Unang Linggo ng Kuwaresma (A)
Genesis 2, 7-9; 3, 1-7/Salmo 50/Roma 5, 12-19 (o kaya: 5, 12. 17-19)/Mateo 4, 1-11
Sa pagwawakas ng panalanging itinuro sa atin ng Panginoong Hesukristo, ang Ama Namin, hinihiling natin sa ating Amang nasa langit na ilayo tayo sa tukso at iadya sa lahat ng uri ng kasamaan. Napakahirap kalabanan ang tukso, lalung-lalo na kapag mukhang maganda at masarap. Sinasabi pa nga ngayon, "Masarap ang bawal."
Matutunghayan po natin ang salaysay ng kauna-unahang kasalanan sa Unang Pagbasa. Ang unang kasalanang ginawa ng tao ay ang kasalanang ginawa nina Eba't Adan. Hindi nila sinunod ang utos ng Panginoon na huwag kumain ang bungang nagmumula mula sa puno sa gitna ng halamanan ng Eden. Bakit? Tinukso sila ng ahas. Nakakatuksong tingnan ang bungang iyon dahil sa pagtukso ng ahas kina Eba't Adan. Mas lalo pang natukso sina Eba't Adan nang sabihin sa kanila ng ahas na kapag kinain nila ang bungang iyon, matutulad sila sa Diyos at nakakaalam ng mabuti't masama.
Ipinapaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na dalawang bagay ang pumasok sa mundo sa pamamagitan ng dalawang tao. Ang unang pumasok sa mundo ay ang kasalanan at kasamaan sa pamamagitan ng pagsuway ni Adan. Ang sangkatauhan ay nalugmok noong nagkasala si Adan at nahulog siya sa bitag ng tukso. Ang pangalawang pumasok sa mundo ay ang biyaya at pawawalang-sala ng Diyos. Ito'y sa pamamagitan ni Hesukristo. Kung si Adan ay sumuway sa kalooban ng Diyos, si Hesus ay nanatiling masunurin sa Diyos. Dahil dito, pumasok ang kaligtasan at biyaya ng Diyos sa mundo.
Ang Ebanghelyo tuwing Unang Linggo ng Kuwaresma ay palagi tungkol sa pagtutukso kay Hesus sa ilang. Kagaya nina Eba't Adan, Siya'y tinukso. Pero, hindi nahulog sa bitag ng kasamaan si Hesus. Hindi nagpatalo si Hesus sa tukso. Tinanggihan at nilabanan Niya ang bawat tukso sa Kanya ni Satanas. Hindi lang isang beses tinukso si Hesus, kundi tatlo. Pero, nilabanan pa rin ito ni Hesus. Nanatiling matatag at masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama. Kahit ilang beses pa Siyang tuksuhin ng demonyo, kahit isang milyong beses pang tuksuhin ng demonyo ang Panginoon, hindi magpapatalo ang Panginoon.
Paano ba natin matutularan si Kristo sa pagtanggi at paglaban sa tukso? Sa pamamagitan ng panalangin. Kasabay ng pag-aayuno ni Kristo ay ang pakikipag-usap Niya sa Ama sa pamamagitan ng panalangin. Bago sinimulan ni Kristo ang Kanyang pangangaral, kinausap Niya muna ang Amang nasa langit upang patnubayan at gabayan Siya sa Kanyang misyon sa lupa. Sa pamamagitan ng panalangin, nagkakaroon tayo ng lakas na nagmumula mula sa Diyos. Kinakausap natin ang Diyos at humihingi sa Kanya ng patnubay.
Sinabihan pa nga ni Hesus ang Kanyang mga alagad sa Halamanan ng Hetsemani na manalangin upang hindi mapanaig sa kanila ang tukso. Aaminin ko po, mahirap umiwas sa tukso. Walang makakalaban sa tukso nang mag-isa lamang. Kailangan natin ang pamamatnubay at tulong ng Diyos upang magkaroon ng lakas na labanan at iwasan ang tukso. Kahit gaanong mas makapangyarihan sa atin ang demonyo, may mas makapangyarihan kaysa sa demonyo. Iyan ang Diyos, ang makapangyarihan sa lahat. Walang makakatalo sa Diyos. Hinding-hindi mananaig ang demonyo laban sa Diyos.
Ang panalangin ay pampatibay ng pananampalataya. Kadalasan, ang mga tao ngayon ay wala nang oras magdasal. Nakakalungkot po. Ang hindi pagdarasal ay isang senyales o tanda na humihina na ang pananampalataya ng isang tao. Delikado na ang kanyang sitwasyon, hindi lamang ang pisikal, kundi ang espiritwal na kalagayan niya. Ang bawat taong nananalangin ay nakakaalala sa Diyos. Hinding-hindi natin malilimot ang Diyos kung tayo ay nagdarasal. Sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos, nagiging matatag tayo at ang ating pananalig sa Diyos, kahit na sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.
Totoong may demonyo. Kung hindi tayo naniniwala na may demonyo, tayo ay nagkakamali. Ang paniniwalang walang demonyo ay isang kasinungalingan. Hindi lang magiging delikado ang kundisyon natin, manganganib tayo kung hindi tayo naniniwala na mayroong demonyo na nagtutukso sa atin araw-araw. Ang ating mga kaluluwa ang nakataya dahil dito. Ang paniniwalang ito ay isang plano ng diyablo na lokohin tayo at mahulog sa kanyang bitag. Walang ibang hangad ang demonyo kundi ang wasakin ang mga nilikha ng Diyos. Siya ay manloloko. Siya ang ating kalaban.
Mahirap kalabanin ang demonyo at ang kanyang mga katuksuhan nang mag-isa lamang. Pero, kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang makakapanaig sa atin? Kaya, mahalaga ang panalangin sa Diyos. Ang panalangin ay ang ating sandata laban sa mga kasamaan at tukso sa araw-araw. Nagiging matibay rin ang pananalig natin sa Diyos. Tayo at ang ating pananalig sa Diyos ay nagiging matatag araw-araw, lalung-lalo na sa gitna ng mga pagsubok. Sa pamamagitan ng ating pang-araw-araw na pananalangin sa Diyos, tayo ay ginagabayan at pinapatnubayan Niya sa araw-araw nating pamumuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento