Linggo, Pebrero 23, 2014

ANG TUNAY NA PAG-IBIG – HINDI “ROMANTIC LOVE”

Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Levitico 19, 1-2. 17-18/Salmo 102/1 Corinto 3, 16-23/Mateo 5, 38-48

Ano ang unang pumapasok kapag napapakinggan natin ang salitang ‘pag-ibig’?  Madalas, ang unang pumapasok para sa marami, lalung-lalo na po ang mga Pilipino ay ang salitang ‘kilig.’  Halimbawa rito ay ang mga tagapagpasubaybay ng mga love story na pinapalabas sa telebisyon, maging sa ABS-CBN Channel 2 man o sa GMA-7.  Hindi ba, madalas, kinikilig ang mga tagapagsubaybay ng mga programang love story.  Kaya, maraming nagsasabing, ‘kilig much,’ ‘kilig to da bones,’ atbp.  Usung-uso po ngayon ang ‘romantic love.’

Si Hesus ay nagturo tungkol sa pag-ibig sa Ebanghelyo ngayon.  Pero, para sa mga mahilig sa mga nakakakilig na love story, hindi po ‘romantic love’ ang tinuturo ni Hesus.  Ang pag-ibig na tinuturo ni Hesus sa Mabuting Balita ay ‘agape’ o ang pag-ibig na walang kapalit, walang kundisyon, buong-buo.  Ito ang pag-ibig ng Diyos sa ating lahat.  Minamahal tayo ng Panginoon ng buong-buo, walang kapalit.  Perpekto ang pag-ibig ng Diyos.

Ipinapakita rin ni Kristo na ang pagpapatawad ay isang gawa ng pag-ibig.  Dagdag ng Panginoon na dapat tayong umibig sa ating mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa atin.  Mahirap pong gawin iyon.  Bilang tao, may limitado ang ating pag-ibig at pasensya.  Madalas, nauubusan tayo ng pasensya sa isang tao dahil sa mga nagawang kasalanan laban sa’yo.

Ang pagpapatawad ay napakahirap gawin.  Bakit?  Sa tuwing nakikita natin ang taong nagkasala sa atin,  naalala natin ang kasalanan ng taong iyon sa atin.  Ang puso natin ay nasugatan dahil sa bigat ng kasalanang ginawa sa atin ng taong iyon.  Mas lalo pang masakit at masusugatan ang ating puso kung mabigat ang kasalanang ginawa sa atin ng isang matalik na kaibigan o mahal sa buhay.  Para bang hindi na natin alam kung sino ang ating mga kakampi.  Halos lahat ng tao sa buong mundo ay kalaban natin. 

Iilan lamang sa mga paraan ng pagkakasalang ginagawa laban sa atin ay ang pagkakanulo at pagkaila sa atin, ipahiya tayo sa harapan ng maraming tao, sirain ang ating mga pangalan at sirain ang reputasyon natin.  Halimbawa, kapag tayo ay binugbog sa harapan ng maraming tao na walang kalaban-laban, napapahiya tayo sa harapan ng maraming tao nakakakita sa pangyayari, lalung-lalo na po kung binugbog tayo sa isang pampublikong lugar. 

Ano ba ang nais nating gawin sa mga taong may mabigat na kasalanan laban sa atin?  Nais natin gumanti, hindi ba?  Gusto tayong makaganti sa kanila upang maramdaman at matikma nila ang sakit na pinadanas nila sa atin.  Katulad ng sinabi, “Mata sa mata at ngipin sa ngipin.” (An eye for an eye and a tooth for a tooth.)  Sa gayon, binayaran na nila ang kasalanan nila sa atin at makakahinga tayo ng maluwag.  Iyan ang kadalasang nais gawin ng lahat ng tao.  Balikan ang mga nagkasala sa atin upang makaganti.  Sabi nga rin, “Anuman ang inutang, iyon din ang kabayaran; kapag buhay ang inutang, buhay din ang kabayaran.” 

Pero, pagpapatawad ang tinuturo ni Hesus.  Tinuturo ni Hesus na walang kwenta ang paghihiganti.  Walang kabuluhan kapag tayo’y naghiganti.  Kaya, tinuturuan Niya tayo kung paanong umibig sa mga kaaway natin.  Ang paghihiganti, sa halip na magbibigay ng ginhawa, ay lalo pang magdadagdag ng galit at poot sa ating mga puso.  Hindi tayo hihilumin ng paghihiganti.  Mas lalo tayong mapapahamak kapag naghiganti tayo.  Ang paghihiganti ay hindi magkakaloob ng tunay na kapayapaan.  Mas maginhawa ang ating pakiramdam kapag tayo ay nagpatawad.  Hindi tayo nagkasala laban sa ating kapwa sa pamamagitan ng paghihiganti. 

Para sa ilan, masarap at maginhawa ang buhay kapag nakahiganti sila sa mga kaaway nila.  Makakahinga na sila ng maluwag kapag binayaran na ng kanilang mga kaaway ang mga inutang sa kanila.  Ang katotohanan, ang paghihiganti ay hindi nakakahilom.  Bagkus, ito ay nagpapabigat sa ating kalooban at ang galit ng isang tao ay nadadagdag dahil sa poot.  Hindi ito nakakabubuti para sa ating lahat.  Walang panalo sa paghihiganti.

Kung ang Diyos ay kayang magpatawad sa ating lahat, kahit sa pinakamabigat na kasalanan, tayo pa kaya?  Hindi po madaling tularan ang pag-ibig at awa ng Diyos.  Sapagkat ang Diyos lamang ang umiibig nang wagas, walang pagkukulang, walang kapalit,  walang katulad.  Mahirap mang umibig katulad ng Diyos, sikapin natin na tumulad sa pagmamahal ng Diyos sa atin. 

Ang pag-ibig sa Diyos at kapwa ay ang tunay na diwa ng Sampung Utos ng Diyos.  Kaya ibinigay ng Diyos ng Sampung Utos ay upang turuan tayong magmahal.  Nawa’y sikapin nating umibig sa ating kapwa at sa ating mga kaaway.  Hindi po romantikong pag-ibig ang tinutukoy ng Panginoon.  Ang pag-ibig na itinuturo sa atin ng Panginoon ay ang Kanyang pag-ibig sa atin.  Gusto ninyo ng isang halimbawa.  Masdan ninyo ang crucifixo.  Masdan natin si Kristong nakapako sa krus.  Hindi kinailangan ni Kristo ang mamatay sa krus, pero pinili Niyang gawin iyon dahil tayo’y Kanyang mahal at patuloy na mamahalin.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento