Ika-5 Linggo sa Karaniwang
Panahon (A)
Isaias 58, 7-10/Salmo 111/1
Corinto 2, 1-5/Mateo 5, 13-16
Ang
Unang Pagbasa po ay tungkol sa mga korporal na gawa ng awa. Pito po ang mga korporal na gawa ng awa. Ilan lamang po sa mga gawaing ito ay ang
pagpapakain at pagpapainom sa mga nagugutom at nauuhaw, pagpapatuloy sa mga
walang matutuluyan at pagpaparamit sa mga walang damit. Sa pamamagitan ng paggawa ng mga korporal na
gawa, ipinapakita natin ang ating tulong sa ating kapwa-tao na nangangailangan.
Ang
paggawa ng mabuti sa ating kapwa-tao ay ang pagiging liwanag sa
sanlibutan. Hindi lamang ito para sa mga
Israelita kundi para sa ating lahat. Paano
tayo magiging liwanag ng mundo? Sa
pamamagitan ng paggawa ng mabuti. Dagdag
pa ng Panginoon sa ika-25 kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo na ang
mga ginagawa natin sa ating kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga ginagawa natin
para sa Kanya.
Sa
Ikalawang Pagbasa naman, makikita natin kung paanong si Apostol San Pablo ay
nangaral sa mga taga-Corinto. Hindi siya
nagturo ayon sa karunungan ng tao, kundi ginabayan siya ng Espiritu Santo at ng
kapangyarihan ng Diyos. Noong pumunta
siya sa Corinto upang mangaral tungkol kay Kristo, hindi siya naging
masikat. Hindi siya kilala. Para bang low-profile
ang pagdating ni San Pablo Apostol sa Corinto.
Bilang
isang dayuhan sa Corinto, siyempre natakot si Apostol San Pablo. Hindi porke’t na isa siyang santo, wala na
siyang kahinaan. Kapag lumilipat tayo sa
ibang lugar, hindi ba kinakabahan o natatakot tayo? Hindi kasi tayo kilala sa lugar na iyon, di
tulad ng lugar na kung saan tinitirhan natin, marami tayong kakilala. Si San Pablo Apostol rin ay natakot din. Ngunit sa tulong ng Diyos, nangaral siya
tungkol kay Hesukristo. Siya’y ginabayan
ng Diyos sa kanyang misyon.
May
misyon na ipinagkakatiwala sa atin si Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon. Ito po ay pagiging mga asin at liwanag ng
sanlibutan. Napakahirap na pananagutan
ito. Isa itong biyaya mula sa
Panginoon. Pero, mahirap para sa atin
ang gampanan ang misyong ito. Paano
nating magagampanan ang malaking pananagutang ito ipinagkakatiwala sa atin ni
Kristo? Masyadong mahirap ito. Napakalaki ang pananagutang ipinagkatiwala sa
atin ng Panginoon.
Ang
kabuluhan ng misyong ito ay upang magbigay ng papuri sa Diyos ang lahat ng
tao. Kahit gaanong kalaki at kabigat ang
misyong ito, ito’y hindi para sa atin.
Ito’y para sa Diyos. Hindi lamang
po para sa mga Israelita o Hudyo sa Unang Pagbasa ang pagiging liwanag ng
mundo. Hindi lamang po para sa mga
alagad ang misyong ito. Para sa ating
lahat ang misyong ito.
Papaano
ba tayong maging mga asin at liwanag ng mundo?
Sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa.
Kung ano ang ginawa nating mabuti para sa ating kapwa-tao, ginagawa
natin ito kay Hesus at para kay Hesus. Maraming
paraan upang gumawa ng mabuti sa kapwa-tao.
Katulad lamang ng mga korporal at espirituwal na gawa ng awa. Pagpapakain sa mga nagugutom, pagpapatuloy sa
mga walang tirahan, pananalangin para sa kapwa, at marami pang iba.
Pero,
isang babala lamang. Huwag gawing
pampasikat ang pagpapagawa ng mabuti sa kapwa.
Ang misyong ito ay hindi upang magkaroon ng mga tagahanga. Kung gusto niyong sumikat, gumawa na lang
kayo ng pelikula o pumasok sa palakasan (sports). Hindi pampasikat ang misyon ito. Hindi dapat pakitang-tao ang ating mga
ginagawa nating paglingkod sa Diyos.
Hindi dapat tayo ang bida. Dahil
kung tayo ang naging bida, hindi natin ginagampanan ng tama ang ating misyon
bilang tagapaglingkod ng Diyos.
Napakaraming
paraan ng paggawa ng kabutihan sa kapwa.
Kabilang na rito ang pagkakawang-gawa at pananalangin sa Diyos para sa
kapwa-tao na nabubuhay at ang mga namayapa na.
Ang tanging layunin ng ating misyon bilang asin at liwanag ng sanlibutan
ay upang maparangalan ang Diyos. Hindi
tayo ang bida; ang Diyos ang bida. Siya
ang humirang at nagsugo sa ating lahat bilang misyonero, pari, obispo, madre,
at maging mga layko. Pero, gumawa tayo ng kabutihan nang may
pagpapakumbaba. Magpakababa tayo at
ipahayag natin ang Mabuting Balita ng Panginoon sa pamamagitan ng ating salita
at mabubuting gawa. Iyan ang pagiging
asin at liwanag ng sanlibutan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento