Biyernes, Agosto 31, 2018

SUMUNOD KA NA LANG

2 Setyembre 2018 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Deuteronomio 4, 1-2. 6-8/Salmo 14/Santiago 1, 17-18. 21b-22. 27/Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-23 


Photo courtesy: (https://www.agnusday.org/

Ang aral na itinuturo sa atin sa mga Pagbasa ay ang pagiging masunurin sa mga utos ng Diyos. Ang mga utos ng Diyos ang dapat maging pamantayan kung paano tayo mamuhay. Kung tunay nating minamahal ang Diyos, mamumuhay tayo ayon sa Kanyang mga iniuutos at loobin. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang ayon sa mga utos at loobin ng Diyos, pinapatunayan natin ang ating pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Ipinapahayag natin na tunay tayong nasa panig ng Diyos kung tayo'y tatalima sa Kanyang mga utos nang buo nating buhay. 

Sa Unang Pagbasa, pinaalalahanan ni Moises ang mga tao na huwag dagdagan o bawasan ang mga utos ng Diyos. Ibinigay ng Panginoong Diyos ang Kanyang mga utos kay Moises para sundin ng mga tao. Ang mga utos ng Panginoong Diyos ang magsisilbing pamantayan ng pamumuhay na puno ng kabanalan para sa Kanyang bayan. Nais ng Diyos na mamuhay ang mga Israelita ayon sa Kanyang mga iniuutos. Nais ng Diyos na maligtas ang Kanyang bayan mula sa kapahamakan. 

Kaya, iyan ang ipinaalala ni Moises sa mga tao. Hindi dapat piliin kung alin sa mga utos ng Diyos ang susundin. Hindi rin dapat dagdagan ang mga utos ng Diyos. Iisa lamang ang isinasalungguhit ng paalalang ito ni Moises - hindi magkapantay ang tao at ang Diyos. Higit na dakila ang Diyos kaysa sa mga tao. Ang mga tao ay mga hamak na lingkod lamang ng Diyos. Kaya, wala silang karapatang magdagdag o magbawas ng mga utos. Tanging ang Diyos lamang na Siyang bukal ng lahat ng kabanalan ang makakagawa ng mga utos para sa mga tao. Siya lamang ang nakababatid kung ano ang nakakabuti para sa bawat isa. At kung dinadagdagan o binabawasan ng isang tao ang mga utos ng Diyos, para na rin niyang sinasabing siya'y kapantay ng Diyos. 

Ang paalala ni Moises sa Unang Pagbasa ay siya ring paalala ni Apostol Santiago sa Ikalawang Pagbasa. Pinaalalahan ni Apostol Santiago ang lahat na ang Salita ng Diyos ay dapat sundin at isabuhay. Nararapat lamang na itapat ng bawat isa sa kani-kanilang mga puso ang Salita ng Diyos. Pinapatunayan ng bawat isa na tunay nga silang nasa panig ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagtalima at pagsasabuhay sa Kanyang Salita. At ang Salita ng Diyos ang gagabay sa bawat isa sa landas ng kabanalan. Kaya, kung nais ng bawat isa na maging banal, dapat nilang sundin at isabuhay nang buong puso't kaluluwa ang Salita ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, binatikos ni Hesus ang mga Pariseo at ilang mga eskriba na pumuna sa mga alagad dahil hindi sila naghugas ng kamay bago kumain. Para kay Hesus, masyadong nakatuon ang pansin ng mga Pariseo at mga eskriba sa mga kinaugalian ng mga tao. Nakakaligtaan na nila kung ano ang tunay nilang misyon. Nakalimutan na nila kung ano ang tunay na mahalaga sa paningin ng Diyos. Ang tunay na mahalaga sa paningin ng Diyos ay ang buong puso't kaluluwang pagtalima at pagsasabuhay sa Kanyang mga utos. Ang tunay na kalugud-lugod sa paningin ng Diyos ay ang pagtalima sa Kanyang kalooban. At iyon ang dapat itinuturo ng mga Pariseo at mga eskriba sa taumbayan. Subalit, sa inaasal ng mga Pariseo at mga eskriba, ipinapakita nila na mas pinahahalagahan nila ang turo ng mga tao kaysa sa mga kautusan ng Panginoong Diyos. 

Para kay Hesus, wala namang saysay ang pagsunod sa mga tradisyon kung hindi naman sinusunod ang kaloban ng Diyos. Aanhin pa ang mga ritwal kung ang mga utos ng Diyos ay hindi naman isinasabuhay? Iyan ang pinagtutuunan ng pansin ni Hesus. Hindi naman tinututulan o pinapawalang-bisa ng Panginoong Hesus ang mga tradisyon at mga ritwal. Subalit, nais ni Hesus na malaman ng bawat isa na higit na importante ang mga utos ng Diyos kaysa sa tradisyon. Mas dapat pahalagahan ang mga utos ng Diyos kaysa sa tradisyon. At ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay higit na mahalaga kaysa sa pakikiisa sa mga tradisyunal na ritwal. 

Nais ng Panginoon na sundin natin sa Kanyang mga utos. Nais ng Panginoon na tahakin nating lahat ang landas ng kabanalan. Nais ng Panginoon na maging bukal sa puso't kalooban ng bawat isa ang pagtupad sa Kanyang mga utos at loobin. Sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos at tuntunin, inihahayag ng bawat isa ang kanyang pagmamahal at pagpanig sa Kanya. Napapatunayang taos-puso ang pagsamba at pananampalataya ng bawat isa sa pamamagitan ng buong puso't kaluluwang pagtalima at pagpahalaga sa kalooban ng Diyos. At ang sinumang tumupad at nagpahalaga sa Salita ng Diyos nang buo niyang buhay ay makakapiling Niya sa langit magpakailanman sa katapusan ng kanyang buhay dito sa lupa. 

Sabi ng Mahal na Birheng Maria sa mga lingkod sa kasalan sa Cana, "Sundin niyo ang anumang iutos Niya (ni Hesus)." (Juan 2, 5) Ito ang aral na itinuturo sa bawat isa ngayon. Sumunod na lang tayo sa Panginoon. At kung susundin natin ang Panginoon nang buong puso't kaluluwa, tayong lahat ay ililigtas Niya sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa at papapasukin sa Kanyang kaharian sa langit kung saan Siya'y makakapiling natin magpakailanman. 

Gusto ba nating makapiling ang Panginoon sa langit? Sumunod sa Kanyang mga utos at tuntunin nang buong katapatan at nang buong buhay. 

Huwebes, Agosto 23, 2018

WALANG PILITAN

26 Agosto 2018 
Ikadalawampu't Isang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Josue 24, 1-2a. 15-17. 18b/Salmo 33/Efeso 5, 21-32/Juan 6, 60-69 

Inilahad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang turo ng Simbahan tungkol sa kasal. Napakasagrado ang Sakramento ng Kasal. Sa Sakramento ng Kasal, isang lalaki at isang babae ay manunumpa sa harapan ng Panginoon at ng Kanyang sambayanan na iibigin nila ang isa't isa nang buong katapatan habambuhay. Ang pangako ng pamumuhay bilang isa sa paningin ng Diyos ay ihahayag ng lalaki at babaeng ikakasal sa sakramentong ito. Kaya nga, ang tawag sa sakramentong ito ay ang Sakramento ng Pag-Iisang Dibdib. Masasaksihan sa Sakramento ng Pag-Iisang Dibdib ang kusang panunumpa ng isang lalaki at isang babae na mamuhay bilang magkabiyak ng puso, bilang isa. At ang pagpapahayag ng mga pangakong ito ay kusa at walang pilitan. Wala nang atrasan pagdating sa pag-iisang dibdib. 

Ang turong ito ng Simbahan ay hindi nagbabago. Marami pang mga turo ang Simbahan na hinding-hindi magbabago, tulad ng doktrina ng Banal na Santatlo at ng tunay na presensya ni Kristo sa Banal na Eukaristiya. Hindi porke't nagbabago ang panahon ay nangangahulugang babaguhin ng Simbahan ang turo at aral na kanyang tinanggap mula kay Hesukristo. Ang mga ipinangaral ni Kristo Hesus na ipinalaganap rin ng mga apostol sa bawat sulok ng daigdig noong sila'y nabubuhay pa dito sa daigdig ay hindi nagbago kailanman. Bagkus, ang mga turo't aral na ito ay patuloy na pinapahalagahan at ipinapangaral ng Simbahan hanggang sa kasalukuyang panahon. Tanggapin man o hindi ng mga tao, hindi babaguhin ng Simbahan ang doktrinang tinanggap niya mula kay Kristo. 

