Ikalawang Linggo ng Kuwaresma (A)
Genesis 12, 1-4a/Salmo 32/2 Timoteo 1, 8b-10/Mateo 17, 1-9
Ang Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa salaysay ni San Mateo tungkol sa pagbabagong-anyo ni Hesus. Nakipag-usap si Hesus kina Moises at Elias at muling ipinakilala ng Diyos Ama kung sino si Hesus. Si Hesus ang Anak na minamahal ng Ama at may utos pa ang Ama - makinig kay Hesus. Ito ang ikalawang pagkakataon na ipinakilala ng Ama ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo.
Bago nagsimula ang pagbabagong-anyo ni Kristo, ipinahayag ni Kristo sa Kanyang mga alagad na Siya'y magpapakasakit at papatayin ng mga autoridad. Ngunit sa ikatlong araw, muling mabubuhay si Kristo. Labis na nagulat ang mga alagad at tumutol sa sinabi ng Panginoon, lalung-lalo na si San Pedro. Hindi sila pumayag at hahayaang mamatay ang Panginoon. Siguro ang tanong nila sa kanilang isipan ay kung bakit hinahayaan ng Panginoon na patayin ng Kanyang mga kaaway.
Pagkatapos ipahayag ni Hesus ang Kanyang kamatayan, mapapakinggan natin ang mga kundisyon ng pagsunod sa Kanya. Hindi madali ang pagsunod sa Kanya. Sinabi Niya na kailangang limutin ang Kanyang sarili, pasanin ang Kanyang krus at sumunod sa Akin. Makikita natin na mahirap pala ang pagsunod kay Hesus. Hindi ito biro. Kailangang seryoso tayo sa pagsunod kay Hesus. Walang biruan ito. Kung nais nating sumunod sa Panginoon, kailangang magtiis tayo sa mga pagsubok sa buhay. Si Hesus ay nagtiis din noong pinasan Niya ang Krus patungong Kalbaryo. Tiniis Niya ang bigat ng Krus at ang mga panunuya sa Kanya ng mga tao.
Ngayon, balikan naman natin ang pagbabagong-anyo ni Hesus. Ito'y para bang isang liwanag sa dilim. Ang pagbabagong-anyo ni Hesus ay isang sulyap sa Kanyang kaluwalhatian pagkatapos ng Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Hindi nagtatapos ang lahat sa kamatayan. Hindi nagtatapos ang lahat sa pagsubok. May liwanag sa dilim. May kaluwalhatian pagkatapos ng pagsubok.
Ang pagbabagong-anyo ni Hesus ay isa ring pagpapakilala kung sino nga ba Siya. Siya ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. Noong tinanong ni Hesus ang Kanyang mga alagad kung sino Siya, si San Pedro ang sumagot at tama ang sagot Niya tungkol kay Hesus. Pero, hindi Siya ang Mesiyas na inaakala ng marami noon. Hindi Siya yung makamundong Mesiyas. Bagkus, Siya ang Mesiyas na tunay na hari na naglilingkod sa Diyos at tao sa pamamagitan ng pagpapakumbaba. Siya ang Mesiyas na magliligtas sa lahat ng tao mula sa kanilang mga pagkakasala.
Dagdag pa ng Ama sa pagpapakilala kay Kristo bilang Anak Niya - pakinggan ninyo Siya. Ipinapakita ng utos na ito na si Kristo ay masunurin sa kalooban ng Ama. Maraming paraan upang mailigtas ng Diyos ang sangkatauhan na mas madali kaysa sa kamatayan ng Panginoon sa Krus. Tutal, Diyos rin si Hesus at maaari rin Niyang iligtas ang sangkatauhan nang hindi nahihirapan. Pero, pinili Niyang sundan ang kalooban ng Ama - ang mamatay alang-alang sa kasalanan ng sangkatauhan.
Sabi pa nga ni Hesus sa Halamanan ng Hetsemani, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Dito makikita natin ang pagiging masunurin ni Hesus. Sinasabi ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos na nanatiling masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan. Dahil dito, iniluwalhati ng Diyos si Hesus. Itinaas si Hesus ng Ama dahil sa Kanyang pagiging masunurin. Kung si Hesus ay naging masunurin sa Ama, tayo rin ay hindi lang hinahamon, kundi iniuutos ng Ama na makinig at sumunod kay Hesus.
No pain, no gain. Ito siguro ang pinakamasikat na kasabihan at motto ngayon. Kung walang hirap o tiyaga, walang gantimpala o makakamtan. May isang taong naging halimbawa ng kasabihang ito - ang Panginoong Hesukristo. Pinili ni Hesus na iligtas tayo sa pinakamahirap na paraan - sa pamamagitan ng kamatayan sa Krus. Sa Krus, nakamit Niya ang Kanyang kaluwalhatian. Natupad sa Krus ang misyon ni Hesus dito sa lupa. Tiniis ni Hesus ang bawat paratang sa Kanya at nanatiling masunurin sa kalooban ng Ama. Dahil naging masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama, Siya ay itinaas at iniluwalhati ng Ama.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento