Isaias 49, 11-15/Salmo 61/1 Corinto 4, 1-5/Mateo 6, 24-34
Ang awiting Hindi Kita Malilimutan ay hango mula sa Unang Pagbasa natin ngayon. Ang awitin ito ay isang mensahe ng Diyos para sa atin. Hinding-hindi tayo malilimutan o pababayaan. Tayong lahat ay mahalaga sa paningin ng Diyos. Nilikha tayong lahat ng Panginoon. Paano hindi mapapahalagahan ng tagapaglikha ang isang bagay na kanyang nilikha? Paano bang pababayaan ng isang ina ang anak na siyam na buwan na dinala niya sa kanyang sinapupunan?
Ganyang tayo kamahal ng Panginoon. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Siya ay kasama natin. Siya ang ating taga-akay. Inaakay Niya tayo kapag tayo ay naglalakbay sa buhay. Ang Panginoong Diyos ang ating Emmanuel. Siya ay palagi nating kasama. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Sa ating paglalakbay sa lupa, sinasamahan at ginagabayan tayo ng Panginoon. Bago pa man tayo isinilang, napakahalaga tayo sa Kanyang paningin. Tayo'y Kanyang inaruga dahil tayo'y napakahalaga sa Kanya.
Marami po ang nawawalan ng pananalig sa Diyos. Sa bawat panahon ng pagsubok, para bang hindi natin mararamdaman ang yakap ng Diyos. Napapatanong natin sa ating sarili, 'Nasaan ang Diyos? Hindi ba hindi Niya tayo pababayaan? Bakit nagdurusa kami rito?' Tapos, may ilang nagsasabi, dahil sa sobrang galit, 'Walang Diyos!' Hindi nila maramdaman na kasama nila ang Diyos. Nasaan nga ba ang Panginoon sa panahon ng pagsubok? Nasaan ang Panginoon sa panahon na talagang kailangan Siya ng mga tao?
Ito siguro ang dahilan kung bakit marami ang nawawalan ng pananalig sa Diyos. Pinagdududahan nila ang Panginoon. Bakit sa panahon na talagang kinakailangan ng mga tao ang tulong ng Panginoong Diyos, para bang hindi Siya maramdaman? Walang makapitan ang mga tao sa panahon ng pagsubok. Hindi na sila nananalig sa Panginoon. Bakit nga ba nawalan ng pananalig ang mga tao sa Diyos?
Sa ating Ebanghelyo, itinuturo sa atin ni Hesus na huwag mag-alala. Huwag tayong mangamba. Alam ng Diyos ang ating pangangailangan sa buhay. Alam ng Diyos ang ating sitwasyon sa buhay. Bago pa man tayo humiling sa Kanya, alam na ng Diyos kung ano ang ating hihingin sa Kanya at pangangailangan Niya. Ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang ating mga pangangailangan.
Hindi na tayo dapat mag-alala pa. Hindi na tayo dapat mag-alinlangan tungkol sa Diyos. Mapagkakatiwalaan ang Diyos. Maasahan natin ang Diyos. Hinding-hindi Niya tayo bibiguin. Ang Diyos ay laging tapat at maaasahan. Ipagkakaloob Niya ang ating mga kahilingan kung ito'y ikabubuti sa atin. Ganyan tayong kamahal ng Diyos. Minamahal tayo ng Diyos katulad ng pagmamahal ng ama't ina sa kanilang mga anak. Ipagkakaloob Niya ang ating mga pangangailangan.
Kailangan nating manalig sa Panginoong Diyos. Hindi Siya dapat pagdudaan. Hindi Siya dapat subukan. Dapat tayong manalig sa Diyos. Huwag tayong mangamba. Hinding-hindi tayo kalilimutan ng Diyos. Paano ba tayong malilimutan ng Diyos? Mapagmahal ang Diyos, paano ba Niya tayo lilimutin? Huwag nating iisipin na kalilimutan tayo ng Diyos. Huwag nating tanungin 'Natutulog ba ang Diyos?' Hinding-hindi natutulog ang Diyos. Huwag rin nating sabihin na 'Walang Diyos!' Mayroong Diyos na nagmamahal, kumakalinga at gumagabay sa atin.
Kahit hindi natin nakikita ang Diyos, Siya'y kasama natin. Ang Diyos ang ating Emmanuel. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Kahit hindi natin nakikita ang Diyos ngayon, Siya'y kasama natin hanggang sa katapusan ng panahon. Huwag tayong mangamba. Huwag tayong mawalan ng pananalig sa Kanya. Kahit kailan, hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos. Hindi Niya tayo kalilimutan. Kung nakakalimot tayo, ang Diyos ay hindi nakakalimot. Napakatalino ng Diyos upang makalimutan tayo. Kung marami sa atin ay nakakalimot, hindi nakakalimot ang Diyos. Manalig tayo sa Kanya. Dapat manalig tayo sa Diyos na hindi nagpapabaya sa atin.
Bilang pagtatapos, atin pong pagnilayan ang awit ng Diyos para sa atin.
Hindi Kita Malilimutan
Hindi kita malilimutan
Hindi kita pababayaan
Nakaukit magpakailanman
Sa Aking palad ang 'yong pangalan.
Malilimutan ba ng ina
Ang anak na galing sa kanya?
Sanggol sa kanyang sinapupunan,
Paano niya matatalikdan?
Ngunit kahit ng malimutan
Ng ina ang anak niyang tangan
Hindi kita malilimutan
Kailanma'y di pababayaan.
Hindi kita malilimutan
Kailanma'y di pababayaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento