Martes, Hunyo 25, 2019

PAGSUNOD AT PAGTANGGAP SA PANGINOON

30 Hunyo 2019 
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
1 Hari 19, 16b. 19-21/Salmo 15/Galacia 5, 1. 13-18/Lucas 9, 51-62 

Image courtesy of ABS-CBN News 

Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Hesus na Siya'y dumating sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan. Ito'y matapos sinuhestiyon ng dalawa sa Kanyang mga alagad na sina Apostol Santo Santiago at San Juan na magpaulan ng apoy mula sa langit bilang parusa sa mga Samaritanong hindi tumanggap sa kanila. Itinuturo ni Hesus sa Kanyang mga alagad na Siya'y tunay na maawain sa lahat ng tao. Ang awa ni Hesus ay hindi lamang ay hindi lamang para sa lahat ng mga tumatanggap sa Kanya. Ang awa ng Panginoong Hesus ay para sa lahat. Nasa kamay na ng bawat tao ang desisyon kung tatanggapin ba nila ang biyayang ito na kusang ibinibigay ng Panginoong Hesukristo. Hindi Siya namimilit. 

Iyan ang larawang binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa pambungad ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Si Hesus ay dumating sa sanlibutan upang palayain ang sangkatauhan. Ang bawat tao ay nakakapamuhay nang malaya dahil sa awa ni Kristo. Sa ano tayo pinalaya ni Kristo? Tayong lahat ay pinalaya ni Kristo mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ang naghayag ng Kanyang awa at habag sa sangkatauhan. Awa at habag. Iyan ang nag-iisang dahilan kung bakit ipinasiya ni Hesukristo na tayong lahat ay iligtas at palayain mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang dakilang Misteryo Paskwal, ang Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. 

Bago pa man dumating ang Diyos sa daigdig sa pamamagitan ni Kristo Hesus, naihayag Niya ang Kanyang awa at habag. Isang napakagandang halimbawa nito ay ang tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Si Eliseo ay pinili't hinirang ng Diyos upang maging kahalili ni propeta Elias. Sa pamamagitan ng paghirang sa mga propetang katulad nina Elias at Eliseo sa Matandang Tipan, inihayag ng Diyos ang Kanyang awa at habag para sa Kanyang bayan. Pinili't hinirang ng Panginoong Diyos ang mga propeta sa Lumang Tipan upang maging Kanyang mga tagapagsalita sa Kanyang bayan. Ang paghirang at pagsugo Niya sa mga propeta sa Lumang Tipan ay naghayag ng Kanyang habag at awa sa Kanyang bayan. 

Katulad ng Kanyang pagtawag sa isang tao sa Ebanghelyo, tayong lahat ay patuloy na tinatawagan ng Panginoon na maranasan ang biyaya ng Kanyang awa at habag. Tayong lahat ay tinatawag Niyang makibahagi sa Kanyang awa at habag. Tayong lahat ay tinatawag Niyang sumunod sa Kanya at iwanan ang lahat ng nauukol sa ating mga sarili. Sa pamamagitan ng pagtalikod sa sarili at pagsunod sa Panginoong Hesukristo nang buong puso't sarili, tinatanggap natin ang Kanyang paanyayang makibahagi sa Kanyang awa at habag na isang tunay na pagpapala. 

Dagdag pa ni Hesus sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, ang pagsunod sa Kanya ay hindi nangangahulugang magiging maginhawa ang buhay dito sa lupa para sa bawat isa. Maraming hirap at pagsubok ang haharapin ng bawat isang tumanggap sa paanyaya ni Hesus. Subalit, kung bukal sa ating mga puso't loobin ang ating pagtanggap sa tawag ni Hesus, tayong lahat ay mananatiling tapat sa Kanya. Ito ay dahil ang buong pusong pagtanggap sa paanyaya ni Hesus ay nangangahulugang tinatanggap at pinananaligan natin ang Kanyang awa't habag na nagdudulot ng lakas ng loob. Ang lakas ng loob na kaloob ng awa't habag ni Hesus ang tutulong sa atin na harapin at pagtagumpayan ang mga madidilim na sandali ng ating buhay dito sa lupa. Ang awa't habag ni Hesus na nagdudulot ng lakas ng loob ang tutulong sa atin na manatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. 

Tayong lahat ay tinatawag ng Panginoong Hesus na sumunod sa Kanya. Hindi ito nangangahulugang magiging maginhawa ang buhay natin dito sa lupa sa lahat ng oras. Subalit, kung susunod tayo sa Kanya, matatamasa nating lahat ang biyaya ng Kanyang awa at habag. Ang Kanyang awa at habag na tumubos at nagpalaya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang Kanyang awa at habag na nagbibigay sa atin ng lakas ng loob upang manatiling tapat sa Kanya sa mga madidilim na sandali ng buhay dito sa lupa. Kapag ang Panginoong Hesus ay ipinasiya nating sundan, inihahayag natin ang buong puso nating pagtanggap sa biyayang ito na nagmumula sa Kanya. Kapag iyan ang ating ginawa, ang buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoong Hesus sa langit ay ating matatamasa sa paglisan natin sa daigdig na ito. 

HINDI NAGING MAGINHAWA ANG BUHAY SA LUPA

29 Hunyo 2019 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timeoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 



Hindi biro ang pagiging apostol ni Kristo. Hindi biro ang bigat ng pananagutang kailangan nilang gampanan. Ang mga apostol ay pinili't hinirang ni Kristo upang ipangaral ang Magandang Balita sa iba't ibang panig ng daigdig. Mahirap na nga ang misyong ibinigay sa kanila ng Panginoon sapagkat kinailangan nilang maglibot sa iba't ibang bahagi ng daigdig upang maging Kanyang mga saksi. Magsasalita sila tungkol kay Kristo sa mga taong mula sa iba't ibang mga kultura. 

Naranasan nina Apostol San Pedro at San Pablo. Alam nila kung gaano kabigat ang pananagutang iniatasan ng Panginoong Hesus sa mga apostol katulad nila. Kung tutuusin, mas mahirap ito para kay Apostol San Pedro sapagkat siya ang iniatasan ng Panginoong Hesukristo na maging unang Santo Papa ng Kanyang Simbahan, ang tampok na eksena sa salaysay sa Ebanghelyo. At sa kaso ni Apostol San Pablo, marami siyang pinuntahan. Napakalayo ng kanyang nilakbay mula Herusalem patungo sa iba't ibang bayan. Iyan ang ipinahiwatig ng kanyang mga sulat sa iba't ibang bayan tulad ng Roma, Corinto, Efeso, at iba pa. 

Ipinahihiwatig sa mga Pagbasa ang mga paghihirap at pagsubok na kalakip ng misyon nina Apostol San Pedro at San Pablo bilang mga saksi ni Kristo. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si Apostol San Pedro ay binilanggo ni Herodes, ang hari noong kapanahunang yaon. Sabi pa sa unang bahagi na si Herodes rin ang nag-utos na pugutan ang ulo ni Apostol Santo Santiago na kapatid ni Apostol San Juan (12, 2). Nakatakas lamang si Apostol San Pedro mula sa bilangguang buong kahigpitang binantayan ng mga kawal ni Haring Herodes sa tulong ng Panginoon na nagpadala ng isang anghel upang tulungan siya makalabas mula sa bilangguan. At sa Ikalawang Pagbasa, ipinahiwatig ni Apostol San Pablo na marami siyang pinagdaanang hirap at pagsubok sa kanyang misyon bilang misyonero ni Kristo Hesus sa mga Hentil. 

Ang pananagutang kinailangang gampanan nina Apostol San Pedro at San Pablo at ng iba pang mga kasama nilang apostol ay hindi biro. Hindi madaling tuparin ang tungkuling ibinigay sa kanila, lalung-lalo na't maraming hirap at pagsubok ang kanilang iniharap at tiniis sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang apostol. Ang buhay nila ay hindi naging madali dahil sa kanilang misyon. Marami silang mga hinarap na pag-uusig sa kanila dahil may mga bayang hindi tumanggap sa kanila o sa kanilang ipinangaral. Ang kanilang pasiyang pumanig sa Panginoong Hesukristo ay hindi nangangahulugang magiging maginhawa ang buhay sa lupa. Ang pagsunod kay Hesus, ang pagpanig sa Kanya, at ang pagtupad sa Kanyang mga utos ay hindi isang simpleng gawain na maaaring gawin, kahit nakapikit ang mga mata. Sina Apostol San Pedro at San Pablo ang dalawa sa mga nagpapatunay ng katotohanang ito tungkol sa pagsunod kay Kristo Hesus. 

Kung ipinasiya nating sumunod kay Hesus at tuparin ang Kanyang kalooban para sa bawat isa sa atin dahil iniisip nating giginhawa ang buhay natin dito sa daigdig, nagkamali tayo ng ipinasiya. Hindi mawawala ang lahat ng hirap at pagsubok sa buhay dito sa lupa kung susunod tayo kay Hesus. Nagkamali tayo ng akala kapag iyon ang nangyari. Hindi madali ang ipinagagawa ni Hesus sa ating lahat. Hindi madaling sumunod at manatiling tapat kay Hesus hanggang wakas. 

Subalit, paano sila nanatiling tapat hanggang sa huli? Dahil sa awa ng Diyos. Ang awa ng Diyos ang nagbigay sa kanila ng lakas ng loob upang manatiling tapat sa kabila ng mga pag-uusig na kanilang dinanas. Kaya nila tiniis ang lahat ng hirap at pagsubok na kalakip ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. Kaya sila naging matiyaga sa pagtupad ng misyong ibinigay sa kanila ni Kristo. Ang awa ng Diyos ang nagpalakas sa kanila. Dahil sa awa ng Panginoon, buong katapata nilang ipinagpatuloy ang pangangaral at pagsaksi kay Kristo Hesus. Sa kabila ng mga pag-uusig, ang mga apostol katulad nina Apostol San Pedro at San Pablo ay nanatiling tapat hanggang sa huli dahil sa awa at habag ng Panginoon 

Maraming tiniis na hirap at pasakit sina Apostol San Pedro at San Pablo hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay dito sa lupa. Ang pangunahing dahilan nito ay ang kanilang pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ni Kristo Hesus. Hindi sila tinanggap dahil sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Hesus. Maraming nagbanta laban sa kanila dahil sa kanilang pagsaksi kay Hesus. Hindi naging madali ang buhay para kina Apostol San Pedro at San Pablo, at pati na rin sa kanilang mga kapwa apostol at misyonero. Subalit, nanatili silang tapat sa misyon hanggang sa huli dahil sa awa ng Diyos. Dahil sa awa ng Diyos, patuloy nilang ginampanan ang pananagutang iniatas sa kanila hanggang sa kanilang pagkamatay. 

Linggo, Hunyo 23, 2019

ISA LAMANG ANG KANYANG SAGOT

28 Hunyo 2019 
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus (K) 
Ezekiel 34, 11-16/Salmo 22/Roma 5, 5b-17/Lucas 15, 1-7 


Tuwing Lunes hanggang Biyernes mula ika-11:00 ng umaga hanggang ika-3:00 ng hapon, may mapapakinggang palatuntunan sa himpapawid kung saan pinatutugtog ang mga lumang awitin. Mga awitin mula sa dekada '70, '80, '90, o 'di kaya mula sa mga unang taon ng bagong milenyo. Katunayan, may mga pagkakataon pa nga kung saan pinatutugtog ang ilang mga kanta inilabas apat o tatlong taon na ang nakakaraan. Basta mga lumang tugtugin, pinatutugtog sa palatuntunang yaon. 

Minsan, pinatugtog sa palatuntunang iyon ang ilan sa mga kanta ni Donna Cruz. At isa sa kanyang mga kanta na pinatugtog sa nasabing palatuntunan ay ang "Isang Tanong, Isang Sagot." Awit ito ng mga taong umaaasa na sila'y iiibigin ng kanilang pinupusuan. Gustuhin man nilang magtapat sa pinupusuan nila, hindi nila magawa sapagkat sila'y natatakot na maiwasan sila ng kanilang pinupusuan. Umaaasa sila na may nararamdaman rin ang kanilang mga pinupusuan para sa kanila. Iyon ay dahil sa mga kilos ng kanilang mga pinupusuan na nagpapahiwatig na gayon din ang kanilang nararamdaman para sa mga nagkakagusto sa kanila. Iyon nga lang, hindi nila kayang tanungin ang kanilang mga pinupusuan upang kumpirmahin ang kanilang iniisip dahil baka magkamali sila ng akala. Masakit pa naman umasa sa wala. Yung inakala mong may nararamdaman pero mabait lang pala. 

Kaya nga, sabi sa isang bahagi ng awiting iyon: "Ang hirap naman ng lagay ko,/'di puwedeng mauna sa 'yo./Kailan ko ba maririnig/na akin ang iyong pag-ibig?" At sabi rin sa unang bahagi ng koro ng awiting ito, "Isang tanong, isang sagot lang ang akin:/Ako ba ang nilalaman ng iyong damdamin?" Iyan ang gustong tanungin. Pero, hindi kayang tanungin dahil nahihiya't natatakot.

Binibigyan ng pansin sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ang Kanyang sagot sa tanong na iyon. Kung iyon ang itatanong sa Kanya, ano ang isasagot Niya? Ang sagot ng Panginoong Hesukristo sa katanungang iyon: "Oo, kayong lahat ang laman ng Aking Mahal na Puso. Kayong lahat ay Aking iniibig nang buong-buo. Tunay ang Aking pag-ibig para sa inyo." At iyon ang temang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Dakilang Pistang ito. 

Tampok sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang larawan ng isang pastol. Ang larawan ng pastol ay ginagamit upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Ezekiel na Siya mismo ang magiging pastol ng Kanyang bayan. Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Talinghaga ng Nawawalang Tupa ang pag-ibig ng Diyos. 

Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nangaral tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Pinatotohanan ni Apostol San Pablo kung paanong ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa ating sa lahat sa pamamagitan ni Kristo. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Diyos ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayong lahat ay iligtas. Tayong lahat ay tinubos ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang Misteryo Paskwal ni Kristo ang pinakadakilang larawan ng Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Ganyan tayo ka-mahal ng Panginoon. Inalay Niya ang Kanyang sarili upang tayong lahat ay Kanyang iligtas. 

Iyan ang mensaheng nais iparating ng Mahal na Puso ni Hesus. Siya'y tunay na mapagmahal. Tayong lahat ay tunay Niyang iniibig. Pinatunayan Niya ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin noong ipinasiya Niyang tayong lahat ay tubusin sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang Kanyang pag-ibig ay tunay. Hindi peke o kathang-isip lamang ang pag-ibig ng Panginoon. Higit sa lahat, Siya'y hindi paaasa. Bagkus, Siya'y tunay na mapagmahal sa lahat. 

Paulit-ulit man Siyang tanungin tungkol sa Kanyang pag-ibig para sa ating lahat, iisa lamang ang magiging sagot ng Panginoong Hesus. "Oo, mahal Ko kayo." Iyan ang nag-iisang sagot ng Panginoong Hesus. Ilang beses man Siyang tanungin tungkol dito, hindi magbabago ang Kanyang sagot. Tayong lahat ay Kanyang minamahal. Walang hanggan ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Iyan ang mensahe ng Kanyang Mahal na Puso. 

Hindi paasa si Hesus. Bagkus, Siya'y tunay na mapagmahal. Ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat ay walang katapusan. Tayong lahat ay tunay Niyang minamahal. 

Martes, Hunyo 18, 2019

IPAKILALA SIYA SA LAHAT

27 Hunyo 2019 
Kapistahan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo 
Juan 19, 25-27 


Bilin ni Papa Pio IX sa mga paring Redemptorista matapos ibigay sa kanila ang larawan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo: "Ipakilala siya sa buong daigdig." Ang mga Redemptorista ay binigyan ng isang napakalaking misyon ng nasabing Santo Papa noong kapanahunang yaon. Ipakilala ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Laging Saklolo. Ipalaganap ang debosyon sa kanya. Sa kasalukuyang panahon, buhay na buhay ang debosyon sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo, lalung-lalo na sa Republika ng Pilipinas. Katunayan, halos lahat ng mga Simbahan sa Pilipinas ay may imahen ng Ina ng Laging Saklolo. At tuwing sasapit ang Miyerkules, marami ang dumadagsa sa Simbahan ng Baclaran upang humingi ng tulong mula sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo. 

Subalit, ang unang nagpakilala sa Mahal na Birheng Maria sa Simbahan ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Tampok sa Ebanghelyo ang isang emosyonal na eksena mula sa mga huling sandali sa buhay ni Hesus. Habang naghihingalo sa krus, inihabilin ni Hesus ang Mahal na Birheng Maria sa pangangalaga ng Kanyang alagad na minamahal na si Apostol San Juan. Mula noong inihabilin ng Panginoong Hesus ang Mahal na Birheng Maria sa pangangalaga ni Apostol San Juan, ang bawat isa ay naging anak ni Maria. Si Maria ay ipinakilala ni Hesus bilang Ina ng Simbahan. At bilang Ina ng Sambayanang Kristiyano, ang Mahal na Birheng Maria ay laging handang sumaklolo. Siya'y laging handang manalangin at mag-abot ng tulong sa ating lahat na naglalakbay dito sa lupa. 

Ang misyong ibinigay ng Santo Papa sa mga paring Redemptorista ay misyon rin natin bilang Kristiyano. Ipakilala natin si Maria bilang ating Mahal na Ina. Siya'y ibinigay ni Kristo sa bawat isa sa atin na bumubuo sa Kanyang Simbahan upang maging atin ring Ina. Siya'y ibinigay sa atin ni Kristo upang maging ating takbuhan sa mga sandali ng pangangailangan. Ganyan tayo ka-mahal ni Kristo Hesus. Ang Kanyang Inang si Maria ay ibinigay Niya sa atin upang maging atin ring Ina. 

Lunes, Hunyo 17, 2019

HINIRANG UPANG MAGING PAALAALA NG KATAPATAN NG DIYOS

24 Hunyo 2019 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80


Sabi sa pambungad ng Unang Pagbasa: "Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang at hinirang Niya ako para Siya'y paglingkuran" (49, 1). Akmang-akma ang mga katagang ito sa  temang pinagninilayan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista. Bago pa man siya isilang sa daigdig, nahayag ang misyong ibinigay ng Diyos kay San Juan Bautista. Sabi ng Arkanghel na si San Gabriel sa ama niyang si Zacarias na siya'y mauuna sa Panginoon upang ihanda ang lahat ng bumubuo sa Kanyang bayan para sa Kanyang pagdating (Lucas 1, 17). 

Binanggit ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang misyong ibinigay ng Diyos kay San Juan Bautista. Nang banggitin ito sa kanyang pangaral, binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo kung paanong nanatiling tapat si San Juan Bautista sa misyong ibinigay sa kanya ng Panginoong Diyos. Hindi siya nagpadala o nagpabulag sa kanyang kasikatan. Hindi niya binalak agawin ang atensyon ng mga tao mula sa Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas. Hindi niya binalak na siraan o makipagkumpetensya sa Panginoong Hesukristo kailanman. Bagkus, nanatili siyang tapat sa kanyang misyon. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagsilang ng sanggol na si San Juan Bautista at ang pagtutuli sa kanya. "Juan" ang pangalang ibinigay sa kanya sapagkat siya ay isang tunay na pagpapala mula sa Diyos. Katunayan, iyan ang ipinapahiwatig ng kahulugan ng kanyang pangalan. Ang ibig sabihin ng kanyang pangalan, "Ang Diyos ay mapagpala." Isang tunay na pagpapala mula sa Diyos si San Juan Bautista. Siya'y hinirang ng Diyos upang maging isang pagpapala sa lahat. Siya ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Ipinapaalala niya sa lahat na ang Diyos ay tunay na matapat. Ang Kanyang mga pangako ay Kanyang tinutupad. Kung paano Niyang tinupad ang Kanyang pangako kina Zacarias at Elisabet, tinupad rin ng Diyos ang Kanyang pinakadakilang pangako. At ang pinakadakilang pangako ng Diyos ay ang pagtubos Niya sa lahat sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesukristo. Si San Juan Bautista ang nauna sa daan ni Hesus upang ihayag sa lahat na ang Diyos ay tapat sa Kanyang pangako. 

Si San Juan Bautista ay hinirang ng Diyos upang ipaalala sa lahat na Siya'y tunay na matapat. Hindi nakakalimot ang Diyos sa mga pangakong binitiwan. Wala Siyang ipinakong pangako kailanman. Bagkus, lagi Siyang tapat sa Kanyang pangako. Iyan ang dahilan kung bakit si San Juan Bautista ay ang tagapagpauna ni Kristo. Bilang tagapagpauna ni Kristo, inihanda ni San Juan Bautista ang Kanyang daraanan. At nananatiling tapat si San Juan Bautista sa kanyang misyon. Tinupad ni San Juan Bautista nang buong katapatan ang misyong ibinigay sa kanya ng Panginoon. Sa pamamagitan ng kanyang katapatan sa misyon, inihayag Niya ang katapatan ng Diyos. Ang Diyos na humirang at nagsugo kay San Juan Bautista ay tapat. Walang hanggan ang Kanyang katapatan. 

Tulad ni San Juan Bautista, tayong lahat ay hinirang ng Diyos. Tayong lahat ay may misyon mula sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong ito, ang bawat isa sa atin ay nagiging larawan ng walang hanggang katapatan ng Panginoon. Tayong lahat ay gagamitin ng Panginoong Diyos upang maging Kanyang instrumento sa paghahayag ng Kanyang walang hanggang katapatan. 

Linggo, Hunyo 16, 2019

ANG HABAG NG DAKILANG SASERDOTE

23 Hunyo 2019 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (K) 
Genesis 14, 18-20/Salmo 109/1 Corinto 11, 23-26/Lucas 9, 11b-17 


Pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang papel bilang dakilang saserdote. Siya'y ipinakilala ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo bilang walang hanggang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec (5, 10). Paulit-ulit na ipinakilala si Hesus bilang dakilang saserdote sa Sulat na iyon. Bakit Siya ang dakilang saserdote? Sapagkat dakila ang Kanyang ginawa para sa lahat ng tao. Kusa Niyang inihandog ang Kanyang sarili nang buong kababaang-loob upang ang sangkatauhan ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahayag ang Kanyang dakilang habag at kagandahang-loob. Tunay nga Siyang maawain at mahabagin. 

Maraming pagkakataon kung saan si Hesus ay nagpakita ng habag at kagandahang-loob. Tulad na lamang ng Kanyang ginawa sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo kung saan limang-libong tao ang Kanyang pinakain, kahit na sila'y nasa isang ilang na lugar. Pinarami Niya ang limang tinapay at dalawang isda. Dahil sa dami ng mga tinapay at isda, nakapuno ng labindalawang bakol ang mga alagad nang mabusog ang lahat ng mga tao (9, 17). Dahil sa Kanyang habag, pinakain ni Hesus ang limang-libong katao. Subalit, walang makahihigit pa sa kusa Niyang pag-aalay ng buo Niyang sarili alang-alang sa sangkatauhan. Nahayag sa pag-aalay ng sarili ni Hesus ang kadakilaan ng Kanyang habag at kagandahang-loob. 

Iyan ang ginugunita sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya. Si Hesus, ang dakilang saserdote, ay naghandog ng buong sarili para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Ibinigay Niya ang Kanyang Katawan at Dugo para sa ating kaligtasan. At sa salaysay sa Ikalawang Pagbasa, itinatag ni Hesus ang Banal na Eukaristiya. Ang Banal na Eukaristiya ay itinatag ni Hesus upang makapiling ang bawat tao. Siya, na naghandog ng Kanyang Katawan at Dugo para sa kaligtasan ng lahat, ay muling dumarating sa pagdiriwang ng Banal na Misa upang pawiin ang pagkagutom at pagkauhaw ng bawat Kristiyano. At ang pagkain at inuming ibinibigay ni Kristo Hesus sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya na ipinagdiriwang ng Simbahan sa bawat araw ay ang walang iba kundi ang Kanyang Katawan at Dugo. Hindi Siya nandadamot. Bagkus, Siya'y mapagbigay. Kusa Niyang ibinibigay ang Kanyang Katawan at Dugo. Iyan ang Panginoong Hesus. Tunay nga Siyang mahabagin at mapagbigay. Hindi madamot si Hesus. 

Walang hanggan ang pagkapari ni Hesus. Sabi sa Salmo, "Ika'y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec" (109, 4bk). Si Melquisedec ay itinampok sa Unang Pagbasa. Maikli lamang ang paglalarawan sa kanya sa tampok na salaysay na ito. Siya ay ipinakilala "hari ng Salem at saserdote ng Kataas-taasang Diyos" (14, 18). Kung paanong si Melquisedec ay hari at saserdote, gayon din naman, si Hesus ay hari at saserdote. At ang pagkahari at pagkasaserdote ni Hesus ay walang katapusan. Si Hesus ay mananatiling hari at pari magpakailanman. Bilang hari at pari, patuloy na ibinubuhos ni Kristo Hesus ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Hindi magmamaliw ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Hindi Siya titigil sa pagpapakita ng Kanyang habag at kagandahang-loob na walang hanggan. 

Sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Eukaristiya, nakakapiling natin ang dakilang saserdoteng si Hesus. Ang Panginoong Hesus ay patuloy na dumarating sa ating piling sa pagdiriwang ng Banal na Misa upang tayo'y pakainin at inumin. Ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ay patuloy Niyang ibinibigay sa atin bilang pagkain at inumin sa bawat pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. At sa tuwing tinatanggap natin sa Banal na Misa ang Katawan at Dugo ni Kristo, patuloy Niyang ibinubuhos sa atin ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Ang Kanyang habag at kagandahang-loob ay dumadaloy sa atin sa tuwing tinatanggap natin sa Pakikinabang ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo. 

Tayong lahat ay tunay na mapalad sapagkat ang dakilang saserdoteng si Hesukristo ay tunay na mahabagin at mapagbigay. Hindi Siya nandadamot kailanman. Bagkus, patuloy Niyang ibinubuhos ang Kanyang habag at kagandahang-loob sa ating lahat. Sa pagdiriwang ng Banal na Misa, dumadaloy ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Patuloy Niyang ibinubuhos ang Kanyang habag at kagandahang-loob na hindi magwawakas kailanman sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin sa Banal na Misa. 

Martes, Hunyo 11, 2019

UGNAYANG HINDI MABABALI

16 Hunyo 2019 
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (K) 
Kawikaan 8, 22-31/Salmo 8/Roma 5, 1-5/Juan 16, 12-15 


Ang pagkakaisa ng Banal na Santatlo ay hinding-hindi matitinag. Walang sandali kung saan ang pagkakaisa ng Banal na Santatlo ay natinag. Anuman ang mangyari, nananatiling matatag ang pagkakaisa ng Banal na Santatlo. At kung tutuusin, bago pa man nagsimula ang panahon, nandoon na ang Banal na Santatlo. Ang Banal na Santatlo ay magkasama na bago pa man nilikha ang daigdig. Ganyan katatag ang ugnayan at pagkakaisa ng Banal na Santatlo na ating sinasamba. Ang nag-iisang Diyos na binubuo ng Tatlong Persona - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo - ay laging buo at matatag. Ang Banal na Santatlo ay laging nananatili at nagkakaisa. Iyan ang ating Diyos na binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. Laging nagkakaisa at nananatiling tapat at matatag. Kahanga-hanga ang pagkakaisa ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, ang Karunungan ng Diyos ay nagpatotoo tungkol sa Kanyang paglikha. Walang ibang naglikha sa Kanya kundi ang Panginoon. Ang iisang Diyos na binubuo ng Tatlong Persona - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Siya lamang ang lumikha sa lahat ng bagay. Ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay magkasama at magkasangga sa paglikha sa lahat ng bagay, kabilang na rito ang daigdig na ating tinitirhan nang pansamantala. Ang daigdig na ito na nilalakbayan ng bawat isa sa atin habang humihinga pa ay nilikha ng Diyos. Pati na rin ang ating hininga ay nagmula sa iisang Diyos na binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. 

Binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang pasiya ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ipinasiya ng Diyos na ang Anak na si Kristo Hesus ay pumanaog sa daigdig at maging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayong lahat ay tubusin sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay. Kaya naman, ang bawat isa sa atin ay pinawalang-sala ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, gaya ng sinabi ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa. 

Inihayag naman ni Hesus sa Ebanghelyo na darating ang Espiritu Santo pagsapit ng takdang panahon upang patnubayan ang mga apostol. At bilang Patnubay ng mga apostol, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa kanila tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula kay Kristo (16, 14). Sa pamamagitan ng pamamatnubay ng Espiritu Santo, tinutulungan ng Diyos ang mga apostol. Ang mga apostol ay hinding-hindi pinabayaan ng Diyos kailanman sapagkat lagi nilang kasama ang Espiritu Santo sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. Sa kasalukuyang kapanahunan, patuloy na pinapatnubayan ng Espiritu Santo ang Simbahan. Ang Diyos ay hindi nagpapabaya kailanman. 

Malinaw ang pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Nagkaisa ang Banal na Santatlo sa pagpasiyang likhain ang daigdig. Nagkaisa ang Banal na Santatlo sa pagtubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesus. Nagkaisa ang Banal na Santatlo sa patuloy na pagbibigay ng pagtulong sa Simbahan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay laging nagkakaisa. 

Tunay ngang nagkakaisa ang Diyos. Ang ugnayan ng nag-iisang Diyos na binubuo ng Tatlong Persona - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo, ay hindi mababali. Ang ugnayan ng Banal na Santatlo ay mananatiling matatag. Ang Banal na Santatlo ay laging mag-iibigan nang buong katapatan. Walang agawan ng kapangyarihan sa Banal na Santatlo. Walang paligsahan sa pagitan ng Tatlong Persona na bumubuo sa nag-iisang Diyos na makapangyarihan. Bagkus, ang ugnayan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ay hindi magwawakas at hindi mapuputol. Mananatiling matibay ang ugnayan at samahan ng Banal na Santatlo magpakailanman. At ang ugnayang ito ay puspos ng pag-ibig at katapatan. 

Lunes, Hunyo 10, 2019

SAN ANTONIO DE PADUA: INSTRUMENTO NG PANGINOON

13 Hunyo 2019 
Paggunita kay San Antonio de Padua, pari at pantas ng Simbahan 
Huwebes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
2 Corinto 3, 15-4, 1. 3-6/Salmo 84/Mateo 5, 20-26 



Kilala si San Antonio de Padua bilang Pintakasi ng mga Nawawalang Bagay. Kapag may mga nawawalang bagay, manalangin lamang kay San Antonio de Padua. Siya ang lapitan upang hingan ng tulong sa paghahanap sa mga bagay na iyon. Kapag iyon ang ginawa, tiyak ay matatagpuan na rin sa wakas ang mga bagay na iyon. Sa tulong ng mga panalangin ni San Antonio de Padua, ang mga nawawalang bagay ay mahahanap ng bawat isa. 

Subalit, madalas na nakakalimutan ng karamihan na ang dakilang santong ito ay isang pantas ng Simbahan. Si San Antonio de Padua ay kilala rin para sa kanyang mga pangaral. Mahusay siyang magbigay ng mga pagninilay tungkol sa mga aklat sa Lumang Tipan at sa Bagong Tipan. Mahusay rin siyang magbigay ng paliwanag tungkol sa mga aral at doktrina ng Simbahan. Ginamit niya ang karunungang bigay ng Diyos sa kanya upang sumaksi sa Panginoong Hesukristo. At iyon naman talaga ang misyon ng Simbahan. Sumaksi kay Kristo Hesus. 

Tulad ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa, si San Antonio de Padua ay hinirang ng Diyos upang mangaral at magpatotoo sa Mabuting Balita tungkol sa pagtubos ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Si Hesus na nangaral tungkol sa pagtupad sa kalooban ng Diyos nang buong katapatan sa Ebanghelyo ay tumupad rin sa kalooban ng Ama para sa Kanya. Sa pamamagitan ng Kanyang pagtupad sa kalooban ng Ama, inihayag ni Hesus ang habag at kagandahang-loob ng Diyos para sa sangkatauhan. Iyan ang dahilan kung bakit si Hesus ay ipinagkaloob ng Diyos sa ating lahat upang maging ating Mesiyas at Manunubos. Iyan rin ang dahilan kung bakit ipinagkaloob ng Diyos ang mga santong katulad nina Apostol San Pablo at San Antonio de Padua. Ginawa ng Diyos ang lahat ng iyon dahil sa Kanyang habag, pag-ibig, at kagandahang-loob. 

Si San Antonio de Padua ay naging tapat na instrumento ng Diyos. Ginamit niya ang biyayang kaloob sa kanya ng Diyos upang mangaral at magpatotoo tungkol kay Kristo. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga biyayang kaloob ng Diyos, ang bawat isa'y nagiging instrumento ng Diyos. At ang mga instrumento ng Diyos ay laging bukas sa pagtupad sa Kanyang kalooban.

Kung nais nating maging banal katulad ni San Antonio de Padua, kinakailangan nating buksan ang ating mga sarili sa kalooban ng Diyos. Kailangan nating maging handa sa pagtupad sa kalooban ng Diyos nang buong katapatan. Kailangan nating gamitin ang mga pagpapalang kaloob Niya sa atin upang bigyan ng kaluwalhatian ang Panginoon. Kailangan nating bigyan ng pahintulot ang Panginoong upang tayong lahat ay Kanyang magamit bilang Kanyang mga instrumento. 

Huwebes, Hunyo 6, 2019

AKTIBO SA PANGANGALAGA

10 Hunyo 2019 
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 86/Juan 19, 25-34 


Tampok sa unang bahagi ng Ebanghelyo ang isang eksena mula sa salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesukristo. Sa mga huling sandali ng Kanyang buhay kung saan Siya'y nakabayubay sa krus, inihabilin ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria sa pangangalaga ng Kanyang alagad na minamahal na si Apostol San Juan. At sa mga sandaling iyon, si Apostol San Juan ang kumatawan sa buong Simbahan. Kaya, sa mga sandaling iyon, ipinakilala ni Hesus sa Kanyang Simbahan ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Simbahan. 

At bilang Ina ng Simbahan, ano ang ginagawa ng Mahal na Inang si Maria? Siya'y laging nananalangin para sa Simbahan. Lagi siyang aktibo sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang Ina ng Simbahan. Lagi siyang nakaantabay sa kapakanan ng kanyang mga anak, tulad ng kanyang ginawa para kay Kristo. Sinasamahan ang Simbahan sa bawat sandali. Kailan man ay hindi niya pinabayaan ang Simbahang itinatag ni Hesukristo. Iyon ang kanyang ginawa sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa kung saan siya'y nakitang sinasamahan ang mga apostol at iba pang mga tagasunod ni Kristo Hesus sa pananalangin habang hinihintay ang pagpanaog ng Espiritu Santo noong Pentekostes. 

Iyan ang ating Ina. Iyan ang Mahal na Birheng Maria. Lagi siyang nananalangin para sa ating lahat. Hindi niya tayo pinababayaan. Hindi siya nakakalimot sa ating lahat. Kaya siya ibinigay ng Panginoong Hesus sa Simbahan. Ang Mahal na Inang si Maria ay ibinigay ni Hesus sa Simbahan upang samahan at kalingain. Ang buong sambayanang Kristiyano ay laging kinakalinga at inaaruga ni Maria, katulad ng kanyang pagkalinga at pag-aruga kay Hesus. Sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin para sa atin sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa lupa, ipinapadama ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang pag-aruga at pagkalinga sa ating lahat na bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo. Aktibo siya sa pagkalinga sa ating lahat na kanyang mga anak. 

Martes, Hunyo 4, 2019

ANG PAMAMATNUBAY NG ESPIRITU SANTO

9 Hunyo 2019 
Linggo ng Pentekostes (Pagmimisa sa Araw ng Linggo) (K) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Roma 8, 8-17)/Juan 20, 19-23 (o kaya: 14, 15-16. 23b-26) 


Bago umakyat sa langit, binilinan ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol na manatili sa Herusalem hanggang sa matupad ang Kanyang mga sinabi tungkol sa ipinangakong pagbaba ng Espiritu Santo mula sa langit (Mga Gawa 1, 4. 8). Sabi pa ng Panginoong Hesus sa alternatibong Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahan ng Pentekostes ngayong Taon K na ang Espiritu Santo ang kanilang magiging kasama magpakailanman upang maging kanilang Patnubay. At bilang kanilang Patnubay, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa kanila ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng mga sinabi ni Kristo (Juan 14, 16. 26). 

Limampung araw matapos ipagdiwang nang buong kagalakan ang Pasko ng Muling Pagkabuhay, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Linggo ng Pentekostes. Ang araw na ito ay isang napakahalagang araw para sa Simbahan sapagkat inaaalala nang buong galak ang pagtupad sa pangakong ito na inihayag ng Panginoong Hesus. Bumaba mula sa langit ang Espiritu Santo at nilukuban ang mga apostol. At matapos silang lukuban at puspusin ng Espiritu Santo, ang mga apostol ay lumbas mula sa silid na kanilang pinagtitipunan at sinimulan ang kanilang misyon - ang magpatotoo tungkol kay Hesukristo sa iba't ibang panig ng daigdig. Ang kaganapang ito ay isinalaysay nang buo sa Unang Pagbasa. 

Kaya, naipangaral ng mga apostol sa iba't ibang panig ng daigdig ang Mabuting Balita. Kaya nila naipakilala sa lahat si Hesus bilang Panginoon. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na masasabi ng sinumang pinapatnubayan ng Espiritu Santo na si Hesus ay Panginoon (12, 3b). Iyan ang dahilan kung bakit naipangaral ng mga apostol sa lahat na si Kristo ay Panginoon. Iyan ang dahilan kung bakit ang Mabuting Balita. Pinapatnubayan sila ng Espiritu Santo. Saan man sila pumunta, ang Espiritu Santo ang pumapatnubay at tumutulong sa kanila. 

Ang misyon ng mga apostol ay inilahad sa kanila ni Hesus nang Siya'y magpakita sa kanila matapos na Siya'y mabuhay na mag-uli. Siya mismo ang nagsabi sa kanila sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo: "Kung paanong sinugo Ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo Ko kayo" (20, 21). Si Hesus ay nagbigay ng misyon sa Kanyang mga apostol. Siya ang nagsugo sa mga apostol upang tuparin ang misyong ito. Sa bawat sandali ng pagtupad ng mga apostol sa misyong ibinigay sa kanila ni Hesus, lagi nilang kasama ang Espiritu Santo upang sila'y patnubayan at tulungan. 

Hindi naging madali para sa mga apostol ang pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesus. Marami silang hinarap na pag-uusig sa bawat sandali ng kanilang pagmimisyon. Marami ang hindi tumanggap sa kanila o sa Mabuting Balitang kanilang hatid at ipinapangaral. Subalit, sa kabila nito, patuloy nilang tinupad ang misyong ibinigay sa kanila ni Kristo hanggang kamatayan. Sa tulong ng Espiritu Santo, ang Patnubay, nanatili silang tapat sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo hanggang wakas. 

Ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyang panahon ang misyong ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol. Sa kabila ng mga pag-uusig na hinaharap sa kasalukuyang panahon, ang Simbahan ay patuloy na sumasaksi kay Kristo. Kahit na nililibak ng ilang mga pulitikal na pinuno ang pananampalatayang ipinangaral ng mga apostol, kahit na iniinsulto at nilalapastangan ang Diyos, ang Simbahan ay hindi titigil sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Ang Simbahan ay mananatiling tapat sa Panginoon hanggang wakas. 

Ang Simbahan ay patuloy na pinapatnubayan at tinutulungan ng Espiritu Santo sa kasalukuyang panahon. Walang sandaling tumigil ang Espiritu Santo sa pagiging Patnubay. Bagkus, lagi Niyang sinasamahan at tinutulungan ang Simbahan. Siya'y nananatiling kasama ng Simbahan. Hindi pababayaan ng Espiritu Santo na mabigo ang Simbahan sa pagtupad sa misyong ibinigay ni Kristo Hesus. Patuloy Niyang tinutulungan ang Simbahan sa pagsaksi ng Mabuting Balita tungkol sa kaligtasang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesukristo. At ang Espiritu Santo ang nagpapalakas sa Simbahan sa panahon ng mga pagsubok. Tinutulungan ng Espiritu Santo ang Simbahan na manatiling tapat kay Kristo hanggang wakas, gaano mang katindi ang pagsubok na hinaharap.