Kapistahan ng Pagdadala kay
Hesus na Panginoon sa Templo (A)
Malakias 3, 1-4/Salmo
23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32)
Isang espesyal na
pagdiriwang ang ipinagdiriwang natin ngayon.
Ngayon po ay ang Kapistahan ng Candelaria o ang Pagdadala kay Hesus sa
Templo. Kakaiba ang pagsimula sa Banal
na Misa ngayon. Nilaktawan ang pagsisisi
sapagkat nagsimula ang Misa ngayon sa pamamagitan ng prusisyon sa labas ng
Simbahan. Binasbasan ng pari ang mga
kandila na hindi pa nakasindi. Pagkatapos ng pagbabasbas sa mga kandila,
sama-samang nagprusisyon ang lahat ng tao papasok sa Simbahan. Kahit gaano mang kahaba ang prusisyon, sa Simbahan
nagtatapos ang prusisyon.
Apatnapung araw pagkatapos
ng Kanyang pagsilang, ang sanggol na Hesus ay dinala sa Templo ni San Jose at
ng Mahal na Birheng Maria sa templo sa Jerusalem ayon sa kautusan ni
Moises. Sa tradisyon ng mga Hudyo, kapag
lalaki ang panganay na anak, apatnapung araw ang kailangang lumipas mula sa
araw ng kanyang kapanganakan bago ihandog siya sa templo. Pero, kung babae naman ang panganay na anak, kailangang
walumpung araw ang lumipas bago ihandog siya sa templo. Hinding-hindi na kinailangan ihandog pa ang
Panginoong Hesukristo sa templo dahil Siya ang Anak ng Diyos. Pero, dahil minamahal tayo ni Kristo, Siya’y
inihandog sa templo. Bakit? Upang ipakita sa atin na Siya’y kaisa natin
araw-araw sa ating buhay. Siya ang
Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin.
Hindi lang ang paghahandog
kay Hesus ang ipinagdiriwang natin tuwing Pista ng Candelaria. Ipinagdiriwang din ang paglilinis kay
Maria. Kahit na ang Mahal na Ina ay iniligtas
ng Diyos mula sa kasalanang mana bago pa siya ipinanganak ni Santa Ana, sinunod
ni Maria ang ritwal na ito. Kapag
nanganak ang isang babae, pitong araw siyang ituturing marumi. Hindi na kinailangang sumailalim sa ritwal na
ito, gayong kinalugdan siya ng Diyos at pinili maging ina ni Hesukristo. Pero, dahil masunurin si Birheng Maria,
siya’y sumailalim sa ritwal na ito.
Inilalarawan ng Unang
Pagbasa ang pagparito ng Panginoon. Ang
aklat ni Malakias ang huling aklat ng Lumang Tipan. Marahil nakakatakot ang Pagbasang ito. Nakakatakot ang bahagi kung saan nasusulat na
darating ang Panginoon na parang apoy.
Nakakatakot pakinggan, noh? Pero, ang nais ipaabot sa atin ng Pagbasang
ito ay lilinisin tayong lahat ng Panginoon sa Kanyang pagdating. Lilinisin tayong lahat mula sa ating mga
kasalanan. Mas malalim pa nga ang
salitang ginamit. Dadalisayin tayo ng
Panginoon. Medyo mahirap ang pagdalisay
sa atin ng Panginoon, pero kahit gaano mang kahirap, gagawin ito ng Panginoon
dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin at nais Niyang makasama Niya sa Kanyang
kaharian sa langit.
Ang Panginoong Hesus ay
inilalarawan ng manunulat ng Ikalawang Pagbasa bilang saserdote. Hindi pangkaraniwang saserdote si Hesus. Siya ang pinakadakilang saserdote. Ang gawain ng isang saserdote ay ang
maghandog ng mga susunuging alay sa Panginoon.
Pero, hindi pangkaraniwang alay ang ginawa ni Hesus. Bakit?
Hindi tupa o kambing ang inalay Niya, kundi ang buhay Niya. Ang buhay ni Kristo ang naging handog sa Ama. Inihandog ni Kristo ang Kanyang sariling
katawan, dugo at buhay alang-alang sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, ang bawat
tao ay nililinis. Nililinis tayo mula sa
ating mga kasalanan. Kahit gaano mang
kahirap ang ginawa ng Panginoon, ginawa pa rin Niya ito bilang pagsunod sa kalooban
ng Ama at paglinis sa mga kasalanang ginawa ng buong sangkatauhan.
Dumako naman tayo sa
Ebanghelyo. May isang matandang tao na
ang pangalan ay Simeon. May asawa rin
siyang may edad na rin na ang pangala’y Ana.
Ipinangako sa kanya ng Diyos na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya
nakikita ang Mesiyas, ang ipinangakong Tagapagligtas. Napakatanda na si Simeon. May pangako pa ang Diyos kay Simeon. Bago mamatay si Simeon, makikita niya ang
Tagapagligtas. Makikita natin na sa
pangako ng Diyos, maasahan natin palagi ang Diyos. Kapag nangako sa atin ang Diyos, maaasahan
natin na iingatan at tutuparin Niya ang Kanyang pangako. Kung sa tao may konting pagdududa tayo at
taas-kilay, hindi natin iyan magagawa sa Diyos.
Sa bawat araw ng ating buhay, maaasahan natin na tutuparin at iingatan
ng Diyos ang Kanyang pagako sa atin. Hinding-hindi
tayo bibiguin ng Diyos.
Nang makita ni Simeon na
dinadala ni Jose at Maria ang sanggol na Hesus, kinalong niya ang sanggol. Sa wakas, nakita niya ang ipinagako ng
Diyos. Nakita na ni Simeon ang
Mesiyas. Tinupad ng Diyos ang Kanyang
pangako. Makikita ni Simeon ang Mesiyas
bago siya mamatay. Nangyari ang pangako
ng Diyos. Nakita ni Simeon ang Mesiyas,
ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Nakita
niya ang liwanag ng sanlibutan sa pagkatao ni Kristo. Masayang-masaya na si Simeon, siguro, dahil
pagkatapos nito, makakapaghimlay na siya sa piling ng Panginoon.
Matagal na naghintay sina
Simeon at Ana para sa pangako ng Diyos.
Kahit gaanong katagal ang pagdating ng pangako ng Diyos, naghintay pa
rin sila. Hindi nagtagal, ipinakilala ng
Diyos sa mag-asawa ang Mesiyas.
Ipinakilala ng Diyos si Hesukristo, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Hinding-hindi sila binigo ng Diyos. Hindi sila nawalan ng pag-asa. Ang Diyos ay palaging maasahan. Kapag nangako ang Diyos, hindi biro
iyon. Seryoso ang Diyos sa pangako
Niya. Totoo ang Kanyang pangako. Mapagkakatiwalaan ang bawat pangako ng
Diyos. Kung iniisip natin na wala
tayong mapagkakatiwalaan, nagkakamali tayo.
Ang Diyos ay palagi nating maasahan at hinding-hindi Niya tayo bibiguin
dahil minamahal Niya tayo at mahalaga tayo sa paningin ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento