Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
(Isaias 66, 10-14k/Salmo 65/Galacia 6, 14-18/Lucas 10, 1-12. 17-20 o kaya 10, 1-9)
Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa Misyon ng Pitompu't Dalawang Alagad. Siguro magtataka kayo. Bakit pitompu't dalawa ang nakasabi sa Ebanghelyo? Hindi ba labindalawa lamang ang mga alagad? Oo, labindalawa nga lang ang mga alagad ng Panginoon. Pero, may kahulugan para sa mga Hudyo ang numero pitompu't dalawa. Ang numero pitumpu't dalawa ay sumasagisag sa buong mundo. Sinusugo ng Panginoong Hesus ang mga alagad sa mga kilalang bahagi ng mundo sa panahong iyon. Inilalarawan nito ang pandaigdigang misyon ng ating Simbahan.
Ano ang misyon ng mga alagad? Sila'y sinugo ng Panginoon upang mangaral sa mga bansa sa panahong iyon. Inutusan sila ng Panginoon na mangaral tungkol sa kapayapaang nanggagaling sa paghahari ng Diyos. Kapayapaan. Shalom. Iyan ang mensahe na ipinapahayag.
Balikan muna natin ang Unang Pagbasa. Inaaliw ng Diyos ang Kanyang bayang Israel. Nagkawatak-watak ang mga Israelita mula sa Herusalem. Inaaliw sila ng Diyos, katulad ng isang ina sa kanyang anak. Ipinangako ng Diyos na ibabalik Niya ang mga Israelita sa Herusalem. Ganyan rin sa atin. Tutulungan tayo ng Diyos upang makamtan natin ang ating mga pangarap. Tayo'y bibiyayaan at pagpapalain ng Diyos nang sandamak-mak.
Meron ring sinabi si San Pablo tungkol sa kapayapaan sa Ikalawang Pagbasa. Nagmumula ang tunay na kagalakan at kapayapaan mula sa Krus ni Hesus. Sa pamamagitan ng pagkamatay ni Kristo sa Krus, sumilay, sumibol ang tunay na kagalakan at kapayapaan. Wala nang iba ang nagpapasaya kay San Pablo maliban na lamang kay Hesus. Siya'y masaya na makiisa sa paghihirap na tinitiis ni Hesus bilang alagad Niya. Iyan ang nais ipagmalaki ni San Pablo, at hindi ang kanyang mga tagumpay sa buhay. Masaya siya sa pagkilala sa kanya bilang alagad ng Panginoong Hesukristo.
Balikan natin ang ating Ebanghelyo. Maraming mga habilin at utos si Hesus para sa Kanyang mga alagad sa pagsusugo Niya sa kanila. Bawal silang magreklamo tungkol sa pagkain at inumin na ihahain sa kanila. Hindi sila puwedeng magsabi tungkol sa sekto nila. Kailangan kainin at inumin ang anumang ihahandog at inihanda ng mga taong-bayan para sa kanila. Maging Hudyo man o hindi, dapat pagsaluhan nila ang pagkain at inumin ibinigay sa kanila. Dapat bukas sila sa bagong pagkain at inumin na ibinibigay sa kanila. Ipinapahayag rin nila ang Mabuting Balita, hindi lamang sa salita, kundi sa gawa. Magkakaroon sila ng kapayapaan sa pagitan nila at ng taong-bayan. Higit sa lahat, inaalis na ang mga bagay na haharang sa pakikipagkaisa.
Noong bumalik ang mga alagad kay Hesus, masayang-masaya sila. Sinundan nila ang mga inutos sa kanila ng Panginoon. Naging matagumpay ang kanilang misyon. Pero, sinabi ni Hesus na huwag magalak dahil doon. Sa halip, ang dapat ikagalak nila ay nakasulat na ang kanilang mga pangalan sa langit. Dahil sa paghihirap na dinaranas nila sa kanilang misyon, ang dapat ikagalak nila ay ang nakamtan nila. May isang gantimpala ang Diyos para sa kanila. At ang gantimpala na iyon ay ang isang lugar para sa kanila sa langit. Kaya nga, "No pain, no gain." Kung hindi ka naghirap, wala kang makakamit.
Ganyan rin si Hesus. Si Hesus ay sinugo ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Siya ang ipinagakong susuguin ng Diyos upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan. Pero, hindi ito naging madali para sa Diyos. Napakasakit ang pinagdaanan ng Diyos. Masakit ito para sa Diyos Ama dahil ang Diyos Anak ay walang ginawang kasalanan at Siya'y pinagpatay. Pero, Siya'y naging masaya sapagkat sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus, nakumpleto ang plano Niya na iligtas ang sangkatauhan. Nakamit ng sangkatauhan ang kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan (pisikal at espiritwal). Kailanma'y hindi nanghinayang ang Diyos sa Kanyang ginawang pagliligtas sa atin.
Mga kapanalig, meron po tayong misyon. Ang ating misyon na ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi madali. Kailangan nating pagdaanan ang mga paghihirap na nakalaan para sa atin. Pero, sa katapusan ng mga paghihirap na dinaranas natin mula sa ating mga misyon sa buhay, makakamit natin ang isang gantimpala mula sa Diyos. Gagantimpalaan tayo ng Diyos para sa ating pagtitiyaga. Ano ang gantimpala ng Diyos? Kapayapaan at galak sa ating misyon. Binibiyayaan tayo ng Diyos ng kapayapaan at galak sa kabila ng mga paghihirap na dadanasin natin sa ating misyon sa buhay. Huwag tayong mag-alala, kasama natin ang Diyos sa ating misyon. Humayo tayong lahat at maging mga misyonero ng Diyos!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento