Linggo, Hunyo 16, 2013

DIYOS NG PAG-IBIG AT PAGPAPATAWAD

Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
(2 Samuel 12, 7-10. 13/Salmo 31/Galacia 2, 16. 19-21/Lucas 7, 36-8, 3 o kaya 7, 36-50) 


Sa ating Ebanghelyo, matutunghayan natin ang pagiging mapagpatawad ng Panginoon. Pinatawad ng Panginoon sa ating Ebanghelyo ang isang babaeng makasalanan. Ang babaeng ito'y kilala ng bayan bilang isang makasalanan. Kaya, hindi siya tinatanggap, iniiwasan siya ng mga tao. Hindi lamang iyan, masasaksihan natin ang dalawang mga pag-uugali.

Ngunit, bago Niya pinatawad ang babaeng makasalanan, ang Panginoon ay inimbitahan upang makasalo ang isang Pariseo sa kanyang bahay. Napakabait ng Pariseong ito. Positibo at mabuti ang ugali ng Pariseong ito dahil sa kanyang kagandahang-loob. 

Ngayon, dumako naman po tayo sa babaeng makasalanan. Ang babaeng ito'y kilala ng buong bayan. Alam ng buong bayan na ang babaeng ito'y isang makasalanan. Hindi siya inanyayahan, ni tinanggap. Ngunit, ang babaeng ito'y naglakas-loob. Naglakas-loob siya nang mabalitaan niyang nasa bahay ng isang Pariseo si Kristo. Hindi siya nag-dalawang-isip pa. Pumunta siya sa bahay ng Pariseo upang magbalik-loob. Nakahanda siyang lumapit kay Hesus. 

At nang nakapasok ang babaeng ito sa bahay ng Pariseo, hindi siya nag-atubling ipakita kay Hesus na siya'y nagsisisi. Ipinapakita ng babaeng ito na pinagsisihan niya ang kanyang mga ginawang kasalanan. Ipinapakita niya sa Panginoon na nakahanda siyang magbagong-buhay, talikuran ang dati niyang ugali na punong-puno ng kasamaan. 

Ang Pariseo naman, nagulat, nang makita niya na hindi pinagsabihan ni Hesus ang babae na lumayas. Nagkaroon ng pag-aalimura ang Pariseong ito hindi lamang sa babaeng makasalanan, kundi kay Hesus rin mismo. Kaya, ang ugali ng Pariseo mula sa pagiging positibo, naging negatibo. 

Ang ugaling ito ay itinatawag na pagiging mapanghusga. Isang halimbawa po nito ay ang isang taong binigyan ng isang baso ng tubig. At ang baso ng tubig na ito ay kalahating puno, kalahating kulang. Ang papansinin niya ay ang pagkukulang ng basong ito. Iyan po ay isang halimbawa ng isang taong mapanghusga. 

Nais itong tuwirin ni Kristo ang ugaling ito sapagkat nagiging makasarili tayo. Sa pamamagitan ng pagiging mapanghusga, tayo ay nagiging makasarili. Hindi natin iniisip ang ating pagkukulang mismo. Kung palagi na lang natin pinapansin ang mga pagkukulang, bakit hindi natin pinapansin ang ating mga pagkukulang? Kaya, huwag nating husgahan o maliitin ang ating kapwa. Lahat tayo ay mayroong pagkukulang sa isa't isa, lalung-lalo na sa Diyos. 

Mayroon pa pong isa pang ugali na nakikita natin sa Ebanghelyo. Iyon ay ang pagiging mapagpatawad. Pinapakita ito ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang pagiging mapagpatawad ng Diyos ay nakikita sa Ebanghelyo. Ito ay ang tanda ng dakilang pag-ibig sa atin ng Diyos. Ginamit ni Kristo ang Kanyang pagka-Diyos upang bigyan ng kapatawaran ang babaeng makasalanan. 

Hindi lamang ang babaeng ito'y nakaranas ng pagpapatawad ng Diyos sa mga pagbasa natin ngayon. Una, si Haring David. Nagkasala siya laban sa Diyos sa pamamagitan ng pagpatay kay Urias. Hindi lamang iyan. Hindi lamang ipinagpatay ni Haring David si Urias, inagaw pa ang kanyang asawang si Batseba. 

Sa pamamagitan ng pagkasal kay Batseba, anyare kay Haring David? Ano nga ba ang ginawa niya? Nakiapid. Nagkasala siya laban sa Diyos. Isa sa mga Sampung Utos ng Diyos ay "Bawal makiapid." Isang napakalaking kasalanan sa Diyos ang ginawa niya. Kaya, humingi ng kapatawaran mula sa Diyos si Haring David. 

Pangalawa, si Apostol San Pablo. Noong siya'y si Saulo pa, pinagpapatay niya ang mga sinaunang Kristiyano. Ngunit, pagkatapos niyang makatagpo si Hesus sa daan patungo Damasco, doon nagbagong-buhay siya. Nagbago ang kanyang buhay sa pamamagitan ni Kristo.  Nabulag siya, ngunit sa pamamagitan ni Ananias, naibalik ng Diyos ang kanyang paningin. Mula noon, siya'y naging apostol ni Kristo sa mga Hentil, ang mga hindi Hudyo. 

Mga kapanalig, tularan natin ang tatlong ito. Sina Haring David, Apostol San Pablo, at ang babaeng makasalanan sa Ebanghelyo. Huwag tayo magdalawang-isip, huwag na tayong mag-atubiling magbagong buhay. Humingi tayo ng kapatawaran mula sa Diyos. Tularan natin ang ugali ng babaeng makasalanan. Hindi siya nag-atubiling pumunta kay Hesus, at sa pamamagitan ng paglakas ng loob, nakamit niya ang kapatawaran ng Diyos. 

Kung hihingi tayo ng kapatawaran mula sa Diyos, makakamit natin ito. Walang lumalapit na humihingi ng kapatawaran mula sa Diyos na itatakwil Niya. Hindi Niya itinakwil ang babaeng makasalanan, hindi rin Niya tayo itatakwil. Kahit gaano mang makapangyarihan ang Diyos, nasa atin ang desisyon kung nais ba nating tumalikod sa ating mga kasalanan at magbagong-buhay. 

Sa pamamagitan ng paghingi ng patawad mula sa Diyos, mararamdaman natin ang tunay at dakilang pag-ibig ng Diyos. Mararamdaman natin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagpatawad Niya sa atin. Tunay nga ang ating Diyos ay isang Diyos ng pag-ibig at pagpapatawad. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagpapatawad sa atin, ipinaparamdam Niya sa atin ang Kanyang pagmamahal sa atin. Ang pagmamahal Niya sa atin ay tunay nga dakila at isang biyaya para sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento