Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18
(Photo credits: rappler.com)
Sa araw na ito, sinisimulan po natin ang Banal na Panahon ng Kuwaresma. Ang Kuwaresma ang apatnapung araw na paghahanda para sa pagdiriwang ng Misteryo Paskwal - ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang Misteryo Paskwal ang sentro ng ating pananampalatayang Katoliko. Sumasampalataya tayo na si Hesukristo ay naparito sa lupa bilang tao, katulad natin. Inihain ni Hesus ang Kanyang buhay upang tayo ay maligtas. Sa pamamagitan ng paghahain Niya ng Kanyang sarili sa Krus, tayo ay Kanyang inililigtas mula sa ating mga kasalanan.
Ang salitang 'Kuwaresma' ay galing sa salitang Espanyol na 'cuarenta.' Bakit kuwarenta? Ano nga ba ang meron sa numerong kuwarenta at ito'y napakaespesyal para sa Simbahan? Ang apatnapu o kuwarenta ay madalas gamitin sa Bibliya. Sa Lumang Tipan, apatnapung araw nanatili si Noe sa daong dahil pinabaha ng Diyos ang mundo. Si Moises ay nanatili sa bundok kasama ang Diyos nang apatnapung araw at gabi. Sa Bagong Tipan naman, apatnapung araw at gabing nag-ayuno si Kristo sa ilang bago Siya tinukso ng demonyo. Apatnapung araw din sinama ni Kristo ang Kanyang mga alagad pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay.
Napakaganda ng panahon ng Kuwaresma. Ibinibigay sa atin ng Santa Iglesya ang apatnapung araw ng Kuwaresma upang magnilay sa ating buhay. Kumusta nga ba ang buhay natin? Saan ba patungo ang buhay natin? Kung tayo ay naliligaw, huwag mawalan ng pag-asa. Maaari tayong mag-u-turn. Pinahihintulutan tayo ng Diyos na umikot kapag tayo ay naligaw.
Maaari nating ilarawan natin ang panahon sa pamamagitan ng isang analohiya. Ilarawan natin sa ating isipan ang isang mananakbo sa isang karera. Mabilis siyang tumakbo, pero sa kalagitnaan ng karera, para bang napansin ng mananakbong ito na parang papalayo siya mula sa finish line. Doon nga niya natuklasan na naligaw na siya. Nawala siya sa ruta. Marami siguro ang nauna na sa kanya. Dalawang bagay lamang ang maaaring gawin ng mananakbong ito - sumuko at matalo, o umikot at sikaping bumalik sa ruta upang tapusin ang karera. Kung isa man sa atin ang karerang iyon, ano ang ating desisyon? Sumuko o laban pa?
Ang Diyos ay nagpapahintulot na mag-u-turn tayo. Hindi pa huli ang lahat. Binibigyan tayo ng pagkakataon na magbagong-buhay. Paano? Ano ang paraang ito? Ang Sakramento ng Kumpisal. Hinihintay tayo ng Panginoon sa Sakramento ng Kumpisal. Maganda po ang sinabi ni Santo Papa Francisco tungkol sa Kumpisal. Ang sabi niya ay hindi torture chamber ang Kumpisal. Wala dapat tayong katakutan para mangumpisal. Ang Diyos, sa pamamagitan ng pari, ang nagpapatawad sa ating mga kasalanan.
Dalawa ang paalala sa atin ng Simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma. Ang unang paalala ay magsisi at sumampalataya sa Mabuting Balita. Tinatawagan tayo ng Diyos na pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Habang may panahon pa tayo, magbalik-loob tayo sa Diyos at humingi sa Kanya ng awa at kapatawaran para sa mga kasalanang ginawa natin.
Ang pangalawang panawagan ay tayo ay nagmula sa lupa at sa lupa tayo babalik. May dalawang awit na pumasok sa isipan ko. Ang mga awiting ito ay Sino Ako? at Lupa. Napakaganda ng mga mensahe na makukuha natin mula sa dalawang awiting ito. Ang una, hiniram natin mula sa Diyos ang buhay natin. Ang Diyos ang may-ari ng buhay natin. Hinihiram lang natin ito. Ang pangalawa naman ay ang mga katawan natin ay nagmula sa lupa, at magbabalik tayo sa lupa. Mga tagapangasiwa lamang tayo ng ating katawan at buhay. Ang pag-aari ng ating katawan at buhay ay ang Diyos at Siya ang may-ari ng lahat ng bagay. Dapat huwag tayong maging abusado sa ating katawan at buhay. Pangasiwaan natin ang ating katawan at buhay nang mabuti.
Sa Misa sa araw na ito, ang mga pari ay naglalagay ng krus na abo sa ating mga noo. May kahulugan ang abo. Ang abo ay sumisimbolo sa pagpapakumbaba. Tayo ay nagpapakumbaba sa harapan ng Diyos. Inaamin natin sa Diyos na tayo ay mga makasalanan at humihingi tayo ng kapatawaran para sa mga kasalanang nagawa natin. Hindi natin mabilang ang mga kasalanan natin. Marami tayong mga kasalanan. Dahil dito, nagpapakumbaba tayo sa Diyos at humihingi ng Kanyang awa at pagpapatawad.
Sabi nga ni Santo Papa Francisco na ang Diyos ay hindi nagsasawang magpatawad. Tayo ang nagsasawang humingi ng tawad. Huwag tayong magsawa. Kung ang Diyos nga, hindi Siya nasasawa sa pagpapatawad, dapat hindi rin tayo magsawa sa paghingi ng kapatawaran mula sa Diyos. Maawain ang ating Panginoong Diyos. Hinihintay Niya tayo sa Sakramento ng Kumpisal. Tinatawag tayo ng Panginoon na magsisi at magbagong-buhay. Huwag na tayong magdalawang-isip tungkol sa Sakramento ng Kumpisal; dumiretsyo tayo sa confessional box. Magkumpisal tayo. Walang balak ang Diyos na itakwil tayo. Hinding-hindi itatakwil ng Diyos ang bawat makasalanang lumalapit sa Kanya upang humingi ng kapatawaran.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento