Martes, Marso 18, 2014

SAN JOSE: HUWARAN NG MGA LAYKONG AMA

Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a)


Dalawa po ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa karangalan ni Señor San Jose. Ang una po ay bilang Esposo ng Mahal na Birheng Maria at Ama-amahan ng Panginoong Hesukristo. Ang pangalawa naman ay bilang Manggagawa. Pero, ang kapistahan natin ngayon ay higit pa sa karaniwang kapistahan. Sapagkat sa kalendaryo ng Simbahan, ang pagdiriwang natin ngayon ay ang Solemnidad o Dakilang Kapistahan ni San Jose bilang Esposo ng Mahal na Ina at Ama-amahan ni Kristo. 

Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa relasyon ni San Jose kay Maria bago pa isinilang si Hesus. Mag-nobyo sina Jose at Maria at dahil sa pagmamahalan nila ay inisip nilang magpakasal. Nakatakda na silang magpakasal, ngunit may dumating na isang problema sa buhay at relasyon ng mag-nobyo. Natuklasang buntis ang Mahal na Ina at para bang isang iskandalo na ito sa mata ng tao. Bago pa mang magpakasal ang Mahal na Birhen kay San Jose, natagpuan siyang buntis. 

Dahil dito, inisip ni San Jose na hiwalayan si Maria alang-alang sa kapananan nila. Kung nagsama pa rin sila, mapapahiya sila ng mga taong makakausap nila. Siguro, ang mga katrabaho ni Jose ay iiwas sa kanya dahil sa reputasyon ng pagiging ama ng isang anak sa labas. Halos lahat ng mga tao ay iiwas sa kanila dahil sa iskandalong iyon. Magkakaroon sila ng reputasyon dahil sa iskandalong iyon at mga masasamang pangalan ang tatawagin nila sa mag-nobyo. Alang-alang sa kanilang reputasyon, hiniwalay ni Jose si Maria upang walang mapahiya. Pero, ang balak ni Jose na maghiwalay kay Maria ay tahimik, upang hindi mapahiya si Maria. 

Pero, nagpakita ang isang anghel kay Jose sa panaginip. Dala ng anghel ang isang utos ng Diyos - pakasalan si Maria. Ipinaliwanag ng anghel kung bakit. Hindi nakipagtalik si Maria sa sinumang tao. Naglihi si Maria sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hindi siya ipinagkanulo ni Maria. Hindi rin pangkaraniwan ang batang dinadala ni Maria sa sinapupunan niya. Kahit na may pagdududa si Jose tungkol kay Maria at sa kanyang katapatan kay Jose, kung inuutos ng Diyos na magpakasal kay Maria, sinunod niya ito. Hindi siya nagsalita o nagtanong, sumunod siya sa katahimikan. 

Mapapansin natin na si San Jose ay hindi nagsalita sa Bibliya. Tahimik si Jose, walang salitang namutawi mula sa bibig niya sa Bagong Tipan. Kapag binabanggit o nasa eksena siya sa Bibliya, hindi siya nagsasalita. Bagkus, siya'y gumagawa. Ang mga gawa ni Jose ang nagsasalita para sa kanya. Noong inutusan ng Diyos sa pamamagitan ng anghel na pakasalan si Maria, hindi siya nagsalita. Sinunod niya talaga ang utos ng Diyos at ang ginawa niyang iyon ang nagsalita para sa kanya.

May isang kasabihan sa wikang Ingles, "Actions speak louder than words." Ang mga ginawa ni San Jose na nakasulat sa Bibliya ay patunay na siya'y masunurin sa kalooban ng Diyos. Kahit sa panahon ng pagsubok, hindi nagsasalita si Jose, ginagawa niya ang iniuutos sa kanya ng Diyos. Noong nagpakita ang anghel ng Panginoon at nagbalita tungkol sa balak ni Herodes, walang itinanong si Jose, bagkus, dinala niya ang mag-inang Maria at Hesus papunta sa Ehipto hanggang sa pagpanaw ni Herodes. Noong namatay si Herodes, doon lamang sila bumalik. 

Isa pa pong halimbawa ng mahalagang ginawa ni San Jose ay ang pagsama niya sa Mahal na Birhen noong nawala ang Panginoon nang tatlong araw. Tatlong araw hinanap nina Jose at Maria ang batang Hesus na nawawala sa Jerusalem. Isinama ni Jose si Maria habang nawawala si Hesus nang tatlong araw. Noong mahanap nila si Hesus sa templo, walang sinabi si Jose. Bagkus, siya'y nanatiling tahimik at iniuwi niya sina Maria at Hesus kung saan sila'y nabuhay bilang pamilya na tunay na nagmamahalan. 

Tahimik na sinunod at ginampanan ni San Jose ang kanyang pananagutan sa Diyos bilang amain ni Kristo sa lupa. Hindi madali ang gumanap bilang ama-amahan ng Anak ng Diyos, ngunit ginampanan niya ito nang mabuti. Sinundan rin ni Jose ang bawat utos ng Diyos tungkol sa kapakanan ng Kanyang Anak. Masipag na nagtrabaho si San Jose para sa mag-inang sina Maria at Hesus. Binuhay at tunay na minahal ni Jose si Maria bilang esposo at si Hesus bilang anak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan kung saan ay ginantimpalaan siya ng Diyos para sa kanyang pagiging masunurin sa kalooban Niya at pagiging ama-amahan ng Mesiyas. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento