Linggo, Hunyo 23, 2013

SAN JUAN BAUTISTA: HUWARAN NG PANINIDIGAN, PANANAMPALATAYA, AT PAGPAPAHAYAG NG MABUTING BALITA

Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista (K)
(Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80) 

Kapag napapakinggan natin ang pangalang, “Juan,” madalas ang unang mapapasok sa isip natin ang pangalang, “Juan Dela Cruz.”  Ito ang pangalan ng pangkaraniwang Pilipino na inililihim ang kanyang pangalan upang mapanatili ang pagiging pribado ng kanyang buhay.  Ang pinakamasikat na Juan Dela Cruz ngayon ay si Coco Martin.  Diba,  ilan sa ating mga Pilipino, nakatutok sa ABS-CBN Channel 2 kapag oras nang ipinapalabas ang “Juan Dela Cruz” pagkatapos ng TV Patrol, ayan, wala na.  Nakatutok sila sa TV para panoorin si Coco Martin sa Juan Dela Cruz na ipinapalabas sa ABS-CBN. Siguro isa ito sa mga paboritong programa sa telebisyon ng ilang mga Pilipino.

Sa araw na ito sa Kalendaryong Panliturhiya ng ating Simbahan, ipinagdirwang ng Simbahan ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista.  Siya ay ang kamag-anak at ang nagbinyag sa Panginoong Hesukristo.  Siya ang anak nina Zacarias at Santa Isabel na kamag-anak ng Mahal na Birheng Maria.  Ipinanganak siya ng kanyang inang si Elisabet sa kabila ng pagiging baog niya.

Katulad ni Maria, niligtas na siya ng Diyos mula sa minanang kasalanan noong ibinalita sa kanyang amang si Zacarias ng Arkanghel Gabriel tungkol sa kapanganakan niya.  Noong dinalaw ng Mahal na Ina si Santa Isabel, gumalaw sa tuwa mula sa tiyan ni Santa Isabel ang sanggol na si Juan.  Bakit?  Sapagkat nang marinig ni Elisabet ang tinig ng pagbati ni Maria, nakilala niya ang kanyang pinsan.  Nakilala niya na ang pinsan niya ay ang ating Panginoon, ang Tagapagligtas nating lahat.

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang salaysay ng Kapanganakan ni San Juan Bautista.  Pipi pa noon si Zacarias.  Ito’y dahil hindi siya naniwala sa sinabi ng Arkanghel Gabriel noong ibinalita sa kanya ang Magandang Balita tungkol sa Kapanganakan ni Juan Bautista. Hindi siya naniwala na sa kabila ng pagkabaog ni Elisabet, manganganak siya.  Hindi siya naniwala, nagduda, nag-alinlangan siya, na walang imposible sa Diyos.

Ipapangalan sana siyang Zacarias ng mga kamag-anak nina Elisabet.  Ngunit tumutol siya at sinabing, “Juan ang ipapangalan sa kanya!” (Lucas 1, 60) Nagulat tuloy ang mga kapitbahay at kamag-anak nila.  Wala naman silang kamag-anak na ipinagalanang Juan.  Kaya, itinanong nila si Zacarias upang ikumpirma ang pangalan niya.  At sinulat niyang, “Juan ang kanyang pangalan.” (Lucas 1, 63) Ang kahulugan ng pangalang, “Juan,” ay “Ang Diyos ay magiliw.”

Ipinanganak si San Juan Bautista upang ihanda ang daraanan ng Mesiyas, ang Kristo, ang pinangakong Tagapagligtas.  Hinirang siya ng Diyos na ipaghanda ang mga Israelita para sa pagdating ni Kristo.  At iyon nga ang kanyang ginawa.  Nagturo siya tungkol sa pagsisisi, sa pagbibinyag, at pagbabalik-loob sa Diyos.  Ito’y bilang paghahanda sa pagsalubong ng mga tao kay Kristo, ang ipinangakong Mesiyas.

Sa kabila ng pag-aakala ng ilan sa mga tao na siya ang mga Mesiyas, nanatili siyang mapagpakumbaba.  Mapapansin natin na kapag tinatanong si Juan kung siya ang Mesiyas, sasabihin niya ang totoo.  Hindi siya magsisinungaling.  Sinasabi niyang hindi siya ang Mesiyas.  Tinatanggap niya ito.  Isa lamang siyang tagapaghanda ng daan ng Panginoon. 

Makikita natin ang pagiging mapagpakumbaba ni Juan.  Siya’y tinanong kung siya ang Mesiyas, sinasabi niya ang totoo.  Hindi niya hinahabol ang pagiging masikat.  Balewala lamang sa kanya ang pagiging masikat.  Hindi niya hinayaang mabawi ng kasikatan ang kanyang isipan.  Kung sinabi niyang siya nga ang Mesiyas, ito’y pawang kasinungalingan.  Haharangin nito ang kanyang misyon.  Hindi magagampanan ni Juan ang kanyang gawain.  Ang kanyang gawain ay ipaghanda at akayin ang mga tao patungo ng Panginoong Hesukristo, ang tunay na Mesiyas.

Ipinakita at ipinakilala ni Juan ang tunay na Mesiyas.  Noong makita niyang dumaraan si Hesus at noong lumalapit sa kanya si Kristo, sinabi niya, “Ito ang Kordero ng Diyos.” (Ecce Agnus Dei) Dahil rin sa kanyang pagpapakumbaba, sinabi niyang, “He must increase, I must decrease.” (Juan 3, 30). Kung tatagalugin natin ang sinabi ni Juan, ang sinabi niya, “Kinailangan siya’y maging dakila, at ako nama’y mababa.” Mapapansin natin ang pagiging mapagpakumbaba sa sinabi ni Juan.  Tinatanggap niya na si Hesus ay mas dakila kaysa sa kanya.  Siya lamang ay isang lingkod ng Diyos at tagapaghanda ng daraanan ni Hesukristo.

Si San Juan Bautista rin po ay kinikilala bilang propeta.  Siya’y nagsalita at nangaral tungkol sa katotohanan at katuwiran.  Alam naman po nating lahat na ang katotohanang ay paminsan-minsang masakit pakinggan.  Sa Ingles, truth hurts the feelings.  Pero, mayroon ring isang kasabihan sa Ingles, the truth shall set you free.  Pinapalaya tayo ng katotohanan. Kaya, marami tuloy ang nagagalit kay Juan.

Nagagalit ang ilang tao kay Juan Bautista dahil binubunyag niya ang kamalian ng tao.  Isa sa mga nasaktan ay si Herodias, ang asawa ni Felipe.  Inagaw siya ni Haring Herodes.  Sinabi ni Juan kay Herodes na hindi tama ang ginawa niya.  Hindi tama ang ginawang pag-agaw kay Herodias mula sa kanyang asawang si Felipe.  Tinatama niya si Herodes sa kanyang pagkakamali.  Pinagsasabihan ni Juan na dapat siyang magsisi at magbalik-loob sa Diyos dahil sa ginawa niya.

Dahil doon, ipinakulong si Juan ni Herodes.  Kahit nasasaktan si Herodes sa mga sinasabi ni Juan, gustong gusto niyang mapakinggan ang mga sinasabi ni Juan.  Ang oras ng kamatayan ni San Juan Bautista ay dumating noong kaarawan ni Haring Herodes.  Sumayaw ang anak nina Herodes at Herodias, at natuwa si Herodes sa sayaw ng anak nila.  Dahil doon, sinabi niyang ibibigay niya sa kanyang anak ang nais niya.  Ang nais ng anak niya ay nais din ng kanyang ina – ipagpatay si Juan Bautista.  Nasaktan si Herodes dahil alam niyang si Juan ay isang propeta, ngunit nakakahiya sa mga bisita.  Narinig nila ang sinabi ni Herodes.  Hindi na niya pwedeng bawiin.  Kaya, pinapugutan ni Haring Herodes ang ulo ni Juan Bautista.

Mga kapanalig, tularan natin ang pagiging mapagpanindigan ni San Juan Bautista.  Nanindigan siya para sa katotohanan at para sa pananampalataya.  Sabi ng isang kasabihan sa Ingles, “Stand up for what is right, even though you are standing alone.” Ang ibig sabihin noon, panindigan ang katotohanan.  Huwag ma-impluensya sa mga sinasabi ng mga tao, lalung-lalo na ang mga masasama.  Sa halip, dapat, panindigan ang katotohanan.  Isang halimbawa po nito ay ang kontrobersyal na RH Bill.  Marami itong naimpluensya.  Ngunit, pinanindigan at ibinunyag ng ating Simbahan ang katotohanan tungkol sa batas na ito. 

Ang paninidigan sa katotohanan ay ginawa ni San Juan Bautista.  Dapat natin siyang tularan.  Panindigan ang katotohanan, kahit nakakasakit nito ng damdamin ng iba.  Tandaan, si Kristo ay hindi crowd-pleaser, at gayon din si Juan.  Tularan natin silang dalawa sa paninindigan ng katotohanan.  Sa gayon, tayo’y magiging mga tunay na Pilipinong Katoliko na naninindigan sa katotohanan.  Tunay nga si San Juan Bautista ay ang huwaran ng mga naninidigan ng katotohanan. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento