Lunes, Disyembre 28, 2020

NAPARITO UPANG ILIGTAS ANG LAHAT

3 Enero 2021 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon 
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12 



Ang Banal na Sanggol na ipinaglihi't isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko ay walang iba kundi ang Bugtong na Anak ng Diyos. Ang pangalan ng Banal na Sanggol na ito ay "Hesus." Ang ibig sabihin ng pangalang "Hesus" ay "Magliligtas ang Diyos." Ang kahulugan ng pangalan ng Mesiyas na dumating sa daigdig bilang isang sanggol na ipinaglihi't ipinanganak ng Mahal na Inang si Maria ay ang sentro ng pagdiriwang sa araw na ito. Ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay hindi lamang para sa mga taong kabilang sa isang pangkat o lahi lamang. Bagkus, ang biyayang ito na mula sa Diyos ay para sa lahat ng tao. Walang isasantabi ang Diyos. Hindi ito ekslusibo. Ito'y para sa lahat ng tao dito sa daigdig anuman ang lahi, lipi, bansa, o pangkat na kinabibilangan. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang kaganapang ginugunita at ipinagdiriwang sa araw na ito. Ang Banal na Sanggol na si Kristo ay dinalaw at sinamba ng tatlong pantas o mago mula sa silangan. Ang tatlong pantas na ito ay hindi nagmula sa bayang Israel. Hindi sila mga Israelita. Bagkus, sila'y mga dayuhan lamang mula sa silangan. Subalit, sa kabila nito, ang tatlong ito'y hindi tumigil sa paglalakbay nang napakalayo upang hanapin ang bagong panganak na Hari na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Ito ay patunay lamang na ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay hindi ekslusibo sa isang lahi lamang. Ito'y para sa lahat. 

Ang salaysay ng pagdalaw at pagsamba ng mga pantas sa Sanggol na Hesus na inilahad sa Ebanghelyo ay nagpapakilala sa temang binibigyan ng pansin ng Simbahan sa pistang ipinagdiriwang sa araw na ito. Ang kaligtasan ng Diyos ay para sa lahat. Iyan ang dahilan kung bakit may mga pantas mula sa silangan na dumalaw at sumamba sa Banal na Sanggol na si Hesus. Kahit na hindi sila mga Israelita, ang mga pantas na ito ay naglakbay pa rin nang napakalayo upang hanapin ang bagong silang na Hari at sumamba sa Kanya. Niloob ng Diyos na mahanap ng mga pantas na ito ang Sanggol na Hesus at makasamba sa Kanya kahit na hindi sila kabilang sa bayang Israel. Ito'y patunay lamang na niloob ng Diyos na makinabang ang lahat ng tao sa daigdig na ito sa biyaya ng Kanyang pagliligtas. Anuman ang lahi, lipi, pangkat, bayan, o bansang kinabibilangan ng bawat tao sa daigdig na ito, ang pagpapalang ito ng Diyos ay para sa kanila. Hindi na mahalaga para sa Diyos kung saang lipi, lahi, bayan, bansa, o kultura nagmula ang bawat tao sa mundo. Hindi mapipigilan ng kanilang kultura, bayan, bansa, lahi, o lipi ang bawat tao sa mundong ito na makinabang at makibahagi sa biyayang ito ng Diyos. Ang bawat tao sa daigdig ay maaaring makinabang o makibahagi sa biyayang ito na kaloob ng Panginoon. 

Nakasentro sa temang ipinakilala ng Ebanghelyo, ang salaysay ng kaganapang ginugunita at ipinagdiriwang sa araw na ito, ang mga salita sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sabi sa Unang Pagbasa na ang liwanag ng Panginoong Diyos na magniningning sa lungsod ng Herusalem ang magiging dahilan kung bakit lalapit ang mga hari sa nasabing lungsod (Isaias 60, 3). Ang mga hari at pinuno ng mga bansa sa mundong ito ay maaakit sa liwanag ng Panginoon na magniningning sa Herusalem. Iyon ang dahilan kung bakit sila ay tutungo sa Herusalem. Iyon rin ang dahilan kung bakit sabi sa wakas ng Unang Pagbasa na mahahayag ang mga gawa ng Panginoong Diyos (Isaias 60, 6). Ang mga gawa ng Panginoon na tunay ngang kahanga-hanga ay masasaksihan ng bawat tao sa daigdig. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay mahahayag sa pamamagitan ng Kanyang liwanag na magniningning sa Herusalem. Ito ay isa lamang patunay na ang mga makakasaksi sa mga kahanga-hangang gawang ito ay hindi lamang mga taga-Israel o taga-Herusalem. Bagkus, iba't ibang tao mula sa bawat sulok ng daigdig ay makakasaksi nito. Ipapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa lahat sa pamamagitan nito. 

Tinalakay ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang kagandahang-loob ng Diyos. Sabi ni Apostol San Pablo na ito ang dahilan kung bakit siya'y naging misyonero sa mga Kristiyano sa Efeso (Efeso 3, 2-3a). Sabi pa niya sa huling bahagi ng kanyang pangaral na ang dahilan kung bakit sila at iba pang mga Hentil ay bahagi ng iisang katawan at kahati sa mga pangako ng Diyos ay ang Kanyang kagandahang-loob na nahayag sa lahat ng tao sa buong mundo sa pamamagitan ni Kristo (Efeso 3, 6). Naranasan ng tatlong pantas sa Ebanghelyo ang kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. Ang kagandahang-loob ng Diyos ang dahilan kung bakit ang tatlong pantas na nagmula pa sa silangan ay nakadalaw at nakasamba sa Banal na Sanggol na si Hesus. 

Ipinapaalala ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon sa atin na ang pagpapala ng Panginoon ay para sa lahat. Kung ang tatlong mago mula sa silangan ay pinahintulutan at niloob ng Diyos na makadalaw at makasamba sa Banal na Sanggol na si Hesus, ang bawat isa sa atin sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay niloob rin Niyang makinabang sa Kanyang biyaya. Ang mga biyaya ng Panginoong Diyos ay para sa lahat. Iyan ay dahil sa Kanyang kagandahang-loob na nahayag sa pamamagitan ni Kristo. Ang Diyos ay naparito sa mundo sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo upang iligtas ang lahat ng tao. 



Linggo, Disyembre 27, 2020

MAGANDANG BALITA SA SIMULA NG BAGONG TAON

1 Enero 2021 
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos 
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21 


Ipinagdiriwang ng Simbahan ang Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos, sa simula ng isang panibagong taon sa sekular na kalendaryo. Ang pistang ito ay ang ikawalo at huling araw ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesus. Sa pagdiriwang ng Solemnidad na ito sa unang araw ng panibagong taon sa sekular na kalendaryo, ang Simbahan ay may hatid na magandang balita sa bawat isa sa atin. 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang magandang balitang hatid sa atin ng Simbahan sa unang araw ng panibagong taon. Sa Unang Pagbasa, inilahad ng Diyos kay Moises ang rito ng pagbabasbas na dapat gamitin nina Aaron at ng kanyang mga anak sa tuwing igagawad nila ito sa mga Israelita. Sa rito ng pagbabasbas na ito, ang pagiging mapagpala at mahabagin ng Diyos ay binigyan ng pansin. Ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa pagdiriwang na ito ay nakasentro sa dalawang katangiang ito ng Diyos. Katunayan, ang pangaral ni Apostol San Pablo ay nakatuon sa pinakadakilang grasya o biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng tao. Ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa lahat ng tao ay walang iba kundi ang Kanyang Bugtong na Anak na isinilang ng isang babae (Galacia 4, 4). Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagsamba ng mga pastol sa Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban at ang pagtutuli at pagpapangalan sa Kanya. Ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong unang Pasko ay ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan sapagkat ang Banal na Sanggol na ito ay ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos. Ang Pangalan ng Banal na Sanggol na ito ay "Hesus" (Lucas 2, 21). Ang kahulugan ng pangalang ito "Hesus" ay "Ang Diyos ay nagliligtas." 

Ang magandang balitang nais iparating ng Simbahan sa unang araw ng bagong taon sa sekular na kalendaryo ay tungkol sa dalawang katangiang ito ng Diyos. Isa itong magandang paalala para sa bawat isa sa atin. Nararapat lamang na ulitin ang mensahe at aral na ito upang hindi natin ito makakalimutan. Lagi nating tatandaan na ang Panginoong Diyos ay maawain at mapagpala. Iyan ang magandang balitang nais iparating at ipaalala sa atin ng Simbahan. 

Bakit ito ang magandang balitang nais iparating ng Simbahan sa atin sa simula ng panibagong taon? Ito ang magandang balitang ipinaparating ng Simbahan sa atin upang lumakas ang ating loob. Ang magandang balitang ito ay may hatid na pag-asa sa bawat isa sa atin. Pinaalalahanan tayo na ang Diyos ay maawain at mapagpala. Kaya, dapat lagi tayong umasa sa Kanya. Ang bawat isa sa atin ay tutulungan ng Panginoon na tunay ngang mahabagin at mapagpala. Katunayan, ipinagkaloob nga Niya ang biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo, ang pinakadakilang pagpapalang nagmula sa Kanya. Ano pa kaya ang tulungan tayo sa pagharap sa mga hamon at mga pagsubok sa panibagong taong ito? Huwag tayong mag-alala. Kasama natin ang Diyos. Tayo'y tutulungan ng Panginoong Diyos dahil tunay ang Kanyang awa at pagpapala. 

May magandang balita ang Simbahan para sa bawat isa sa atin sa simula ng isang panibagong taon. Tunay na maawain at mapagpala ang Diyos. Ang mga pagpapala ng Diyos ang naghahayag ng Kanyang habag at awa para sa lahat. 

Miyerkules, Disyembre 23, 2020

SINONG HARI ANG PIPILIIN MO?

28 Disyembre 2020 
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir 
1 Juan 1, 5-2, 2/Salmo 123/Mateo 2, 13-18 


Mapapatanong siguro ang karamihan kung bakit ang Kapistahang ito ay bahagi ng Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Para sa karamihan, hindi naaayon o naaangkop na alalahanin ang isang malungkot na pangyayari. Puno ng karahasan ang pangyayaring ginugunita natin sa Pistang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Bakit nga ba ipinagdiriwang natin ang Kapistahang ito sa panahong inilaan ng Simbahan upang ipagdiwang nang buong saya ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos? 

Ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahang ito sa loob ng Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ay ipinaliwanag sa mga Pagbasa. Ang mga sanggol na lalaki at maging ang mga batang lalaki mula isa hanggang dalawang taong gulang sa Betlehem at sa mga malalpit na lugar ay walang awang pinaslang ni Haring Herodes dahil sa Sanggol na si Kristo. Ang dahilan kung bakit ipinaslang ang mga inosenteng sanggol na ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas.

Dalawang hari ang ipinapakilala at itinatampok sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang unang hari ay si Haring Herodes. Uhaw na uhaw siya sa kanyang kapangyarihan. Hindi niya matanggap na may mas dakila kaysa sa kanya. Ayaw niyang bitiwan o pakawalan ang kanyang kapangyarihan. Siya'y nasilaw sa kapangyarihan at kayamanan. Labis siyang napraning nang mabalitaan niyang isinilang ang Banal na Sanggol. Dahil dito, ipinapatay niya ang lahat ng mga inosenteng sanggol sa Betlehem. Ayaw niyang maalis mula sa kanyang posisyon o antas bilang hari. Ang pangalawang hari naman ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Sinabi ni Apostol San Juan sa kaniyang pangaral Unang Pagbasa na si Hesus ay "ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao" (1 Juan 2, 2). Si Hesus ay dumating sa mundo upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Siya ang haring tunay na umiibig sa Kanyang mga pinaghaharian. Sa kabila ng mga salang nagawa ng sangkatauhan laban sa Kanya sa kasaysayan, minahal pa rin Niya ang sangkatauhan. Katunayan, patuloy pa ngang minamahal ni Kristo ang sangkatauhan sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagdating bilang Tagapagligtas, pinatunayan Niya ang Kanyang pag-ibig. Iyan ang dahilan kung bakit Siya isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko. 

Sa pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, tayong lahat ay iniiwanan ng isang tanong. Sinong hari ang pipiliin at papanigan mo? Suriin at pagnilayan natin ito nang taimtim at mabuti. 

MISTERYONG NAKAKASORPRESA

27 Disyembre 2020
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose (B) 
Genesis 15, 1-6; 21, 1-3 (o kaya: Sirac 3, 3-7. 14-17a [gr. 2-6. 12-14])/Salmo 104 (o kaya: Salmo 127)/Hebreo 11, 8. 11-12. 17-19 (o kaya: Colosas 3, 12-21)/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22. 39-40) 


Ipinapaalala sa atin ng Kapistahan ng Banal na Mag-Anak na ang Diyos ay nagkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at namuhay kapiling natin sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Hindi Siya nagpakita agad taglay ang Kanyang buong kadakilaan, kahit na iyon ang pinakamadaling gawin. Ipinasiya ng Diyos maging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayo'y tubusin. Ginawa Niya iyon upang ihayag ang Kanyang dakilang pag-ibig. Ito ang misteryo ng Pasko na patuloy na ipinapaalala sa atin, lalo na't ang Kapistahang ito ay napapaloob sa tinatawag na Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. 

Bahagi ng pagiging tao ay ang pagkakaroon ng pamilya. Ang bawat isa sa atin ay nagmula sa isang pamilya. Hindi tayo basta lumitaw at nagpakita sa daigdig gamit ang sarili nating kapangyarihan nang gayon na lamang. Bagkus, tayo ay nagmula sa isang pamilya at isang angkan. Iyan din ang ginawa ng Diyos. Ang Diyos ay naging bahagi ng isang pamilya nang Siya'y pumarito sa daigdig na ito sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Kahit na ang Panginoon ay mayroong kapangyarihang dumating at magpakita sa lahat nang gayon na lamang, pinili pa rin Niyang maging bahagi ng isang pamilya. 

Kung tutuusin, higit na dakila kaysa sa Kanyang pamilya dito sa daigdig na ito at maging kaysa sa Kanyang mga ninuno si Kristo. Higit Siyang dakila kaysa kay Abraham, na kilala rin bilang si Abram sa Unang Pagbasa. Si Kristo ay bahagi ng Banal na Santatlo, ang tunay at nag-iisang Diyos, na nangako kay Abram na siya'y magkakaroon ng maraming anak at apo sa Unang Pagbasa. Katunayan, binigyan pa nga Niya ng bagong pangalan si Abram - Abraham. Sabi pa nga sa Ikalawang Pagbasa na ibinigay ni Abraham sa Diyos ang kanyang pananalig at pagtalima. Ang nakakagulat, mismong ang Diyos ay naging bahagi ng angkan o lahi ni Abraham sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Kristo na dinala ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa templo upang ihandog sa Panginoon sa Ebanghelyo. Nakakagulat nga ito. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at naging bahagi ng isang pamilya at isang angkan. Ang Panginoon ay higit na dakila kaysa kina Abraham, Sara, Isaac, at maging kaysa sa Mahal na Inang si Maria at San Jose. Hindi nga sapat ang mga salita para ilarawan ang kadakilaan ng Diyos. Kung sino pa ang pinakadakila sa lahat, Siya pa ang nagpakaaba. Ang lahat ng bagay ay nasa Kanya, subalit pinili pa rin Niyang maging isang tao na wala namang taglay na kapangyarihan at kadakilaang katulad Niya. Bakit Niya ginawa ang nakakagulat na bagay na ito? 

Tunay ngang nakakagulat ang gawang ito ng Panginoong Diyos. Biruin mo nga naman, nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan at kaluwalhatian bilang Diyos subalit pinili pa rin Niyang maging isang tao katulad nating lahat, maliban na lamang sa kasalanan. Pinili Niyang maging katulad ng mga tao na sa Kanyang paningin mula sa langit ay mga aba at hamak na nilalang lamang. Subalit, ginawa ng Panginoon ang nakakagulat na bagay na ito dahil sa Kanyang pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig, pinili Niya tayong iligtas. Pag-ibig ang dahilan kung bakit pinili ng Diyos na magpamalas ng kababaang-loob upang iligtas ang bawat isa sa atin na mga hamak, mahihina, at maliliit na nilalang lamang. Hindi tayo dakila at makapangyarihan katulad Niya. Hindi natin Siya mahihigitan o mapapantayan man lamang kailanman. Subalit, pinili pa rin ng Panginoon na gawin ito dahil sa Kanyang pag-ibig. Sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus, ang Diyos ay buong kababaang-loob na dumating sa daigdig na ito at nagkatawang-tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayo'y iligtas dahil sa Kanyang pag-ibig. 

Ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya ay nakasentro pa rin sa misteryo ng Pasko. Ang misteryong ito ay nakakagulat at nakakasorpresa. Ang Diyos ay dumating sa daigdig na ito bilang isang tao katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan, sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Ginawa Niya ito sapagkat tunay ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. 

Martes, Disyembre 22, 2020

ALANG-ALANG KAY KRISTO

26 Disyembre 2020 
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir 
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22 


Sa unang tingin, nakakapagtaka at nakakagulat malamang ipinagdiriwang ang kapistahan ng isang santong martir sa mismong araw na kasunod ng Pasko ng Pagsilang. Inilaan ng Simbahan ang araw na kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon sa pagdiriwang ng Kapistahan ng kauna-unahang santong martir ng Simbahan na si San Esteban. Mapapatanong ang marami kung bakit ang Kapistahan ng Unang Santong Martir ng Simbahan ay ipinagdiriwang sa araw pagkatapos ng Pasko ng Pagsilang. 

Isinalaysay ang buhay at pagkamartir ni San Esteban sa Unang Pagbasa. Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagsalita sa mga apostol tungkol sa katotohanan ng pagiging Kanyang mga saksi. Hindi magiging madali ang kanilang buhay. Sila'y makakaranas ng matinding pag-uusig dahil kay Kristo. Ang pagsaksi kay Kristo ay may kaaakibat na pagsubok, pagdurusa, at pag-uusig. Tila hindi naaayon o nababagay ang tono ng mga Pagbasa sa diwa ng Kapaskuhan. Bakit bahagi ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ang kapistahang ito? Hindi ba dapat tungkol sa pagsasaya ang walong araw na ito na inilaan ng Simbahan upang lalo pa nating ipagdiwang ang Pasko ng Pagsilang? Bakit ang araw na kasunod ng Pasko ng Pagsilang ang siyang pinili ng Simbahan upang gunitain at ipagdiwang ang kagitingan at pagkamartir ni San Esteban?

Bagamat nakakalungkot at napakabayolente ang sinapit ni San Esteban, hindi niya ito pinagsisihan. Hindi niya pinagsisihang magpatotoo tungkol kay Kristo at manindigan sa kanyang pananampalataya bilang Kristiyano. Bagamat alam niya kung ano ang maaaring mangyari sa kanya, hindi nagpatalo sa takot at sindak si San Esteban. Bagkus, kusang hinarap at tinanggap ni San Esteban kung ano ang mangyayari sa kanya alang-alang sa Panginoon. Hindi pinagsisihan ni San Esteban ang kanyang paninindigan at pagsaksi kay Kristo, kahit na ang naging kapalit nito ay ang kanyang sariling buhay. Naging masaya si San Esteban sa gitna ng matinding pag-uusig at kamatayan dahil sa Panginoong Hesukristo. Sa harap ng matinding pag-uusig at kamatayan, si San Esteban ay naging masaya sapagkat inialay niya ang mga huling sandali ng kanyang buhay dito sa lupa na puno ng pagtitiis at pagdurusa sa Panginoong Hesus. 

Ganito rin ang ginawa ng Panginoong Hesukristo. Ipinasiya Niyang pumarito sa mundo upang tayo'y iligtas. Ipinasiya Niyang maging ating Tagapagligtas. Dahil diyan, Siya'y dumating sa daigdig bilang isang sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa gabi ng unang Pasko. Kahit na alam Niya kung ano ang sasapitin Niya pagdating ng takdang panahon, pinili pa rin ni Hesus na gawin ito alang-alang sa atin. Iyan ang ating Tagapagligtas na si Hesus. Siya'y naparito upang tayo'y iligtas. Naparito Siya alang-alang sa atin. 

Si Hesus ay naparito sa daigdig alang-alang sa ating lahat. Alang-alang sa ating lahat, pinili Niya tayong iligtas. Iyan ang dahilan kung bakit Siya'y dumating sa daigdig bilang isang sanggol noong gabi ng unang Pasko. Pinili naman ni San Esteban na mamatay bilang martir alang-alang kay Kristo. Ang tanong para sa bawat isa sa atin, handa ba tayong ihandog ang ating mga sarili kay Kristo? Handa ba tayong gawin ang lahat at tiisin ang lahat alang-alang kay Kristo? 

Lunes, Disyembre 21, 2020

ANG MAGANDANG BALITA NG PASKO

25 Disyembre 2020
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Araw]
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 


Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, nakatuon ang pansin ng Simbahan sa Banal na Sanggol na si Hesus. Si Hesus, ang Banal na Sanggol na ipinagnanak ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban noong gabi ng unang Pasko, ang dahilan kung bakit mayroong saysay at kahulugan ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Si Hesus ang dahilan kung ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ang napakahalaga. Tanging si Hesus lamang ang nagbibigay ng kahulugan sa pagdiriwang ng Pasko. Ang pagdiriwang ng Pasko ay walang saysay kung wala si Hesus. 

Kaya naman, inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas habang buong tuwa't galak nating ipinagdiriwang ang araw na ito. Iyan ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ang Pasko. Ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan, upang tayo'y iligtas. Ang Banal na Sanggol na nakahiga sa sabsaban ay ang ipinangakong Manunubos. Ang Banal na Sanggol na ito ay walang iba kundi ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Tinutulungan tayo ng mga Pagbasa para sa araw na ito na lalong palalimin ang ating pagninilay sa dahilan ng pagdiriwang ng Pasko na walang iba kundi ang pagkakatawang-tao ng Bugtong na Anak ng Diyos. Nagsalita si propeta Isaias sa Unang Pagbasa tungkol sa pagdating ng isang sugo. May dahilan kung bakit darating ang sugong ito. Darating siya upang ipahayag ang magandang balita ng kapayapaan (Isaias 52, 7). Ang magandang balitang ito ay tungkol sa isang biyayang ipagkakaloob ng Diyos. Ang biyayang ito ay ang kaligtasan (Isaias 52, 10). Ang pagliligtas ng Panginoon ay mahahayag. Nahayag nga ang kaligtasang hatid ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko. 

Ang Panginoong Hesukristo ay ipinakilala sa Ebanghelyo bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa pamamagitan nito, nagsimula ang Ebanghelyo ni San Juan. Inilaan ni San Juan ang simula ng kanyang Ebanghelyo sa pagpapakilala kay Kristo bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Banal na Sanggol na isinilang noong unang Pasko ay ang mismong Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Dagdag pa ni San Juan, ang Salita ng Diyos ay Diyos rin. Isa lang ang ibig sabihin nito - ang Diyos ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Salita. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Diyos ay dumating sa daigdig na ito noong unang Pasko sa pamamagitan ng Salita - maghatid ng kaligtasan sa lahat. 

Nakasentro sa misteryong ito tungkol sa Panginoong Hesus ang pangaral ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa. Ang mga salitang ito ay ang mga unang salita ng Sulat sa mga Hebreo. Sabi niya nagsalita ang Diyos noong una sa pamamagitan ng mga propeta ng Lumang Tipan. Subalit, pagsapit ng itinakdang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak (Hebreo 1, 1-2). Iyan ang ating ginugunita habang buong galak nating ipinagdiriwang ang Pasko. Dumating sa daigdig na ito ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak upang tayo'y makapiling, malapitan, makausap, at iligtas. 

Isang magandang balita ang ipinaparating ng Simbahan sa bawat isa sa atin habang ipinagdiriwang natin ang Pasko nang buong tuwa't galak. Ang Diyos ay nagkatawang-tao katulad natin, maliban sa kasalanan, at dumating sa daigdig upang tayo'y iligtas. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Ang Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban ang patunay na totoo nga ang magandang balitang ito. Ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria ay walang iba kundi ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao upang maghatid ng kaligtasan sa lahat. Iyan ang magandang balita ng Pasko. 

Linggo, Disyembre 20, 2020

SANGGOL NA HESUS: TINAPAY NG BUHAY AT HARI NG MGA HARI

25 Disyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Bukang-Liwayway] 
Isaias 62, 11-12/Salmo 96/Tito 3, 4-7/Lucas 2, 15-20 



Ang kahulugan ng "Betlehem" sa wikang Hebreo ay "Tahanan ng Tinapay". Ang kahulugan ng pangalan ng bayang ito kung saan isinilang ng Mahal na Birheng Maria ang Banal na Sanggol na si Kristo Hesus ay marapat lamang bigyan ng pansin habang patuloy nating pinagninilayan ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng ipinangakong Tagapagligtas. Ang pangalan ng bayang ito na kilala bilang bayan ni Haring David ay nangangahulugang "Tahanan ng Tinapay." Ang lugar na ito ay pinili ng Diyos upang maging bayan kung saan isisilang sa daigdig ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Isa sa mga titulo ng Panginoong Hesukristo ay ang "Tinapay ng Buhay." Siya ang pagkaing nagbibigay-buhay. Tanging Siya lamang ang nakapagbibigay ng buhay sa lahat. Ang mga kagutumang hindi kayang pawiin ng mga pagkain sa daigdig ay mapapawi ng Panginoong Hesukristo. Katunayan, sa ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, paulit-ulit Niyang ipinakilala ang Kanyang sarili sa Kanyang mga tagasunod bilang tunay na tinapay na nagmula sa langit. Matapos Niyang pakainin ang limanlibong tao at maglakad sa ibabaw ng tubig, ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang tunay na pagkaing ipinagkaloob ng Amang nasa langit. Sabi pa ni Hesus na magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang mga kakain ng Kanyang laman at iiinom ng Kanyang dugo. Hindi man ito naintindihan o tinanggap ng karamihan sa Kanyang mga tagasunod, pinanindigan pa rin ni Hesus ang Kanyang mga sinabi tungkol sa Kanyang sarili bilang tunay na pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Kahit na ito ang naging dahilan kung bakit karamihan sa Kanyang mga tagasunod noon ay tumalikod sa Kanya at umalis na lamang, nanatili pa rin ang turong ito ni Hesus. 

Tinalakay sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ang bukod tanging dahilan kung bakit ang Tinapay ng Buhay na walang iba kundi ang Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko ay ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. Kung tutuusin, ang mga Pagbasa para sa Banal na Misa sa Bukang-Liwayway ng Pasko ng Pagsilang. Subalit, kahit napakaikli ng mga Pagbasang ito, mayroon tayong mapupulot na impormasyon tungkol sa dahilan kung bakit ang Tinapay ng Buhay ay dumating sa daigdig noong unang Pasko. 

Sa unang bahagi ng Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos na Siya ay darating upang iligtas ang Herusalem (Isaias 62, 11). Sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos ang dahilan kung bakit Niya ito gagawin. Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Panginoon na iligtas ang Kanyang bayan ay pag-ibig. Ang Panginoon na rin mismo ang nagpahiwatig nito noong inilahad Niya ang mga pangalang itatawag sa Herusalem sa nasabing bahagi ng Unang Pagbasa (Isaias 62, 12). Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang Kanyang bayan. 

Ang pag-ibig na ito ng Panginoong Diyos ay ang sentro ng pangaral o mensahe ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nagsalita si Apostol San Pablo sa pangaral na ito tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang lahat. Tayong lahat ay iniligtas ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig. Iyan ang dahilan kung bakit dumating sa daigdig noong gabi ng unang Pasko ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Ina. Ang Banal na Sanggol na ito ay ang Tinapay ng Buhay na si Hesus. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagdalaw ng mga pastol sa Banal na Sanggol na si Kristo. Matapos ibalita ng anghel ang pagsilang ni Kristo at magpuri ang hukbo ng kalangitan, ang mga pastol ay nagpasiyang pumunta sa Betlehem upang dalawin ang Sanggol na kilala rin bilang Hari ng mga Hari at Tinapay ng Buhay. Matapos tumungo sa Betlehem upang tingnan ang mga sinabi ng anghel sa kanila, sila'y umuwing nagpupuri sa Diyos. Habang umuuwi ang mga pastol, pinuri nila ang Panginoon sapagkat dumating na rin sa wakas ang ipinangakong Tagapagligtas. Pinuri nila ang Diyos dahil inihayag Niya ang Kanyang pag-ibig at awa sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus. Ang Sanggol na si Kristo ay ang ipinangakong Manunubos na ipapadala ng Diyos. 

Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari, ang pag-ibig at habag ng Diyos ay nahayag. Si Hesus, ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari, upang iligtas ang sangkatauhan. Ang Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Maria sa gabi ng unang Pasko ay ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari na magliligtas sa lahat ng tao. Tinupad ng Diyos sa pamamagitan Niya ang Kanyang pangako. Ipinangako Niyang Siya'y darating upang iligtas ang Kanyang bayan. Ang pangakong ito ay tinupad ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus, ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari. Sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesus, ang Hari ng mga Hari at Tinapay ng Buhay, ang Diyos ay dumating sa lupa upang tubusin ang sangkatauhang tunay Niyang iniibig at kinahahabagan. 

Sabado, Disyembre 19, 2020

SI HESUS ANG LIWANAG AT LIGAYA NG PASKO

25 Disyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Hatinggabi] 
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14 



"Ngayong Pasko, magdiriwang ang mundo. 
Sa pag-ibig Mo'y may himala, 
may panibagong simula. 
Ngayong Pasko, babalik ang saya 
dahil Ikaw ang Liwanag at Ligaya. 
Ikaw lang, Ikaw lang, Ikaw ang Liwanag at Ligaya. 
Ikaw lang, Ikaw lang ang Liwanag at Ligaya." 

Ang mga salitang ito ay ang mga titik ng koro ng awiting ginamit ng ABS-CBN sa kanilang Station ID para sa panahon ng Kapaskuhan ngayong taon. Ang pamagat ng nasabing awitin ay "Ikaw ang Liwanag at Ligaya". Kung titingnan natin nang mabuti ang mga titik na ito, tila relihiyoso ang tono nito. Bagamat ito'y isang sekular na awitin at hindi maaaring gamitin sa liturhiya, napakaganda ang mensaheng nais iparating nito. Ang Liwanag at Ligaya ng Pasko ay walang iba kundi ang Banal na Sanggol na isinilang sa sabsaban na si Kristo. 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Misa sa Hatinggabi ng Pasko ng Pagsilang kung paanong ang Panginoon ay ang tunay na liwanag at ligaya. Sa simula ng Unang Pagbasa, inilarawan kung ano ang ihahatid ng Panginoon sa Kanyang pagdating. Inilarawan ni propeta Isaias na ang kadilimang babalot sa lupain ay sisinagan ng isang malaking liwanag. Ang kadilimang laganap sa buong lupain ay papawiin ng liwanag na ito. Dagdag pa ni propeta Isaias na ang lahat ng mga taong nakatira sa lupaing iyon ay mapupuno ng saya at sigla dahil sa kahanga-hangang gawang ito ng Diyos (Isaias 9, 1-2). Napakalinaw ang paglarawan ni propeta Isaias sa Panginoon bilang liwanag at ligaya. Ang Panginoong Diyos mismo ang papawi sa dilim na bumabalot sa Kanyang bayan at maghahatid ng ligaya sa lahat. Dahil sa Panginoon, ang lahat ng mga taong nakatira sa bayang tinukoy ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa ay mamumuhay nang may liwanag at tuwa. Siya ang liwanag at ligaya ng mga taong inilarawan ni propeta Isaias. 

Subalit, ang pahayag ni propeta Isaias ay hindi nagtapos doon. Sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, inilarawan niya kung paanong ang Panginoon ay maghahatid ng liwanag at ligaya sa mga taong iyon. Inilarawan ni propeta Isaias kung paanong ipapakita ng Panginoon na Siya ang liwanag at ligaya ng lahat sa ikawalang bahagi ng Unang Pagbasa. Isang sanggol na lalaki ang ibibigay ng Diyos (Isaias 9, 5). Patutunayan ng Diyos sa pamamagitan ng lalaking sanggol na ito na Siya ang Liwanag at Ligaya. Ibibigay ng Panginoon ang Kanyang sarili upang maging Liwanag at Ligaya ng lahat. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa ipinangakong lalaking sanggol na ibibigay ng Diyos sa lahat. Ang lalaking sanggol ay walang iba kundi ang ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo Hesus. Ang sanggol na tinukoy ni propeta Isaias sa kanyang propesiya ay walang iba kundi si Hesus. Si Hesus ay pumarito sa daigdig upang iligtas ang sangkatauhan. Ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa lahat ay dumating sa daigdig na ito sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Sa pamamagitan ng pagligtas sa lahat, pumasok sa daigdig ang liwanag at ligayang hatid ng Diyos. Patunay lamang ito na ang tunay na liwanag at ligaya ay walang iba kundi ang Panginoon. 

Sa Ebanghelyo, buong tuwang ibinalita ng isang anghel sa isang grupo ng mga pastol sa parang ang pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Matapos ibalita ng anghel ang pagsilang ni Hesus sa mga pastol, buong tuwang umawit ang isang hukbo sa langit sa Diyos (Lucas 2, 9-14). Ibinahagi ng anghel ang tuwang hatid ng Panginoong Hesukristo sa mga pastol na ito. Isang magandang balita ang inihatid ng anghel sa mga pastol na nag-aalaga ng kanilang mga tupa noong gabing iyon. Buong tuwa't sayang ibinalita ng anghel sa mga pastol na ito ang pagdating ng tunay na liwanag at ligaya sa daigdig. Ang tunay na liwanag at ligaya ay nagmula sa langit. Ang tunay na liwanag at ligaya ay walang iba kundi ang Panginoon. Siya'y dumating sa mundong ito noong gabi ng unang Pasko sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Kristo. 

Ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko matapos Siyang dalhin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ay ang tunay na Liwanag at Ligaya ng Pasko. Siya ay dumating sa daigdig upang ipalaganap ang liwanag at ligayang kaloob Niya. Ang tunay na Liwanag at Ligaya ay mayroong Pangalan. Hesus ang Kanyang Pangalan. 

Biyernes, Disyembre 18, 2020

REGALONG SUMASALAMIN SA KANYANG AWA

24 Disyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25) 



Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Bisperas ng Pasko ng Pagsilang ang nag-iisang dahilan kung bakit isinilang ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas noong gabi ng unang Pasko. Kahit na ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon ay ipinagdiriwang natin bilang isang Simbahan tuwing sasapit ang ika-25 ng Disyembre taun-taon, magandang pagnilayan muli ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahang ito. Kahit ilang ulit na nating narinig na si Kristo ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng Pasko sa tuwing pagninilayan natin ang misteryo ng panahong ito, marapat lamang na gawin ito muli upang lalo nating makita ang kagandahan ng Kapaskuhan. Kahit paulit-ulit na ito para sa karamihan, magandang pagnilayan muli kung paanong si Kristo ang naging dahilan ng Kapaskuhan upang lalo tayong mamangha sa misteryo ng Kanyang pagkakatawang-tao na inaaalala natin sa panahong ito. 

Maraming beses na natin sigurong naririnig sa ilang mga pagninilay at maging sa ilang mga mensahe tuwing panahon ng Kapaskuhan ang linyang si Kristo ang dahilan ng nasabing pagdiriwang. Tama naman iyon at hindi na ito dapat tanungin. Subalit, tila nauumay na ang karamihan sa atin na marinig ito. Parang nakakaumay na para sa ilan sa atin ang mga salitang ito tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan. Parang gusto na nating tanungin kung mayroon bang bagong sasabihin. Parang gusto nating sabihin na alam na nating si Kristo ang sentro at dahilan ng pagdiriwang ng Pasko dahil kaarawan naman Niya iyon. Bilang isang Simbahan, ginugunita at ipinagdiriwang natin nang buong saya ang pagsilang ni Kristo tuwing ika-25 ng Disyembre.

Oo, paulit-ulit nating naririnig tuwing sasapit ang panahong ito ang mga linyang si Kristo ang dahilan ng pagdiriwang ng Pasko. Subalit, magandang pagnilayan ang dahilan kung bakit nga ba si Kristo ay naging dahilan at sentro ng Pasko. Bakit mahalagang matandaan natin ang katotohanang ito, na ang sentro at dahilan ng Pasko ay si Kristo, bukod sa dahilan na ginugunita tuwing Pasko ang Kanyang pagsilang sa daigdig na ito bilang isang sanggol? Bakit nga ba Siya isinilang? Bakit Siya pumarito bilang isang sanggol sa gabi ng unang Pasko? 

Isang salita ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Makakatulong sa ating pagninilay sa pagdiriwang ng Kapaskuhan ang salitang ito upang lalo nating maunawaan ang dahilan kung bakit si Hesus ay isinilang noong gabi ng unang Pasko. Ang salitang ito na pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa ay makakatulong sa atin upang lalo tayong maakit sa ganda ng pagdiriwang ng Kapaskuhan kung saan ginugunita natin ang pagkakatawang-tao ni Hesus. Ang salitang iyon ay walang iba kundi kaligtasan. 

Sabi sa simula ng Unang Pagbasa, "Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Herusalem. Hindi ako tutugon hangga't hindi siya naliligtas" (Isaias 62, 1). Ang mga salitang ito ay may pahiwatig tungkol sa kaloob ng Panginoon sa Kanyang bayan. Napakaespesyal ng Kanyang hatid sa Kanyang bayan. Kaligtasan ang ipagkakaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. Ang biyayang ito ay inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, sinabi niya na ang ipinangakong Tagapagligtas na ipinagkaloob ng Diyos ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo (Mga Gawa 13, 23). Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni San Mateo ang pagsilang ipinangakong Manunubos na si Hesus. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, dumating ang biyaya ng kaligtasan. Iniligtas ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Ang Mahal na Inang si Maria ay nagsilang ng isang sanggol noong gabi ng unang Pasko. Ang sanggol na iyon ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan na walang iba kundi si Hesus. Sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birhen, ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa daigdig na ito. Isang sanggol ang isinilang ng Mahal na Ina upang iligtas ang sangkatauhan. Ang Kanyang Pangalan ay Hesus. 

Bakit si Kristo ang dahilan at sentro ng Pasko? Bakit Siya isinilang sa daigdig na ito noong gabi ng unang Pasko? Iyon ay sapagkat dumating ang pinakadakilang regalo mula sa Diyos sa pamamagitan Niya. Ang regalo ng Diyos na dumating noong gabi ng unang Pasko ay ang biyaya ng kaligtasan. Ibinigay Niya sa lahat ang Tagapagligtas na si Hesus noong gabi ng unang Pasko dahil niloob Niyang tubusin ang sangkatauhan. Ang Banal na Sanggol na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria ay ang ipinangakong Tagapagligtas na kaloob ng Diyos sa lahat. Ang Kanyang Pangalan ay Hesus. Ang ipinangakong Manunubos na iniregalo ng Panginoong Diyos sa lahat ng tao noong gabi ng unang Pasko ay sumasalamin sa Kanyang awa at habag.

Huwebes, Disyembre 17, 2020

AWA NG DIYOS: TANDA NG KANYANG KATAPATAN

24 Disyembre 2020 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikasiyam na Araw 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79 



Inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito, ang ikasiyam at huling araw ng tradisyunal na Simbang Gabi, ang kantikulo ng ama ni San Juan Bautista na si Zacarias na kilala bilang "Benedictus". Ang pamagat ng awit o kantikulong ito ay hango sa mga unang salita nito sa wikang Latin. Ang mga salita sa pambungad ng awiting ito ay "Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!" (Lucas 1, 68) Sa pamamagitan ng awit na ito, pinuri ni Zacarias ang Diyos. Katunayan, agad na ginawa ito ni Zacarias matapos ang siyam na buwan ng pagiging pipi at bingi dahil hindi siya naniwala sa ibinalita sa kanya ng anghel. 

Sa kabuuan ng awiting ito, binigyan ng pansin ni Zacarias ang awa ng Diyos para sa lahat. Nagsimula sa pamamagitan ng isang panawagan sa lahat ang awit na ito. Matapos manawagan sa lahat na magpuri sa Diyos sa simula ng kanyang awitin, inilahad niya ang mga dahilan kung bakit nararapat itong gawin ng bayang Israel. Kung papansinin natin nang mabuti ang mga salita ng awiting ito, isa lamang ang katangian ng Panginoon na inilarawan sa kabuuan nito. Ang kaisa-isang katangiang ito ng Panginoon na inilarawan ni Zacarias sa kanyang awitin ay ang Kanyang pagiging maawain. Matapos manawagan sa lahat na magpuri sa Panginoong Diyos, inilaan ni Zacarias ang mga sumunod na bahagi ng kanyang awitin upang magpatotoo sa awa at habag ng Panginoon. 

Matagal nang ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang awa at habag. Isang halimbawa nito ay ang Kanyang pangako kay Haring David sa Unang Pagbasa. Inutusan Niya ang propetang si Natan upang iparating ang pangakong ito. Kung tutuusin, hindi naman Niya kinailangang gawin iyan sapagkat alam naman ng Diyos kung ano ang mangyayari pagkatapos nito. Makikiapid si Haring David kay Batseba at ipapapatay niya ang kanyang asawang si Urias. Katunayan, maaari ring bawiin ng Diyos ang pangakong ito matapos itong gawin ni Haring David. Subalit, kahit na alam Niyang makikiapid si Haring David kay Batseba at ipapapatay si Urias, pinili pa rin ng Diyos magbitiw ng isang pangako sa kanya at tuparin ito. Katunayan, hindi Niya ito binawi nang gawin ni Haring David ang nakakasuklam na gawaing ito. 

Tayong lahat ay pinapaalalahanan ng mga Pagbasa para sa ikasiyam at huling araw ng Simbang Gabi na ang Diyos ay mahabagin. Kahit na may mga pagkakataon sa ating buhay kung saan hindi tayo naging tapat sa Kanya, ang Diyos ay mananatiling tapat sa atin. Patuloy Niyang ipinapakita ang Kanyang habag upang ipaaalala sa atin na Siya'y laging tapat sa atin. Kahit na ilang ulit tayong magkakasala laban sa Kanya, hindi mababawasan ang Kanyang katapatan. 

Miyerkules, Disyembre 16, 2020

PAHIWATIG NG KANYANG MISYON

23 Disyembre 2020 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikawalong Araw 
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66 


Ano bang mayroon sa pangalan? Bakit ba tayo binibigyan ng pangalan? Bakit pinili ng ating mga magulang ang ating mga pangalan? May ibig sabihin ba ang mga ito? Ilan lamang iyan sa mga katanungang paminsan-minsang pumapasok sa ating isipan. May mga pagkakataon kung saan napapatanong kung bakit ang kasalukuyan nating pangalan ay ibinigay sa atin. May mga sandali kung saan napapaisip tayo tungkol sa mga pangalang maaari sanang ipinangalan sa atin. Bukod sa ating mga pangalan na ibinigay sa atin ng ating mga magulang noong tayo'y isilang, paminsan-minsan rin nating iniisip kung ano kaya ang magiging iba sa ating buhay kung iba ang ipinangalan sa atin. Maaaring maging malaki o di kaya maliit. Lalo na kung ito yung gusto ipangalan sana sa atin. 

Bukod pa sa pag-iisip tungkol sa alternatibong realidad kung saan tayo'y may ibang pangalan, lalo na ang mga pangalan na mas gugustuhin natin, may mga pagkakataon kung saan iniisip natin ang kahalagahan ng pangalan. Ano nga ba ang mayroon sa pangalan? Bakit tayo binibigyan ng pangalan? May ibig sabihin ba ang mga pangalang ibinigay ng ating mga magulang sa atin? Kung tutuusin, maraming sagot sa ating mga tanong tungkol sa mga sarili nating pangalan at pati na rin tungkol sa pangkalahatang konsepto ng mga pangalan. 

Dalawang pangalan ang itinatampok sa mga Pagbasa para sa Ikawalong Araw ng Simbang Gabi. Ang dalawang pangalang itinampok sa mga Pagbasa para sa araw na ito ay ipinagkaloob sa dalawang lalaking hinirang ng Panginoong Diyos upang gampanan ang isang napakahalagang misyon o tungkulin. Ang unang pangalang itinampok ay ang pangalan ng propetang si Elias na matatagpuan sa huling bahagi ng Unang Pagbasa at ang pangalawang pangalang ipinakilala at binigyan ng pansin ay ang pangalan ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo. May pahiwatig ang kahulugan ng kanilang mga pangalan sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoon. Ang kahulugan ng pangalang "Elias" ay "Ang Diyos ko ay ang Panginoon" at ang pangalang "Juan" ay nangangahulugang "Ang Diyos ay mapagpala." Malinaw na ipinapahiwatig ng kanilang mga pangalan ang dahilan kung bakit sila isinilang sa daigdig. 

Kung tutuusin, dalawang ulit na inilarawan ang papel ni San Juan Bautista sa pahayag ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa. Si San Juan Bautista ay ang maghahanda sa daraanan ng Panginoon (Malakias 3, 1). Iyan ang dahilan kung bakit siya isinilang anim na buwan bago ipanganak si Kristo. Iyan ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit siya isinilang. Si San Juan Bautista ay isinilang upang mauna sa ipinangakong Mesiyas na si Hesus at ihanda ang Kanyang daraanan. Si Juan Bautista ay isinilang upang maging tagapaghanda ng daraanan ng Tagapagligtas. Sa huling bahagi ng pahayag ng Diyos sa Unang Pagbasa, si San Juan Bautista ay ipinakilala bilang si propeta Elias. Bagamat hindi siya ang literal na propeta Elias, siya'y tumayong sagisag ni propeta Elias. Sabi pa nga ng anghel noong siya'y nagpakita kay Zacarias na tataglayin ni San Juan Bautista ang kapangyarihan at espiritu ni propeta Elias (Lucas 1, 17). Tinaglay ni San Juan Bautista ito sa kabuuan ng kanyang misyon bilang tagapaghanda ng daraanan ng Manunubos. Ang Mabuting Balita mula sa Panginoon na pinaglingkuran niya nang lubos ay walang sawa niyang inihayag sa kanyang pangaral sa ilang. Sa pamamagitan nito, si San Juan Bautista ay naging isang buhay na biyaya mula sa Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ang pangalang "Juan" ay ibinigay sa kanya bago pa man siya isilang sa mundong ito. Ang pagiging mapagpala ng Diyos ay pinatotohanan ni San Juan Bautista nang buong sigasig sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang misyon. 

Si San Juan Bautista ay ipinanganak sa daigdig na ito upang tuparin ang isang napakahalagang misyon na ibinigay sa kanya ng Diyos. Siya'y isinilang upang ihanda ang daraanan ng Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Isang napakalinaw na pahiwatig ng kanyang misyon dito sa lupa ang kanyang pangalan. 

Lunes, Disyembre 14, 2020

DAHILAN NG KAGALAKAN

22 Disyembre 2020
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikapitong Araw 
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 



"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas" (Lucas 1, 46). Sinimulan ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang awit o kantikulo sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ang kapansin-pansin tungkol sa awiting ito ay nailarawan na ni Maria kung sino ang dahilan ng kanyang kagalakan sa simula pa lamang nito. Diretsyuhan na niyang inilarawan kung saan nagmumula ang kanyang galak sa kauna-unahang bahagi ng kanyang kantikulo. Ang dahilan ng kagalakan ng Mahal na Inang si Maria ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. 

Matapos ilahad ng Mahal na Birheng Maria ang dahilan ng kanyang kagalakan - ang Diyos - sa simula pa lamang ng kanyang awitin, inilarawan niya ang mga gawa ng Diyos. Inilaan niya ang mga sumunod na bahagi ng kanyang awit sa paglalarawan at pagpapatotoo tungkol sa mga gawa ng Panginoong Diyos na tunay ngang kahanga-hanga. Kung tutuusin, isa lamang ang katangian ng Diyos na inilalarawan sa mga gawang ito. Iyon ay walang iba kundi ang Kanyang awa at habag. Ang lahat mga gawa ng Panginoong Diyos na inilarawan ng Mahal na Ina sa kanyang kantikulo ay nagpapatunay sa Kanyang kagandahang-loob. 

Ang pagpapamalas ng habag at kagandahang-loob ay hindi isang bagong gawain para sa Diyos. Katunayan, matagal na Niya itong ginagawa. Mula nang likhain ng Panginoon ang daigdig na ito, paulit-ulit Niyang inihayag ang Kanyang kagandahang-loob. Hindi lamang Niya ipinakita ito nang isa o dalawang beses lamang kundi maraming beses. Katunayan, kung babasahin natin ang Banal na Bibliya, marami tayong matatagpuang mga talata tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon. Sa sobrang dami ng mga ito, hindi na natin ito mabibilang. Ipinahiwatig ng Mahal na Birhen ang katotohanang ito sa kanyang awit. Kaya nga, hindi nakasentro sa kanya ang kanyang awitin. Ang sentro ng kanyang awitin ay walang iba kundi ang Diyos. Inamin ng Mahal na Birhen nang buong kababaang-loob sa kanyang awitin na hindi lamang siya ang nakinabang sa awa at habag ng Diyos. 

Bukod sa Mahal na Ina, isa sa mga taong pinakitaan ng Diyos ng Kanyang habag at kagandahang-loob ay ang ina ni Samuel na si Ana sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Inilarawan niya sa saserdoteng si Eli kung paano niya naranasan ang awa at habag ng Diyos. Siya'y nanalangin kasama ni Eli upang pagkalooban siya ng isang anak. Tinupad ng Panginoon ang kanyang kahilingan. Si Ana ay biniyayaan ng Panginoon ng isang anak na lalaki na walang iba kundi si Samuel. Para kay Ana, ang kanyang anak na si Samuel ay isang biyaya mula sa Diyos. Ang kanyang anak na si Samuel ay sagisag ng awa at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. 

Tulad nina Eli at Ana sa huling bahagi ng Unang Pagbasa, ang Mahal na Inang si Maria ay nagbigay ng papuri sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang awitin, pinuri ni Maria ang Diyos. Ang Diyos na dahilan ng kanyang kagalakan dahil sa Kanyang kagandahang-loob na hindi magmamaliw kailanman. 

Inihayag ng Mahal na Birhen sa kanyang kantikulo na ang dahilan ng kanyang galak ay walang iba kundi ang Diyos. Tayong lahat ay tinatanong sa araw na ito - tunay nga ba tayong nagagalak? Ang Diyos ba ang dahilan ng ating galak? 

KABAN NG BAGONG TIPAN

21 Disyembre 2020
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikaanim na Araw 
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45 


Isa sa mga titulo ng Birheng Maria ay ang titulong Kaban ng Bagong Tipan. Ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito, ang Ikaanim na Araw ng Simbang Gabi, ay nagsisilbing paliwanag kung bakit. Kung tutuusin, ang mga salitang namutawi mula sa mga labi ni Elisabet nang dumating ang Mahal na Birheng Maria sa kanyang tahanan ay may sapat na detalye tungkol sa isang mahalagang pangyayari na naganap sa mga sandaling iyon. 

May kinalaman ang dalawang sanggol na dinala ng Mahal na Inang si Maria at ni Elisabet sa kanilang sinapupunan sa mahalagang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Katunayan, ang mahalagang pangyayaring isinalaysay sa Ebanghelyo ay epekto ng Sanggol na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan. Ang sanggol na si San Juan Bautista sa sinapupunan ni Elisabet ay gumalaw sa tuwa nang marinig ang pagbati ni Mahal na Ina (Lucas 1, 41. 44). Gumalaw sa tuwa ang sanggol na si San Juan Bautista sa sinapupunan ng kanyang inang si Elisabet dahil nakilala niya si Hesus na dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan. Ang Banal na Sanggol na si Hesus na dinala ng Mahal na Ina sa kanyang sinapupunan ay ang dahilan ng tuwa ni San Juan Bautista na noo'y isang sanggol sa loob ng sinapupunan ni Elisabet. 

Kung paanong ang nagsalita sa Unang Pagbasa mula sa Awit ni Solomon ay napuspos ng tuwa nang marinig ang tinig ng minamahal, napuspos rin ng tuwa ang sanggol na si San Juan Bautista dahil sa presensya ni Kristo na dinala ng Mahal na Birhen sa kanyang sinapupunan. Ang Panginoong Hesukristo ay ang bukod-tanging dahilan kung bakit ang titulong Kaban ng Tipan ay ginagamit ng Simbahan bilang isang titulo ng Mahal na Birheng Maria. Ang Banal na Sanggol na dala-dala ng Mahal na Birhen sa kanyang sinapupunan ay ang Panginoong dumating upang makapiling ang Kanyang bayan. Siya ang dahilan kung bakit sinabihan ang bayang Israel ay sinabihan ni propeta Sofonias na magalak. Ang Panginoon ay dumating upang makapiling ang Kanyang bayan (Sofonias 3, 15). 

Bakit kinikilala ang Mahal na Ina bilang Kaban ng Bagong Tipan? Dahil dinala niya sa kanyang sinapupunan ang Bagong Tipan na si Kristo. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus ay ang dahilan kung bakit ang Mahal na Ina ay ang Kaban ng Bagong Tipan. Sa pamamagitan ni Maria, dumating ang Diyos sa daigdig sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang maghatid ng galak sa lahat. 

Linggo, Disyembre 13, 2020

BUOD NG MABUTING BALITA: ANG DIYOS AY TAPAT

20 Disyembre 2020 
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B) 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikalimang Araw
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Roma 16, 25-27/Lucas 1, 26-38 



Iniutos ng Panginoong Diyos ang propetang si Natan na ibalita kay Haring David ang Kanyang pangako sa nasabing hari sa huling bahagi ng Unang Pagbasa para sa araw na ito. May isang pangako ang Diyos kay Haring David. Isang napakagandang pangako para kay Haring David ang binitiwan ng Panginoong Diyos na ipinasabi Niya kay propeta Natan. Si Haring David ay papalitan ng isa sa kanyang mga anak sa kanyang pagpanaw at tutulungan Niya ito (2 Samuel 7, 14a. 16). Sa pamamagitan nito, mananatiling matatag ang sambahayan at kaharian ni Haring David. Tutulungan at gagabayan ng Panginoong Diyos ang magiging kapalit ni Haring David sa kanyang pagpanaw. 

Tinupad nga ng Diyos ang Kanyang pangako kay Haring David. Katunayan, hindi naman Niya kinailangang tuparin ang pangakong ito na Kanyang binitiwan dahil naging masuwayin si Haring David sa utos ng Diyos. Si Haring David ay nakiapid sa asawa ni Urias na si Batseba. Bukod pa roon, inutusan pa niya sa iba pa niyang mga tauhan na umatras mula sa labanan at iwanang mag-isa si Urias nang sa gayo'y mamatay siya sa gitna nito. Subalit, sa kabila ng salang ginawa ni Haring David, pinatawad pa rin siya ng Diyos nang pagsisihan niya ang kanyang kasalanan at nagbalik-loob. Isa sa mga anak ni Haring David ang pumalit sa kanya nang siya'y mamatay. Iyon ay walang iba kundi si Haring Solomon. Biniyayaan pa nga ng Panginoong Diyos ng karunungan si Solomon matapos niyang hilingin ito sa Kanya (1 Hari 3, 9-13). Tinulungan at ginabayan ng Diyos si Solomon sa bawat sandali ng kanyang paghahari. 

Kahit na si Haring Solomon ang pumalit kay Haring David at pinagkalooban ng isang pusong maunawain at marunong kumilala sa mabuti at masama, hindi ito nangangahulugang naging perpekto siya sa mata ng Diyos. Kahit na siya'y tinulungan at ginabayan ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang pamumuno bilang hari, hindi ito nangangahulugang sinundan niya ang nais ng Diyos. Sinuway din niya ang Diyos sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iba't ibang mga asawa at mga asawang-alipin mula sa iba't ibang lahi. Bukod pa roon, hinikayat siyang sumamba sa mga diyus-diyusan ng kanyang mga ito (1 Hari 11, 2-13). Nakalimutan niya kung sino ang naglagay sa kanya sa trono at kung sino ang tumulong sa kanya na maghari sa bayang Israel.

Ano naman ang aral na nais ituro ng Unang Pagbasa para sa araw na ito? Hindi naman naging masunurin ang dalawang haring ito. Ang dalawang haring ito ay hindi naman naging tapat sa Diyos habambuhay. May mga pagkakataon kung kailan sila nagkasala laban sa Diyos at kapwa. Ang Diyos ay tapat sa Kanyang pangako. Isa itong magandang balita. Katunayan, iyon ang buod ng Magandang Balita. Kahit na hindi tapat ang sangkatauhan sa Kanya, ang Panginoon ay mananatiling tapat sa Kanyang mga pangako. 

Ito ang Magandang Balita o Mabuting Balita na tinukoy ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Si Apostol San Pablo ay nangaral sa lahat ng mga lugar na pinuntahan niya, kabilang na rito ang Roma, tungkol sa Mabuting Balita ng pangako ng Diyos na nahayag at natupad sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Kristo, ang misteryo ng dakilang pag-ibig at katapatan ng Diyos na hindi magmamaliw ay nahayag. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagdalaw ng Arkanghel na si San Gabriel sa babaeng hinirang ng Diyos upang maging ina ni Kristo na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Ibinalita sa kanya ng anghel na hinirang siya ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Ang tataglayin at dadalhin ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ay hindi lamang basta isang hari. Ang Sanggol na dadalhin ni Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ay higit pa sa mga naging hari ng Israel. Ang sanggol na lalaki na dadalhin ni Maria sa kanyang sinapupunan ay walang iba kundi ang Bugtong na Anak ng Diyos. Ang ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo Hesus ay ang Sanggol sa sinapupunan ni Maria. Sa pamamagitan Niya, mahahayag ang katapatan ng Diyos. 

Hindi naman kinailangan ng Diyos na magpadala ng isang higit na dakila kaysa mga haring katulad ni David at Solomon. Subalit, pinili Niyang gawin ito upang patunayan sa Kanyang bayan na Siya'y tunay na matapat. Ang katapatan ng Panginoong Diyos ay walang hanggan. 

Ang Mabuting Balita o Ebanghelyo na pinahahalagahan at sinasampalatayanan natin bilang mga binyagang Katoliko ay tungkol sa katapatan ng Diyos na hindi magmamaliw kailanman. Kahit na hindi kinailangan itong gawin ng Diyos dahil sa paulit-ulit na pagkakasala at pagtalikod ng sangkatauhan sa Kanya, pinili pa rin Niya itong gawin upang ihayag ang Kanyang katapatan. Tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako at hindi ito magmamaliw kailanman. 

Sabado, Disyembre 12, 2020

HINDI DAPAT PAGDUDAHAN ANG AWA NG DIYOS

19 Disyembre 2020 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikaapat na Araw 
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25 



Ang mga Pagbasa para sa Ikaapat na Araw ng Simbang Gabi ay tungkol sa paghahayag ng kalooban ng Diyos. Niloob ng Diyos na biyayaan ang dalawang magkabiyak na itinampok sa mga salaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Biniyayaan ng Diyos ng isang anak ang dalawang magkabiyak na ito. Kahit na hindi sila nagkaroon ng anak sa loob ng mahabang panahon, niloob ng Diyos na sila'y magkaroon ng anak. Kahit na sila'y napakatanda na, binigyan pa rin sila ng isang anak mula sa Panginoong Diyos. Kahit mukhang huli na sa mata ng ibang tao, lalo na noong panahong iyon, biniyayaan pa rin sila ng anak. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang pagpapakita ng anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa. Ibinalita ng anghel sa asawa ni Manoa na siya'y magkakaroon ng anak. Binaggit rin ng anghel sa asawa ni Manoa na walang silang anak sa loob ng mahabang panahon (Hukom 13, 3). Subalit, sa kabila nito, ipinasiya ng Diyos na biyayaan ang magkabiyak na ito ng isang anak. Iyon ang dahilan kung bakit ang anghel ay nagpakita sa asawa ni Manoa. Ang anghel ay nagpakita sa kabiyak ni Manoa upang ibalita kung paanong ipapakita ng Diyos ang Kanyang pagpapala at awa sa magkabiyak na ito. Bibiyayaan sila ng isang anak. Siya'y walang iba kundi si Samson. 

Isang pangyayaring tulad nito ang itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Zacarias na asawa ni Elisabet. Ang magkabiyak na ito'y napakatanda na at wala silang anak sa loob ng mahabang panahon. Ni isang anak ay wala sila. Subalit, hindi ito naging hadlang para sa Diyos. Hindi nagpaimpluwensiya ang Panginoong Diyos sa mga pananaw ng tao. Bagkus, itinuloy pa rin Niya ang Kanyang kalooban para sa magkabiyak na ito. Biniyayaan pa rin sila ng anak. Iyan ang magandang balita na inihatid ng anghel na si Gabriel kay Zacarias noong nagpakita siya sa loob ng templo. Ang magiging anak nina Zacarias at Elisabet ay walang iba kundi si San Juan Bautista, ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. 

Kahit na napakatanda na sa mata ng karamihan sa kanilang kapanahunan ang dalawang mag-asawang ipinakilala sa mga Pagbasa para sa araw na ito, sila'y pinili pa rin ng Diyos upang maging mga magulang ng dalawang mahahalagang tao sa Bibliya. Si Manoa at ang kanyang asawa ay naging mga magulang ng Hukom na si Samson habang si Zacarias at Elisabet naman ay naging mga magulang ng tagapaghanda ng daraanan ni Kristo na si San Juan Bautista. 

Tayong lahat ay pinaaalalahanan ng mga Pagbasa para sa araw na ito na ang awa at pagpapala ng Diyos ay tunay. Ang Diyos ay tunay ngang maawain at mapagpala. Huwag nating itong pagdudahan. Hindi ito dapat pagdudahan kailanman sapagkat hinding-hindi ito magbabago. Lumipas man ang maraming buwan o taon, hinding-hindi magbabago ang katotohanang ito tungkol sa Diyos. 

Biyernes, Disyembre 11, 2020

PANAGINIP AT PANGARAP

18 Disyembre 2020 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikatlong Araw
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-24 



"It's alright!
Daijoubu, Daijoubu, Daijoubu
(It's alright, it's alright, it's alright)
Kiseki Datte Okuseru (Miracles can happen).
Here we go! 
Ikou yo, ikou yo, ikou yo, tsubasa hiroge
(Here we go, here we go, here we go, spread your wings).
Kitto nani ka ga nani ka ga doko da de deaeru hi o matteru
(I'm sure something, something, is out there somewhere,
just waiting for us to find it
).
Do! Do! Do! Dreaming! Dreaming! 
Soshite tobira ga hiraku yo (And then the door will open)."

Ang mga salitang ito ay mula sa koro ng isang awitin sa wikang Hapones na pinamagatang "Tobira Wo Akete" (Open the Door). Ito ang ikalawang Opening Song ng isang anime series na pinamagatang Cardcaptor Sakura. Marahil ay natatandaan pa ng mga batang ipinanganak noong dekada 90 ang anime na ito. Isa ito sa mga anime na ipinalabas sa ABS-CBN noon. Ang anime na ito ay tungkol sa isang batang babae na nagngangalang Sakura Kinomoto na bigla na lamang naging isang Cardcaptor mula noong ang mga barahang tinatawag na Clow Cards ay nagkalat sa bayan kung saan siya'y nakatira. 

Isa sa mga salitang nararapat na bigyan ng pansin sa koro ng awiting ito ay ang salitang "dreaming." Ingles ang salitang ito. Sa Tagalog, dalawa ang ibig sabihin ng salitang ito. Ang "dreaming" sa Ingles ay nangangahulagang "nangangarap" o "nananaginip" sa Tagalog. Sa Ikatlong Araw ng tradisyunal na Simbang Gabi, magandang pagnilayan ang dalawang salitang ito, panaginip at pangarap, sa konteksto ng mga Pagbasa, lalo na ng Ebanghelyo. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtanggap ni San Jose sa responsibilidad na ibinigay sa kanya ng Diyos. Hinirang siya ng Diyos upang maging kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria at ama-amahan ng Panginoong Hesukristo. Bago niya tinanggap ang pananagutang ito mula sa Diyos, si San Jose ay labis na nasaktan sapagkat nabalitaan niyang nagdadalantao ang Mahal na Inang si Maria nang hindi pa niya napapangasawa. Siguro, may mga pangarap si San Jose para sa kanilang dalawa ng Mahal na Inang si Maria. Subalit, tila gumuho ang mga pangarap na ito dahil bigla na lamang nabuntis si Maria nang hindi pa kinakasal. Dahil dito, labis na nalungkot si San Jose. Sabi pa sa Ebanghelyo na ipinasiya ni Jose na hiwalayan si Maria nang palihim upang hindi mapahiya ang babaeng pakakasalan niya sana (Mateo 1, 19). Masakit itong gawin para kay San Jose dahil magpapaalam siya sa kanyang mga pangarap dahil hindi na niya matutupad ang mga pinangarap niyang gawin kasama ang Birheng Maria. 

Lingid sa kaalaman ni San Jose na may pintong ibubukas ang Diyos para sa kanya. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, isang anghel ng Panginoong Diyos ay nagpakita sa panginip ni San Jose upang ihayag ang plano ng Diyos. Ang Diyos ay may plano para kay San Jose. Iniatasan ng Diyos si San Jose upang maging kabiyak ng Mahal na Inang si Maria at ama-amahan ng ipinangakong Tagapagligtas na si Hesus. Sa pamamagitan ng planong ito, matutupad ang pahayag ng Diyos sa Unang Pagbasa at ang propesiyang binaggit ni San Mateo sa Ebanghelyo. Sa Unang Pagbasa, ipinangako ng Diyos na magmumula ang isang hari mula sa sangang matuwid na pasisibulin Niya mula sa lahi o angkan ni Haring David (Jeremias 23, 5). Ang haring iyon ay walang iba kundi si Kristo. 

Tila gumuho ang mga pangarap ni San Jose para sa kanilang dalawa ng Mahal na Birheng Maria. Subalit, sa pamamagitan ng isang panaginip, isang pinto ang binuksan ng Diyos para sa kanya. Sa pamamagitan ng isang panaginip, ang kalooban ng Diyos ay nahayag sa kanya. Sa katapus-tapusan, tinanggap ni San Jose ang pananagutang ibinigay sa kanya ng Diyos. 

Panaginip at pangarap. Mga pangarap na tila gumuho, subalit isang pinto ang binuksan. Ang nagbukas sa pintuang iyon ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Sa huli, naging maayos ang lahat dahil sa Diyos. 

Huwag tayong mangamba. Huwag tayong panghinaan ng loob. Huwag tayong mag-alala. May plano ang Diyos para sa bawat isa sa atin. Isang pintuan ang Kanyang ibubukas para sa atin. Ang pintuang bubuksan Niya para sa atin ay ang daan patungo sa katuparan ng Kanyang kalooban. Magiging maayos ang lahat sa huli. 

Huwebes, Disyembre 10, 2020

IBINIGAY NIYA ANG TUNAY NA HARI

17 Disyembre 2020 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikalawang Araw 
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17 



Ang mga Pagbasa para sa ikalawang araw ng tradisyunal na Simbang Gabi ay tungkol sa pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan noong unang Pasko. Bagamat ang araw na ito ay ang ikalawang araw pa lamang ng Simbang Gabi, inilarawan na ng mga Pagbasa kung ano ang ating pinaghahandaan. Iyan ay ang pagdating ng pinakadakilang pagpapalang mula sa Diyos. Katunayan, iyan ang ating inaaalala pagsapit ng Kapaskuhan. 

Sa wakas ng Unang Pagbasa, nasabi ni Jacob sa kanyang mga anak na ang tunay na Hari ay magmumula sa angkan o lahi ni Juda (Genesis 49, 10). May lilitaw mula sa Juda. May darating mula sa Juda. Tunay ngang napakaespesyal ang darating mula sa Juda. Ang tunay na Hari ay manggagaling sa Juda. Isang napakaespesyal na biyaya mula sa Diyos ang magmumula sa angkan ni Juda. Hindi lamang ito basta isang hari kundi ang tunay na Hari. Iyan ang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahi ni Juda. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ni San Mateo kung sino ang tunay na Haring ipinagkaloob ng Diyos na magmumula sa lahi ni Juda - si Hesus. Si Hesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan, ay ang ibinigay ng Diyos sa lahat. Si Hesus ang tunay na Haring ibinigay ng Diyos. 

Isang hari ang ibinigay ng Diyos sa lahat. Hindi lamang Siya basta isang hari kundi ang tunay na Hari. Siya'y walang iba kundi si Kristo, ang Bugtong na Anak ng Diyos at Anak ng Mahal na Inang si Maria. Si Kristo ay ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat.