(Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19)

Bago po naging mga apostol ang dalawang Santong ito, magkaiba ang kanilang mga ginawa. Si San Pedro Apostol ay isang mangingisda, katulad nina San Andres, Apostol Santiago, at San Juan Apostol. Samantala, si San Pablo naman ay isa na namang Pariseo dati. May mga dating pangalan ang dalawang santong ito. Ang pangalan ni San Pedro Apostol dati ay Simon. Gayon din si San Pablo Apostol. Saulo ang dating pangalan ni Apostol San Pablo.

Pagkatapos mangaral sa mga tao, sinabi ni Hesus kay Simon Pedro na pumalaot at ihulog ang mga lambat upang makahuli sila ng isda. Wala silang nahuli magdamag. Alam ni Pedro na magdamag silang nanghuhuli ng isda, hindi sila nakahuli kahit isa mang isda. Pagod na pagod sila mula sa ginawa nila. Pero, sumunod pa rin si Simon Pedro sa sinabi ni Hesus. Uulitin nila ang ginawa nila magdamag at susubukin muli upang makahuli sa mga isda.
Noong hinulog nina San Pedro, sangdamakmak ang mga isdang hinuli nila. Ang daming isdang nahuli nila. Sa sobrang dami ng mga isda, hindi makapaniwala si San Pedro. Marami silang nahuling isda na para bang muntik nang lumubog ang kanilang mga bangka. Inamin ni San Pedro na siya'y isang makasalanan. Alam niyang nasa harapan niya si Hesus. Ngunit, hinirang pa rin ni Hesus ang apat na mangingisdang ito. Ang apat na mangingisda ay ang unang mga alagad. Sa pamamagitan nito, nagbago ang buhay ni Apostol San Pedro.

Pero, nagbagong buhay si Apostol San Pablo. Nagbagong buhay siya noong papunta siya ng Damasco. Habang papunta siya sa Damasco, biglang kumislap ang isang nakakasiliw na liwanag mula sa langit. At may narinig siyang tinig mula sa langit. Hindi niya nakilala kung sino ang nagsasalita. Ipinakilala ng tinig kung sino ang kinakausap ni Saulo - si Hesus. Si Hesus na muling nabuhay at umakyat sa langit ang nagsasalita kay Saulo.
Sinabi ni Hesus na Siya ang pinag-uusig ni Saulo. Sa pamamagitan ng pag-usig sa mga sinaunang Kristiyano, inuusig at sinasaktan ni Saulo si Kristo. Pagkatapos ng pagkatagpo ni Saulo kay Hesus, nabulag siya kahit nakabukas ang mga mata niya. Tatlong araw siyang bulag at hindi siya kumain o uminom ng anuman. Pero, naibalik sa kanya ang kanyang paningin sa tulong ni Ananias.
Ngayon, noong naibalik ang paningin ni Saulo, bumalik ba siya dati? Hindi. Siya'y nagkaroon ng bagong buhay. Mula sa pagiging taga-usig ng mga Kristiyano, siya'y naging Kristiyano. Si Saulo ay naging Pablo at siya ay naging alagad ng Panginoong Hesukristo. Pinaglingkuran at nangaral tungkol sa Panginoong Hesukristo si San Pablo Apostol sa mga Hentil.
Dahil ipinaglaban nila ang pananampalataya kay Kristo, sila'y naging mga martir. Ipinagpatay sina San Pedro at San Pablo sa Roma. Si San Pedro ay ipinako sa krus, ngunit nakabaliktad. Hindi siya karapat-dapat mamatay, katulad ng Panginoong Hesukristo. Kaya, baliktad ang krus na kinamatayan niya. Samantala naman, si Apostol San Pablo, pinugutan ng ulo. Pero, kahit nasa bingit ng kamatayan, hindi nila isinuko at tumalikod mula sa pananampalataya kay Hesus.

Ang nakatulong sa kanilang dalawa ay ang kanilang matatag na pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa Diyos, hinarap nila ang mga mangyayari sa kanila - mabuti man o masama. Hinarap nila nang buong pananalig kay Kristo ang kanilang kinabukasan, lalung-lalo na ang kanilang paglisan sa mundong ito na napakasakit danasin. Pero, dinanas nilang lahat ito para sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Mga kapatid, nawa'y magkaroon tayo ng aral mula sa dakilang santong ito. Tularan natin ang pananampalataya nina Apostol San Pedro at Pablo. Ang tulong nila ay ang kanilang pananampalataya. Sa tulong ng kanilang pananampalataya sa Diyos, sila'y naging mga dakilang apostol at santo ng Santa Iglesya. Dapat matibay rin ang ating pananampalataya sa Diyos, tulad nina San Pedro at San Pablo. Sa tulong nito, makakaharap natin ang ating kinabukasan, kahit napakaraming pagsubok na haharapin natin sa kinabukasan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento