Ikatlong Linggo ng Kuwaresma (A)
Exodo 17, 3-7/Salmo 94/Roma 5, 1-2. 5-8/Juan 4, 5-42 (o kaya: 4, 5-15. 19b-26. 39a. 40-42)
Bilang tao, lahat tayo ay nagugutom at nauuhaw. Ano ang ating hinihingi kapag tayo ay nagugutom at nauuhaw? Pagkain at inumin, lalung-lalo na ang tubig. Napakaraming inumin sa panahon ngayon. Meron ring gatas, mga soft drinks katulad ng Coke, Royal, Sarsi at marami pang iba. Pero, dapat uminom rin tayo ng tubig. Napakaimportante ang tubig para sa ating kalusugan dahil kung hindi tayo uminom ng tubig, hindi na tayo malusog at masama na iyan para sa ating kalusugan. Kaya, napakaimportante ang tubig para sa ating katawan at kalusugan. Ang tubig ay nakakapawi sa ating pagkauhaw. Ang tubig ay mabuti rin para sa ating kalusugan.
Dalawa sa ating mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa tubig. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang pagrereklamo ng mga Israelita kay Moises. Uhaw na uhaw sila at wala silang mainom sa disyerto. Dahil sa uhaw nila, nagalit sila kay Moises at ibig pa nila siyang batuhin. Dahil dito, si Moises ay inutusan ng Diyos na hampasan ang isang malaking bato sa Horeb upang makainom ang mga Israelita.
Ang ating Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pag-uusap ni Hesus at ng babaeng Samaritana. Tatlo ang naging reaksyon at pagkakilala ng Samaritana sa pakikipag-usap niya sa Panginoon. Una, bilang isang Hudyo, pangalawa, bilang isang propeta, at pangatlo, bilang Mesiyas. Naniwala ang babaeng ito na darating ang Mesiyas upang ipakilala ang lahat. Hindi niya inakala na ang kausap niya ay ang Mesiyas. Nakita at nakausap ng babaeng Samaritana ang Mesiyas, si Hesus.
Noong sinabi ni Kristo na may tubig na walang hanggan, hindi ito naintindihan ng Samaritana sa unang dinig. Akala ng Samaritana na ang tubig na tinutukoy ng Panginoon ay ang literal na tubig, katulad ng tubig na sinasalok niya mula sa balon ni Jacob. Pero, hindi literal na tubig ang tinutukoy ni Kristo. Malalim ang mga sinabi ng Panginoon na sa unang dinig ay hindi maintindihan.
Kadalasan, nakikita natin ang iba pang mga pagkakataon katulad nito sa Ebanghelyo ayon kay San Juan. Isang halimbawa po ay noong sinabi ni Hesus sa mga Hudyo na itatayo Niya ang templo sa loob ng tatlong araw at inakala ng mga Hudyo na ang templong ibig sabihin ng Panginoon ay ang literal na templo. Bagkus, ang ibig sabihin ng Panginoon ay ang templo ng Kanyang katawan. Maraming pang ibang katulad noon ang nangyayari sa Ebanghelyo ayon kay San Juan.
Ang tubig na tinutukoy ni Kristo ay ang tubig na nakakapawi sa uhaw ng ating kaluluwa. Kung ang ating mga pisikal na katawan ay nauuhaw para sa pisikal na tubig, ang ating kaluluwa rin ay nauuhaw para sa Panginoon. Ang tubig sa mundo ay nakakapawi sa ating pagkauhaw, pero bumabalik pa tayo uli at sumasalok ng tubig dahil nauuhaw tayo uli. Palagi tayong nauuhaw at paulit-ulit ito nangyayari. Pinapangako sa atin ni Hesus na kapag lumapit tayo sa Kanya, hindi na tayo muling mauuhaw. Kaya, ang tubig ni Hesus ay ang tubig ng buhay.
Kung ang hinahanap natin ang tubig ng buhay dito sa mundo, mapapagod lang tayo. Hindi matatagpuan dito sa mundo ang tubig ng buhay. Kahit gaanong kahirap nating hinahanap ang tubig ng buhay na ipinapangako sa atin ni Hesus, hindi natin mahahanap ang tubig ng buhay dito sa mundo. Ang Diyos lamang ang nakakapawi sa ating pagkauhaw. Huwag nating ilito ang tubig ng buhay sa tubig na nakikita natin dito sa mundo. Ang tubig ng buhay ay matatagpuan natin sa Diyos.
Maraming iba pang mga uri ng pagkauhaw dito sa mundo. Pagkauhaw sa yaman, pag-ibig at marami pang iba. Kung mahanap natin dito sa mundo, malamang mauuhaw tayo muli. Walang bagay dito sa mundo ang papawi sa uhaw ng ating kaluluwa. May mas malalim pa tayong kinauuhawan. Paano natin mapapawi ang pagkauhaw ng ating kaluluwa? Ang Diyos lamang ang makakapawi sa pagkauhaw natin.
Anuman ang ating kinauuhawan sa buhay, lumapit tayo sa Panginoon at ibibigay Niya sa atin ang tubig ng buhay. Tanungin natin ang ating sarili, "Ano ang aking kinauuhawan?" May papawi sa ating pagkauhaw - ang Diyos. Ibibigay sa atin ng Diyos ang tubig ng buhay na magpapawi sa ating pagkauhaw at hinding-hindi tayo mabibitin ng tubig na iyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento