Kapistahan ng Luklukan ni
Apostol San Pedro
1 Pedro 5, 1-4/Salmo
22/Mateo 16, 13-19
Ang
ating Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagkakilala ni Apostol San Pedro na si
Kristo ang ipinangakong Mesiyas. Sa
pamamagitan ng sagot na ito sa tanong na ito ni Kristo, hinirang si Pedro ni
Kristo bilang kauna-unahang Santo Papa ng Santa Iglesya. Hindi galing sa tao ang sagot na ito, kundi
ipinagkaloob ng Diyos kay Pedro ang sagot na ito. Ang dating pangalan ni San Pedro bago niya
sinagot ang katanungang ito ni Kristo ay Simon.
Pero, binago ng Panginoon ang pangalan ni Simon. Ang pangalang ibinigay sa kanya ng Panginoon
ay Pedro.
Bakit
Pedro? Ang ibig sabihin ng pangalang
Pedro ay bato. Sa batong ito itinayo ni
Hesus ang Kanyang Simbahan. Itinatag ng
Panginoong Hesukristo ang Santa Iglesya.
Si Apostol San Pedro naman ang batong ikinatatayuan ng Simbahan na
itinatag ni Kristo. Dito makikita natin
ang pagiging bato ni Apostol San Pedro.
Ang Simbahang itinayo ni Kristo ay nananatili pa rin magpahanggang
ngayon. Tiniis ng Simbahan ang bawat
pag-uusig at masasamang salita tungkol sa kanila. Hinding-hindi nawasak ang Simbahan dahil sa
batong ito.
May
misyon na ipinagkakatiwala ang Panginoong Hesus kay San Pedro Apostol. Ipinagkatiwala ni Hesus kay Pedro ang mga
susi ng kalangitan. Ang ibig sabihin ng
mga susi na ito ay pamamahala. Siya ang
mamamahala at mamumuno sa pagpapatuloy ng misyon ni Hesus pagdating ng araw ng
pagbabalik ni Hesus sa langit. Alam ni
Hesus na hindi Siya magtatagal sa mundong ito.
Balang araw ay babalik Siya sa langit.
Kaya, ipinagkatiwala ang pamamahalang ito kay Pedro upang ipagpatuloy
ang mga aral ng Panginoong Hesus.
Bilang
tagapamahala ng Simbahang itinatag ni Kristo sa lupa, nakaranas rin si Apostol
San Pedro ng mga kahinaan at ng pagkakamali.
Ang Panginoon ang Siya lamang walang kasalanan o pagkakamali. Napakahirap
na tungkulin ang maging bikaryo ni Kristo dito sa lupa. Noong nagsalita si Kristo tungkol sa Kanyang
kamatayan sa Jerusalem, tumutol at naging hadlang si San Pedro at pinagsabihan
Siya ng Panginoon.
Noong
bisperas ng kamatayan ng Panginoon, sinabi ni San Pedro na handa siyang
ipagtanggol ang Panginoon upang hindi matuloy ang pagdakip sa Kanya. Ngunit sinabi ng Panginoon na Siya’y ipagkakaila
ni San Pedro Apostol bago tumilaok ang manok.
Gayon nga ang nangyari. Nang
makilala si Pedro ng ilang tauhan, tinanong niya kung siya nga ay tagasunod ng
Panginoon, ipinagkaila niya ito. Tatlong
beses pa ginawa iyon ni Pedro. At noong
tumilaok ang manok, naalala niya ang mga sinabi ng Panginoon tungkol sa
magaganap.
Pero,
sa kabila ng mga kahinaan ni San Pedro, pinili pa rin siya ni Kristo. Kahit napakarami Siyang mga kasalanan at
pagkakamali, inamin niya ang pagkakamali.
Si Pedro ay nagpakababa at humingi ng kapatawaran mula kay Kristo. Hindi siya nawalan ng pag-asa noong siya’y
pagkakamali. Nagturo ang Panginoon
tungkol sa kabutihang-loob at awa ng Diyos.
Noong siya’y humingi ng kapatawaran mula sa Panginoon, pinatawad siya ng
Panginoon.
Higit
na dalawang libong taon na ang ating Simbahan.
Ang kasalukuyang Santo Papa natin ngayon na si Papa Francisco ang
ika-266 na kasunod ni San Pedro bilang kahalili ni Kristo sa mundong ito. Inaakay niya tayo papunta kay Kristo, ang
tunay na pastol. Ang Santo Papa ay ang
tagapangasiwa, ang pastol natin sa mundong ito.
Pero, ang tunay na pastol ay si Kristo Hesus.
Napakaraming
ang umusig sa Simbahan noong mga nakaraang panahon, pero nananatili pa rin ang
Simbahang itinatag ni Kristo. Tiniis ng
Inang Simbahan ang bawat pagsubok at magpahanggang ngayon ay nananatiling
matatag pa rin ang Simbahan. Ipinangako
sa atin ng Panginoon na tayo’y Kanyang sasamahan hanggang sa katapusan ng
sanlibutan. Hinding-hindi tayo
papabayaan ng Panginoon. Siya ang tunay
na pastol. Tayo ang kanyang mga
tupa. Ano naman ang papel ng Santo
Papa? Siya ang tagapangasiwa ng tunay na
pastol.
Paano
naging bikaryo o kahalili ni Hesus sa lupa ang Santo Papa? Noong muling nabuhay si Hesus, inutusan Niya
si Pedro, ang unang Santo Papa, na pakainin at alagaan ang Kanyang mga tupa
(Juan 21, 15-19). Sa pamamagitan ng mga
utos ni Hesus, ipinagkakatiwala Niya kay Pedro ang pangangalaga sa mga tupa ni
Hesus. Ipinagkakatiwala Niya kay Pedro
ang mga responsibilidad ng Santo Papa.
Akayin ang mga tupa ng Panginoon sa mundo.
Naalala
ko po noong nakaraang taon, inanunsyo ni Papa Emerito Benito XVI na siya’y
bibitiw sa kanyang pwesto bilang Santo Papa.
Ang balitang ito’y nakakagulat para sa marami, sapagkat matagal na
magmula noong bumitiw sa kanyang pwesto bilang kahalili ni Kristo sa mundo ang
isang Santo Papa. Pero, buong
pagpapakumbaba inamin ni Papa Emerito Benito XVI na hindi na niya kayang
gampanan nang mabuti ang pagiging Santo Papa.
Nagpakababa siya. Inamin niyang
hindi na niya kaya ang mga pananagutan bilang Santo Papa dahil sa kanyang katandaan
at mahina na siguro ang kanyang katawan.
Ang Santo Papa Emerito Benito XVI ay kaisa natin sa paglalakbay natin sa
lupa patungo kay Kristo, ang tunay na pastol.
Siya ay kasama natin at ni Papa Francisco sa paglalakbay tungo kay
Hesukristo, ang tunay na pastol.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento