Linggo, Hunyo 30, 2013

KALAYAAN: SUSI NG PAGSUNOD AT PAGLINGKOD SA DIYOS

Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon 
(1 Hari 19, 16b. 19-21/Salmo 15/Galacia 5, 1. 13-18/Lucas 9, 51-62) 

Si Hesus ay patungo sa Herusalem sa ating Mabuting Balita. Ito'y upang maharap ni Hesus ang Kanyang tadhana. Ang Kanyang tadhana ay hindi maganda sa paningin ng tao o ng mundo. Bakit? Kamatayan sa Krus ang Kanyang tadhana. Hindi dapat ito danasin ng isang tao katulad ni Kristo. Ngunit, dahil sa pagmamahal Niya sa Diyos at sa kapwa, hindi Siya naging duwag. Hindi Niya inisip ang Kanyang kapakanan. Sa halip, inisip Niya ang kapakanan ng sangkatauhan. Siya'y naging malaya upang paglingkuran ang Diyos at ang kapwa. 

Sa unang bahagi ng ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin na ayaw tanggapin ng mga Samaritano si Hesus. Ito ay dahil alam nilang papunta Siya sa Herusalem. Pupunta ang Panginoon at ang mga alagad sa Samaria upang makahanap sila ng matuluyan. Pero, ang problema ay ayaw tanggapin ng mga Samaritano si Kristo dahil papunta Siya ng Herusalem. Kaya, wala silang lugar upang makapagpahinga. 

Dahil doon, tinanong nina Santiago at Juan kung payag ang Panginoon na gumanti sila laban sa kanila. Payag ba ang Panginoon na parusahan ang mga Samaritano? Hindi. Pinagsabihan pa nga ang Kanyang mga alagad na nag-iisip ng masamang balak sa Samaritano. Ang iniisip ng magkapatid ay hindi wastong paggamit ng kalayaan mula sa Diyos. 

Sabi ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia sa Ikalawang Pagbasa, ang kalayaan ay isang pagpapala't biyaya mula sa Diyos. Ang kalayaan ibinigay sa atin ng Diyos upang paglingkuran at mahalin ang kapwa-tao. Hindi ginagamit ang ating kalayaan mula sa Diyos upang bumalak ng masama laban sa kapwa o kaya sa Diyos. Dahil, kung gayon, ubos na tayong lahat. Inaabuso natin ang kalayaang ibinigay sa atin ng Diyos. Hindi iyon ang gusto ng Diyos. Ang gusto ng Diyos - maglingkod at magmahalan tayo. Iyan ang regalo ng kalayaan ng Diyos. 

Dumako naman tayo sa ikalawang bahagi ng ating Ebanghelyo.  Mapapakinggan natin ang mga maaring sumunod kay Hesus. Ang una'y nagsalita kay Hesus. Sinabi niyang, "Susundan kita kahit saan." Pero, patalinghaga ang sagot ni Hesus. Ang ibig sabihin ng sagot ni Hesus sa taong ito, "Seryoso ka ba sa sinabi mo? Kung sumunod ka sa akin, may mga pagsubok na haharapin mo." 

Mahirap ang sumunod kay Hesus. Kung ang hanap natin ay ginhawa, aba, kay Hesus, may ginhawa. Pero, ang mahirap pa, hindi natin matatakasan ang pagsubok. Ang pagsubok ay nangyayari palagi. Kahit saan tayo pumunta, ang daming pagsubok na kinakailangan nating harapin. Si Kristo, gayon din. Kinakailangan Niyang tiisin ang walang matuluyan o mapagpahingahan. Iyan ang mahirap. Pero, si Kristo, tinitiis Niya ang mga paghihirap na ito, lalung-lalo na noong namatay sa Krus. 

May pangalawa naman. Siya'y tinawag ni Hesus. Ngunit, nagpalaam naman ang taong ito sa Panginoon na ilibing muna ang kanyang ama na namatay. Ang isa naman, tumugon ng ganito, papaalam muna siya sa kanyang pamilya at kasambahay. Ito ang tugon ng ilan sa mga tinawag ng Panginoon sa ating Ebanghelyo bago sila sumunod sa kanila. 

Ngayon, ano naman ang tugon ni Hesus sa mga sinabi nila. Sinabi Niyang hayaang ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay. Ngayon, nagiging disrespeto ba dito si Kristo? Tinutruan ba Niyang kalimutan ang pamilya? Sa unang dinig, parang walang galang si Hesus sa sinabi Niya. Para bang malupit ang mga sinabi ni Hesus. Nakakasakit ng damdamin para sa isang taong nagmamahal sa pamilya.

Balikan natin ang Unang Pagbasa. Si Eliseo ay tinawag ng Diyos upang maging kahalili ng dakilang propetang si Elias. Noong sinabi ni Eliseo kay Elias na magpapaalam muna siya sa kanyang pamilya, pumayag si Elias. Ibinigay ni Eliseo ang lahat ng ari-arian niya sa mga tao. Nagkawang-gawa si Elias, gumawa siya ng mabuti para sa kanyang kapwa-tao. Ang hindi niya kailangan, ibinigay sa kanyang kapwa-tao, lalung-lalo na ang mahihirap. Sa gayon, wala nang humarang kay Eliseo na gampanan ang kanyang misyon sa paglilingkod sa Diyos. 

Ngayon, bumalik naman tayo sa Ebanghelyo. Sa unang dinig, mukhang mas mabait ang propeta Elias kaysa kay Hesus. Pero, si Hesus ay higit na dakila kay Elias. Si Hesus ay hindi lamang propeta, Siya ang Anak ng Diyos. Si Hesus ay ang Mesiyas. May mga sinasabi Siyang literal at may ilan Siyang sinabi na hindi literal. Itong sinabi Niyang patungkol sa paglilibing ng patay, ano ang ibig sabihin Niya doon? 

Ang ibig sabihin ni Hesus, dapat seryoso tayo sa paglilingkod at pagsunod sa Diyos. Hindi dapat ginagawang gimik, trip, o biruan ang pagsunod sa Panginoon. Katulad ng mga bokasyon sa buhay, halimbawa, pagpapari. Dapat buong-buo, tapat, seryoso, walang pasubali, ang ating intensyon sa pagsunod sa Panginoon. Mahalin pa rin natin ang ating pamilya at ang ating kapwa-tao. Ang pag-ibig ang susi sa kalayaan. At ang kalayaan ang susi sa pagsunod at paglingkod sa Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento