Lunes, Pebrero 29, 2016

HIGIT NA DAKILA ANG AWA NG DIYOS KAYSA SA KASALANAN NG TAO

13 Marso 2016
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma (K) 
Isaias 43, 16-21/Salmo 125/Filipos 3, 8-14/Juan 8, 1-11



Isang napakabigat na kasalanan noong kapanahunan ni Hesukristo ay ang pakikiapid. Napakabigat ng kaparusahang dadanasin ng mga taong nahuling nakikiapid. Ayon sa batas ng mga Hudyo, kapag may mga nahuling nakikiapid, sila ay hahatakin sa isang pambulikong lugar (katulad ng liwasan) at doon babatuhin hanggang sa mamatay. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ng mga Hudyo ang pakikiapid. Para sa mga Hudyo, hindi katanggap-tanggap at isang malaking kahihiyan ang mga taong nakikiapid. 

Sa Ebanghelyo, pinatawad ni Hesus ang isang babaeng nahuling nakikiapid. Sa pagbibigay ng kapatawaran sa babaeng nahuling nakiapid, ipinakita at ipinadama ni Hesus sa kanya ang Banal na Awa ng Diyos sa sangkatauhan. Binigyan ng pangalawang pagkakataon ang babaeng nahuling nakiapid upang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos. Pinili ni Hesus na patawarin ang babae kaysa parusahan. Mas pinili ni Hesus na magpatawad kaysa magparusa. 

Nararapat lamang na mapakinggan ang salaysay ng pangyayaring ito tuwing kapanahunan ng Kuwaresma. Nararapat din lamang na mapapakinggan natin ito, lalung-lalo na't ang Kuwaresma sa taong ito ay napapaloob sa Banal na Taon ng Awa na idineklara ni Papa Francisco isang taon na ang nakakalipas. Ang layunin ng panahon ng Kuwaresma, lalung-lalo na ngayong Banal na Taon ng Awa, ay tuklasin muli ang misteryo ng Banal na Awa ng Diyos. Isinalarawan ni Hesus ang misteryo ng Awa ng Diyos sa Ebanghelyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapatawaran sa babaeng nahuling nakiapid. 

Walang kasalanan na makakapantay sa kadakilaan ng Awa ng Diyos. Walang kasalanan na makahihigit pa sa Awa ng Diyos. Walang kasalanang hindi mapapatawad ng Diyos. Hindi mapapantayan ng mga kasalanan ng sangkatauhan ang Awa ng Diyos. Mas dakila ang Awa ng Diyos kaysa sa mga kasalanan ng sangkatauhan, kahit magsama-sama ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan. Gaano mang kabigat ang mga kasalanan ng sangkatauhan laban sa Diyos, hindi kayang mapatayan o makahihigit ang mga ito sa walang hanggang Awa ng Diyos. Mapapatawad ng Diyos ang lahat ng ating mga kasalanan kung tayo ay lalapit sa Kanya nang kusang-loob at hihingi ng Kanyang awa at kapatawaran, gaano mang kabigat ang mga kasalanan natin laban sa Kanya. 

Mapapakinggan natin sa aklat ng mga Salmo, "Ang Diyos ay mahabagin, banayad kung magalit, kung umibig nama'y lubos." (Salmo 103, 8) Ipinakita ni Hesus, ang Diyos Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang Awa ng Diyos noong pinatawad Niya ang babaing nakiapid. Hindi na mahalaga sa Panginoon kung gaano kabigat ang kasalanang ginawa niya. Pinagsisihan at tinalikuran na ng babae ang kanyang kasalanan at nagbalik-loob sa Kanya. Hinakayat ng Panginoon ang babae na huwag nang magkasala muli. Mabilis magpatawad ang Panginoon. Kahit ang Panginoon ay isang makatarungang Hukom at Hari, Siya'y maawain at mapagpatawad sa mga makasalanang nagbabagong-buhay at nagbabalik-loob sa Kanya. Handa Siyang magbigay ng pangalawang pagkakataon sa mga makasalanang nagbagong-buhay at nagbalik-loob sa Kanya. 

Hindi na mahalaga sa Diyos kung gaano kabigat ang mga kasalanan natin sa Kanya. Gaano mang kabigat ang ating mga kasalanang nagawa sa Kanya, nakahanda Siyang magpatawad. Handa Siyang magpatawad, kahit ang pinakamabigat na kasalanang nagawa laban sa Kanya ay mapapatawad. Lagi Siyang handang magpatawad. Ayaw ng Diyos na mapahamak tayo nang dahil sa kasalanan. Nag-aalala Siya para sa ating kaligtasan. Nais ng Diyos na tayong lahat ay maligtas. Kaya, nananawagan Siya sa atin. Tayo ay tinatawag ng Panginoong Diyos upang pagsisihan natin at talikdan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanyang walang-hanggang Awa. Sa gayon, tayo ay maliligtas dahil sa Kanyang Mabathalang Awa sa atin. 

Noong pinatawad ng Panginoong Hesus ang babaeng nahuli sa pakikiapid, ipinakita Niya na kahit ang pinakamabigat na kasalanan ay hindi makakapantay sa Awa ng Diyos. Noong umalis ang mga pumaratang sa babae, nagkatinginan si Hesus at ang babae. Awa ang nakita ng babae sa mga mata ni Hesus. Ang pagtingin ni Hesus sa babae ay masintahin at maawain. Hindi nagpakita ng galit si Hesus sa Kanyang mga mata noong nakipagtitigan Siya sa babaeng nangalunya. Bagkus, ang ipinakita ni Hesus sa babaeng nakipaid ay awa at pagsinta sa Kanyang mga mata. Puno ng awa at pagsinta ang mga mata ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y nakipagtitigan sa babaeng nangalunya. 

Ang panawagan ng panahon ng Kuwaresma ay pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Tayong lahat ay mga makasalanan, nagkakasala. Subalit, hindi mapapantayan o mahihigitan ng ating mga kasalanan ang Dakilang Awa ng Diyos. Higit na dakila at makapangyarihan ang Awa ng Diyos kaysa sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Huwag tayong matakot na lumapit sa Diyos upang humingi ng Kanyang Awa at pagpapatawad. Walang makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Diyos ay Kanyang itinatakwil. Bagkus, pinapatawad at muling tinatanggap Niya ang mga makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya. 

Sa ating pagbabalik-loob sa Panginoon, hindi matinding galit ang ating makikita sa Kanyang mga mata. Bagkus, sa ating pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Panginoon, awa at pagsinta ang makikita natin sa Kanyang mga mata, katulad ng nakita ng babaeng nakiapid noong siya'y pinatawad ni Kristo. Mapupuno ng awa at pagsinta ang pagtingin ng Panginoon sa atin kapag nakikita Niyang tayo ay nagsisisi at tumatalikod sa kasalanan at nagbabalik-loob sa Kanya. 

Huwag tayong matakot na magbalik-loob sa Diyos, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma. Hindi mga matang puno ng galit ang ipapakita sa atin ng Panginoon kapag tayo ay nagbabalik-loob sa Kanya. Bagkus, mga matang puno ng awa at pagsinta ang ipapakita ng Panginoon sa atin sa ating pagbabalik-loob sa Kanya. Walang kasalanan na makakapantay o makahihigit pa sa Awa ng Diyos. Handa Siyang magbigay ng awa at kapatawaran sa ating lahat, anuman ang ating mga kasalanan natin sa Kanya at gaano mang kabigat ito, kung tayo ay lalapit sa Kanya at kusang-loob na magbabalik-loob sa Kanya. 

Linggo, Pebrero 28, 2016

KWENTO NG MAKASALANANG NAGSISI AT NAGBALIK-LOOB; KWENTO NG BANAL NA AWA NG DIYOS

6 Marso 2016
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma (K) 
Josue 5, 9a. 10-12/Salmo 33/2 Corinto 5, 17-21/Lucas 15, 1-3. 11-32 


Nararapat lamang na mapapakinggan natin ang Talinghaga ng Alibughang Anak sa Ebanghelyo ngayong kapanahunan ng Kuwaresma. Mas lalo itong nararapat dahil ngayong taon, napapaloob ang banal na panahon ng Kuwaresma sa Banal na Taon ng Awa na idineklara ni Papa Francisco isang taong na ang nakalipas. Ang layunin ng Banal na Taon ng Awa na idineklara ng Santo Papa ay muling nating matutunan at imulat ang ating mga mata sa Banal na Awa ng Diyos. Paulit-ulit na binibigyang diin ng Santo Papa Francisco sa kanyang mga homiliya at talumpati ang Awa ng Diyos. Dagdag pa ng Santo Papa, ang misyon ng Simbahan ay ang pagsaksi sa Dakilang Awa at Habag ng Diyos. 

Mapapakinggan natin sa mga Pagbasa ngayon ang mga kwento tungkol sa Awa ng Diyos sa Lumang Tipan at Bagong Tipan. Hindi nagmamaliw ang Awa ng Diyos, magbago man ang panahon. Sa Unang Pagbasa, kinausap ng Diyos si Josue tungkol sa ginawa Niyang pagpapalaya sa bayang Israel mula sa kahihiyan dulot ng pamumuhay bilang mga alipin sa Ehipto. Pinalaya ng Diyos ang mga Israelita mula sa Ehipto dahil sa Kanyang Awa sa kanila. Sa Ikalawang Pagbasa, nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa ginawang pakikipagkasundo ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo. Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang Talinghaga ng Alibughang Anak. 

Ayon kay San Pablo Apostol sa Ikalawang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nakipagkasundo sa atin sa pamamagitan ni Kristo. Si Kristo ang Tagapamagitan ng Diyos at ng sangkatauhan. Naparito si Kristo upang ayusin ang relasyon ng Diyos at ng sangkatauhan. Nasira ang relasyon ng Diyos at ng sangkatauhan noong nagkasala sina Adan at Eba sa Halamanan ng Eden. Subalit, ayaw ng Diyos na manatiling wasak ang Kanyang relasyon sa sangkatauhan. Nais ng Diyos na ayusin muli ang Kanyang relasyon sa makasalanang sangkatauhan. Kaya, gumawa Siya ng iba't ibang paraan upang makipagkasundo muli sa sangkatauhan. 

Sa Lumang Tipan, nakipagtipan ang Diyos sa sangkatauhan. Subalit, paulit-ulit na nasira ang mga tipang ginawa sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan dahil sa kasalanan ng tao. Sa kahuli-hulihan, gumawa ng Bagong Tipan sa sangkatauhan ang Diyos. Sa Bagong Taon, ipinadala ng Diyos sa sanlibutan si Kristo upang makipagkasundo sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paghahain ni Kristo ng Kanyang buhay sa Krus ng Golgota (Kalbaryo), muling inayos ang relasyon ng Diyos at ng sangkatauhan. Ang paghahain ni Kristo sa Krus ng Kalbaryo ay tanda ng Awa ng Diyos sa sangkatauhan. Inihain ni Kristo ang Kanyang buhay sa krus upang ipakita sa ating lahat ang Dakilang Awa ng Diyos. 

Isinalarawan ni Hesus ang Awa ng Diyos sa ating Ebanghelyo sa pamamagitan ng Talinghaga ng Alibughang Anak. Kahit nilustay at sinayang ng bunsong anak ang mga kayamanang minana mula sa kanyang ama, hindi ito naging hadlang sa ama sa pagtanggap muli sa anak na ito. Ang anak na ito, na gumamit ng kanyang minanang kayamanan sa masamang paraan, ay pinatawad at tinanggap muli ng kanyang ama. Naghanda ng isang pagdiriwang ang ama para sa kanyang bunsong anak na bumalik mula sa ibang bayan. 

Sa pamamagitan ng talinghagang ito, itinuturo sa atin ni Hesus kung gaano kadakila at kawagas ang Awa ng Diyos. Kahit paulit-ulit tayong magkasala laban sa Kanya, handa Siyang magpatawad. Ang Diyos ay laging handa na patawarin at tanggapin tayo sa Kanyang piling. Katulad ng ama sa talinghaga, hinihintay ng Diyos ang araw ng ating pagsisisi't pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Kanya. Walang makakapagbigay ng higit na kaligayahan sa Diyos kaysa sa pagsisisi at pagbabalik-loob ng isang makasalanan sa Kanya. 

Ang Talinghaga ng Alibughang Anak ay kwento ng isang makasalanang nagsisi at nagbalik-loob. Ang Talinghaga ng Alibughang Anak ay kwento rin ng Awa ng Diyos. Matiyaga ang Diyos sa paghihintay para sa ating pagsisisi sa ating mga kasalanan. Hindi Siya magsasawa sa paghihintay para sa atin. Gaano mang kabigat ang ating mga kasalanan laban sa Kanya, mapapatawad ng Diyos ang mga ito. Hindi mapapantayan ng mga kasalanan natin ang Awa ng Diyos. 

Huwag tayong matakot na lumapit sa Diyos. Huwag tayong matakot na lumapit sa Diyos upang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya. Walang kasalanang makakapantay sa Awa ng Diyos. Mas dakila ang Awa ng Diyos kaysa sa mga kasalanan ng sangkatauhan, kahit magsama-sama ang napakaraming mga kasalanan ng sangkatauhan. Walang kasalanang hindi mapapatawad ng Diyos. Walang makasalanang lumalapit sa Kanya upang hingin ang Kanyang Awa at pagpapatawad ang itinakwil ng Diyos. Bagkus, pinapatawad ng Diyos ang sinumang makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso. 

ANG HABAG AT KAGANDAHANG-LOOB NG DIYOS

28 Pebrero 2016 
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma (K) 
Exodo 3, 1-8a. 13-15/Salmo 102/1 Corinto 10, 1-6. 10-12/Lucas 13, 1-9 



Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang salaysay ng paghirang at pagsugo ng Diyos kay Moises. Si Moises ay isang pastol bago niya nakatagpo ang Panginoong Diyos sa Bundok ng Diyos sa Horeb. Nagpakita ang Panginoon kay Moises sa pamamagitan ng punongkahoy na nagliliyab. Kahit na nagliliyab ang punongkahoy, hindi ito nasusunog. Nagtaka si Moises kung bakit ganun na lamang. Kaya, nilapitan ni Moises ang nagliliyab na punongkahoy. Nang papalapit na si Moises, tinawag siya ng Panginoong Diyos. 

Pagkatapos magpakilala ang Panginoong Diyos kay Moises, ipinaliwanag Niya kung bakit tinawag Niya si Moises. Isang napakahalagang namisyon ang ibinigay ng Diyos kay Moises. May pinapagawa ang Diyos kay Moises. Napakaimportante at napakabigat ang ipapagawa ng Diyos kay Moises. Si Moises ay hinirang ng Panginoon upang maging Kanyang instrumento sa pagpapalaya at pagliligtas sa bayang Israel na noo'y namumuhay sa kaalipinan sa Ehipto. 

Nahabag ang Diyos sa kalagayan ng mga Israelita noong kapanahunang yaon. Tahimik Siyang nakikiisa sa pagdurusa ng Kanyang bayan. Nararamdaman ng Diyos ang mga paghihirap at pagdurusang nararanasan ng Kanyang bayan sa Ehipto. Hindi kagustuhan ng Diyos na mamuhay bilang mga alipin ang Kanyang bayan. Dahil sa Kanyang habag sa Kanyang bayan, gumawa ng paraan ang Diyos upang mapalaya sila mula sa pagkaalipin. Ililigtas at palalayain ng Diyos ang bayang Israel sa pamamagitan ni Moises. Si Moises ang magiging instrumento at tagapagsalita ng Diyos sa Faraon at sa Kanyang bayan. 

Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob. Ito ang Salmo para sa araw na ito. Binibigyang diin ng Salmong ito ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Hindi magmamaliw ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Mananatili ito magpakailanman. Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ang dahilan kaya iniligtas Niya ang Kanyang bayang namumuhay sa kaalipinan sa Ehipto sa pamamagitan ni Moises. Ito rin ang mga dahilan kung bakit isinugo Niya si Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasamaan. 

Binabalaan tayo ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagbabalewala sa habag at kagandahang-loob ng Diyos. Isang napakatindi at napakabigat na kaparusahan ay ipapataw sa atin kapag binalewala natin ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. May mga taong noong kapanahunan ni Moises na hindi nagtiwala at nanalig sa habag at kagandahang-loob ng Diyos, bagamat nasaksihan nila ang kapangyarihan ng Diyos. Pinagnanasahan nila ang mga masasamang bagay. Karamihan pa nga sa kanila, nagrereklamo dahil sila'y nakukulangan sa mga ibinigay ng Diyos sa kanila. Ito ang kanilang kasalanan - hindi nila binigyan ng kahalagahan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos sa kanila. Binalewala nila ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. 

Hindi natin basta-basta binabalewala ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ang bukal ng ating mga pagpapala at biyayang ating natatanggap. Kung hindi dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos sa atin, hindi tayo pagpapalain. Wala tayong mga biyaya mula sa Diyos kung ang Diyos ay walang habag at kagandahang-loob. Puro kapighatian at pagdurusa ang mararanasan natin kung walang habag at kagandahang-loob ang Diyos. Hindi rin tayo mabubuhay ngayon kung hindi dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos sa ating lahat. Dapat binibigyan natin ng kahalagahan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos sa ating lahat. 

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang isang talinghaga ni Hesus. Gumamit ng isang talinghaga si Hesus sa Kanyang pagtuturo tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ito'y matapos Niyang mapakinggan ang balita tungkol sa pagpatay ni Poncio Pilato sa mga Galileong naghahandog sa Panginoon. Para kay Hesus, hindi mas masahol ang mga Galileong pinatay ni Pilato kaysa sa mga ibang taga-Galilea. Bagkus, mapapahamak ang lahat ng mga hindi nagsisisi at tumatalikod sa kasalanan. Kahit hindi parusahan sa sanlibutan ang mga hindi nagsisisi at tumatalikod sa kasalanan, mapapahamak sila sa kabilang buhay. Para kay Hesus, ang pagsisisi, pagtalikod sa kasalanan, at pagbabalik-loob sa Diyos ang nagbibigay ng kahalagahan sa habag at kagandahang-loob ng Diyos. 

Mapagpasensya, matiyaga ang Diyos. Hinihintay Niyang pagsisihan at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Kanya ang mga makasalanan. Hindi Niya pinarurusahan o pinapahamak agad-agad ang mga makasalanan. Ayaw ng Diyos na mapahamak agad ang sangkatauhan. Ang Diyos ay matiyaga sa Kanyang paghihintay para sa pagsisisi at pagtalikod ng mga makasalanan sa kanilang makasalanang pamumuhay at pagbabalik-loob sa Kanya. 

Sa talinghaga, mapapakinggan natin na may isang puno ng igos na walang bunga. Matagal na naghintay ang may-ari ng ubasan upang magkaroon ng bunga ang punong ito, subalit wala siyang makitang bunga. Kaya, sinabihan niya ang tagapag-alaga ng ubasan na putulin ang puno. Subalit, nakiusap ang tagapag-alaga sa may-ari. Gagawin ng tagapag-alaga ang lahat para magkaroon ng bunga ang punong iyon. Huhukayan niya ang palibot at lalagyan ng pataba upang mapabilis ang pagbunga ng punong iyon. Puputulin na lamang niya kung wala pa ring bunga, kahit ginawa na niya ang lahat para magkaroon ng bunga ang puno.

Ganyan ang Diyos. Hindi parurusahan ng Diyos ang mga makasalanan agad-agad. Binibigyan Niya sila ng pangalawang pagkakataon upang magsisi at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Ito ay dahil sa habag at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos sa atin. Tayong lahat ay binibigyan ng pangalawang pagkakataon ng Diyos upang magsisi sa ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya dahil sa Kanyang habag at kagandahang-loob sa ating lahat. Handa Siyang magbigay ng pangalawang pagkakataon sa mga makasalanang nagsisisi't tumatalikod sa kanilang mga kasalanan at nagbabalik-loob sa Kanya. 

Tuwing panahon ng Kuwaresma, binibigyang-diin ng Simbahan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Tunay ngang mahabagin at nagmamagandang-loob ang Diyos. Hindi Niya pababayaang mapahamak tayong lahat nang dahil sa ating mga kasalanan. Bagamat makatarungan Siyang Diyos at Hari, hindi Niya hahayaang mapahamak tayo ng kasalanan. Bagkus, tayong lahat ay tinatawag at inaanyayahan ng Diyos na magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Nais ng Diyos na tayong lahat ay maligtas at makinabang sa Kanyang habag at kagandahang-loob sa ating lahat. Sa Krus ni Hesus, makikita natin ang habag at kagandahang-loob ng Diyos sa ating lahat. Ipinadala si Hesus sa sanlibutan upang maging hain para sa ating lahat dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos sa sangkatauhan. 

Sabado, Pebrero 20, 2016

SA PAGBABAGONG-ANYO NI HESUS, IPINASULYAP SA ATIN NG DIYOS ANG PANGAKO NIYANG KALIGTASAN

21 Pebrero 2016
Ikalawang Linggo ng Kuwaresma (K) 
Genesis 15, 5-12. 17-18/Salmo 26/Filipos 3, 17-4, 1/Lucas 9, 28b-36 



Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na nakipagtipan ang Diyos kay Abram. Nangako ang Diyos kay Abram na siya ang magiging ama ng maraming bansa. Kasindami ng mga buhangin sa dalampasigan at ng mga talaga sa kalangitan ang magiging dami ng kanyang angkan sa mga darating na henerasyon. Kahit hindi lubusang maintindihan ni Abram ang pangako ng Diyos, nanalig pa rin siya sa Diyos at sa kanyang pangako. May mga sinabi ang Diyos na hindi maunawaan ni Abram, subalit pinili pa rin niyang manalig sa Diyos. Buong katapatan siyang nanalig na hindi siya bibiguin ng Diyos. Ganun nga ang nangyari. Hinding-hindi binigo ng Diyos si Abram kahit kailan hanggang sa mga huling sandali ng buhay ni Abram, na mas kilala ngayon bilang si Abraham.

Lumipas man ang panahon, hindi nambibigo ang Diyos. Hindi nagdudulot ng kabiguan ang Diyos. Tapat ang Diyos sa mga pangako na Kanyang binitiwan. Kung ang tao'y mahina at nagdudulot ng kabiguan, paminsan-minsan, ang Diyos ay hindi nambibigo. Siya lamang ang nananatiling tapat sa ating lahat. Kadalasan, tayong lahat ay nambibigo. Nararanasan natin ang kabiguan bilang tao. Marahil ang mga kahinaan natin bilang tao ang dahilan kaya nararanasan natin ang kabiguan. May mga pagkakataon kung kailan binibigo natin ang ating mga sarili o ang ating kapwa. Subalit, ang Diyos ay nananatiling tapat sa Kanyang mga pangako sa sangkatauhan. Ang Diyos ay laging tapat, at hindi magmamaliw ang Kanyang katapatan sa Kanyang mga pangako. 

Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang krus ng Panginoong Hesukristo ang tanda ng pangako ng Diyos para sa ating kaligtasan. May mga taong tumatakwil sa krus ni Hesukristo. Subalit, tayong lahat ay hindi tumatakwil sa krus ni Kristo. Bilang mga Kristiyanong Katoliko, hindi natin itinatakwil ang krus ng Panginoon. Bagkus, ipinagmamalaki natin ang krus ng ating Panginoon. Sa pagdarasal ng Daan ng Krus, sinasabi natin, "Sapagkat sa pamamagitan ng Iyong Mahal na Krus ay tinubos Mo ang sangkatauhan." Bilang mga Katoliko, sinisimulan natin ang bawat panalangin sa pamamagitan ng Tanda ng Krus. Ang krus, para sa ating mga Kristiyanong Katoliko, ang tanda ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

May mga nagsasabing isang negatibong simbolo ang krus sapagkat sinisimbolo nito ang kapahamakan at kamatayan. May mga hindi naniniwala sa krus ni Kristo. Noong kapanahunan ni Hesukristo, ang krus ang tanda ng kapahamakan at kamatayan. Ikinahihiya at itinatakwil ang krus. Subalit, noong si Hesukristo'y ipinako at namatay sa krus sa Kalbaryo, binago Niya ang larawan at simbolo ng krus. Mula sa pagiging tanda ng kapahamakan at kamatayan, ang krus ay naging tanda ng pangako ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya, ang tunay na Kristiyano, ipinagmamalaki ang krus bilang tanda ng kaligtasang dulot ni Kristo. 

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus sa Bundok ng Tabor ayon kay San Lucas. Lagi natin itong mapapakinggan tuwing Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Isa sa mga napakahalagang sandali ng buhay ni Hesus ang Kanyang Pagbabagong-Anyo sa Bundok ng Tabor. Sa Pagbabagong-Anyo ni Hesus, ipinasulyap ang kaluwalhatiang na Kanyang makakamit sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Ayon kay San Lucas, bago nagbago ang anyo ni Hesus, Siya'y nananalangin. Habang nananalangin, doon pa lamang Siya nagbagong-anyo. Ano kaya ang panalangin ni Hesus sa mga sandaling iyon? Sa pakiwari ko, hinihiling Niya sa Ama na ipagkalooban Siya ng lakas upang harapin ang mga mangyayari sa Kanya, lalung-lalo na para sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Masasabi natin na may nararamdamang takot si Hesus sa mga sandaling iyon. Bago Siya umakyat sa Bundok ng Tabor kasama ng tatlong alagad, ipinahayag ni San Pedro Apostol na si Hesus ang Mesiyas ng Diyos at ipinahayag din ni Hesus ang mga kailangan Niyang pagdaanan bilang Mesiyas na isinugo ng Diyos. 

Noong nagbago ang anyo ni Hesus, nagpakita at nakipag-usap sa Kanya ang mga dakilang tauhan ng Lumang Tipan na sina Moises at Elias. Isinulat ni San Lucas kung ano ang pinag-uusapan ng tatlong iyon. Kinausap nina Moises at Elias si Hesus patungkol sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Pagdating sa Herusalem, si Hesus ay dadakipin at papatayin. Subalit, tatlong araw pagkatapos ng pagpanaw ni Hesus, muli Siyang mabubuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus sa Kalbaryo at ng Kanyang Muling Pagkabuhay, tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa sangkatauhan na sila'y ililigtas Niya. Ang sangkatauhan ay iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus.

Hindi magiging madali ang pagkakamit ng tagumpay at kaluwalhatian. Hindi rin madaling tuparin ang mga pangako. May mga bagay na dapat pagdaanan sa pagbibitiw at pagtutupad ng mga pangakong binitiwan. Nangako ang Diyos na tutubusin Niya ang sangkatauhan. Bilang Diyos, maaari naman Niyang gamitin ang pinakamadaling paraan upang tubusin ang sangkatauhan. Subalit, pinili ng Diyos ang pinakamahirap na paraan ng pagtubos sa sangkatauhan. Ang Diyos Anak na si Hesus ay bumaba mula sa langit para sa kaligtasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Ang Diyos ay laging tapat sa Kanyang mga pangako. Wala Siyang binigo kahit kailan. Hindi Siya umatras sa mga pangako na Kanyang binitiwan. Ang pinakadakilang pangako at biyaya ng Diyos sa sangkatauhan ay si Hesus. Sa pamamagitan ni Hesus, natupad ang ipinangakong kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ni Hesus, nagkatotoo ang pangako ng Diyos. Iniligtas ni Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus ng Kalbaryo at ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay, nakamit ni Hesus ang kaluwalhatian at tagumpay, hindi lamang para sa Kanyang sarili, kundi para na rin sa ating lahat. 

Nagbagong-anyo si Hesus upang ipakita at ipaalala sa lahat na hindi magwawakas ang lahat sa Kanyang kamatayan. Hindi magtatapos ang lahat sa pagdurusa at kapighatian. Ipinapakita sa atin ni Hesus ang isang sulyap sa tagumpay at kaluwalhatiang Kanyang makakamit sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Ang pagdurusa at kapighatiang dadanasin ni Hesus ay bahagi ng Kanyang tatahakin tungo sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Bago makamit ni Hesus ang kaligtasan para sa ating lahat, kinailangan Niyang tahakin ang landas ng pagdurusa at kapighatian. Sa Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, nagkatotoo ang kaligtasan ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan. 

Linggo, Pebrero 14, 2016

MANALIG SA KAPANGYARIHAN NG AWA NG DIYOS SA GITNA NG MGA TUKSO

14 Pebrero 2015
Unang Linggo ng Kuwaresma (K) 
Deuteronomio 26, 4-10/Salmo 90/Roma 10, 8-13/Lucas 4, 1-13


Mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa ang pamamaraan ng pagpapahayag ng pananampalataya ng bayang Israel sa Panginoong Diyos, sa utos ni Moises. Bahagi ito ng mga tuntunin tungkol sa ikapu at unang bunga ng pananim. Sa kanilang pagpapahayag ng pananampalataya, mapapakinggan natin ang isang maikling pagsasalaysay ng Awa ng Diyos sa Kanyang Bayan noong namumuhay ang bayang Israel bilang mga alipin sa Ehipto. Ipinahayag ng mga Israelita na ang Diyos ay maawain, at dahil sa Kanyang Awa ay pinalaya Niya ang bayang Israel mula sa kaalipinan sa Ehipto. Hindi nila kinalimutan ang dakilang gawa ng Awa ng Diyos. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa mga taga-Roma sa Ikalawang Pagbasa patungkol sa pagpapahayag ng pananampalataya sa Panginoon.  Si Kristo ay ipinadala ng Diyos upang maging Panginoon at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang bawat sumasampalataya kay Kristo ay Kanyang ililigtas sa pamamagitan ng Kanyang Makapangyarihang Awa at Habag. Ililigtas sila ni Kristo kung sila'y taos-pusong mananalig sa Kanya nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pagkatao. Bukod pa sa pagpapahayag ng pananampalataya sa Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng ating mga labi, ang pananalig sa Kanya ay isang pamamaraan ng pagpapahayag ng ating pananampalataya sa Kanya. 

Si Hesus ang Panginoon ng Awa. Siya ang Mahabaging Tagapagligtas na ipinadala ng Ama sa sangkatauhan. Ipinadala Siya upang ang lahat ay sumampalataya sa Kanya. Tayong lahat ay Kanyang ililigtas sa pamamagitan ng Kanyang Awa at Habag. Subalit, ayon kay San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, kinakailangang manalig nang buong puso sa Panginoon at ipahayag ating pananampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga bibig at mga gawain. 

Taun-taun nating mapapakinggan ang salaysay ng pagtutukso sa Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo ng Unang Linggo ng Kuwaresma. Tatlong ulit tinukso ang Panginoong Hesus ng demonyo sa ilang. Subalit, bago Siya tinukso ni Satanas, inakay Siya ng Espiritu Santo patungo sa ilang. Nag-ayuno at nanalangin si Hesus sa ilang sa loob ng apatnapung araw. Sumulpot ang demonyo sa eksena noong nakikita at nararatnan niyang si Hesus ay nasa yugto ng Kanyang buhay kung saan Siya'y napakamahina. Gutom na gutom na si Hesus sa mga sandaling yaon. Napakahina na ni Hesus sa mga sandaling yaon. 

Ang demonyo ay napakatalino. Hindi niya tutuksuhin ang isang tao kapag alam niya na siya'y nasa mabuting kalagayan. Alam ng demonyo na mahihirapan siya kung tutuksuhin niya ang tao sa kanyang mabuting kalagayan. Bagkus, hinihintay ng demonyo ang tamang pagkakataon - ang mga sandali sa buhay ng bawat tao na kung saan sila'y napaka-mahina. Kung kailan mahina ang tao at sigurado siyang mahihirapan ang tao sa pag-iwas sa kanyang mga tukso, doon lamang siya magpapakita at susulpot sa eksena upang tuksuhin ang tao. 

Hindi lang iyan ang katalinuhan ng demonyo. Ang isa pang katalinuhan ng demonyo ay ang paraan ng kanyang pagtutukso. Kapag magtutukso ang demonyo, hindi niya ipapakita ang pangit. Hindi niya ipapakita ang mga bagay na hindi maganda kapag tutuksuhin niya ang bawat tao. Bagkus, ipapakita niya ang kanyang tukso sa isang napakagandang anyo. Ipapakita niya ang mga larawan ng kagandahan at kabutihan sa kanyang mga tukso. Hinihikayat niya ang bawat tao na bumigay sa kaaaliwan ng kanyang mga tukso. 

Subalit, kahit gaano mang kahali-halina ang mga tukso ng demonyo, hindi nagpadala si Hesus. Hindi nagpatalo si Hesus laban sa tukso ng demonyo. Kahit kahali-halina ang tatlong tukso ng demonyo kay Hesus, nilabanan ni Hesus ang tukso. Nanalig Siya sa kapangyarihan ng Mabathalang Awa at Habag ng Diyos. Hindi pumayag si Hesus na manaig ang kapangyarihan ng demonyo laban sa Kanyang kapangyarihan. Ginamit Niya ang Kanyang kapangyarihan laban sa demonyo sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. 

Mas makapangyarihan ang Awa ng Diyos. Kahit gaano mang kahali-halina ang bawat tukso, hindi ito mananaig sa kapangyarihan ng Awa ng Panginoon. Ang kapangyarihan ng Awa ng Diyos ay nakita natin noong nagtagumpay si Hesus laban sa tukso ng demonyo sa ilang. Buong puso't pagkatao nanalig si Hesus sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos at sa kalooban ng Diyos. Gaano mang kahali-halina ang mga tukso ni Satanas sa Kanya, pinagtagumpayan ni Hesus ang mga tukso sa pamamagitan ng pananalig sa Awa ng Diyos. 

Ang pananalig sa Awa ng Diyos ang susi sa ating pakikibaka laban sa mga tukso. Tunay ngang makapangyarihan ang kapangyarihan ng tukso. Subalit, hindi mananaig ang kapangyarihan ng tukso ay hindi mananaig laban sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos. Mas makapangyarihan ang Mabathalang Awa ng Diyos at magtatagumpay ito laban sa kapangyarihan ng tukso. Kapag tayo'y mananalig sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos, magtatagumpay tayo laban sa kapangyarihan ng tukso. Kahit kailan, hindi magtatagumpay ang kapangyarihan ng tukso laban sa kapangyarihan ng Dakilang Awa ng Diyos. 

Lunes, Pebrero 8, 2016

TAOS-PUSONG PAGSISISI AT PAGBABALIK-LOOB SA DIYOS NA MAAWAIN NGAYONG PANAHON NG KUWARESMA

10 Pebrero 2016 
Miyerkules ng Abo (ABK) 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 



Sinisimulan natin ngayon ang panahon ng Kuwaresma, ang Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay, sa pamamagitan ng Miyerkules ng Abo. Pinapahiran ng abo ang noo ng bawat mananampalatayang nagsisimba ngayong araw na ito. Ang abo ay sumasagisag sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Sa Banal na Kasulatan, lalung-lalo na po sa Lumang Tipan, ang mga tao'y nagdadamit ng mga sako at binubuhusan nila ng abo ang kani-kanilang mga sarili. Kasabay nito ang taimtim na pananalangin sa Diyos upang sila'y kahabagan at patawarin sa kanilang mga kasalanan. 

Ang panawagan ng Simbahan sa bawat mananampalataya, lalung-lalo na ngayong kapanahunan ng Kuwaresma, ay ang pagsisi sa mga nagawang kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoon.  Hindi lamang ito panawagan ng Simbahan, panawagan ito ng Panginoon. Ang Panginoon ang tumatawag sa atin na magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Paulit-ulit nating mapapakinggan sa Banal na Kasulatan na ang Diyos ay nananawagan sa mga tao upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Ang hinihingi ng Panginoong Diyos mula sa bawat isa sa atin ay ang taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. 

Mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa ang panawagan ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Joel. Isa ito sa napakaraming mga pagkakataon na kung saan nananawagan ang Diyos sa mga tao na pagsisihan at talikdan ang kanilang makasalanang pamumuhay. Hindi nais ng Diyos na lalo pang mapalayo ang sangkatauhan. Ayaw ng Diyos na mapahamak tayo nang dahil sa ating mga kasalanan sa Kanya. Kaya, pinapaalala sa atin ng Diyos na kinakailangan nating magsisi at magbalik-loob sa Kanya habang may panahon pa. 

Nais ng Diyos na magmula sa kaibuturan ng ating puso ang ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Ayaw Niya tayong nagpapanggap. Hindi katanggap-tanggap sa Diyos ang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya dahil gusto nating makita ng iba na tayo'y nagsisisi at nagbabalik-loob sa Diyos. Hindi na iyon taos sa puso. Hindi na iyon mataimtim. Hindi na galing sa puso ang ganung pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Hindi na iyan ang hinihingi ng Panginoon sa atin. Ang kagustuhan ng Diyos ay isang mataimtim at taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya, hindi pagpapanggap o pakitang-tao lamang. 

Sa Ebanghelyo, nagsalita si Hesus laban sa mga gumagawa ng mga banal na gawain upang mapansin sila ng tao. May mga taong nagdadasal, nagsisimba, sumasama sa mga prusisyon, at nakikiisa sa mga gawain ng Simbahan upang mapansin sila ng tao. Hindi pa sila nagkukumpisal at nagbabagong-buhay. Hangad nila ang pagpupuri at parangal ng ibang tao sa kanila. Hindi na para sa Diyos ang kanilang mga ginagawa. Bagkus, ginagawa nila iyan para sa kanilang mga sarili. Gusto nilang mapansin ng ibang tao at sumikat dahil doon. Hindi na tungkol sa Diyos ang kanilang mga debosyon. Sila na ang nagiging bida sa kanilang mga debosyon. Tungkol na sa kanila ang kanilang mga debosyon.

Ang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos ay hindi tungkol sa atin. Tungkol ito sa Diyos at kung gaanong kadakila ang Kanyang Awa at Habag sa sangkatauhan. Siya ang tumatawag sa atin na magsisi at tumalikod sa makasalanang pamumuhay. Nananawagan sa atin ang Diyos dahil sa Kanyang Awa at Habag sa ating lahat. Sa pamamagitan ng pagtawag sa atin na pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya, ipinapakita sa atin ng Diyos kung gaanong kadakila ang Kanyang Awa at Habag sa sangkatauhan. 

Kailan ba dapat tayong magsisi at magbalik-loob sa Diyos? Kahit kailan, pwede. Subalit, ayon nga kay Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, mas maganda kung ngayon na. Katulad ng mga titik na isinulat sa awiting Pag-Aalay ng Puso (Minsan Lamang), "Nawa'y h'wag ko itong ipagpaliban, o ipagwalang-bahala." Mas mabuti pang huwag nating patagalin pa ang panahon kung kailan tayong magsisisi at magbabalik-loob sa Diyos. Mas mabuti pa kung ngayon na tayong magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos, bago mahuli ang lahat. Huwag na nating patagalin pa ang panahon ng ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Bagamat matiyaga ang Diyos sa paghihintay sa ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya, mas magandang ngayon na tayong magsisi at magbalik-loob sa Kanya. 

May panawagan at paalala sa atin ang Simbahan ngayong kapanahunan ng Kuwaresma. Ang panawagan ng Simbahan ay ang panawagan ng Panginoon, "Magbagong-buhay kayo at sa Mabuting Balita sumampalataya." (Marcos 1, 15) Ang paalala sa atin ng Simbahan ay ang paalala ng Panginoon kina Adan at Eba sa Halamanan ng Eden, "Abo ang iyong pinanggalingan, at abo rin sa wakas ang iyong babalikan." (Genesis 3, 19) Hindi natin alam kung kailan babawiin ng Panginoon ang ating buhay, kaya, ngayon pa lang, habang may panahon pa, nanawagan ang Panginoon na tayo'y magsisi at tumalikod sa ating makasalanang pamumuhay at magbalik-loob sa Kanya. Nananawagan at pinapaalalahanan tayong lahat ng Panginoon dahil sa Kanyang Awa at Habag sa atin. Ang Awa at Habag ng Panginoon sa atin ay lubos na dakila at walang pagmamaliw. 

Ngayong taon, napapaloob ang panahon ng Kuwaresma sa Banal na Taon ng Awa na idineklara ni Papa Francisco. Binibigyan ng halaga ng kapanahunan ng Kuwaresma ang Awa ng Diyos. Ang panahon ng Kuwaresma ay tungkol sa Awa ng Diyos. Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma, na pagsisisihan at talikdan ang ating mga kasalanan. Binibigyan tayo ng pagkakataon na lumapit sa ating Panginoon sa Sakramento ng Kumpisal, upang taos-pusong magbalik-loob sa Kanya. Hinihintay tayong lahat ng Panginoon sa Sakramento ng Kumpisal. Matiyagang naghihintay ang Panginoon para sa panahon ng ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. 

Huwag na nating patagalin pa ang panahon ng ating pagbabalik-loob sa Diyos. Huwag na tayong magbingi-bingihan sa panawagan ng Panginoon. Huwag nating patigasin ang ating mga puso. Maawain ang Panginoon. Ang Awa ng Panginoon ay lubos na dakila at walang pagmamaliw. Huwag tayong matakot na lumapit sa Panginoon upang humingi ng Awa at kapatawaran mula sa Kanya. Hindi tayo itatatwa ng Panginoon dahil tayo ay mga makasalanan. Bagkus, tayong lahat ay Kanyang kahahabagan at tatanggapin muli sa Kanyang piling. Lubos na dakila at hindi nagmamaliw ang Awa ng Panginoon. Walang makahihigit pa sa Dakilang Awa at Habag ng Panginoon sa atin. 

Linggo, Pebrero 7, 2016

MGA HINIRANG NG PANGINOON

7 Pebrero 2016 
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Isaias 6, 1-2a. 3-8/Salmo 117/1 Corinto 15, 1-11 (o kaya: 15, 3-8. 11)/Lucas 5, 1-11 


Ang Panginoong Diyos ay humihirang ng mga tao para sa isang napakalaking tungkulin. Halimbawa, sa Lumang Tipan, hinirang ng Panginoon si Abraham upang maging Ama ng lahat ng mga bansa. Kinikilala din siyang Ama ng pananampalataya dahil sa kanyang pananalig sa Diyos, kahit hindi niya maunawaan ang Kanyang kalooban. Si Moises ay hinirang ng Panginoon upang palayain ang bayang Israel na namumuhay sa kaalipinan sa Ehipto noong kapanahunang yaon. Humihirang din Siya ng mga propeta na magsasalita sa bayang Israel, katulad nina Samuel, Elias, Isaias, Jeremias, at marami pang iba. 

Mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa ang salaysay ng paghirang ng Diyos kay propeta Isaias. Hinirang ng Panginoon si propeta Isaias, kahit na ang paniwala ni Isaias hindi siya karapat-dapat maging propeta ng Panginoon. Isang napakalaki at napakabigat na tungkulin ang pagiging propetang hinirang ng Diyos. Alam ni propeta Isaias na siya'y isang makasalanang mahina. Dahil sa kanyang mga kahinaan bilang makasalanan, naniniwala si propeta Isaias na siya'y isang taong kawawa at hindi karapat-dapat maging propeta. 

Subalit, sa kabila ng pagiging makasalanan, pinili at hinirang pa rin ng Panginoon si propeta Isaias. Hindi naging hadlang ang pagiging makasalanan at ang mga kahinaan ni propeta Isaias bilang isang tao sa paghirang sa kanya ng Panginoon. Gumawa ng paraan ang Panginoon upang magampanan nang mabuti ni Isaias ang kanyang tungkulin at misyon bilang isang propetang hinirang ng Panginoon. Dinalisay ng Panginoon si Isaias sa Kanyang harapan at pinawalang-sala. 

Sa bandang huli ng Unang Pagbasa, tinawag at hinirang ng Panginoon si propeta Isaias sa pamamagitan ng isang katanungan, "Sino ang Aking ipadadala? Sino ang Aming susuguin?" Buong katapangang tinanggap ni propeta Isaias ang tungkuling iniatasan sa kanya ng Panginoon. Ang kanyang sagot, "Narito po ako. Ako ang isugo N'yo." (10, 8) Nawala ang lahat ng pangamba ni propeta Isaias. Dahil sa biyaya ng Panginoon sa kanya, buong katapangan niyang ginampanana ang kanyang misyon at tungkulin sa Panginoon bilang propetang Kanyang hinirang. 

Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung papaano siya naging apostol at misyonero ni Kristo. Inamin ni Apostol San Pablo ang kanyang mga kahinaan, kahit siya ay isang misyonero. Ang tingin niya sa kanyang sarili ay isang miserableng tao. Hindi siya malakas, mahina siya. Marami siyang mga kahinaan, lalung-lalo na sa kanyang misyon bilang apostol ni Kristo. Subalit, ang awa at kagandahang-loob ng Diyos ang dahilan kaya siya naging apostol. Kahit na inusig niya dati ang mga unang Kristiyano, ang mga unang tagasunod ni Kristo, siya'y naging apostol. Hinirang siya ng Panginoon. Sa paghirang kay Apostol San Pablo, ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa mga makasalanan. Kaya nga, may isang kasabihan, "May nakaraan ang bawat santo, may kinabukasan ang bawat makasalanan." 

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang pagtawag ni Hesus sa mga una Niyang alagad. Dito nagsimula ang samahan nina Hesus at ng Kanyang mga alagad na nagtagal ng mga tatlong taon. Ang samahan ni Hesus ay hindi perpekto. May mga kahinaan ang mga alagad ni Hesus. Isa pa nga sa kanila ang nagkanulo sa Kanya - si Hudas Iskariote. Si Hesus lang ang walang kahinaan sa samahang iyon. Subalit, hindi naging hadlang ang kahinaan ng bawat alagad upang sila'y tawagin at hirangin ni Hesus bilang Kanyang mga apostol. 

Ang unang apat na tinawag ni Hesus ay mga mangingisda. Mga mamalakaya. Hanapbuhay nina Apostol San Pedro, San Andres, Santiago, at San Juan ang pamamalakaya. Ito lamang ang alam nilang paraan upang mapakain nila ang kanilang mga sarili at ang kani-kanilang mga kapamilya. Ang mahirap para sa kanila, bilang mga mamamalakaya, hindi nila matiyak kung magkakaroon sila ng huli. Katulad ng sinabi ni San Pedro Apostol (na noo'y tinawag na Simon), "Magdamag po kaming napagod at wala kaming nahuli!" (5, 5)

Kahit na mangingisda lamang sina Simon Pedro, Andres, Santiago, at Juan, tinawag at hinirang pa rin sila ni Hesus. Inutusan ni Hesus ang dalawang magkapatid na pumalaot muli sa lawa upang manghuli ng isda. Bagamat alam ni Simon Pedro na magdamag na sila doon at wala silang nahuli, sumunod pa rin sila. Isang himala ang naganap noong sinunod nila si Hesus. Nakahuli sila ng napakaraming isda.  Namangha ang apat na mangingisda nang makita iyon. 

Dahil doon, hiniling ni Simon Pedro na layuan siya ni Hesus. Hindi siya karapat-dapat na sumama kay Hesus. Pinagdudahan ni Simon Pedro si Hesus noong una, sapagkat magdamag silang naghintay at wala silang nahuli. Ngunit, noong nakilala nila si Hesus at inutusan Niya ang apat na mangingisda, nakahuli sila ng napakaraming isda. Alam niya na marami siyang kahinaan, hindi siya malinis o karapat-dapat sa paningin ng Panginoong Hesus. Inamin niya na isa siyang mahinang makasalanan. Inamin niya na isa siyang miserableng tao. 

Pinalakas ni Hesus ang kalooban ni Simon Pedro. Ang sabi ni Hesus, "Mula ngayo'y mamamalakaya ka ng mga tao." (5, 10). Kahit maaari Siyang maghanap ng iba upang maging Kanyang (mga) alagad, pinili pa rin ni Hesus ang apat na mangingisdang iyon upang maging mga alagad Niya. Bagamat kakaunti lamang ang kanilang pananalig sa Kanya, o kaya kakaunti lamang ang alam nila patungkol sa Banal na Kasulatan, pinili pa rin ni Hesus ang apat na mangingisdang yaon. 

Hindi mga perpekto ang hinihirang ng Panginoon. Sabi nga ng Panginoong Hesukristo, "'Habag ang ibig Ko, at hindi hain.' Sapagkat naparito Ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi mga banal." (Mateo 9, 13) Kahit alam ng Panginoon na ang tao'y marupok at mga makasalanan, hindi ito nagiging hadlang sa pagtawag at paghirang Niya sa atin. Sa pamamagitan ng pagtawag at paghirang sa ating lahat, ipinapakita at ipinapadama sa atin ng Panginoon na tayo'y Kanyang kinahahabagan at hindi pinapabayaan. 

Lunes, Pebrero 1, 2016

AWA NG DIYOS: NAGDUDULOT NG LIWANAG SA LAHAT NG MGA BANSA

2 Pebrero 2015 
Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo 
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebrero 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32) 



Sa simula ng pagdiriwang ng Banal na Misa para sa araw na ito, ang mga kandila ay binabasbasan ng pari at sinisindihan. Pagkatapos ng Rito ng Pagbabasbas ng mga Kandila, sabay-sabay magpuprusisyon ang pari at ang kongregasyon patungo sa Simbahan. Ang Prusisyon ng mga Kandila ay pangkaraniwang sinisimulan sa labas ng Simbahan, pero maaari ring magsimula sa loob ng Simbahan ang Pagbabasbas at Prusisyon ng mga Kandila. 

Ginugunita ng Pista ng Candelaria ang Pagdadala ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa Sanggol na Hesus sa Templo upang ihandog sa Panginoon. Noong inihandog ang Sanggol na Hesus sa Templo, ipinahayag ni Simeon na ang Panginoong Hesus ang liwanag na tumatanglaw sa lahat ng mga bansa. Si Hesus ay biyaya ng Diyos sa lahat ng mga bansa. Ipinadala ng Diyos si Hesus upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. At sa pamamagitan ng pagpapadala kay Hesus sa daigdig, dumating ang liwanag na dulot ng Awa ng Diyos. Si Hesus ang Mukha ng Awa ng Diyos, at ang Liwanag ng sanlibutan (Juan 8, 12). 

Ipinagkaloob ng Diyos si Hesus dahil sa Kanyang Awa sa sangkatauhan. Naawa ang Diyos sa sangkatauhang nalugmok sa kasalanan. Magmula noong nagkasala ang unang lalaki at babae na sina Adan at Eba sa Halamanan ng Eden, nasira ang relasyon ng Diyos at ng sangkatauhan. Hindi kagustuhan ng Diyos na mapalayo sa Kanya ang sangkatauhan. Hindi kagustuhan ng Diyos na mamuhay ang sangkatauhan bilang mga alipin ng kasamaan. Kaya, pinlano ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Binalak ng Diyos na tubusin ang sanlibutan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Hesukristo. Kaya, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan at ibalik sila sa piling ng Ama. 

Noong kinain nina Eba't Adan ang bungang ipinagbabawal ng Diyos, ang bunga mula sa puno ng karunungan patungkol sa kabutihan at kasamaan, pumasok ang kasamaan sa sanlibutan. Sinakop ng kasamaan ang sangkatauhan. Mula sa pagiging malaya, naging mga alipin ng kasamaan ang sangkatauhan. Bagamat may araw at gabi, namumuhay ang sangkatauhan sa kadiliman. Wala sa kanila ang tunay na liwanag na nagmumula sa Awa ng Diyos. Ang sangkatauhan ay namumuhay sa kadiliman dahil sila'y namumuhay bilang mga alipin ng kasamaan. Ito'y naging isa sa mga pinakamadilim na sandali sa buhay ng tao. 

Hindi nagpapabaya ang Diyos. Hindi pinahintulutan na mawalay ang sangkatauhan sa Kanya. Paulit-ulit Siyang nakipagtipan sa sangkatauhan. Kahit paulit-ulit na nilalabag at nasisira ng sangkatauahn ang kanilang kasunduan sa Diyos, paulit-ulit na gumawa ng paraan ang Diyos na bumalik sa Kanya ang sangkatauhan. Nagsalita Siya sa pamamagitan ng mga propeta ng Matandang Tipan. Dumating ang mga iyon sa punto na ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan na magpapadala Siya ng isang Tagapagligtas. Ang Diyos ay nangakong ipadadala Niya ang Mesiyas para sa kaligtasan ng Kanyang bayan. 

Ang Diyos ay hindi nakakalimot sa Kanyang mga pangako. Nang dumating ang takdang panahon, dumating ang Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesus, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. Dumating si Hesus na nagdadala ng liwanag mula sa Diyos. Sa pamamagitan ni Hesus, nakita ng sanlibutan ang liwanag na dulot ng Awa ng Diyos. Si Hesus, na Siyang Mukha ng Awa ng Diyos, ang nagdulot ng isang liwanag na nagniningning sa sanlibutang punung-puno ng kadiliman. Laganap na sa daigdig ang Liwanag na nagmumula sa Maawaing Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Laganap sa buong daigdig ang liwanag na dinala ni Kristo noong Siya'y pumarito sa sanlibutan. Ang Awa ng Diyos ang dahilan kaya si Kristo'y dumating sa sanlibutan upang ipalaganap ang liwanag na dulot ng Dakilang Awa ng Diyos. Mula sa pamumuhay bilang mga alipin ng kadiliman, ang sangkatauhan ay namumuhay sa liwanag dulot ng Awa ng Diyos. Tayong lahat ay namumuhay sa kaliwanagang dulot ng Awa ng Diyos. Sa pamamagitan ng liwanag dulot ng Awa ng Diyos, tayong lahat ay pinalaya ng Panginoon mula sa pamumuhay bilang mga alipin at namumuhay ngayon nang may kalayaang dulot ng Panginoon. 

Si Hesus ang nagpalaganap ng liwanag na dulot ng Awa ng Diyos sa daigdig. Noong Siya'y pumarito sa sanlibutan, dinala Niya ang liwanag na nagningning mula sa langit. Ang Dakilang Awa ng Diyos ang nagulot ng liwanag na nagniningning mula sa langit. Sa pagdating ni Hesus sa daigdig, ang liwanag dulot ng Awa ng Diyos ay sumilay sa daigdig. Ang liwanag dulot ng Awa ng Diyos ay umaakay sa sangkatauhan pabalik sa Diyos. Sapagkat ang Diyos ay maawain, dakila ang Kanyang Awa, at walang pagmamaliw ang Kanyang Awa.