Linggo, Marso 30, 2014

WALANG PINIPILING ARAW ANG PAGGAWA NG MABUTI

Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma (A) 
1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a/Salmo 22/Efeso 5, 8-14/Juan 9, 1-41 (o kaya: 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38)


Isa pong mahabang Ebanghelyo ang mapapakinggan natin ngayong Linggo. Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa pagpapagaling ng Panginoong Hesus sa isang lalaking ipinanganak na bulag. Kakaiba ang proseso ng pagpapagaling ni Hesus sa lalaking ito. Maaaring pagalingin ni Hesus kaagad, pero may proseso sa pagpapagaling Niya sa lalaking ipinanganak na bulag. 

Ayon sa mga Hudyo, kapag bulag ang isang tao, ibig sabihin noon ay isa siyang makasalanan. Ang pagkabulag ng isang tao ay parusa ng Diyos bilang kabayaran sa kasalanang ginawa niya. Kapag ang isang tao ay bulag mula sa kanyang kapanganakan, hindi lang siya ang nagkasala. Ang kanyang mga magulang pa ang nagkasala. Ito ang ginanti ng Diyos sa mga magulang ng bata dahil sa kanilang kasalanan - ang kanyang pagkabulag. 

Para kay Kristo, hindi naging sanhi ang kanyang kasalanan o ng kanyang mga magulang ang kanyang pagkabulag mula sa pagkabata. Naging bulag ang lalaking ito upang maisalarawan sa pamamagitan niya ang kapangyarihan ng Diyos. May dahilan ang pagkabulag ang lalaking ito. Naging bulag siya dahil siya'y magiging instrumento ng Diyos upang makita natin sa pamamagitan ng kanyang pagpapagaling ang kapangyarihan ng Diyos. 

Kakaiba ang paraan ng pagpapagaling ng Panginoon sa lalaking ito. Hindi kaagad na pinagaling ng Panginoong Hesus ang lalaking ipinanganak na bulag, katulad ng pagpapagaling Niya kay Bartimeo (Marcos 10, 46-52). Kahit na kayang pagalingin ng Panginoon kaagad ang lalaking bulag sa pamamagitan ng Kanyang salita, hindi ito makikita sa ating Ebanghelyo. May proseso ang pagpapagaling sa lalaking bulag mula pa sa kanyang pagkabata. 

Una, nilagyan ni Hesus ng putik ang mga mata ng lalaking bulag. Pangalawa, inutusan ni Hesus ang lalaking bulag na maghilamos sa deposito ng tubig sa Siloe. Ang kahulugan ng Siloe ay sinugo. Masasabi natin na hindi lang inutusan ni Hesus ang lalaki na maghilamos sa Siloe, kundi sinugo Niya. Sapagkat pagkahilamos ng lalaki, makakakita na ang lalaki. At pangatlo, sinunod ng bulag ang utos ni Hesus at dahil sinunod niya ang utos ni Hesus, nakakita na siya.

Ipinapakita ng proseso ng pagpapagaling sa lalaking bulag na kailangang natin manalig at sumunod sa utos ng Panginoong Hesukristo. Kung hindi nanalig at sumunod ang lalaking bulag, hindi siya papagalingin ng Panginoon. Kahit gaanong mapagpala ang Panginoon, iginagalang Niya ang ating desisyon. Hindi tayo pipilitin ng Panginoon na tanggapin ang Kanyang alok sa atin. Inalok ni Hesus sa lalaking bulag na makakita kung susunduin Niya ang Kanyang utos. Sumunod ang lalaki sa utos ni Hesus at ginantimpalaan siya ni Hesus ng paningin. 

Ano naman ang naging reaksyon ng mga tao nang makita nila nakakakita na ang lalaking bulag? Nakakalungkot, hindi sila naging masaya para sa kanya, lalung-lalo na ang mga Pariseo, na naging mga katalo ng lalaking bulag. Pinagdududahan nila kung bakit si Hesus ay nagpapagaling sa Araw ng Pamamahinga. Labag sa batas ng mga Hudyo ang magtrabaho sa Araw ng Pamamahinga. Hindi lang ito ang unang pagkakataon ng pagpapagaling ni Hesus sa Araw ng Pamamahinga. Sa deposito ng tubig sa Betseda, pinagaling ni Hesus ang isang lalaking tatlumpu't walong taon nang may sakit. Araw ng Pamamahinga nang pinagaling ni Hesus ang lalaking iyon. Bakit mukhang nilalabag ni Hesus ang utos tungkol sa Araw ng Pamamahinga? 

Ipinapakita ng mga himalang ginawa ni Kristo sa Araw ng Pamamahinga na walang pinipiling araw ang pagpapagawa ng mabuti. Kahit araw ng Linggo, maaari pa rin tayong gumawa ng mabuti. Isa sa mga Sampung Utos ng Diyos ay ang pagbibigay-galang sa Araw ng Panginoon. Pero, kahit anong araw, maaari tayong gumawa ng mabuti sa kapwa. Hindi pinagbabawalan ng Diyos na gumawa ng mabuti sa araw ng Linggo. Dahil ang mga gawa ng kabutihan ay nakalulugod sa paningin ng Diyos. 

Ang mga himala ni Kristo ay hindi mga palabas lamang. Bagkus, ito'y mga gawa ng kabutihan. Hindi Niya ipinagyayabang sa mga tao na kaya Niyang magpagaling ng mga maysakit, mga bulag, mga pipi, at marami pang ibang mga sakit at kapansanan. Si Kristo ay nagpapagaling bilang paggawa ng kabutihan sa sangkatauhan. Ipinapakita ni Kristo ang kapangyarihan at kabutihan ng Diyos sa lahat ng mga tao sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang mga gawain. 

Kung walang pinipiling araw ng paggawa ng mabuti ang Diyos, dapat wala rin tayong pinipiling araw upang gumawa ng mabuti sa kapwa. Sinasabi nga ng Panginoon, "Anuman ang ginawa ninyo sa mga pinakahamak na kapatid Kong ito, ito ay sa Akin ninyo ginawa." (Mateo 25, 40) Nawa ay tularan natin ang kabutihang ginawa ni Kristo para sa ating lahat. Hindi naging hadlang ang Araw ng Pamamahinga upang gumawa ng mabuti ang Panginoon. Nawa ay walang humadlang sa atin upang gumawa ng kabutihan sa kapwa-tao, tulad ng ginawa ni Hesus. 

Lunes, Marso 24, 2014

ANG KATAPANGAN AT PAGIGING MASUNURIN NI MARIA

Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 


Sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang pagtalima ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Ang anghel Gabriel ay nagpakita kay Ginoong Santa Maria at ipinahayag sa kanya na pinili siya ng Diyos upang maging ina ng Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Kahit hindi niya lubos na maintindihan kung bakit siya pinili ng Diyos, naging matapang si Maria na magsabi ng "oo" sa kalooban ng Diyos. 

Ano naman ang kinalaman ng Solemnidad na ito sa panahon ng Kuwaresma? Tuwing panahon ng Kuwaresma, tayo ay naghahanda ng apatnapung araw para sa Pagdiriwang ng Misteryo Paskwal - ang Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesukristo - na siyang hudyat ng ating pananampalataya. Kung hindi dahil sa "oo" ni Maria sa kalooban ng Diyos, hindi tayo maliligtas mula sa ating mga kasalanan. Ang "oo" ni Maria sa kalooban ng Panginoon ay isang malaking bahagi ng plano ng Diyos. 

Kasabay ng Dakilang Kapistahan natin ngayon ay ipinagdiriwang din natin ang Araw ng mga Sanggol na hindi pa isinilang (Day of the Unborn). Ipinapanalangin natin sa araw na ito ang mga sanggol sa sinapupunan ng kanilang mga ina. Ang Simbahan ay pro-life. Naniniwala tayo na ang buhay ay nagsisimula sa sinapupunan ng isang ina. Isang biyaya mula sa Diyos ang magkaroon ng buhay ng isang tao. Ang buhay natin dito sa lupa ay hiram lamang sa Diyos. Dahil dito, sagrado ang buhay. Hindi natin pag-aaari ang buhay natin dito sa lupa. Galing ito sa Diyos. Kaya, mahalaga ang buhay at dapat nating igalang at gamitin sa mabuti. 

Ang aborsyon o pagpapalaglag ay labag sa kalooban ng Diyos. Nilalabag nito ang batas ng Diyos. Isa sa mga Sampung Utos ng Diyos ay "Huwag pumatay," at "Huwag magnakaw." Ang pagpapalaglag ay uri ng pagpatay. Ang pagpatay ay isang uri ng pagnanakaw. Kung inaakala natin na pisikal at materyal na bagay lamang ang ninanakaw, nagkakamali tayo. Pati buhay, maaaring nakawin ng sinuman sa pamamagitan ng pagpatay. Inaabuso nito ang biyaya ng Diyos. 

Siyam na buwan na dinala ni Maria si Hesus sa kanyang sinapupunan. Nagreklamo ba siya kung bakit kinakailangan niyang magdala ng sanggol sa kanyang sinapupunan? Hindi! Sapagkat alam ng Birheng Maria na may mahalagang papel ang Panginoong Hesus sa mundo. Naparito ang Poong Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan. Ang Panginoong Hesus ang ipinangakong Mesiyas, ang magliligtas sa lahat ng tao. Hindi nagreklamo si Maria kung bakit isang birheng katulad niya ang kailangang maging buntis, bagkus tinanggap niya at ginampanan ang papel bilang ina ni Hesus. 

Tatanungin siguro ng mga babae, "Paano kung ayaw kong magkaanak?" Huwag makipagtalik sa lalaki. Self-control. Kung ayaw magkaanak o hindi pa handa na magkaroon ng anak, self-control. Kailangan nating ikontrol ang ating mga sarili. Ang ating katawan at buhay ay galing sa Diyos. Hindi dapat abusuhin ang isang biyaya ng Diyos sa ating lahat. Self-control lang ang kailangan kung hindi pa handa. Huwag ipilit ang sarili. 

Ang ating katawan ay isang Templo ng Espiritu Santo. Hindi dapat sabihin ng sinuman na "Katawan ko 'to! Pwede kong piliin kung anuman ang gusto kong gawin." Kapag gumawa tayo ng masama o abusuhin natin ang ating mga katawan, nilalapastangan natin ang biyaya ng Panginoon. Hindi tayo ang may-ari ng ating katawan at buhay. Ang ating katawan at buhay ay galing sa Diyos at ang Diyos ang tunay na may-ari sa ating mga katawan at buhay. 

Idineklara ng CBCP ang taong ito bilang Taon ng mga Layko (Year of the Laity). Ang tema ng Taon ng mga Layko ay "Called to be Saints, sent forth as Heroes." Ang panawagan ang CBCP sa Taon ng mga Layko ay, "Choose to be Brave." Tinatawag tayo ng CBCP na maging matapang at panindigan kung ano ang tama. Halimbawa lamang dito ay ang isyu tungkol sa pagpapalaglag o aborsyon. Ang dapat gawin ay igalang ang buhay ng tao, lalung-lalo na sa sinapupunan ng isang babae. Hindi kung ano-ano ang nasa loob ng sinapupunan ng babae, bagkus, ito ay isang tao. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay naging matapang sa pagtanggap sa kalooban ng Diyos. Ipinapakita niya na sa kabila ng lahat, ang plano ng Diyos ay palaging tama at dapat sundin. Nawa'y tularan natin ang katapangan ng Mahal na Ina na nanindigan para sa Diyos at sumunod sa kalooban ng Diyos. Kung sakaling naging buntis ang isang babae, hindi dapat ipalaglag ang sanggol sa kanyang tiyan. Bagkus, ito ay dapat mabuhay at igalang ang kanyang buhay. 

Sabi ni Hesus sa Juan 10, 10: "Naparito ako upang ang mga tupa'y nagkaroon ng buhay - isang buhay na ganap at kasiya-siya." Naparito si Hesus upang tayo ay magkaroon ng buhay. Paano? Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay alang-alang sa atin. Inihain ni Hesus ang Kanyang buhay sa Krus upang tayo ay mabuhay. Ang Kanyang kamatayan ay nagbibigay sa atin ng panibagong buhay. Ganon tayo kamahal ng Panginoon. Namatay Siya sa Krus upang tayo ay mabuhay. 

Ang ating katawan at buhay ay sagrado at galing sa Diyos. Igalang natin ito dahil ito ay napakahalaga. Hindi tayo ang may-ari ng ating mga katawan at buhay, hiniram lamang ito mula sa Diyos. Kaya dapat igalang natin ang buhay sapagkat mahalaga ito sa mata ng Diyos. Huwag nating aabusuhin ang biyaya ng Diyos. Kung hindi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, hindi tayo mabubuhay ngayon. 

Linggo, Marso 23, 2014

TUBIG NG BUHAY

Ikatlong Linggo ng Kuwaresma (A) 
Exodo 17, 3-7/Salmo 94/Roma 5, 1-2. 5-8/Juan 4, 5-42 (o kaya: 4, 5-15. 19b-26. 39a. 40-42)


Bilang tao, lahat tayo ay nagugutom at nauuhaw. Ano ang ating hinihingi kapag tayo ay nagugutom at nauuhaw? Pagkain at inumin, lalung-lalo na ang tubig. Napakaraming inumin sa panahon ngayon. Meron ring gatas, mga soft drinks katulad ng Coke, Royal, Sarsi at marami pang iba. Pero, dapat uminom rin tayo ng tubig. Napakaimportante ang tubig para sa ating kalusugan dahil kung hindi tayo uminom ng tubig, hindi na tayo malusog at masama na iyan para sa ating kalusugan. Kaya, napakaimportante ang tubig para sa ating katawan at kalusugan. Ang tubig ay nakakapawi sa ating pagkauhaw. Ang tubig ay mabuti rin para sa ating kalusugan.

Dalawa sa ating mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa tubig. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang pagrereklamo ng mga Israelita kay Moises. Uhaw na uhaw sila at wala silang mainom sa disyerto. Dahil sa uhaw nila, nagalit sila kay Moises at ibig pa nila siyang batuhin. Dahil dito, si Moises ay inutusan ng Diyos na hampasan ang isang malaking bato sa Horeb upang makainom ang mga Israelita. 

Ang ating Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pag-uusap ni Hesus at ng babaeng Samaritana. Tatlo ang naging reaksyon at pagkakilala ng Samaritana sa pakikipag-usap niya sa Panginoon. Una, bilang isang Hudyo, pangalawa, bilang isang propeta, at pangatlo, bilang Mesiyas. Naniwala ang babaeng ito na darating ang Mesiyas upang ipakilala ang lahat. Hindi niya inakala na ang kausap niya ay ang Mesiyas. Nakita at nakausap ng babaeng Samaritana ang Mesiyas, si Hesus. 

Noong sinabi ni Kristo na may tubig na walang hanggan, hindi ito naintindihan ng Samaritana sa unang dinig. Akala ng Samaritana na ang tubig na tinutukoy ng Panginoon ay ang literal na tubig, katulad ng tubig na sinasalok niya mula sa balon ni Jacob. Pero, hindi literal na tubig ang tinutukoy ni Kristo. Malalim ang mga sinabi ng Panginoon na sa unang dinig ay hindi maintindihan. 

Kadalasan, nakikita natin ang iba pang mga pagkakataon katulad nito sa Ebanghelyo ayon kay San Juan. Isang halimbawa po ay noong sinabi ni Hesus sa mga Hudyo na itatayo Niya ang templo sa loob ng tatlong araw at inakala ng mga Hudyo na ang templong ibig sabihin ng Panginoon ay ang literal na templo. Bagkus, ang ibig sabihin ng Panginoon ay ang templo ng Kanyang katawan. Maraming pang ibang katulad noon ang nangyayari sa Ebanghelyo ayon kay San Juan.

Ang tubig na tinutukoy ni Kristo ay ang tubig na nakakapawi sa uhaw ng ating kaluluwa. Kung ang ating mga pisikal na katawan ay nauuhaw para sa pisikal na tubig, ang ating kaluluwa rin ay nauuhaw para sa Panginoon. Ang tubig sa mundo ay nakakapawi sa ating pagkauhaw, pero bumabalik pa tayo uli at sumasalok ng tubig dahil nauuhaw tayo uli. Palagi tayong nauuhaw at paulit-ulit ito nangyayari. Pinapangako sa atin ni Hesus na kapag lumapit tayo sa Kanya, hindi na tayo muling mauuhaw. Kaya, ang tubig ni Hesus ay ang tubig ng buhay. 

Kung ang hinahanap natin ang tubig ng buhay dito sa mundo, mapapagod lang tayo. Hindi matatagpuan dito sa mundo ang tubig ng buhay. Kahit gaanong kahirap nating hinahanap ang tubig ng buhay na ipinapangako sa atin ni Hesus, hindi natin mahahanap ang tubig ng buhay dito sa mundo. Ang Diyos lamang ang nakakapawi sa ating pagkauhaw. Huwag nating ilito ang tubig ng buhay sa tubig na nakikita natin dito sa mundo. Ang tubig ng buhay ay matatagpuan natin sa Diyos. 

Maraming iba pang mga uri ng pagkauhaw dito sa mundo. Pagkauhaw sa yaman, pag-ibig at marami pang iba. Kung mahanap natin dito sa mundo, malamang mauuhaw tayo muli. Walang bagay dito sa mundo ang papawi sa uhaw ng ating kaluluwa. May mas malalim pa tayong kinauuhawan. Paano natin mapapawi ang pagkauhaw ng ating kaluluwa? Ang Diyos lamang ang makakapawi sa pagkauhaw natin. 

Anuman ang ating kinauuhawan sa buhay, lumapit tayo sa Panginoon at ibibigay Niya sa atin ang tubig ng buhay. Tanungin natin ang ating sarili, "Ano ang aking kinauuhawan?" May papawi sa ating pagkauhaw - ang Diyos. Ibibigay sa atin ng Diyos ang tubig ng buhay na magpapawi sa ating pagkauhaw at hinding-hindi tayo mabibitin ng tubig na iyon. 

Martes, Marso 18, 2014

SAN JOSE: HUWARAN NG MGA LAYKONG AMA

Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a)


Dalawa po ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa karangalan ni Señor San Jose. Ang una po ay bilang Esposo ng Mahal na Birheng Maria at Ama-amahan ng Panginoong Hesukristo. Ang pangalawa naman ay bilang Manggagawa. Pero, ang kapistahan natin ngayon ay higit pa sa karaniwang kapistahan. Sapagkat sa kalendaryo ng Simbahan, ang pagdiriwang natin ngayon ay ang Solemnidad o Dakilang Kapistahan ni San Jose bilang Esposo ng Mahal na Ina at Ama-amahan ni Kristo. 

Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa relasyon ni San Jose kay Maria bago pa isinilang si Hesus. Mag-nobyo sina Jose at Maria at dahil sa pagmamahalan nila ay inisip nilang magpakasal. Nakatakda na silang magpakasal, ngunit may dumating na isang problema sa buhay at relasyon ng mag-nobyo. Natuklasang buntis ang Mahal na Ina at para bang isang iskandalo na ito sa mata ng tao. Bago pa mang magpakasal ang Mahal na Birhen kay San Jose, natagpuan siyang buntis. 

Dahil dito, inisip ni San Jose na hiwalayan si Maria alang-alang sa kapananan nila. Kung nagsama pa rin sila, mapapahiya sila ng mga taong makakausap nila. Siguro, ang mga katrabaho ni Jose ay iiwas sa kanya dahil sa reputasyon ng pagiging ama ng isang anak sa labas. Halos lahat ng mga tao ay iiwas sa kanila dahil sa iskandalong iyon. Magkakaroon sila ng reputasyon dahil sa iskandalong iyon at mga masasamang pangalan ang tatawagin nila sa mag-nobyo. Alang-alang sa kanilang reputasyon, hiniwalay ni Jose si Maria upang walang mapahiya. Pero, ang balak ni Jose na maghiwalay kay Maria ay tahimik, upang hindi mapahiya si Maria. 

Pero, nagpakita ang isang anghel kay Jose sa panaginip. Dala ng anghel ang isang utos ng Diyos - pakasalan si Maria. Ipinaliwanag ng anghel kung bakit. Hindi nakipagtalik si Maria sa sinumang tao. Naglihi si Maria sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hindi siya ipinagkanulo ni Maria. Hindi rin pangkaraniwan ang batang dinadala ni Maria sa sinapupunan niya. Kahit na may pagdududa si Jose tungkol kay Maria at sa kanyang katapatan kay Jose, kung inuutos ng Diyos na magpakasal kay Maria, sinunod niya ito. Hindi siya nagsalita o nagtanong, sumunod siya sa katahimikan. 

Mapapansin natin na si San Jose ay hindi nagsalita sa Bibliya. Tahimik si Jose, walang salitang namutawi mula sa bibig niya sa Bagong Tipan. Kapag binabanggit o nasa eksena siya sa Bibliya, hindi siya nagsasalita. Bagkus, siya'y gumagawa. Ang mga gawa ni Jose ang nagsasalita para sa kanya. Noong inutusan ng Diyos sa pamamagitan ng anghel na pakasalan si Maria, hindi siya nagsalita. Sinunod niya talaga ang utos ng Diyos at ang ginawa niyang iyon ang nagsalita para sa kanya.

May isang kasabihan sa wikang Ingles, "Actions speak louder than words." Ang mga ginawa ni San Jose na nakasulat sa Bibliya ay patunay na siya'y masunurin sa kalooban ng Diyos. Kahit sa panahon ng pagsubok, hindi nagsasalita si Jose, ginagawa niya ang iniuutos sa kanya ng Diyos. Noong nagpakita ang anghel ng Panginoon at nagbalita tungkol sa balak ni Herodes, walang itinanong si Jose, bagkus, dinala niya ang mag-inang Maria at Hesus papunta sa Ehipto hanggang sa pagpanaw ni Herodes. Noong namatay si Herodes, doon lamang sila bumalik. 

Isa pa pong halimbawa ng mahalagang ginawa ni San Jose ay ang pagsama niya sa Mahal na Birhen noong nawala ang Panginoon nang tatlong araw. Tatlong araw hinanap nina Jose at Maria ang batang Hesus na nawawala sa Jerusalem. Isinama ni Jose si Maria habang nawawala si Hesus nang tatlong araw. Noong mahanap nila si Hesus sa templo, walang sinabi si Jose. Bagkus, siya'y nanatiling tahimik at iniuwi niya sina Maria at Hesus kung saan sila'y nabuhay bilang pamilya na tunay na nagmamahalan. 

Tahimik na sinunod at ginampanan ni San Jose ang kanyang pananagutan sa Diyos bilang amain ni Kristo sa lupa. Hindi madali ang gumanap bilang ama-amahan ng Anak ng Diyos, ngunit ginampanan niya ito nang mabuti. Sinundan rin ni Jose ang bawat utos ng Diyos tungkol sa kapakanan ng Kanyang Anak. Masipag na nagtrabaho si San Jose para sa mag-inang sina Maria at Hesus. Binuhay at tunay na minahal ni Jose si Maria bilang esposo at si Hesus bilang anak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan kung saan ay ginantimpalaan siya ng Diyos para sa kanyang pagiging masunurin sa kalooban Niya at pagiging ama-amahan ng Mesiyas. 

Linggo, Marso 16, 2014

PAGBABAGONG-ANYO NI HESUS: ISANG SULYAP SA KANYANG KALUWALHATIAN

Ikalawang Linggo ng Kuwaresma (A) 
Genesis 12, 1-4a/Salmo 32/2 Timoteo 1, 8b-10/Mateo 17, 1-9 



Ang Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa salaysay ni San Mateo tungkol sa pagbabagong-anyo ni Hesus. Nakipag-usap si Hesus kina Moises at Elias at muling ipinakilala ng Diyos Ama kung sino si Hesus. Si Hesus ang Anak na minamahal ng Ama at may utos pa ang Ama - makinig kay Hesus. Ito ang ikalawang pagkakataon na ipinakilala ng Ama ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo. 

Bago nagsimula ang pagbabagong-anyo ni Kristo, ipinahayag ni Kristo sa Kanyang mga alagad na Siya'y magpapakasakit at papatayin ng mga autoridad. Ngunit sa ikatlong araw, muling mabubuhay si Kristo. Labis na nagulat ang mga alagad at tumutol sa sinabi ng Panginoon, lalung-lalo na si San Pedro. Hindi sila pumayag at hahayaang mamatay ang Panginoon. Siguro ang tanong nila sa kanilang isipan ay kung bakit hinahayaan ng Panginoon na patayin ng Kanyang mga kaaway. 

Pagkatapos ipahayag ni Hesus ang Kanyang kamatayan, mapapakinggan natin ang mga kundisyon ng pagsunod sa Kanya. Hindi madali ang pagsunod sa Kanya. Sinabi Niya na kailangang limutin ang Kanyang sarili, pasanin ang Kanyang krus at sumunod sa Akin. Makikita natin na mahirap pala ang pagsunod kay Hesus. Hindi ito biro. Kailangang seryoso tayo sa pagsunod kay Hesus. Walang biruan ito. Kung nais nating sumunod sa Panginoon, kailangang magtiis tayo sa mga pagsubok sa buhay. Si Hesus ay nagtiis din noong pinasan Niya ang Krus patungong Kalbaryo. Tiniis Niya ang bigat ng Krus at ang mga panunuya sa Kanya ng mga tao. 

Ngayon, balikan naman natin ang pagbabagong-anyo ni Hesus. Ito'y para bang isang liwanag sa dilim. Ang pagbabagong-anyo ni Hesus ay isang sulyap sa Kanyang kaluwalhatian pagkatapos ng Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Hindi nagtatapos ang lahat sa kamatayan. Hindi nagtatapos ang lahat sa pagsubok. May liwanag sa dilim. May kaluwalhatian pagkatapos ng pagsubok. 

Ang pagbabagong-anyo ni Hesus ay isa ring pagpapakilala kung sino nga ba Siya. Siya ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. Noong tinanong ni Hesus ang Kanyang mga alagad kung sino Siya, si San Pedro ang sumagot at tama ang sagot Niya tungkol kay Hesus. Pero, hindi Siya ang Mesiyas na inaakala ng marami noon. Hindi Siya yung makamundong Mesiyas. Bagkus, Siya ang Mesiyas na tunay na hari na naglilingkod sa Diyos at tao sa pamamagitan ng pagpapakumbaba. Siya ang Mesiyas na magliligtas sa lahat ng tao mula sa kanilang mga pagkakasala. 


Dagdag pa ng Ama sa pagpapakilala kay Kristo bilang Anak Niya - pakinggan ninyo Siya. Ipinapakita ng utos na ito na si Kristo ay masunurin sa kalooban ng Ama. Maraming paraan upang mailigtas ng Diyos ang sangkatauhan na mas madali kaysa sa kamatayan ng Panginoon sa Krus. Tutal, Diyos rin si Hesus at maaari rin Niyang iligtas ang sangkatauhan nang hindi nahihirapan. Pero, pinili Niyang sundan ang kalooban ng Ama - ang mamatay alang-alang sa kasalanan ng sangkatauhan. 

Sabi pa nga ni Hesus sa Halamanan ng Hetsemani, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Dito makikita natin ang pagiging masunurin ni Hesus. Sinasabi ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos na nanatiling masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan. Dahil dito, iniluwalhati ng Diyos si Hesus. Itinaas si Hesus ng Ama dahil sa Kanyang pagiging masunurin. Kung si Hesus ay naging masunurin sa Ama, tayo rin ay hindi lang hinahamon, kundi iniuutos ng Ama na makinig at sumunod kay Hesus. 

No pain, no gain. Ito siguro ang pinakamasikat na kasabihan at motto ngayon. Kung walang hirap o tiyaga, walang gantimpala o makakamtan. May isang taong naging halimbawa ng kasabihang ito - ang Panginoong Hesukristo. Pinili ni Hesus na iligtas tayo sa pinakamahirap na paraan - sa pamamagitan ng kamatayan sa Krus. Sa Krus, nakamit Niya ang Kanyang kaluwalhatian. Natupad sa Krus ang misyon ni Hesus dito sa lupa. Tiniis ni Hesus ang bawat paratang sa Kanya at nanatiling masunurin sa kalooban ng Ama. Dahil naging masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama, Siya ay itinaas at iniluwalhati ng Ama. 

Linggo, Marso 9, 2014

PANALANGIN: SANDATA LABAN SA KASAMAAN AT TUKSO

Unang Linggo ng Kuwaresma (A)
Genesis 2, 7-9; 3, 1-7/Salmo 50/Roma 5, 12-19 (o kaya: 5, 12. 17-19)/Mateo 4, 1-11


Sa pagwawakas ng panalanging itinuro sa atin ng Panginoong Hesukristo, ang Ama Namin, hinihiling natin sa ating Amang nasa langit na ilayo tayo sa tukso at iadya sa lahat ng uri ng kasamaan. Napakahirap kalabanan ang tukso, lalung-lalo na kapag mukhang maganda at masarap. Sinasabi pa nga ngayon, "Masarap ang bawal.

Matutunghayan po natin ang salaysay ng kauna-unahang kasalanan sa Unang Pagbasa. Ang unang kasalanang ginawa ng tao ay ang kasalanang ginawa nina Eba't Adan. Hindi nila sinunod ang utos ng Panginoon na huwag kumain ang bungang nagmumula mula sa puno sa gitna ng halamanan ng Eden. Bakit? Tinukso sila ng ahas. Nakakatuksong tingnan ang bungang iyon dahil sa pagtukso ng ahas kina Eba't Adan. Mas lalo pang natukso sina Eba't Adan nang sabihin sa kanila ng ahas na kapag kinain nila ang bungang iyon, matutulad sila sa Diyos at nakakaalam ng mabuti't masama. 

Ipinapaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na dalawang bagay ang pumasok sa mundo sa pamamagitan ng dalawang tao. Ang unang pumasok sa mundo ay ang kasalanan at kasamaan sa pamamagitan ng pagsuway ni Adan. Ang sangkatauhan ay nalugmok noong nagkasala si Adan at nahulog siya sa bitag ng tukso. Ang pangalawang pumasok sa mundo ay ang biyaya at pawawalang-sala ng Diyos. Ito'y sa pamamagitan ni Hesukristo. Kung si Adan ay sumuway sa kalooban ng Diyos, si Hesus ay nanatiling masunurin sa Diyos. Dahil dito, pumasok ang kaligtasan at biyaya ng Diyos sa mundo.

Ang Ebanghelyo tuwing Unang Linggo ng Kuwaresma ay palagi tungkol sa pagtutukso kay Hesus sa ilang. Kagaya nina Eba't Adan, Siya'y tinukso. Pero, hindi nahulog sa bitag ng kasamaan si Hesus. Hindi nagpatalo si Hesus sa tukso. Tinanggihan at nilabanan Niya ang bawat tukso sa Kanya ni Satanas. Hindi lang isang beses tinukso si Hesus, kundi tatlo. Pero, nilabanan pa rin ito ni Hesus. Nanatiling matatag at masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama. Kahit ilang beses pa Siyang tuksuhin ng demonyo, kahit isang milyong beses pang tuksuhin ng demonyo ang Panginoon, hindi magpapatalo ang Panginoon. 

Paano ba natin matutularan si Kristo sa pagtanggi at paglaban sa tukso? Sa pamamagitan ng panalangin. Kasabay ng pag-aayuno ni Kristo ay ang pakikipag-usap Niya sa Ama sa pamamagitan ng panalangin. Bago sinimulan ni Kristo ang Kanyang pangangaral, kinausap Niya muna ang Amang nasa langit upang patnubayan at gabayan Siya sa Kanyang misyon sa lupa. Sa pamamagitan ng panalangin, nagkakaroon tayo ng lakas na nagmumula mula sa Diyos. Kinakausap natin ang Diyos at humihingi sa Kanya ng patnubay. 

Sinabihan pa nga ni Hesus ang Kanyang mga alagad sa Halamanan ng Hetsemani na manalangin upang hindi mapanaig sa kanila ang tukso. Aaminin ko po, mahirap umiwas sa tukso. Walang makakalaban sa tukso nang mag-isa lamang. Kailangan natin ang pamamatnubay at tulong ng Diyos upang magkaroon ng lakas na labanan at iwasan ang tukso. Kahit gaanong mas makapangyarihan sa atin ang demonyo, may mas makapangyarihan kaysa sa demonyo. Iyan ang Diyos, ang makapangyarihan sa lahat. Walang makakatalo sa Diyos. Hinding-hindi mananaig ang demonyo laban sa Diyos. 

Ang panalangin ay pampatibay ng pananampalataya. Kadalasan, ang mga tao ngayon ay wala nang oras magdasal. Nakakalungkot po. Ang hindi pagdarasal ay isang senyales o tanda na humihina na ang pananampalataya ng isang tao. Delikado na ang kanyang sitwasyon, hindi lamang ang pisikal, kundi ang espiritwal na kalagayan niya. Ang bawat taong nananalangin ay nakakaalala sa Diyos. Hinding-hindi natin malilimot ang Diyos kung tayo ay nagdarasal. Sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos, nagiging matatag tayo at ang ating pananalig sa Diyos, kahit na sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. 

Totoong may demonyo. Kung hindi tayo naniniwala na may demonyo, tayo ay nagkakamali. Ang paniniwalang walang demonyo ay isang kasinungalingan. Hindi lang magiging delikado ang kundisyon natin, manganganib tayo kung hindi tayo naniniwala na mayroong demonyo na nagtutukso sa atin araw-araw. Ang ating mga kaluluwa ang nakataya dahil dito. Ang paniniwalang ito ay isang plano ng diyablo na lokohin tayo at mahulog sa kanyang bitag. Walang ibang hangad ang demonyo kundi ang wasakin ang mga nilikha ng Diyos. Siya ay manloloko. Siya ang ating kalaban. 

Mahirap kalabanin ang demonyo at ang kanyang mga katuksuhan nang mag-isa lamang. Pero, kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang makakapanaig sa atin? Kaya, mahalaga ang panalangin sa Diyos. Ang panalangin ay ang ating sandata laban sa mga kasamaan at tukso sa araw-araw. Nagiging matibay rin ang pananalig natin sa Diyos. Tayo at ang ating pananalig sa Diyos ay nagiging matatag araw-araw, lalung-lalo na sa gitna ng mga pagsubok. Sa pamamagitan ng ating pang-araw-araw na pananalangin sa Diyos, tayo ay ginagabayan at pinapatnubayan Niya sa araw-araw nating pamumuhay. 

Lunes, Marso 3, 2014

KUWARESMA: PANAHON NG PAGBABAGO, PANAHON NG PAGBABALIK-LOOB SA DIYOS

Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 



(Photo credits: rappler.com)

Sa araw na ito, sinisimulan po natin ang Banal na Panahon ng Kuwaresma. Ang Kuwaresma ang apatnapung araw na paghahanda para sa pagdiriwang ng Misteryo Paskwal - ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang Misteryo Paskwal ang sentro ng ating pananampalatayang Katoliko. Sumasampalataya tayo na si Hesukristo ay naparito sa lupa bilang tao, katulad natin. Inihain ni Hesus ang Kanyang buhay upang tayo ay maligtas. Sa pamamagitan ng paghahain Niya ng Kanyang sarili sa Krus, tayo ay Kanyang inililigtas mula sa ating mga kasalanan. 

Ang salitang 'Kuwaresma' ay galing sa salitang Espanyol na 'cuarenta.' Bakit kuwarenta? Ano nga ba ang meron sa numerong kuwarenta at ito'y napakaespesyal para sa Simbahan? Ang apatnapu o kuwarenta ay madalas gamitin sa Bibliya. Sa Lumang Tipan, apatnapung araw nanatili si Noe sa daong dahil pinabaha ng Diyos ang mundo. Si Moises ay nanatili sa bundok kasama ang Diyos nang apatnapung araw at gabi. Sa Bagong Tipan naman, apatnapung araw at gabing nag-ayuno si Kristo sa ilang bago Siya tinukso ng demonyo. Apatnapung araw din sinama ni Kristo ang Kanyang mga alagad pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. 

Napakaganda ng panahon ng Kuwaresma. Ibinibigay sa atin ng Santa Iglesya ang apatnapung araw ng Kuwaresma upang magnilay sa ating buhay. Kumusta nga ba ang buhay natin? Saan ba patungo ang buhay natin? Kung tayo ay naliligaw, huwag mawalan ng pag-asa. Maaari tayong mag-u-turn. Pinahihintulutan tayo ng Diyos na umikot kapag tayo ay naligaw. 

Maaari nating ilarawan natin ang panahon sa pamamagitan ng isang analohiya. Ilarawan natin sa ating isipan ang isang mananakbo sa isang karera. Mabilis siyang tumakbo, pero sa kalagitnaan ng karera, para bang napansin ng mananakbong ito na parang papalayo siya mula sa finish line. Doon nga niya natuklasan na naligaw na siya. Nawala siya sa ruta. Marami siguro ang nauna na sa kanya. Dalawang bagay lamang ang maaaring gawin ng mananakbong ito - sumuko at matalo, o umikot at sikaping bumalik sa ruta upang tapusin ang karera. Kung isa man sa atin ang karerang iyon, ano ang ating desisyon? Sumuko o laban pa? 

Ang Diyos ay nagpapahintulot na mag-u-turn tayo. Hindi pa huli ang lahat. Binibigyan tayo ng pagkakataon na magbagong-buhay. Paano? Ano ang paraang ito? Ang Sakramento ng Kumpisal. Hinihintay tayo ng Panginoon sa Sakramento ng Kumpisal. Maganda po ang sinabi ni Santo Papa Francisco tungkol sa Kumpisal. Ang sabi niya ay hindi torture chamber ang Kumpisal. Wala dapat tayong katakutan para mangumpisal. Ang Diyos, sa pamamagitan ng pari, ang nagpapatawad sa ating mga kasalanan. 

Dalawa ang paalala sa atin ng Simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma. Ang unang paalala ay magsisi at sumampalataya sa Mabuting Balita. Tinatawagan tayo ng Diyos na pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Habang may panahon pa tayo, magbalik-loob tayo sa Diyos at humingi sa Kanya ng awa at kapatawaran para sa mga kasalanang ginawa natin. 

Ang pangalawang panawagan ay tayo ay nagmula sa lupa at sa lupa tayo babalik. May dalawang awit na pumasok sa isipan ko. Ang mga awiting ito ay Sino Ako? at Lupa. Napakaganda ng mga mensahe na makukuha natin mula sa dalawang awiting ito. Ang una, hiniram natin mula sa Diyos ang buhay natin. Ang Diyos ang may-ari ng buhay natin. Hinihiram lang natin ito. Ang pangalawa naman ay ang mga katawan natin ay nagmula sa lupa, at magbabalik tayo sa lupa. Mga tagapangasiwa lamang tayo ng ating katawan at buhay. Ang pag-aari ng ating katawan at buhay ay ang Diyos at Siya ang may-ari ng lahat ng bagay. Dapat huwag tayong maging abusado sa ating katawan at buhay. Pangasiwaan natin ang ating katawan at buhay nang mabuti. 

Sa Misa sa araw na ito, ang mga pari ay naglalagay ng krus na abo sa ating mga noo. May kahulugan ang abo. Ang abo ay sumisimbolo sa pagpapakumbaba. Tayo ay nagpapakumbaba sa harapan ng Diyos. Inaamin natin sa Diyos na tayo ay mga makasalanan at humihingi tayo ng kapatawaran para sa mga kasalanang nagawa natin. Hindi natin mabilang ang mga kasalanan natin. Marami tayong mga kasalanan. Dahil dito, nagpapakumbaba tayo sa Diyos at humihingi ng Kanyang awa at pagpapatawad. 

Sabi nga ni Santo Papa Francisco na ang Diyos ay hindi nagsasawang magpatawad. Tayo ang nagsasawang humingi ng tawad. Huwag tayong magsawa. Kung ang Diyos nga, hindi Siya nasasawa sa pagpapatawad, dapat hindi rin tayo magsawa sa paghingi ng kapatawaran mula sa Diyos. Maawain ang ating Panginoong Diyos. Hinihintay Niya tayo sa Sakramento ng Kumpisal. Tinatawag tayo ng Panginoon na magsisi at magbagong-buhay. Huwag na tayong magdalawang-isip tungkol sa Sakramento ng Kumpisal; dumiretsyo tayo sa confessional box. Magkumpisal tayo. Walang balak ang Diyos na itakwil tayo. Hinding-hindi itatakwil ng Diyos ang bawat makasalanang lumalapit sa Kanya upang humingi ng kapatawaran. 



Linggo, Marso 2, 2014

HINDING-HINDI NAKAKALIMOT ANG DIYOS

Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 49, 11-15/Salmo 61/1 Corinto 4, 1-5/Mateo 6, 24-34 


Ang awiting Hindi Kita Malilimutan ay hango mula sa Unang Pagbasa natin ngayon. Ang awitin ito ay isang mensahe ng Diyos para sa atin. Hinding-hindi tayo malilimutan o pababayaan. Tayong lahat ay mahalaga sa paningin ng Diyos. Nilikha tayong lahat ng Panginoon. Paano hindi mapapahalagahan ng tagapaglikha ang isang bagay na kanyang nilikha? Paano bang pababayaan ng isang ina ang anak na siyam na buwan na dinala niya sa kanyang sinapupunan? 

Ganyang tayo kamahal ng Panginoon. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Siya ay kasama natin. Siya ang ating taga-akay. Inaakay Niya tayo kapag tayo ay naglalakbay sa buhay. Ang Panginoong Diyos ang ating Emmanuel. Siya ay palagi nating kasama. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Sa ating paglalakbay sa lupa, sinasamahan at ginagabayan tayo ng Panginoon. Bago pa man tayo isinilang, napakahalaga tayo sa Kanyang paningin. Tayo'y Kanyang inaruga dahil tayo'y napakahalaga sa Kanya. 

Marami po ang nawawalan ng pananalig sa Diyos. Sa bawat panahon ng pagsubok, para bang hindi natin mararamdaman ang yakap ng Diyos. Napapatanong natin sa ating sarili, 'Nasaan ang Diyos? Hindi ba hindi Niya tayo pababayaan? Bakit nagdurusa kami rito?' Tapos, may ilang nagsasabi, dahil sa sobrang galit, 'Walang Diyos!' Hindi nila maramdaman na kasama nila ang Diyos. Nasaan nga ba ang Panginoon sa panahon ng pagsubok? Nasaan ang Panginoon sa panahon na talagang kailangan Siya ng mga tao? 

Ito siguro ang dahilan kung bakit marami ang nawawalan ng pananalig sa Diyos. Pinagdududahan nila ang Panginoon. Bakit sa panahon na talagang kinakailangan ng mga tao ang tulong ng Panginoong Diyos, para bang hindi Siya maramdaman? Walang makapitan ang mga tao sa panahon ng pagsubok. Hindi na sila nananalig sa Panginoon. Bakit nga ba nawalan ng pananalig ang mga tao sa Diyos?

Sa ating Ebanghelyo, itinuturo sa atin ni Hesus na huwag mag-alala. Huwag tayong mangamba. Alam ng Diyos ang ating pangangailangan sa buhay. Alam ng Diyos ang ating sitwasyon sa buhay. Bago pa man tayo humiling sa Kanya, alam na ng Diyos kung ano ang ating hihingin sa Kanya at pangangailangan Niya. Ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang ating mga pangangailangan. 

Hindi na tayo dapat mag-alala pa. Hindi na tayo dapat mag-alinlangan tungkol sa Diyos. Mapagkakatiwalaan ang Diyos. Maasahan natin ang Diyos. Hinding-hindi Niya tayo bibiguin. Ang Diyos ay laging tapat at maaasahan. Ipagkakaloob Niya ang ating mga kahilingan kung ito'y ikabubuti sa atin. Ganyan tayong kamahal ng Diyos. Minamahal tayo ng Diyos katulad ng pagmamahal ng ama't ina sa kanilang mga anak. Ipagkakaloob Niya ang ating mga pangangailangan.

Kailangan nating manalig sa Panginoong Diyos. Hindi Siya dapat pagdudaan. Hindi Siya dapat subukan. Dapat tayong manalig sa Diyos. Huwag tayong mangamba. Hinding-hindi tayo kalilimutan ng Diyos. Paano ba tayong malilimutan ng Diyos? Mapagmahal ang Diyos, paano ba Niya tayo lilimutin? Huwag nating iisipin na kalilimutan tayo ng Diyos. Huwag nating tanungin 'Natutulog ba ang Diyos?' Hinding-hindi natutulog ang Diyos. Huwag rin nating sabihin na 'Walang Diyos!' Mayroong Diyos na nagmamahal, kumakalinga at gumagabay sa atin. 

Kahit hindi natin nakikita ang Diyos, Siya'y kasama natin. Ang Diyos ang ating Emmanuel. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Kahit hindi natin nakikita ang Diyos ngayon, Siya'y kasama natin hanggang sa katapusan ng panahon. Huwag tayong mangamba. Huwag tayong mawalan ng pananalig sa Kanya. Kahit kailan, hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos. Hindi Niya tayo kalilimutan. Kung nakakalimot tayo, ang Diyos ay hindi nakakalimot. Napakatalino ng Diyos upang makalimutan tayo. Kung marami sa atin ay nakakalimot, hindi nakakalimot ang Diyos. Manalig tayo sa Kanya. Dapat manalig tayo sa Diyos na hindi nagpapabaya sa atin. 

Bilang pagtatapos, atin pong pagnilayan ang awit ng Diyos para sa atin. 

Hindi Kita Malilimutan 

Hindi kita malilimutan
Hindi kita pababayaan 
Nakaukit magpakailanman 
Sa Aking palad ang 'yong pangalan. 

Malilimutan ba ng ina 
Ang anak na galing sa kanya?
Sanggol sa kanyang sinapupunan, 
Paano niya matatalikdan? 
Ngunit kahit ng malimutan 
Ng ina ang anak niyang tangan 

Hindi kita malilimutan 
Kailanma'y di pababayaan. 
Hindi kita malilimutan 
Kailanma'y di pababayaan.