Linggo, Hunyo 9, 2013

DIYOS NG BUHAY AT AWA

Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (1 Hari 17:17-24/Salmo 29/Galacia 1:11-19/Lucas 7:11-17) 

Dalawang anak ang namatay sa dalawa sa mga pagbasa natin ngayon. Sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo, binuhay muli ang dalawang anak ng dalawang babaing balo. Ang ikalawang pagbasa naman po ay tungkol sa pagbabagong-buhay. 

Ang buhay nating lahat ay galing mula sa Diyos. Binibigay tayo ng Diyos ng buhay sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig, habag, at kapangyarihan. Kapag pinaghalo natin ang tatlong ito, ang pag-ibig, habag, at kapangyarihan ng Diyos, ang bunga ay buhay. Buhay ang binubuo ng tatlong ito.

Pagnilayan muna natin ang ating Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nagduda ang babaing balo kay Elias. Bakit? Namatay ang nag-iisang anak niya dahil sa isang matinding karamdaman. Ang balong ito, ay bukas-palad, at masagana. Tinanggap niya sa kanyang tahanan ang propetang si Elias. Ngayon, nagtataka na siya. Pinagtatakahan niya kung ang Propeta Elias ay tunay ngang isang tao ng Diyos. 

Alam po ninyo, ang mga babae, sa kapanahunang ito, mababa ang pagtingin ng mga Judio sa mga babae. Noong pinakain ni Jesus ang 5000 tao, binilang lang ang lalaki. Kinakailangan ng babae ng isang lalaki upang magkaroon ng personalidad. Kung namatay ang kanyang asawa, maasahan na lamang ang kanyang anak na lalaki. At kung pati na rin ang anak na lalaki ang namatay, wala nang personalidad ang babaeng ito. Binabawala na lang siya ng lipunan ng mga araw na iyon. Wala na silang buhay. 

Maaasahan lamang ng babaing balong ito ang kanyang anak upang mabuhay. Kailangan niya ang kanyang anak na lalaki. Kapag patay na ang kanyang anak, wala na siyang buhay. Balewala na siya ng lipunan. 

Nahabag dito si Elias. Si Elias ay kilala bilang isang taong mula sa Diyos. Isa siyang propetang sugo ng Diyos. Pinaglilingkuran niya ang Panginoon bilang isang propeta. Ipinapahayag niya sa mga Judio ang Salita ng Diyos. Sa pamamagitan niya, kinakausap ng Diyos ang mga Judio. Ito ba ang kanyang misyon? Ang magdala ng kamatayan? 

Gumawa ng paraan si Elias. Meron siyang ginawa tatlong beses. Tatlong beses niyang hiningaan ang bata. Sinabayan niya ng panalangin sa Diyos na buhayin niya ang batang ito. Dahil sa pag-ibig ng Diyos at panalangin ni Elias, binuhay ang anak ng babaeng balo. Sa pamamagitan ng pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos, ibinalik ang hininga ng buhay sa anak ng babaeng balo. 

Dahil doon, nagbago muli ang pagtingin ng babaeng balo kay Elias. Si Elias ay hindi isang tagapagdala ng kamatayan. Sa halip, si Elias ay tagapagdala ng buhay. Bakit? 
Sapagkat ang propetang Elias ay isang lingkod ng Diyos. Ang Diyos ay isang diyos ng buhay; hindi diyos ng mga patay. 

Sa ikalawang pagbasa, mapapakinggan natin ang pagbabagong-buhay ni Apostol San Pablo. Isinalsalaysay niya sa mga taga-Galacia ang kanyang pagbabagong-buhay. Nagsimula siya bilang isang kaanib ng Judaismo. Nagkaroon siya ng malasakit para sa tradisyon ng kanyang mga ninuno at ang relihiyon ng mga Judio. Pinapahalagahan niya ang pananampalatayang Judio at ang tradisyon ng kanyang mga ninuno. 

Makikita natin na dahil doon, nagkaroon siya ng pagkabulag. Nabulag siya dahil inuusig at pinapatay niya ang mga sinaunang Kristiyano. Nais niyang wasakin ang Kristiyanismo. Ginawa niya ito hanggang sa tinawag siya ni Jesus. Tinawag si Saulo (dating pangalan ni Pablo) ni Kristo dahil sa kanyang pag-ibig at habag. Pinili si Saulo ni Jesus na maging isang alagad Niya. 

Nang magkatagpo sina Saulo at Jesus sa daang patungo Damasco, naramdaman niya ang pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos. Dahil doon, nagbagong-buhay siya at ang pangalan niya ay naging Pablo. Nag-iba siya ng daan, at inakay si Pablo ng daang ito sa pagiging apostol ng Panginoong Jesu-Kristo sa mga Hentil. 

Ngayon, sa ating Ebanghelyo, binuhay ni Jesus ang anak ng babaeng balo. Sinusundan ng mga alagad at mga tao si Jesus patungong Nain. Habang papasok sila sa Nain, nagkasalubong na naman sila sa isa na namang grupo ng napakaraming tao. Ito'y isa palang paglilibing. At ang ililibing ay ang anak ng isang biyuda. Nagkatagpo ang Anak ng Diyos at ang patay na anak ng biyuda. 

Naawa si Jesus sa biyudang ito. Wala nang buhay sa lipunan ang biyudang ito. Dahil sa Kanyang habag at pag-ibig sa biyuda, gumawa ng paraan ang Panginoon. Hinawakan ng Panginoon ang binatang namatay. Paniniwala ng mga Judio na nagiging marumi ang isang tao kapag hinawakan niya ang isang taong patay na. Magiging marumi si Jesus? 

Hindi nanalangin si Jesus. Ginamit Niya ang kapangyarihan Niya bilang Diyos. Inutos ni Kristo ang binatang ito na bumangon. Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at salita, ibinalik ni Jesus ang buhay mula sa binatang ito. Ang binatang ito ay ibinalik ni Jesus sa biyuda. Masaya na muli ang biyuda. Ang pagkahabag at kapangyarihan ng Diyos kay Jesus ang siyang bumuhay sa binatang anak ng biyuda ng Nain. 

Naransan ng tatlong tao sa ating mga pagbasa ang pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos na nagbibigay-buhay. Sila ay ang dalawang biyuda sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo at si Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa. Naransan ng biyuda ng Unang Pagbasa at ng biyuda ng Nain sa Ebanghelyo ang pagbibigay buhay ng Diyos. Naransan rin ito ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ngunit sa ibang pamamaraan. At ano ang pamamaraang ito? Ang pagbabagong-buhay. 

Kinakailangan ang pag-ibig at habag upang magkaroon ng buhay. Hindi sisibol at bubunga ang buhay kung walang pag-ibig at habag. Pero, kailangan rin natin ng kapangyarihan. Anong klase ng kapangyarihan? Ang mabathalang kapangyarihan, ang dakilang kapangyarihan ng Diyos. Sa gayon, bubunga ang buhay sa ating lipunan. Ang buhay na pagpapala ng Diyos para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng Salita at Presensya ng ating Panginoon, tayo ay magkakaroon ng panibagong buhay. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento