Linggo, Oktubre 29, 2017

ALALAHANIN AT IPAGDASAL ANG MGA KALULUWANG NASA PURGATORYO

2 Nobyembre 2017 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
(Ang mga sumusunod na Pagbasa ay isa sa mga pangkat ng mga Pagbasa na maaaring pagpilian para sa araw na ito. Tingnan ang mga pagbasa sa mga bilang 1031-1035 sa Leksyonaryo - Salita ng Diyos) 
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 103/2 Corinto 5, 1. 6-10/Lucas 23, 33. 39-43 


Ang araw na ito'y inilaan ng Simbahan para sa pag-aalay ng mga panalangin para sa mga kaluluwang sa Purgatoryo. Tiyak na makakapasok sa langit ang mga kaluluwa sa Purgatoryo pagkatapos ng proseso ng pagdadalisay sa Purgatoryo. Dahil sa dungis ng kasalanang benyal, kinakailangang dalisayin ang mga kaluluwang ito bago tuluyang makapasok sa kalangitan kung saan makakapaghimlay magpakailanman sa piling ng Diyos. Sa Purgatoryo, dinadalisay ang mga kaluluwa upang ihanda sila para sa kanilang pagpasok sa kalangitan pagdating ng panahon. 

Tinatawag rin silang mga kaawa-awang kaluluwa dahil hindi nila maaaring ipagdasal ang kanilang mga sarili. Umaaasa sila sa mga panalangin natin. Kailangan nila ang mga panalangin natin upang lalong mapadali ang proseso ng pagdalisay sa kanila nang sa gayo'y makapasok na sila sa langit. Hangad nilang makapasok sa langit upang makamit nila ang walang hanggang kapahingahan at kaginhawaan sa piling ng Panginoon sa kalangitan.

Sa Ebanghelyo, ipinangako ng Panginoong Hesus sa mabuting salaring ipinakong kasama Niya na si Dimas na siya'y isasama Niya sa Paraiso. Iyan ang natatangi't nag-iisang asam-asam ng mga kaluluwa sa Purgatoryo. Makapiling ang Panginoon magpakailanman sa Kanyang kaharian sa langit, ang tunay na Paraiso, ang tahanang hindi nasisira, katulad ng sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang ikalawang sulat sa mga taga-Corinto. Upang mangyari iyon, kailangan nating mag-alay ng mga panalangin para sa kanila, katulad ng ginawa ni Judas Macabeo sa Unang Pagbasa. 

Hinahangad nating lahat na makapiling ang Maykapal sa kalangitan pagdating ng takdang panahon. Ito rin ang iisang hangarin ng mga kaluluwa ng mga yumaong nasa Purgatoryo. Umaaasa sila sa ating mga panalangin sapagkat hindi sila makakapag-alay ng mga panalangin para sa mga sarili nila. Manalangin tayo nang taimtim para sa mga kaluluwa sa Purgatoryo upang makapasok sila sa langit kung saan makakapaghimlay sila sa piling ng Mahal na Poon magpakailanman. 

TUGON SA TAWAG NA MAGING BANAL

1 Nobyembre 2017
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a 


Ang mga banal sa langit ay inilarawan sa Unang Pagbasa sa ganitong paraan, "Sila ang mga nagtagumpay sa kabila ng mahigpit na pag-uusig. Nilinis nila at pinaputi sa dugo ng Kordero ang kanilang damit." (7, 14) Maraming mga pagsubok ang hinarap ng mga banal sa langit noong sila'y namumuhay dito sa lupa. Hindi naging madali para sa kanila ang pagtahak sa landas ng kabanalan. May mga pagkakataon sa kanilang buhay dito sa lupa kung saan sila'y tinukso. Subalit, sa kabila ng mga pagsubok na ito sa kanilang pamumuhay sa lupa, nilabanan at pinagtagumpayan nila ang mga ito. Kaya naman, sila'y ginantimpalaan ng Diyos para sa kanilang pagsusumikap at pananatiling tapat sa Kanya; kapiling na nila Siya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa kalangitan, ang tunay na Paraiso. 

Paano nilang nagawang manatiling tapat sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok dito sa lupa? Sinagot ni Apostol San Juan ang tanong na ito sa Ikalawang Pagbasa. Ang pag-ibig ng Diyos na napakadakila. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, ang bawat isa'y itinuring Niya bilang Kanyang mga anak. Ito ang nagpalakas, nagpatibay sa kanilang loob at pananalig sa Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ang nagbigay sa kanila ng katatagan ng loob upang harapin at pagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay. Ang pag-ibig ng Diyos ang nagbigay sa kanila ng tibay ng loob upang manatiling tapat at masunurin sa Kanyang paningin. 

Sa Ebanghelyo, itinuro ng Panginoong Hesus ang mga Beatitudo. Sa pamamagitan ng mga Beatitudo, itinuro ni Hesus kung sino ang mga mapapalad sa paningin ng Diyos. Ang mga katangiang itinuro ni Hesus ay isinabuhay ng mga banal noong sila'y namumuhay dito sa lupa. Kahit sa harap ng mga matitinding pagsubok sa buhay, patuloy silang nagsumikap na isabuhay ang mga Beatitudo upang maging mapalad sa paningin ng Diyos. Dahil sa kanilang patuloy na pagpupursigi, pagsusumikap, at pananatiling tapat sa mga turo't aral ni Kristo na nagpapakita ng kanilang pagnanais na maglingkod sa Panginoon, silang lahat ay naging mapalad sa paningin ng Diyos. Nagawa nilang manatiling tapat sa mga turo't aral ng Panginoon dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. 

Kaya naman, ang mga banal ay nasa piling ng Diyos sa kalangitan. Sila, na nagsisilbing mga huwaran natin sa pamumuhay nang banal, ay nananalangin para sa ating lahat na namumuhay dito sa lupa. Patuloy silang nananalangin sa Panginoon na tayo'y tulungan at gabayan sa pagtahak sa landas ng kabanalan upang tayo'y maging mapalad sa Kanyang paningin tulad nila. Patuloy rin silang nananalangin at nagsusumamo sa Panginoon na ipakita't ibahagi ang Kanyang pag-ibig upang palakasin ang ating kalooban at pananalig sa Kanya sa harap ng mga matitinding pagsubok sa buhay natin dito sa lupa. 

Sino ang mga maaaring maging banal? Lahat tayo'y tinatawag ng Diyos na tahakin ang landas ng kabanalan. Tayong lahat ay tinatawag ng Diyos na kumilos ayon sa Kanyang kalooban upang maging mapalad sa Kanyang paningin. Tayong lahat ay hinihimok na tularan ang mga banal sa kalangitan na sa kabila ng kanilang mga imperpeksyon ay patuloy na nagsumikap at nanatiling tapat sa kalooban ng Diyos, lalung-lalo sa mga mahihirap na sandali sa buhay dito sa lupa. Sa pamamagitan ng pagtawag sa atin na tumahak sa landas ng kabanalan, tulad ng mga banal sa langit, ipinapakita't ibinabahagi sa atin ng Diyos ang Kanyang walang hanggang pag-ibig na dakila na nagpapalakas ng ating loob at pananampalataya sa harap ng mga matitinding pagsubok sa buhay. 

Hindi madaling tahakin ang landas ng kabanalan. May mga pagsubok na haharapin natin sa buhay. Hindi natin matatakasan ang mga iyon. Hindi madaling maging banal. Subalit, mayroong magpapalakas sa atin sa harap ng mga pagsubok sa buhay - ang pag-ibig ng Diyos. Kung tutularan natin ang halimbawa ng mga banal, kung hahayaan nating palakasin ng pag-ibig ng Diyos ang ating loob at pananampalataya sa Kanya, tayo'y magiging tunay na mapalad sa pangin ng Diyos at makakapiling natin Siya sa Kanyang walang hanggang kaharian sa kalangitan kung saan mararanasan magpakailanman ang Kanyang dakilang pag-ibig. 

Tinatawag tayong lahat ng Panginoong Diyos na maging banal. Ano ang ating tugon? Ano ang ating pasiya? 

Sabado, Oktubre 28, 2017

BUNGA NG PAG-IBIG

29 Oktubre 2017 
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Exodo 22, 20-26/Salmo 17/1 Tesalonica 1, 5k-10/Mateo 22, 34-40 


Kung sasaliksikin nang mabuti ang Sampung Utos ng Diyos, mapagtatanto natin na ang mga utos na ito ay naka-ugat sa pag-ibig. Pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Kung bibigyan natin nang buod ang mga utos ng Diyos, maaari nating sabihin na inuutusan tayo ng Diyos na ibigin Siya at ang kapwa. Kung paano Niya tayong inibig nang lubos, nararapat lamang na ipakita natin ang ating pag-ibig para sa Kanya at para sa kapwa. Sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanyang mga utos, ipinapakita natin na tunay ang ating pag-ibig sa Panginoon. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Hesus ang pinakamahalagang utos bilang tugon sa katanungan ng isang dalubhasa sa Kautusan. (1) Ibigin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. (2) Ibigin ang kapwa gaya ng sarili. Ang dalawang utos na ito ang buod ng mga utos ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtupad sa dalawang utos na ito, natutupad ang mga utos ng Diyos. Dahil ang dalawang utos na ito ay ang mga utos ng Diyos na binalangkas, binuod, pinaikli lamang sa dalawang bahagi. 

Ibigin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Nararapat lamang na ang Panginoong Diyos ay ibigin nang higit sa lahat. Siya ang dapat maging sentro ng ating buhay. Nararapat lamang na Siya'y ating ibigin, sambahin, at paglingkuran. Walang dapat umagaw sa pwesto ng Diyos sa ating buhay. Dapat Siya lamang ang nasa sentro ng ating buhay. Kung paanong tinalikuran ng mga taga-Tesalonica ang kanilang pagsamba sa mga diyus-diyusan at iba pang mga makasalanang gawain upang maglingkod sa Diyos, tulad ng inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, dapat nating talikuran ang mga makasalanan nating pamumuhay. Dapat nating paglingkuran, ibigin, at sambahin ang Diyos na Siyang lumikha at tumubos sa ating lahat dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig na walang katapusan. 

Subalit, hindi sapat na ibigin lamang ang Diyos. Kaya nga, ang pangalawang utos, ibigin ang kapwa gaya ng sarili. Kung paanong ibinahagi ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa ating lahat, dapat rin nating ibahagi ang pag-ibig ng Diyos sa kapwa. Hindi natin dapat angkinin para sa sarili lamang ang pag-ibig na ibinahagi sa atin ng Diyos. Dapat nating itong ibahagi, tulad ng Kanyang ninanais. Kaya nga, sa Unang Pagbasa, ipinagbawal ng Diyos ang pang-aapi. Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang pang-aapi sa iba. Dahil ang pang-aapi ay taliwas sa Kanyang kalooban. Bukod pa roon, kapag inapi ng bawat isa ang kapwa-tao, inaapi ang Diyos. Dahil tayong lahat ay nilikha na kawangis ng Diyos (Genesis 1, 26). 

Hindi lang pag-ibig sa Diyos ang nais ituro ng Kautusan. Nais ituro ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga utos na dapat nating ibigin ang kapwa. Tulad ng ginawa Niyang pagbabahagi sa atin ng Kanyang dakilang pag-ibig. Kung paanong ibinahagi ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin, dapat rin nating ibahagi sa ating kapwa ang pag-ibig na ibinahagi sa atin ng Diyos. Sa gayon, naipapalaganap natin ang pag-ibig ng Panginoong Diyos na bukal ng pag-ibig. Anuman ang ating ipakita o gawin para sa ating kapwa, ginagawa rin natin iyon sa Poong Maykapal. Dahil ang bawat tao'y nilikhang kawangis ng Maykapal. 

Kung tunay nating iniibig ang Diyos, tatalima tayo sa Kanyang mga utos. Kung iniibig natin ang Diyos nang tunay, iibigin rin natin ang ating kapwa. Sa pamamagitan nito, naipapalaganap natin ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan rin nito, nagkakaroon ng kaganapan ang mga utos ng Diyos. Sapagkat ang mga utos ng Diyos ay bunga ng pag-ibig, pag-ibig sa Kanya at sa kapwa. 

Sabado, Oktubre 21, 2017

WALANG PAKIALAMAN?

22 Oktubre 2017 
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 45, 1. 4-6/Salmo 95/1 Tesalonica 1, 1-5b/Mateo 22, 15-21 


Wika ng Panginoong Hesus sa katapusan ng Ebanghelyo ngayon, "Ibigay sa Cesar ang para sa Cesar at sa Diyos ang para sa Diyos." (22, 21b) Ang kahulugan ng mga salitang ito ng Panginoong Hesus ay madalas na binabaluktot. Ang interpretasyon ng karamihan ng mga tao kapag naririnig nila ang mga salitang ito ng Panginoong Hesukristo - hindi na dapat makialam ang Simbahan sa mga isyu o usapin sa lipunan. Dapat na lamang magdasal at mangaral tungkol sa Salita ng Diyos ang Simbahan gamit ang mga matatamis na salita. Pabayaan ng Simbahan ang estado na gawin ang kanilang binabalak, mabuti man o masama ang mga ito. 

Ano nga ba talaga ang ibig sabihin ni Hesus noong sinabi Niyang, "Ibigay sa Emparador ang para sa Emperador at ibigay sa Diyos ang para sa Diyos?" Maging mga mabubuting mamamayan ng bansa. Magbayad ng buwis sa gobyerno. Sumunod sa mga patakaran at mga utos ng bayan. Suportahan ang gobyerno sa pagpapatupad ng mga programang magdudulot ng kabutihan para sa lahat. Subalit, hindi nangangahulugang dapat ihiwalay natin ang pagiging mabuting mamamayan sa pagiging mabuting Kristiyano. Hindi dapat manatiling tikom ang mga labi ng Simbahan kapag ang estado ay may mga programang nais isulong na labag sa mga utos ng Diyos. Dapat alalahanin na tayong lahat ay nilikha ng Diyos at inangkin Niya bilang Kanyang mga anak. Kaya naman, kailangan din nating tuparin at sundin ang mga utos ng Panginoong Diyos. 

Nais ituro sa atin ni Kristo na ang pagiging isang mabuting mamamayan ng isang bansa at ang pagiging Kristiyano ay hindi dapat ihiwalay. Hindi nais ituro ni Kristo na dapat tayong maging tahimik sa harap ng kawalan ng katarungan. Hindi nais ituro ni Kristo na mali ang pagbibigay ng kritisismo o pumuna sa mga opisyal ng gobyerno. Higit sa lahat, hindi rin sinasabi ni Kristo na dapat maging isang diktadura ang estilo ng pamamahala ng gobyerno. Bagkus, ang nais ituro ni Kristo na dapat tayong maging isang mabuting mamamayan ng bansa at isang Kristiyano. Bilang mamamayan ng isang bansa, dapat tayong magbigay ng buwis upang tulungan ang estado sa pagpapatupad ng mga programang nagdudulot ng benepisyo para sa lahat. At bilang isang Kristiyano, tayo'y tatalima sa mga utos ng iisang Diyos na makapangyarihan bilang pagsamba sa Kanya. 

Kaya nga, ang Simbahan ay aktibo sa pakikibaka laban sa mga prinsipiyong nais pairalin ng estado na labag naman sa mga utos ng Diyos. Noong EDSA Uno, aktibong nakiisa ang Simbahan sa pakikibaka laban sa diktadura at ang pandaraya noong dagliang halalan (snap election) ng 1986. Noong EDSA Dos, aktibong nakiisa ang Simbahan sa pakikibaka laban sa kurapsyon at tiwalang pamamahala ng gobyerno noon. Sa kasalukuyang panahon, aktibong nakikiisa ang Simbahan sa pakikibaka laban sa mga 'di-makatarungang patayan ng mga inosente. Patuloy na nananawagan ang Simbahan na itigil na ang mga patayan ng mga inosente na isang tanda ng kawalan ng katarungan. Ipinapakita ng Simbahan na hindi mali na pumuna sa mga maling gawain o prinsipiyong pinapairal ng gobyerno. Katunayan, ito ay pagpapahayag ng pagmamahal sa bayan dahil nais nating mamayani ang kabutihan, kapayapaan, katarungan, at kasaganaan sa ating bayan. 

Itinuturo sa atin ng Panginoong Hesus na mayroon tayong pananagutan sa Diyos at sa bayan. Mayroon tayong responsibilidad na maging mga mabubuting mamamayan ng isang bansa o bayan. Subalit, hindi lamang iyon ang ating responsibilidad. Bukod pa sa ating responsibilidad sa bayan na maging mga mabubuting mamamayan, mayroon tayong responsibilidad sa Diyos na humirang sa bawat isa sa atin. Sabi nga ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Tesalonica na tayong lahat ay hinirang ng Diyos (1, 4). Kung paanong hinirang ng Diyos si Ciro sa Unang Pagbasa, gayon din naman, hinirang tayo ng Diyos upang maging Kanyang mga anak na naglilingkod at sumasamba sa Kanya nang buong pananalig, pagmamahal, at katapatan. 

Hindi itinuturo ni Kristo na pairalin ang prinsipiyo ng walang pakialaman. Hindi itinuturo ng Panginoon na dapat manatiling tikom ang bibig ng bawat Kristiyano pagdating sa mga isyu't usapin sa estado. Bagkus, itinuturo ng Panginoon na mayroon tayong pananagutan sa Diyos at sa bayan. Ang responsibilidad natin sa bayan ay ang pagiging mga mabubuting mamamayan, magbayad ng tamang buwis at kumilos para sa kabutihan ng bayan. Ang responsibilidad natin sa Diyos ay tumalima at tumupad sa Kanyang mga utos. Hindi natin maipaghihiwalay ang ating responsibilidad sa bayan at sa Poong Maykapal. 

Sabado, Oktubre 14, 2017

PAANO TAYO TUTUGON SA PAANYAYA NG DIYOS?

15 Oktubre 2017 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 25, 6-10a/Salmo 22/Filipos 4, 12-14. 19-20/Mateo 22, 1-14 (o kaya: 22, 1-10)



Ang larawan ng isang piging ay ginagamit sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayong Linggo. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni propeta Isaias na magdadaos ng isang piging ang Panginoong Diyos at aanyayahan Niya ang lahat ng mga bansa sa piging na ito. Sa Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus sa pamamagitan ng talinghaga ukol sa kasalan ang angkop na tugon sa paanyaya ng Diyos. 

Sa talinghaga tungkol sa kasalan, inilarawan ng Panginoong Hesus ang apat na uri ng maling pagtugon sa paanyaya ng Diyos. Una, ang mga ayaw dumalo. Pangalawa, ang mga nandedma, hindi pinansin ang paanyaya. Pangatlo, ang mga sumunggab, humamak, at pumatay sa mga alipin. At pang-apat, ang tumanggap ng paanyaya subalit hindi naghanda ng maigi at maayos. 

Sa unang tingin, parang sinasabi ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng talinghagang ito na ang Diyos ay isang marahas na diktador na hindi nagpapahalaga sa kalayaan ng tao. Subalit, hindi diktador ang Diyos. Tayong lahat ay binibigyan ng kalayaan ng Diyos upang makapagpasiya para sa ating mga sarili. Tayo ang magpapasiya para sa ating mga sarili. Inilalarawan lamang ng Panginoong Hesus kung ano ang magiging kahihitnatnan natin kung hindi tayo magpapasiya nang tama, kung hindi natin tatanggapin ang tawag at paanyaya ng Diyos. 

Oo, masakit para sa Diyos na makita tayong magdusa dahil sa hindi natin pagtanggap sa Kanya. Masakit para sa Diyos na makita tayong magdusa dahil hindi natin tinanggap ang Kanyang paanyaya, ang Kanyang kalooban. Subalit, wala na Siyang magagawa kung hindi natin tatanggapin ang Kanyang paanyaya. Hindi Niya tayo pipilitin na gawin ang Kanyang kalooban. Binibigyan Niya tayo ng kalayaan upang magpasiya para sa ating mga sarili. At hinding-hindi Niya ilalabag ang ating karapatan at kalayaan na magpasiya para sa ating mga sarili. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos tungkol sa kapangyarihan at kalayaang ito. Inihayag ni Apostol San Pablo na magagawa niya ang lahat ng bagay dahil sa lakas na kaloob ni Kristo (4, 13). Binibigyan tayo ng lakas ni Kristo upang magpasiya para sa ating sarili. Tayong lahat ay binibigyan ng lakas at kalayaan upang magpasiya kung tatalima ba tayo sa kalooban ng Diyos o hindi. Binibigyan rin tayo ng lakas ng loob upang manatiling tapat sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok sa buhay, tulad ng mga personal na karanasang isinalaysay ni Apostol San Pablo. 

Tayong lahat ay tinatawag at inaanyayahan ng Diyos na makasalo Siya sa Kanyang piging. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Panginoon na maranasan at makibahagi sa Kanyang Awa't Pag-Ibig. Tayong lahat ay inaanyayahang maging masunurin sa kalooban ng Diyos. Paano tayo tutugon sa paanyaya ng Diyos? Paano tayo tutugon sa Kanyang tawag? Tayo ang magpapasiya. 

Sabado, Oktubre 7, 2017

ANG KAHANGA-HANGANG GAWA NG DIYOS

8 Oktubre 2017 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 5, 1-7/Salmo 79/Filipos 4, 6-9/Mateo 21, 33-43 


Isang buod ng mahabang salaysay ukol sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ang ibinahagi ni Hesus sa pamamagitan ng talinghagang Kanyang isinalaysay sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ang may-ari ng ubasan (na sumasagisag sa Diyos) ay nagtanim ng ubas sa kanyang bukid bago nag-ibang bayan. Nang dumating ang panahon ng pitasan, ipinadala ng may-ari ang kanyang mga alipin sa mga kasama sa ubasan upang kunin ang kanyang kaparte. Subalit, ang mga aliping ipinadala ng may-ari ng ubasan ay sinunggaban at pinatay ng mga kasama. Sa kahuli-huliha'y ipinasiya ng may-ari ng ubasan na isugo ang kanyang anak, baka-sakaling igalang siya ng mga kasama. Subalit, sa kasiwang palad, walang awang sinunggaban at pinatay ng mga kasama ang anak ng may-ari ng ubasan. 

Sa pamamagitan ng talinghagang ito, ibinunyag ng Panginoong Hesus kung ano ang mangyayari sa Kanya. Para bang inihayag ni Hesus sa pamamagitan ng talinghagang ito ang Kanyang kamatayan sa kamay ng mga punong saserdote, mga matatanda ng bayan, at iba pang mga autoridad. Inilarawan ni Hesus na Siya'y hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan bilang Mesiyas at Tagapagligtas na kaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. Kung paanong itinakwil at pinatay ang mga propeta sa Lumang Tipan, gayon din naman, Siya'y itatakwil at papatayin. 

Naranasan ng Anak ng Diyos ang kalupitan ng Kanyang bayan. Naranasan Niya ang pagtakwil ng Kanyang bayan. Kahit na Siya ang makapangyarihan sa lahat, kahit na Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, hindi Siya naging ligtas mula sa kasamaan at kalupitan ng Kanyang bayan. Kahit na minahal Niya ang Kanyang bayan, nilusob Siya ng pagtakwil nila sa Kanya bilang Mesiyas at Manunubos. Kung paanong itinakwil ng bayang Israel ang Panginoong Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga masasamang gawain na inilarawan sa talinghaga ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa (5, 1-7), gayon din naman, ang Nazarenong si Hesus ay itinakwil at pinatay ng Kanyang mga kababayan na inimpluwensyahan ng mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan na inggit sa Kanya. 

Subalit, hindi nagwakas ang lahat sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus. Siya'y muling nabuhay sa ikatlong araw. Hindi nanatili sa libingan ang Panginoong Hesus. Bagkus, pagsapit ng ikatlong araw, Siya'y bumangon at lumabas mula sa libingan taglay ang Kanyang maningning na kaluwalhatian. Ang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus ang kahanga-hangang gawa ng Diyos. Sapagkat sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, tinubos ang sangkatauhan. 

Kaya naman, hinihimok ni Apostol San Pablo ang lahat ng mga Kristiyano sa Filipos sa Ikalawang Pagbasa na isagawa ang lahat ng kanyang mga itinuro niya sa kanila. Wala siyang ibang itinuro sa kanila kundi ang Mabuting Balita ukol sa pagliligtas ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Hinihimok niya ang lahat ng mga Kristiyano, hindi lamang ang mga nasa bayan ng Filipos, na isabuhay ang mga aral at utos ni Kristo sa Ebanghelyo. Iyan lamang ang munti nating magawa para sa Kanya. Isabuhay ang mga aral ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesukristo. Inalay ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang buhay para sa ating lahat. Ialay naman natin ang ating buhay sa Kanya. Nararapat lamang na tuparin natin ang utos ng Poong Maykapal na gumawa ng maraming dakila at kahanga-hangang bagay para sa ating lahat. 

Ang kahanga-hangang gawa ng Diyos ay ang pagliligtas Niya sa sangkatauhan sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Si Hesus ang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na pumanaog sa sanlibutan nang buong kababaang-loob upang iligtas ang sangkatauhan, sa kabila ng pagtakwil sa Kanya ng Kanyang mga kababayan. Tinanggap Niya ang lahat ng pagtakwil at pagdurusang ipinataw sa Kanya upang ipamalas ang kahanga-hangang gawa ng Diyos. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, ipinamalas sa lahat ang kahanga-hangang gawa ng Maykapal. At ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos ay hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman.