito sa Panginoon na ilibing muna ang kanyang ama na namatay. Ang isa naman, tumugon ng ganito, papaalam muna siya sa kanyang pamilya at kasambahay. Ito ang tugon ng ilan sa mga tinawag ng Panginoon sa ating Ebanghelyo bago sila sumunod sa kanila. 

Ngayon, ano naman ang tugon ni Hesus sa mga sinabi nila. Sinabi Niyang hayaang ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay. Ngayon, nagiging disrespeto ba dito si Kristo? Tinutruan ba Niyang kalimutan ang pamilya? Sa unang dinig, parang walang galang si Hesus sa sinabi Niya. Para bang malupit ang mga sinabi ni Hesus. Nakakasakit ng damdamin para sa isang taong nagmamahal sa pamilya.

Balikan natin ang Unang Pagbasa. Si Eliseo ay tinawag ng Diyos upang maging kahalili ng dakilang propetang si Elias. Noong sinabi ni Eliseo kay Elias na magpapaalam muna siya sa kanyang pamilya, pumayag si Elias. Ibinigay ni Eliseo ang lahat ng ari-arian niya sa mga tao. Nagkawang-gawa si Elias, gumawa siya ng mabuti para sa kanyang kapwa-tao. Ang hindi niya kailangan, ibinigay sa kanyang kapwa-tao, lalung-lalo na ang mahihirap. Sa gayon, wala nang humarang kay Eliseo na gampanan ang kanyang misyon sa paglilingkod sa Diyos. 

Ngayon, bumalik naman tayo sa Ebanghelyo. Sa unang dinig, mukhang mas mabait ang propeta Elias kaysa kay Hesus. Pero, si Hesus ay higit na dakila kay Elias. Si Hesus ay hindi lamang propeta, Siya ang Anak ng Diyos. Si Hesus ay ang Mesiyas. May mga sinasabi Siyang literal at may ilan Siyang sinabi na hindi literal. Itong sinabi Niyang patungkol sa paglilibing ng patay, ano ang ibig sabihin Niya doon? 

Ang ibig sabihin ni Hesus, dapat seryoso tayo sa paglilingkod at pagsunod sa Diyos. Hindi dapat ginagawang gimik, trip, o biruan ang pagsunod sa Panginoon. Katulad ng mga bokasyon sa buhay, halimbawa, pagpapari. Dapat buong-buo, tapat, seryoso, walang pasubali, ang ating intensyon sa pagsunod sa Panginoon. Mahalin pa rin natin ang ating pamilya at ang ating kapwa-tao. Ang pag-ibig ang susi sa kalayaan. At ang kalayaan ang susi sa pagsunod at paglingkod sa Diyos. 

Sabado, Hunyo 29, 2013

SAN PEDRO AT SAN PABLO APOSTOL: MGA DAKILANG APOSTOL NG PANANAMPALATAYA

Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at Pablo 
(Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19) 

Ang araw po na ito ay napakahalaga para sa atin. Sapagkat sa araw na ito, ginugunita natin ang dalawang dakilang santo ng Simbahan. Sila po ay walang iba kundi sina San Pedro at San Pablo Apostol. Ginabayan nilang dalawa ang mga sinaunang Kristiyano. Dahil sa pananampalataya nila kay Kristo, sila'y namatay bilang mga martir. Namatay sila para kay Kristo at para sa pananampalataya sa Kanya. 

Bago po naging mga apostol ang dalawang Santong ito, magkaiba ang kanilang mga ginawa. Si San Pedro Apostol ay isang mangingisda, katulad nina San Andres, Apostol Santiago, at San Juan Apostol. Samantala, si San Pablo naman ay isa na namang Pariseo dati. May mga dating pangalan ang dalawang santong ito. Ang pangalan ni San Pedro Apostol dati ay Simon. Gayon din si San Pablo Apostol. Saulo ang dating pangalan ni Apostol San Pablo. 

Nagbago ang buhay ng dalawang Santo ito sa pamamagitan ng pagkatagpo kay Hesus. Silang dalawa ay personal na nakatagpo sa Panginoon. Una, si San Pedro Apostol. Nakipagkita si Hesus kay Simon Pedro noong nangingisda siya kasama ang kanyang kapatid na si Andres, Santiago, at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Magdamag silang nangisda, ngunit wala silang nahuli. Pero, noong dumating si Hesus, umupo Siya sa bangka upang mangaral sa mga tao. Kabilang sa mga nakinig sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan.

Pagkatapos mangaral sa mga tao, sinabi ni Hesus kay Simon Pedro na pumalaot at ihulog ang mga lambat upang makahuli sila ng isda. Wala silang nahuli magdamag. Alam ni Pedro na magdamag silang nanghuhuli ng isda, hindi sila nakahuli kahit isa mang isda. Pagod na pagod sila mula sa ginawa nila. Pero, sumunod pa rin si Simon Pedro sa sinabi ni Hesus. Uulitin nila ang ginawa nila magdamag at susubukin muli upang makahuli sa mga isda. 

Noong hinulog nina San Pedro, sangdamakmak ang mga isdang hinuli nila. Ang daming isdang nahuli nila. Sa sobrang dami ng mga isda, hindi makapaniwala si San Pedro. Marami silang nahuling isda na para bang muntik nang lumubog ang kanilang mga bangka. Inamin ni San Pedro na siya'y isang makasalanan. Alam niyang nasa harapan niya si Hesus. Ngunit, hinirang pa rin ni Hesus ang apat na mangingisdang ito. Ang apat na mangingisda ay ang unang mga alagad. Sa pamamagitan nito, nagbago ang buhay ni Apostol San Pedro. 

Ngayon, pag-usapan natin si San Pablo. Si San Pablo, na dating kilala bilang Saulo, siya yung taga-usig ng mga sinaunang Kristiyano. Ipinagtatanggol niya ang pananampalatayang Hudaismo. Dahil sa pagtatanggol sa pananampalataya at tradisyon ng mga Hudyo, nabulag siya. Hindi lamang niya nais usigin, nais niyang patayin at wakasin ang Kristiyanismo. 

Pero, nagbagong buhay si Apostol San Pablo. Nagbagong buhay siya noong papunta siya ng Damasco. Habang papunta siya sa Damasco, biglang kumislap ang isang nakakasiliw na liwanag mula sa langit. At may narinig siyang tinig mula sa langit. Hindi niya nakilala kung sino ang nagsasalita. Ipinakilala ng tinig kung sino ang kinakausap ni Saulo - si Hesus. Si Hesus na muling nabuhay at umakyat sa langit ang nagsasalita kay Saulo. 

Sinabi ni Hesus na Siya ang pinag-uusig ni Saulo. Sa pamamagitan ng pag-usig sa mga sinaunang Kristiyano, inuusig at sinasaktan ni Saulo si Kristo. Pagkatapos ng pagkatagpo ni Saulo kay Hesus, nabulag siya kahit nakabukas ang mga mata niya. Tatlong araw siyang bulag at hindi siya kumain o uminom ng anuman. Pero, naibalik sa kanya ang kanyang paningin sa tulong ni Ananias. 

Ngayon, noong naibalik ang paningin ni Saulo, bumalik ba siya dati? Hindi. Siya'y nagkaroon ng bagong buhay. Mula sa pagiging taga-usig ng mga Kristiyano, siya'y naging Kristiyano. Si Saulo ay naging Pablo at siya ay naging alagad ng Panginoong Hesukristo. Pinaglingkuran at nangaral tungkol sa Panginoong Hesukristo si San Pablo Apostol sa mga Hentil.

Dahil ipinaglaban nila ang pananampalataya kay Kristo, sila'y naging mga martir. Ipinagpatay sina San Pedro at San Pablo sa Roma. Si San Pedro ay ipinako sa krus, ngunit nakabaliktad. Hindi siya karapat-dapat mamatay, katulad ng Panginoong Hesukristo. Kaya, baliktad ang krus na kinamatayan niya. Samantala naman, si Apostol San Pablo, pinugutan ng ulo. Pero, kahit nasa bingit ng kamatayan, hindi nila isinuko at tumalikod mula sa pananampalataya kay Hesus. 

Naging matatag ang pananampalataya nina Apostol San Pedro at Pablo sa kabila ng mga pagsubok hinarap nila. Kahit naging mahirap para sa kanila ang kalimutan ang kanilang mga sarili, ginawa nila ito upang sumunod sa kalooban ng Diyos. Tinahak nila ang mga yapak ni Hesus bilang mamahayag ng Mabuting Balita. Marami man ang mga pagsubok hinarap nila, naging matatag pa rin ang pananampalataya nila sa Diyos. Hindi sila sumuko, ibinigay nila ang lahat ng makakaya nila para sa Diyos lamang. Kahit ang katumbas nito ang buhay nila sa mundo.

Ang nakatulong sa kanilang dalawa ay ang kanilang matatag na pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa Diyos, hinarap nila ang mga mangyayari sa kanila - mabuti man o masama. Hinarap nila nang buong pananalig kay Kristo ang kanilang kinabukasan, lalung-lalo na ang kanilang paglisan sa mundong ito na napakasakit danasin. Pero, dinanas nilang lahat ito para sa ikaluluwalhati ng Diyos.

Mga kapatid, nawa'y magkaroon tayo ng aral mula sa dakilang santong ito. Tularan natin ang pananampalataya nina Apostol San Pedro at Pablo. Ang tulong nila ay ang kanilang pananampalataya. Sa tulong ng kanilang pananampalataya sa Diyos, sila'y naging mga dakilang apostol at santo ng Santa Iglesya. Dapat matibay rin ang ating pananampalataya sa Diyos, tulad nina San Pedro at San Pablo. Sa tulong nito, makakaharap natin ang ating kinabukasan, kahit napakaraming pagsubok na haharapin natin sa kinabukasan.

Linggo, Hunyo 23, 2013

SAN JUAN BAUTISTA: HUWARAN NG PANINIDIGAN, PANANAMPALATAYA, AT PAGPAPAHAYAG NG MABUTING BALITA

Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista (K)
(Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80) 

Kapag napapakinggan natin ang pangalang, “Juan,” madalas ang unang mapapasok sa isip natin ang pangalang, “Juan Dela Cruz.”  Ito ang pangalan ng pangkaraniwang Pilipino na inililihim ang kanyang pangalan upang mapanatili ang pagiging pribado ng kanyang buhay.  Ang pinakamasikat na Juan Dela Cruz ngayon ay si Coco Martin.  Diba,  ilan sa ating mga Pilipino, nakatutok sa ABS-CBN Channel 2 kapag oras nang ipinapalabas ang “Juan Dela Cruz” pagkatapos ng TV Patrol, ayan, wala na.  Nakatutok sila sa TV para panoorin si Coco Martin sa Juan Dela Cruz na ipinapalabas sa ABS-CBN. Siguro isa ito sa mga paboritong programa sa telebisyon ng ilang mga Pilipino.

Sa araw na ito sa Kalendaryong Panliturhiya ng ating Simbahan, ipinagdirwang ng Simbahan ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista.  Siya ay ang kamag-anak at ang nagbinyag sa Panginoong Hesukristo.  Siya ang anak nina Zacarias at Santa Isabel na kamag-anak ng Mahal na Birheng Maria.  Ipinanganak siya ng kanyang inang si Elisabet sa kabila ng pagiging baog niya.

Katulad ni Maria, niligtas na siya ng Diyos mula sa minanang kasalanan noong ibinalita sa kanyang amang si Zacarias ng Arkanghel Gabriel tungkol sa kapanganakan niya.  Noong dinalaw ng Mahal na Ina si Santa Isabel, gumalaw sa tuwa mula sa tiyan ni Santa Isabel ang sanggol na si Juan.  Bakit?  Sapagkat nang marinig ni Elisabet ang tinig ng pagbati ni Maria, nakilala niya ang kanyang pinsan.  Nakilala niya na ang pinsan niya ay ang ating Panginoon, ang Tagapagligtas nating lahat.

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang salaysay ng Kapanganakan ni San Juan Bautista.  Pipi pa noon si Zacarias.  Ito’y dahil hindi siya naniwala sa sinabi ng Arkanghel Gabriel noong ibinalita sa kanya ang Magandang Balita tungkol sa Kapanganakan ni Juan Bautista. Hindi siya naniwala na sa kabila ng pagkabaog ni Elisabet, manganganak siya.  Hindi siya naniwala, nagduda, nag-alinlangan siya, na walang imposible sa Diyos.

Ipapangalan sana siyang Zacarias ng mga kamag-anak nina Elisabet.  Ngunit tumutol siya at sinabing, “Juan ang ipapangalan sa kanya!” (Lucas 1, 60) Nagulat tuloy ang mga kapitbahay at kamag-anak nila.  Wala naman silang kamag-anak na ipinagalanang Juan.  Kaya, itinanong nila si Zacarias upang ikumpirma ang pangalan niya.  At sinulat niyang, “Juan ang kanyang pangalan.” (Lucas 1, 63) Ang kahulugan ng pangalang, “Juan,” ay “Ang Diyos ay magiliw.”

Ipinanganak si San Juan Bautista upang ihanda ang daraanan ng Mesiyas, ang Kristo, ang pinangakong Tagapagligtas.  Hinirang siya ng Diyos na ipaghanda ang mga Israelita para sa pagdating ni Kristo.  At iyon nga ang kanyang ginawa.  Nagturo siya tungkol sa pagsisisi, sa pagbibinyag, at pagbabalik-loob sa Diyos.  Ito’y bilang paghahanda sa pagsalubong ng mga tao kay Kristo, ang ipinangakong Mesiyas.

Sa kabila ng pag-aakala ng ilan sa mga tao na siya ang mga Mesiyas, nanatili siyang mapagpakumbaba.  Mapapansin natin na kapag tinatanong si Juan kung siya ang Mesiyas, sasabihin niya ang totoo.  Hindi siya magsisinungaling.  Sinasabi niyang hindi siya ang Mesiyas.  Tinatanggap niya ito.  Isa lamang siyang tagapaghanda ng daan ng Panginoon. 

Makikita natin ang pagiging mapagpakumbaba ni Juan.  Siya’y tinanong kung siya ang Mesiyas, sinasabi niya ang totoo.  Hindi niya hinahabol ang pagiging masikat.  Balewala lamang sa kanya ang pagiging masikat.  Hindi niya hinayaang mabawi ng kasikatan ang kanyang isipan.  Kung sinabi niyang siya nga ang Mesiyas, ito’y pawang kasinungalingan.  Haharangin nito ang kanyang misyon.  Hindi magagampanan ni Juan ang kanyang gawain.  Ang kanyang gawain ay ipaghanda at akayin ang mga tao patungo ng Panginoong Hesukristo, ang tunay na Mesiyas.

Ipinakita at ipinakilala ni Juan ang tunay na Mesiyas.  Noong makita niyang dumaraan si Hesus at noong lumalapit sa kanya si Kristo, sinabi niya, “Ito ang Kordero ng Diyos.” (Ecce Agnus Dei) Dahil rin sa kanyang pagpapakumbaba, sinabi niyang, “He must increase, I must decrease.” (Juan 3, 30). Kung tatagalugin natin ang sinabi ni Juan, ang sinabi niya, “Kinailangan siya’y maging dakila, at ako nama’y mababa.” Mapapansin natin ang pagiging mapagpakumbaba sa sinabi ni Juan.  Tinatanggap niya na si Hesus ay mas dakila kaysa sa kanya.  Siya lamang ay isang lingkod ng Diyos at tagapaghanda ng daraanan ni Hesukristo.

Si San Juan Bautista rin po ay kinikilala bilang propeta.  Siya’y nagsalita at nangaral tungkol sa katotohanan at katuwiran.  Alam naman po nating lahat na ang katotohanang ay paminsan-minsang masakit pakinggan.  Sa Ingles, truth hurts the feelings.  Pero, mayroon ring isang kasabihan sa Ingles, the truth shall set you free.  Pinapalaya tayo ng katotohanan. Kaya, marami tuloy ang nagagalit kay Juan.

Nagagalit ang ilang tao kay Juan Bautista dahil binubunyag niya ang kamalian ng tao.  Isa sa mga nasaktan ay si Herodias, ang asawa ni Felipe.  Inagaw siya ni Haring Herodes.  Sinabi ni Juan kay Herodes na hindi tama ang ginawa niya.  Hindi tama ang ginawang pag-agaw kay Herodias mula sa kanyang asawang si Felipe.  Tinatama niya si Herodes sa kanyang pagkakamali.  Pinagsasabihan ni Juan na dapat siyang magsisi at magbalik-loob sa Diyos dahil sa ginawa niya.

Dahil doon, ipinakulong si Juan ni Herodes.  Kahit nasasaktan si Herodes sa mga sinasabi ni Juan, gustong gusto niyang mapakinggan ang mga sinasabi ni Juan.  Ang oras ng kamatayan ni San Juan Bautista ay dumating noong kaarawan ni Haring Herodes.  Sumayaw ang anak nina Herodes at Herodias, at natuwa si Herodes sa sayaw ng anak nila.  Dahil doon, sinabi niyang ibibigay niya sa kanyang anak ang nais niya.  Ang nais ng anak niya ay nais din ng kanyang ina – ipagpatay si Juan Bautista.  Nasaktan si Herodes dahil alam niyang si Juan ay isang propeta, ngunit nakakahiya sa mga bisita.  Narinig nila ang sinabi ni Herodes.  Hindi na niya pwedeng bawiin.  Kaya, pinapugutan ni Haring Herodes ang ulo ni Juan Bautista.

Mga kapanalig, tularan natin ang pagiging mapagpanindigan ni San Juan Bautista.  Nanindigan siya para sa katotohanan at para sa pananampalataya.  Sabi ng isang kasabihan sa Ingles, “Stand up for what is right, even though you are standing alone.” Ang ibig sabihin noon, panindigan ang katotohanan.  Huwag ma-impluensya sa mga sinasabi ng mga tao, lalung-lalo na ang mga masasama.  Sa halip, dapat, panindigan ang katotohanan.  Isang halimbawa po nito ay ang kontrobersyal na RH Bill.  Marami itong naimpluensya.  Ngunit, pinanindigan at ibinunyag ng ating Simbahan ang katotohanan tungkol sa batas na ito. 

Ang paninidigan sa katotohanan ay ginawa ni San Juan Bautista.  Dapat natin siyang tularan.  Panindigan ang katotohanan, kahit nakakasakit nito ng damdamin ng iba.  Tandaan, si Kristo ay hindi crowd-pleaser, at gayon din si Juan.  Tularan natin silang dalawa sa paninindigan ng katotohanan.  Sa gayon, tayo’y magiging mga tunay na Pilipinong Katoliko na naninindigan sa katotohanan.  Tunay nga si San Juan Bautista ay ang huwaran ng mga naninidigan ng katotohanan. 



ANG DAKILANG PAG-IBIG NI JESUS AT ANG PAGSUNOD SA KANYA

Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde 
(Zacarias 12:10-11; 13:1/Salmo 62/Galacia 3:26-29/Lucas 9:18-24) 

Tatlo po ang mga bahagi ng ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Ang una ay tungkol sa pahayag ni San Pedro Apostol kung sino si Jesus. Ang pangalawang bahagi ay tungkol sa unang pagpapahayag tungkol sa Kamatayan ng Panginoon. Ang pangatlong bahagi ay ang mga kundisyon ng pagiging mga alagad ni Kristo. 

Sa unang bahagi, tinatanong ni Jesus ang kanyang mga alagad kung sino Siya. Una Niyang tinanong kung sino Siya sa mga tao. Maraming mga sagot, katulad ni Juan Bautista, Elias, o ang mga propeta sa Matandang Tipan. Ngayon, tinanong naman ng Panginoon ang mga alagad Niya - sino Siya para sa inyo? Sino si Jesus para sa inyo? Sino si Jesus para sa atin?

Sumagot si Pedro para sa mga alagad. Ano ang sagot ni Pedro? Si Jesus ay ang Mesiyas. Tama ba ang sagot niya? Alam nating lahat na tama ang sagot ni Pedro. Tunay ngang si Jesus ang Mesiyas na ipinangakong magliligtas sa bayang Israel. Ang Panginoong Jesukristo ang Mesiyas na magliligtas sa sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. 

May pagkakaiba ang bersyon na ito sa bersyon na mababasa sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo. Pagkatapos ipahayag ni San Pedro na si Jesus ang Mesiyas, ibinigay ni Jesus kay Pedro ang mga susi ng kaharian ng langit. Sa bersyon na ito sa Mabuting Balita ayon kina San Marcos at Lucas, walang binanggit tungkol dito. 

Dumako naman tayo sa pangalawang bahagi ng ating Ebanghelyo. May isang rebelasyon si Jesus sa mga alagad. Oo, Siya nga ang Mesiyas, pero ang misyon Niya ay nakakagulat. Ang misyon Niya ay ibalik ang kapayapaan, kaayusan, at katarungan, pero sa ibang paraan. Ang paraan ng pagbabalik nito ay ang magpakasakit at mamatay para sa kaligtasan.

Alam po ninyo, noong kapanahunan ni Kristo, ang mga Israelita ay bihag ng mga Romano. Lahat ng mga utos ng imperyo ng Roma, kinailangan nilang sundan. Nagpangako ang Diyos na ipapadala Niya ang Mesiyas upang iligtas ang bayang Israel mula sa kasamaan. Ang iniisip nila ay ililigtas sila ng Mesiyas sa politikal na paraan. Inaasam nila na ibabagsak ng Mesiyas ang pulitiko ng mga Romano. Inaasam nila na magpoprotesta sila, maghihimagsik sila, kapag nariyan na ang Mesiyas, upang pabagsakin ang mga Romano. 

Pero, si Jesus, iaalay Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Bakit? Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Ang dakilang pagmamahal Niya sa atin ay ang dahilan. Kaya, nagpakasakit Siya, namatay sa Krus, at muling nabuhay sa ikatlong araw para sa atin. Ginawa Niya ito upang palayain tayo mula sa ating pagkakasala at kamatayan (pisikal at espiritwal). 

Ang ikatlong bahagi ay ang kundisyon ng pagiging alagad ni Jesus. Hindi madali maging isang tagasunod ng Panginoon.  Paanong maging alagad ni Jesus? Tularan Siya. Pasanin ang ating krus araw-araw at sumunod sa Kanya. Maging handang sumunod kay Jesus. Talikuran ang sarili. Magpakumbaba. Humangad na mag-alay ng buhay para sa kapwa-tao, gaya ng Panginoong Jesukristo. 

Ang krus ay ang tanda ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin. Ito'y tanda ng pagpapakumbaba ng Diyos at pag-aalay ng buhay alang-alang sa atin. Ang ating krus. Ito'y naging tanda ng dakilang pag-ibig sa atin ng Diyos. Si Jesus ay hindi sumuko at nanatiling tapat sa kalooban ng Ama. Ganyan tayo kamahal ng Diyos. 

Ang pag-ibig ng Diyos ang siyang may kapangyarihan upang pagtagumpayan ang kasamaan. Kayang baliktaran ng pag-ibig ng Diyos ang kasamaan sa ating lipunan. Hinihilom nito ang mga sugat ng pagkakanulo, kamalian, at kataksilan. Iyan ang pag-ibig ng Diyos na ipinamalas ni Jesus. Ipinamalas ni Jesus ang pag-ibig na handang ibigay ang lahat. Binibigay ni Jesus ang lahat, kahit ang Kanyang buhay nawala sa Kanya, para sa ating lahat.

Mga kapatid, isang hamon mula sa ating Panginoong Jesukristo. Talikuran ang sarili at ipasan ang ating krus. Ang mga umiibig sa buhay makasalanan, hindi matatagpuan at mararamdaman ang pag-ibig ng Diyos at hindi makakatanggap ng bagong buhay mula sa Diyos. Ngunit ang tumalikod mula sa buhay makasalanan, mararamdaman ang pag-ibig ng Diyos. Sila rin ay makakapamuhay at makatatanggap ng bagong buhay, isang grasya at pagpapala mula sa Diyos. 

Tularan natin si Jesus. Binibigay ang lahat para sa lahat. Dapat ganyan rin po tayo. Handang ibigay ang lahat, walang kakulangan. Maging handa paglingkuran ang kapwa-tao dahil sa pag-ibig sa kanila. Tandaan, ang pag-ibig ng Diyos ay iba sa romantikong pag-ibig. Ang pag-ibig ng Diyos ay ang pag-ibig na nagbibigay ang lahat, walang kakulangan. Higit sa lahat, maging handang sumunod, tumalima, at ibigay ang lahat sa Diyos. Sapagkat walang kabuluhan, walang kwenta ang ating buhay kung wala lugar ang Diyos sa ating buhay. Namumuhay tayo dahil sa Diyos at dapat tayong mamuhay para sa Diyos.

Mga kapatid, handa ba tayong talikuran ang lahat, pati ang ating mga sarili upang sundan si Jesus? 

Linggo, Hunyo 16, 2013

DIYOS NG PAG-IBIG AT PAGPAPATAWAD

Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
(2 Samuel 12, 7-10. 13/Salmo 31/Galacia 2, 16. 19-21/Lucas 7, 36-8, 3 o kaya 7, 36-50) 


Sa ating Ebanghelyo, matutunghayan natin ang pagiging mapagpatawad ng Panginoon. Pinatawad ng Panginoon sa ating Ebanghelyo ang isang babaeng makasalanan. Ang babaeng ito'y kilala ng bayan bilang isang makasalanan. Kaya, hindi siya tinatanggap, iniiwasan siya ng mga tao. Hindi lamang iyan, masasaksihan natin ang dalawang mga pag-uugali.

Ngunit, bago Niya pinatawad ang babaeng makasalanan, ang Panginoon ay inimbitahan upang makasalo ang isang Pariseo sa kanyang bahay. Napakabait ng Pariseong ito. Positibo at mabuti ang ugali ng Pariseong ito dahil sa kanyang kagandahang-loob. 

Ngayon, dumako naman po tayo sa babaeng makasalanan. Ang babaeng ito'y kilala ng buong bayan. Alam ng buong bayan na ang babaeng ito'y isang makasalanan. Hindi siya inanyayahan, ni tinanggap. Ngunit, ang babaeng ito'y naglakas-loob. Naglakas-loob siya nang mabalitaan niyang nasa bahay ng isang Pariseo si Kristo. Hindi siya nag-dalawang-isip pa. Pumunta siya sa bahay ng Pariseo upang magbalik-loob. Nakahanda siyang lumapit kay Hesus. 

At nang nakapasok ang babaeng ito sa bahay ng Pariseo, hindi siya nag-atubling ipakita kay Hesus na siya'y nagsisisi. Ipinapakita ng babaeng ito na pinagsisihan niya ang kanyang mga ginawang kasalanan. Ipinapakita niya sa Panginoon na nakahanda siyang magbagong-buhay, talikuran ang dati niyang ugali na punong-puno ng kasamaan. 

Ang Pariseo naman, nagulat, nang makita niya na hindi pinagsabihan ni Hesus ang babae na lumayas. Nagkaroon ng pag-aalimura ang Pariseong ito hindi lamang sa babaeng makasalanan, kundi kay Hesus rin mismo. Kaya, ang ugali ng Pariseo mula sa pagiging positibo, naging negatibo. 

Ang ugaling ito ay itinatawag na pagiging mapanghusga. Isang halimbawa po nito ay ang isang taong binigyan ng isang baso ng tubig. At ang baso ng tubig na ito ay kalahating puno, kalahating kulang. Ang papansinin niya ay ang pagkukulang ng basong ito. Iyan po ay isang halimbawa ng isang taong mapanghusga. 

Nais itong tuwirin ni Kristo ang ugaling ito sapagkat nagiging makasarili tayo. Sa pamamagitan ng pagiging mapanghusga, tayo ay nagiging makasarili. Hindi natin iniisip ang ating pagkukulang mismo. Kung palagi na lang natin pinapansin ang mga pagkukulang, bakit hindi natin pinapansin ang ating mga pagkukulang? Kaya, huwag nating husgahan o maliitin ang ating kapwa. Lahat tayo ay mayroong pagkukulang sa isa't isa, lalung-lalo na sa Diyos. 

Mayroon pa pong isa pang ugali na nakikita natin sa Ebanghelyo. Iyon ay ang pagiging mapagpatawad. Pinapakita ito ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang pagiging mapagpatawad ng Diyos ay nakikita sa Ebanghelyo. Ito ay ang tanda ng dakilang pag-ibig sa atin ng Diyos. Ginamit ni Kristo ang Kanyang pagka-Diyos upang bigyan ng kapatawaran ang babaeng makasalanan. 

Hindi lamang ang babaeng ito'y nakaranas ng pagpapatawad ng Diyos sa mga pagbasa natin ngayon. Una, si Haring David. Nagkasala siya laban sa Diyos sa pamamagitan ng pagpatay kay Urias. Hindi lamang iyan. Hindi lamang ipinagpatay ni Haring David si Urias, inagaw pa ang kanyang asawang si Batseba. 

Sa pamamagitan ng pagkasal kay Batseba, anyare kay Haring David? Ano nga ba ang ginawa niya? Nakiapid. Nagkasala siya laban sa Diyos. Isa sa mga Sampung Utos ng Diyos ay "Bawal makiapid." Isang napakalaking kasalanan sa Diyos ang ginawa niya. Kaya, humingi ng kapatawaran mula sa Diyos si Haring David. 

Pangalawa, si Apostol San Pablo. Noong siya'y si Saulo pa, pinagpapatay niya ang mga sinaunang Kristiyano. Ngunit, pagkatapos niyang makatagpo si Hesus sa daan patungo Damasco, doon nagbagong-buhay siya. Nagbago ang kanyang buhay sa pamamagitan ni Kristo.  Nabulag siya, ngunit sa pamamagitan ni Ananias, naibalik ng Diyos ang kanyang paningin. Mula noon, siya'y naging apostol ni Kristo sa mga Hentil, ang mga hindi Hudyo. 

Mga kapanalig, tularan natin ang tatlong ito. Sina Haring David, Apostol San Pablo, at ang babaeng makasalanan sa Ebanghelyo. Huwag tayo magdalawang-isip, huwag na tayong mag-atubiling magbagong buhay. Humingi tayo ng kapatawaran mula sa Diyos. Tularan natin ang ugali ng babaeng makasalanan. Hindi siya nag-atubiling pumunta kay Hesus, at sa pamamagitan ng paglakas ng loob, nakamit niya ang kapatawaran ng Diyos. 

Kung hihingi tayo ng kapatawaran mula sa Diyos, makakamit natin ito. Walang lumalapit na humihingi ng kapatawaran mula sa Diyos na itatakwil Niya. Hindi Niya itinakwil ang babaeng makasalanan, hindi rin Niya tayo itatakwil. Kahit gaano mang makapangyarihan ang Diyos, nasa atin ang desisyon kung nais ba nating tumalikod sa ating mga kasalanan at magbagong-buhay. 

Sa pamamagitan ng paghingi ng patawad mula sa Diyos, mararamdaman natin ang tunay at dakilang pag-ibig ng Diyos. Mararamdaman natin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagpatawad Niya sa atin. Tunay nga ang ating Diyos ay isang Diyos ng pag-ibig at pagpapatawad. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagpapatawad sa atin, ipinaparamdam Niya sa atin ang Kanyang pagmamahal sa atin. Ang pagmamahal Niya sa atin ay tunay nga dakila at isang biyaya para sa atin. 

Linggo, Hunyo 9, 2013

DIYOS NG BUHAY AT AWA

Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (1 Hari 17:17-24/Salmo 29/Galacia 1:11-19/Lucas 7:11-17) 

Dalawang anak ang namatay sa dalawa sa mga pagbasa natin ngayon. Sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo, binuhay muli ang dalawang anak ng dalawang babaing balo. Ang ikalawang pagbasa naman po ay tungkol sa pagbabagong-buhay. 

Ang buhay nating lahat ay galing mula sa Diyos. Binibigay tayo ng Diyos ng buhay sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig, habag, at kapangyarihan. Kapag pinaghalo natin ang tatlong ito, ang pag-ibig, habag, at kapangyarihan ng Diyos, ang bunga ay buhay. Buhay ang binubuo ng tatlong ito.

Pagnilayan muna natin ang ating Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nagduda ang babaing balo kay Elias. Bakit? Namatay ang nag-iisang anak niya dahil sa isang matinding karamdaman. Ang balong ito, ay bukas-palad, at masagana. Tinanggap niya sa kanyang tahanan ang propetang si Elias. Ngayon, nagtataka na siya. Pinagtatakahan niya kung ang Propeta Elias ay tunay ngang isang tao ng Diyos. 

Alam po ninyo, ang mga babae, sa kapanahunang ito, mababa ang pagtingin ng mga Judio sa mga babae. Noong pinakain ni Jesus ang 5000 tao, binilang lang ang lalaki. Kinakailangan ng babae ng isang lalaki upang magkaroon ng personalidad. Kung namatay ang kanyang asawa, maasahan na lamang ang kanyang anak na lalaki. At kung pati na rin ang anak na lalaki ang namatay, wala nang personalidad ang babaeng ito. Binabawala na lang siya ng lipunan ng mga araw na iyon. Wala na silang buhay. 

Maaasahan lamang ng babaing balong ito ang kanyang anak upang mabuhay. Kailangan niya ang kanyang anak na lalaki. Kapag patay na ang kanyang anak, wala na siyang buhay. Balewala na siya ng lipunan. 

Nahabag dito si Elias. Si Elias ay kilala bilang isang taong mula sa Diyos. Isa siyang propetang sugo ng Diyos. Pinaglilingkuran niya ang Panginoon bilang isang propeta. Ipinapahayag niya sa mga Judio ang Salita ng Diyos. Sa pamamagitan niya, kinakausap ng Diyos ang mga Judio. Ito ba ang kanyang misyon? Ang magdala ng kamatayan? 

Gumawa ng paraan si Elias. Meron siyang ginawa tatlong beses. Tatlong beses niyang hiningaan ang bata. Sinabayan niya ng panalangin sa Diyos na buhayin niya ang batang ito. Dahil sa pag-ibig ng Diyos at panalangin ni Elias, binuhay ang anak ng babaeng balo. Sa pamamagitan ng pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos, ibinalik ang hininga ng buhay sa anak ng babaeng balo. 

Dahil doon, nagbago muli ang pagtingin ng babaeng balo kay Elias. Si Elias ay hindi isang tagapagdala ng kamatayan. Sa halip, si Elias ay tagapagdala ng buhay. Bakit? 
Sapagkat ang propetang Elias ay isang lingkod ng Diyos. Ang Diyos ay isang diyos ng buhay; hindi diyos ng mga patay. 

Sa ikalawang pagbasa, mapapakinggan natin ang pagbabagong-buhay ni Apostol San Pablo. Isinalsalaysay niya sa mga taga-Galacia ang kanyang pagbabagong-buhay. Nagsimula siya bilang isang kaanib ng Judaismo. Nagkaroon siya ng malasakit para sa tradisyon ng kanyang mga ninuno at ang relihiyon ng mga Judio. Pinapahalagahan niya ang pananampalatayang Judio at ang tradisyon ng kanyang mga ninuno. 

Makikita natin na dahil doon, nagkaroon siya ng pagkabulag. Nabulag siya dahil inuusig at pinapatay niya ang mga sinaunang Kristiyano. Nais niyang wasakin ang Kristiyanismo. Ginawa niya ito hanggang sa tinawag siya ni Jesus. Tinawag si Saulo (dating pangalan ni Pablo) ni Kristo dahil sa kanyang pag-ibig at habag. Pinili si Saulo ni Jesus na maging isang alagad Niya. 

Nang magkatagpo sina Saulo at Jesus sa daang patungo Damasco, naramdaman niya ang pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos. Dahil doon, nagbagong-buhay siya at ang pangalan niya ay naging Pablo. Nag-iba siya ng daan, at inakay si Pablo ng daang ito sa pagiging apostol ng Panginoong Jesu-Kristo sa mga Hentil. 

Ngayon, sa ating Ebanghelyo, binuhay ni Jesus ang anak ng babaeng balo. Sinusundan ng mga alagad at mga tao si Jesus patungong Nain. Habang papasok sila sa Nain, nagkasalubong na naman sila sa isa na namang grupo ng napakaraming tao. Ito'y isa palang paglilibing. At ang ililibing ay ang anak ng isang biyuda. Nagkatagpo ang Anak ng Diyos at ang patay na anak ng biyuda. 

Naawa si Jesus sa biyudang ito. Wala nang buhay sa lipunan ang biyudang ito. Dahil sa Kanyang habag at pag-ibig sa biyuda, gumawa ng paraan ang Panginoon. Hinawakan ng Panginoon ang binatang namatay. Paniniwala ng mga Judio na nagiging marumi ang isang tao kapag hinawakan niya ang isang taong patay na. Magiging marumi si Jesus? 

Hindi nanalangin si Jesus. Ginamit Niya ang kapangyarihan Niya bilang Diyos. Inutos ni Kristo ang binatang ito na bumangon. Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at salita, ibinalik ni Jesus ang buhay mula sa binatang ito. Ang binatang ito ay ibinalik ni Jesus sa biyuda. Masaya na muli ang biyuda. Ang pagkahabag at kapangyarihan ng Diyos kay Jesus ang siyang bumuhay sa binatang anak ng biyuda ng Nain. 

Naransan ng tatlong tao sa ating mga pagbasa ang pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos na nagbibigay-buhay. Sila ay ang dalawang biyuda sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo at si Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa. Naransan ng biyuda ng Unang Pagbasa at ng biyuda ng Nain sa Ebanghelyo ang pagbibigay buhay ng Diyos. Naransan rin ito ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ngunit sa ibang pamamaraan. At ano ang pamamaraang ito? Ang pagbabagong-buhay. 

Kinakailangan ang pag-ibig at habag upang magkaroon ng buhay. Hindi sisibol at bubunga ang buhay kung walang pag-ibig at habag. Pero, kailangan rin natin ng kapangyarihan. Anong klase ng kapangyarihan? Ang mabathalang kapangyarihan, ang dakilang kapangyarihan ng Diyos. Sa gayon, bubunga ang buhay sa ating lipunan. Ang buhay na pagpapala ng Diyos para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng Salita at Presensya ng ating Panginoon, tayo ay magkakaroon ng panibagong buhay. 



Linggo, Hunyo 2, 2013

TUMUGON SA GUTOM NG KALULUWA

Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon
(Genesis 14, 18-20/Salmo 109/1 Corinto 11, 23-26/Lucas 9, 11b-17)

Gutom. Ito ang pagnanais ng pagkain ng pisikal. Kinakailangan nating kumain upang hindi tayo magutom. Mahalaga para sa ating mga tao ang kumain. Kailangan nating kumain upang maging malusog. Kailangan natin ang pagkain upang maging malakas. Sa pamamagitan ng pagkain, magagawa natin ang mga gusto at mga kinakailangan nating gawin.

Napakaraming pagkain ngayon. Alam po ninyo, tayong mga Pilipino, mahilig kumain. Hindi sapat para sa atin na kumain ng tatlong beses sa isang araw, diba? May ilan nga sa atin, nagmemerienda. Dalawa pa ata ang merienda natin sa isang araw. Baka naman, meron sa atin, kumakain sa hatinggabi. Ang tawag dito ay midnight snack. Ilan sa atin, kumakain ng apat, lima, o kaya anim na beses. Para bang matatakaw tayo.

May ilan sa atin na mapagbigay. Ilan sa atin ay mahilig magbigay. Tumutugon tayo sa pangangailangan ng iba, lalung-lalo na kung ang nangangailangan ay ang mga kaibigan natin. Tumutugon rin po tayo sa mga mahihirap. Binibigyan natin ng pansin ang kanilang gutom. Binibigyan natin ng pansin ang kanilang mga pangangailangan. Mga mabubuting gawa ang mga iyon.

Subalit, hindi po ba natin pinapansin na mayroong ibang uri ng gutom? Hindi po ba natin napapansin ang pagkagutom ng ating kaluluwa? Mayroon pong ibang uri ng gutom, at ito po ay ang gutom ng ating mga kaluluwa. Ang pisikal na pagkain ay hindi makakapagbusog dito.

Tingnan po natin, sa ating Mabuting Balita, nasa isang ilang na lugar ang Panginoon kasama ang mga tao. Nakikinig sa Panginoon ang mga taong nakapaligid sa Kanya. Nakikinig ang mga tao sa mga aral ng Panginoon tungkol sa Salita ng Diyos. Hindi lamang iyan. Tumugon Siya sa mga pangangailangan ng iba't ibang taong nakapaligid sa Kanya. Bago pinakain ng Panginoon ang mga tao, nagtuturo Siya tungkol sa Salita ng Diyos at pinapagaling Niya ang mga maysakit.

Napakahusay tumugon ang Panginoon sa mga pangangailangan ng mga taong iyon. Walang pasubali Niyang tinugon ang pangangailangan ng mga taong nakapaligid sa Kanya. Napakabait ng Panginoon. Isinasabuhay Niya ang mga tinuturo Niya tungkol sa paggawa ng mabuti. Sapagkat sabi nga Niya, "Hindi naparito ang Anak ng Tao upang paglingkuran, kundi upang maglingkod." Pinaglilingkuran Niya ang mga taong nasa paligid Niya.

Nang magdidilim na, sinabi ng mga alagad na pauwiin ang mga tao. Tandaan, ang lugar na iyon ay isang ilang na lugar. Malayo ang mga lugar na kung saan makakakuha ang mga tao ng pagkain. Wala rin silang matutuluyan. Isang ilang na lugar nga ito. Walang pagkain ang mga tao. Gutom na gutom sila. Walang mahahanap ang mga taong ito sa lugar na iyon.

Inutos ni Kristo sa mga alagad na pakainin nila ang mga tao. Ang pagkain na naroon lamang ay limang tinapay at dalawang isda. Napakaimposible sa unang tingin. Hindi mabubusog ang limanglibong tao sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawa isda. Paano nga ba mapapakain ng mga alagad ang mga tao? 'Di ba, mukhang imposible?

Si Hesus ay gumawa ng paraan. Gumawa Siya ng himala sa pamamagitan ng mga tinapay at isda.  Nagpasalamat Siya sa Diyos Ama sa langit, at pinaghati-hati ang mga pagkain. Bigla na lamang dumami ang pagkain. Napakain ni Hesus sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda ang limanglibong tao. Nabusog ang lahat ng tao. Salamat kay Hesus. Gumawa Siya ng paraan upang mapakain at mabusog ang mga tao.

Ang problema natin ngayon ay marami sa atin ay mga KSP (Kulang sa Pansin). Mahilig natin kunin ang atensyon o pansin ng iba't ibang tao. Gusto natin pansinin tayo ng iba't ibang tao. Kaya, kung anu-ano na lamang ang sinasabi o ginagawa. Ang dahilan kung bakit napakarami sa atin ay mga KSP ay dahil sa inggit. Naiinggit tayo sa kapwa-tao. 'Di ba, isa sa mga Pitong Pangunahing Kasalanan ay inggit. Dapat, maging masaya para sa ating kapwa-tao.

Tumugon si Kristo sa pangangailangan ng Kanyang kapwa-tao. Dapat, ganyan rin po tayo. Dapat nating tumugon sa pangangailangan ng ating kapwa-tao. Huwag rin nating kalilimutan na tumugon rin tayo sa pangangailangan ng ating kaluluwa. Hindi lamang pampisikal ang gutom at uhaw. Meron ring pagkagutom at pagkauhaw ang ating mga kaluluwa.

Papaano natin mabubusog at mapawi ang uhaw ng ating kaluluwa? Makinig tayo kay Kristo Hesus. Tanggapin ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo sa Banal na Eukaristiya. Makinig, at isabuhay ang mga turo ni Hesukristo sa atin. Sa pamamagitan nito, tinutugon natin ang pangangailangan ng ating mga kaluluwa.