Hindi pinipilit ng Simbahan ang bawat tao na tanggapin ang mga aral na kanyang tinanggap mula sa Panginoong Hesukristo. Ang bawat tao ay binigyan ng Diyos ng kalayaan upang magpasiya. Desisyon na iyan ng bawat tao kung tatanggapin ba nila o hindi ang mga turo't aral ng Panginoong Hesus na ipinamana sa Simbahan. Ang desisyon kung ang mga turo ni Kristo Hesus na ipinapalaganap ng Simbahan ay nasa kamay ng bawat tao. Ang bawat tao ay may kalayaang magpasiya. 

Kaya nga, sa salaysay sa Ebanghelyo ngayon, dalawang ulit na tinanong ni Hesus ang Kanyang mga tagasunod kung nais nila Siyang talikuran. Ang una ay noong sinabi ng mga tao na napakahirap tanggapin ang Kanyang mga itinuturo at ang pangalawa naman ay noong karamihan sa Kanyang mga tagasunod ay umalis na. Tinanong Niya ang Labindalawa kung nais rin nilang umalis katulad ng ibang nauna sa kanila. Para sa karamihan ng mga alagad ni Hesus, ang Kanyang mga itinuturo ay napakahirap unawain at tanggapin. Subalit, sa kabila ng mga reaksyon ng Kanyang mga tagasunod, hindi binago ng Panginoong Hesus ang Kanyang mga turo. Ang mga reaksyon ng Kanyang mga tagasunod ay hindi naging dahilan para kay Hesus na baguhin ang Kanyang mga turo. Katunayan, hindi nga pinilit ni Hesus ang Kanyang mga tagasunod na tanggapin ang Kanyang mga itinuro. 

Hindi pinipilit ang bawat tao na tanggapin at sundin ang kalooban ng Diyos. Sariling desisyon na iyan ng bawat tao. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang desisyon ni Josue. Inihayag ni Josue na siya'y tatalima at maglilingkod lamang sa Diyos sa kabila ng desisyon ng mga tao kung kanino sila maglilingkod at tatalima. Anuman ang pagpasiyahan ng mga tao kung kanino sila papanig at maglilingkod nang buong katapatan, buong kagitingang inihayag ni Josue na mananatili siyang tapat sa Panginoong Diyos. Hindi siya magpapaimpluwensiya sa desisyon ng bayang Israel. Talikuran man ng lahat ng mga Israelita ang Panginoong Diyos, si Josue at ang buo niyang angkan ay mananatiling tapat sa Kanya. Gaano mang kahirap tanggapin at sundin ang kalooban ng Panginoon, mananatiling tapat si Josue at ang kanyang angkan sa Kanya hanggang wakas. 

Laging tinatanong ang bawat Kristiyano araw-araw kung tatanggapin ba nila o hindi ang kalooban ng Diyos. Sa pagsagot sa katanungang ito, kinakailangang maging totoo sa kanilang mga sarili ang bawat isa. Kailangang suriin nang mabuti ang bawat isa upang masagot ang katanungang ito. Wala namang pinipilit na sumunod sa kalooban ng Diyos. Sariling desisyon na iyan ng bawat isa. Ang bawat isa ay malayang magpasiya para sa kanyang sarili. 

Walang pilitan ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ang bawat isa'y binigyan ng Diyos ng kakayahang magpasiya. Gamitin natin nang mabuti ang kakayahang iyan. Pagpasiyahan natin nang mabuti kung mananatili tayong tapat sa Diyos. Hindi Siya namimilit. Magpakatotoo lang tayo. Igagalang Niya ang ating desisyon. 

Biyernes, Agosto 17, 2018

BUHAY NA WALANG HANGGAN SA PILING NG PANGINOON SA LANGIT

19 Agosto 2018 
Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Kawikaan 9, 1-6/Salmo 33/Efeso 5, 15-20/Juan 6, 51-58 


Sa Ebanghelyo, ipinagpatuloy ng Panginoong Hesus ang Kanyang pangangaral tungkol sa Tinapay ng Buhay. Muling inihayag ni Hesus sa pagpapatuloy ng Kanyang pangangaral na Siya ang Tinapay ng Buhay. Siya ang tunay na pagkain at inuming bumaba mula sa langit. Ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo lamang ang tanging makakapawi sa mga matitinding kagutuman at kauuhawan ng bawat tao, lalung-lalo na ang mga 'di kayang pawiin ng anumang pagkain at inumin na mahahanap dito sa daigdig na ito. Pansamantala lamang ang pagpawi ng mga pagkain at inumin dito sa daigdig sa mga kagutuman at kauuhawan natin. 

Patuloy na inaanyayahan ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang mga tagapakinig na tanggapin at pagsaluhan ang pagkain at inuming mula sa langit. Ang pangako ni Hesus sa mga makikinabang sa Kanyang Katawan at Dugo - sila'y magkakaroon ng buhay na walang hanggan (6, 56). At ang buhay na walang hanggan ay hindi matatagpuan dito sa lupa kundi sa piling ng Panginoon sa Kanyang maluwalhating kaharian sa kalangitan kung saan Siya'y naghahari magpakailanman. 

Ang paanyaya ni Kristo sa Ebanghelyo ay tulad ng paanyayang isinalaysay sa Unang Pagbasa mula sa aklat ng mga Kawikaan. Ang paanyaya ng Karunungan sa lahat na lumapit sa Kanya upang makasumpong ng aral mula sa Kanya, kainin at inumin ang Kanyang mga inihanda para sa kanila, at tahakin ang Kanyang landas. Sa Ingles na pagsalin ng salaysay na iyon, ang larawan ng isang ina ay ginamit upang ilarawan ang paanyaya ng Karunungan. Sa ganitong paraan ri'y inanyayahan ni Kristo ang lahat na pagsaluhan ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa Banal na Eukaristiya upang makamit ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling Niya sa langit na siyang tunay na Paraiso. 

Inaanyayahan ni Kristo ang bawat isa na magsalu-salo sa piging na inihanda Niya dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Nais ni Kristo na magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat isa. Nais ni Kristo na ang bawat isa'y mamuhay sa piling Niya magpakailanman sa Kanyang kaharian sa langit. Nais ni Kristo na makarating sa langit ang bawat isa. Ayaw Niyang mapahamak ang bawat tao sa katapusan ng kanilang buhay dito sa lupa. Hinahangad ni Kristo Hesus na maligtas ang lahat ng tao. Kaya Niya ibinigay ang Kanyang Katawan at Dugo upang ating mapagsaluhan sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Kaya Niya inaanyayahan ang bawat isa sa pamamagitan ng Kanyang Salita. 

Subalit, kung nais nating makasalo ang Panginoon sa Kanyang piging sa kalangitan, may mga kailangan tayong gawin upang maging karapat-dapat. Ang mga Pagbasa ay nagbigay ng dalawang mahahalagang bagay na dapat gawin upang maging karapat-dapat ang bawat mananampalataya na makasalo si Kristo sa langit magpakailanman. Una, tanggapin ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa Banal na Eukaristiya. Ang Panginoong Hesukristo ay tunay ngang nasa Banal na Eukaristiya. Ang Tinapay at Alak sa Banal na Misa ay ang Kanyang Katawan at Dugo. Tulad ng ipinangako sa Ebanghelyo, buhay na walang hanggan ang ipagkakaloob sa sinumang tatanggap ng Katawan at Dugo ni Kristo. At pangalawa, unawain at sundin ang kalooban ng Diyos. Ito ang habilin ni Apostol San Pablo sa lahat ng mananampalataya sa Ikalawang Pagbasa. Kinakailangang unawain at sundin ng bawat mananampalataya ang kalooban ng Diyos, gaano mang kahirap ito. Ang sinumang mamumuhay ayon sa kalooban ng Diyos ay tunay ngang may karunungan. Sa pamamagitan ng pagtupad sa dalawang gawaing ito na isinalungguhit sa mga Pagbasa, tinatahak ng bawat mananampalataya ang landas ng kabanalan. At ang sinumang tumahak sa landas ng kabanalan ay magkakamit ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit. 

Tanging mga banal lamang ang makakapasok sa langit. Walang sinumang may kasalanan ang makakapasok sa langit. Kaya habang tayo'y naglalakbay dito sa lupa, sikapin nating mamuhay nang may kabanalan. Mamuhay tayo ayon sa kalooban ng Diyos. Hayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa ating buhay. Tanggapin rin natin ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo sa Banal na Misa sa tuwing tayo'y magsisimba linggo-linggo. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kabanalan at pagtanggap sa Katawan at Dugo ni Kristo sa Eukaristiya, matitiyak natin na makakamit natin ang buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit. Sa langit ay makakapiling at makakasalo natin ang Panginoon sa Kanyang piging magpakailanman. Iyan ay ipinapangako sa atin ng Panginoon.

Inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na makapiling Siya sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman. Inaanyayahan tayo na makasalo Siya sa piging na Kanyang inihanda sa langit. Inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na pagsaluhan ang Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Misa. Ano ang magiging tugon natin sa Kanyang paanyaya? Tayo ang magpapasiya kung tatanggapin ba natin o hindi ang paanyayang ito ng Panginoon at Tagapagligtas nating si Hesus. 

Martes, Agosto 14, 2018

REYNA AT INA

15 Agosto 2018 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria 
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56 




Inilarawan sa isang bahagi ng awitin ng Mahal na Birheng Maria, ang "Magnificat". na itinampok sa salaysay ng Ebanghelyo para sa dakilang pistang ito, kung paanong ang isang taong nasa abang kalagayan ay itinatampok ng Diyos. Sabi sa bahaging yaon ng kanyang awitin, "Ibinagsak Niya (ng Diyos) ang mga hari mula sa kanilang trono, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan." (1, 52) At ang isang halimbawa ng isang taong nasa abang kalagayan na itinaas ng Diyos ay walang iba kundi si Maria. 

Sinong mag-aakalang pipiliin at hihirangin ng Diyos ang isang katulad ni Maria para sa isang napakahalagang tungkulin? Sinong mag-aakalang itatampok ng Diyos ang isang abang babaeng katulad ni Maria? Sinong mag-aakala? Sa mata ng lipunang kinabibilangan ng Mahal na Ina noon, hindi iyon mangyayari. Walang mag-iisip na mangyayari ang posibilidad na iyon. Subalit, nangyari ang hindi nila inakalang mangyayari. Ang Diyos ay pumili at humirang ng isang simpleng babae katulad ni Maria at itinampok mula sa kanyang pagkaaba. 

Ang Mahal na Inang si Maria, sa kabila ng kanyang abang kalagayan, ay pinili't hinirang ng Diyos. Itinampok siya ng Diyos mula sa kanyang abang kalagayan. Ang pagkaaba ni Maria ay batid ng Diyos. Batid ng Diyos kung paanong si Maria ay tinuring ng lipunang kanyang kinabibilangan noong kapanahunang yaon. Subalit, ang opinyon ng lipunan tungkol sa mga katulad ni Maria ay hindi mahalaga para sa Diyos. Ano pa man ang sabihin ng mundo tungkol sa mga katulad ni Maria ay hindi isinaalang-alang ng Panginoong Diyos. Ibang-iba ang pagtingin at pagkilos ng Panginoon sa pagtingin at pagkilos ng tao. 

Hindi nagtapos ang pagtatampok ng Diyos sa Mahal na Ina sa katapusan ng kanyang buhay dito sa lupa. Noong dumating ang oras ng katapusan ng kanyang buhay dito sa daigdig, iniakyat ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa langit. Parehong katawan at kaluluwa ng Mahal na Birhen ang iniakyat ng Diyos sa kalangitan. Hindi pinahintulutan ng Diyos na maagnas ang katawan ni Maria na naging tahanan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus sa loob ng siyam na buwan bago Siya isilang. Kaya naman, muling ipinakita ng Diyos ang Kanyang paglingap kay Maria. Muling itinampok ng Panginoong Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng pag-aakyat sa kanya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa kalangitan sa katapusan ng kanyang buhay dito sa lupa. 

Sa langit, muling nakapiling ni Maria ang Anak niyang minamahal na si Hesus. Si Hesus na muling nabuhay at lumupig sa mga pwersa ng kamatayan. Siya ang tinukoy ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa noong sinabi niyang dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao (15, 21). Siya, ang Diyos na tumubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, ang nag-akyat sa katawan at kaluluwa ng Kanyang Inang si Maria noong sumapit ang oras ng wakas ng kanyang buhay sa lupa. At doon sa Kanyang kaharian sa langit, si Maria ay iniluklok sa Kanyang kanan, tulad ng inilarawan sa Unang Pagbasa at sa Salmo. Si Maria ang Reynang nakaluklok sa kanan ng Haring si Hesus. Sa piling ni Kristo sa langit, mararanasan ang Kanyang kaluwalhatiang walang hanggan tulad ni Maria na kinoronahan bilang Reyna ng Langit at Lupa. 

Inihayag ni Maria sa isang bahagi ng kanyang awit na siya'y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi dahil sa mga ginawa ng Diyos para sa kanya (1, 48-49). At tunay nga itong ginagawa ng bawat binyagang Kristiyano sa Simbahan hanggang ngayon. Ang Mahal na Birheng Maria ay nilalapitan ng lahat ng mga binyagan sapagkat kinikilala ang kanyang pagiging mapalad. Kinikilala siya bilang babaeng bukod na pinagpala sa lahat ng kababaihan. Nilalapitan siya dahil naniniwala silang matutulungan niya sila sa pamamagitan ng kanyang patuloy na pananalangin kay Kristo para sa lahat ng mga kabilang sa Kanyang Simbahan. At si Maria ay pinapakitaan rin ng pagmamahal ng mga kabilang sa Simbahang itinatag ni Kristo Hesus sapagkat ang Diyos ang unang nagpakita ng pagmamahal sa kanya. 

Ang dating babaeng tinititigang pababa ng lipunang kinabibilangan niya noon ay tinitingalaan ngayon ng lahat ng mga Kristiyano namumuhay at naglalakbay sa daigdig na ito. Nilalapitan at hinihiling na sila'y tulungan niya sa pamamagitan ng kanyang walang sawang pananalangin sa Panginoon para sa ating lahat. At siya'y walang iba kundi ang Mahal na Birheng iniakyat sa langit na si Maria. Patuloy siyang nananalangin sa Panginoong Hesukristo para sa atin. Sapagkat tayong lahat ay ipinagkatiwala ng Panginoong Hesus sa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria habang Siya'y nakabayubay sa krus (Juan 19, 26-27). At bilang ating Ina, laging isinasaisip ng Mahal na Birheng Maria ang ating kapakanan. Ganyan tayo kamahal ng ating Inang si Maria na siyang iniakyat sa langit at Reynang nakaluklok sa kanan ng Panginoong Hesus na Siyang tunay na Hari magpakailanman. 

Mayroon tayong Reyna at Inang nananalangin para sa atin mula sa langit. At siya'y walang iba kundi si Maria. Lapitan natin siya. Hilingin natin ang kanyang pagtulong. Tayo'y kanyang tinutulungan sa pamamagitan ng kanyang walang sawang pananalangin kay Kristo. 

Biyernes, Agosto 10, 2018

BUHAY AT PAG-IBIG

12 Agosto 2018 
Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
1 Hari 19, 4-8/Salmo 33/Efeso 4, 30-5, 2/Juan 6, 41-51 



"Mamuhay kayong puspos ng pag-ibig tulad ni Kristo; dahil sa pag-ibig sa atin, inihandog Niya (ni Kristo) ang Kanyang buhay bilang mahalimuyak na hain sa Diyos." (5, 2) Sa talatang ito, pinagtutuunan ng pansin ni Apostol San Pablo ang pagiging mapagmahal ni Kristo para sa ating lahat. Ang pag-aalay ng Panginoong Hesukristo ng Kanyang sarili sa krus para sa ating kaligtasan ang nagsasalarawan ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. At ito ang ating ginugunita at ipinagdiriwang sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. Ipinapaalala sa atin ni Apostol San Pablo na dapat nating tularan ang halimbawang ipinakita ni Kristo na unang nagpakita ng pagmamahal sa ating lahat. 

Ang Banal na Misa ay pagdiriwang ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ibinigay ni Kristo Hesus ang Kanyang sariling Katawan at Dugo upang maging ating espirituwal na pagkain at inumin. At ang Katawan at Dugo ay tunay na nakakapawi ng lahat ng uri ng kagutuman at kauuhawan, lalung-lalo na ang mga di kayang pawiin ng anumang pagkain at inumin dito sa mundo. At ang presensya ni Hesus sa anyo ng tinapay at alak sa Banal na Misa ay tunay. Si Hesus ay lagi nating kapiling sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya bilang tagapawi ng ating mga kagutuman at kauuhawan. 

Ipinadama ng Diyos sa lahat ng tao mula pa noong nilikha Niya ang daigdig ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Isa na rito ay si Elias sa Unang Pagbasa. Nakiusap si Elias sa Diyos na kunin na Niya ang kanyang buhay sapagkat puro mga pagsubok na lamang ang kanyang hinaharap. Punung-puno na ng mga pagsubok ang kanyang buhay. Pagod na pagod na siya. Nais na niyang magpahinga. Subalit, sa halip na bawian ng buhay si propeta Elias, dalawang ulit siyang pinakain ng Diyos. Pinalakas ng Diyos si propeta Elias sa halip na hayaang humina nang humina hanggang sa tuluyang mamatay.

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni San Juan ang pagpapatuloy ng diskurso ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay. Kahit mahirap para sa mga tao na unawain at tanggapin ang mga itinuturo ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili, hindi nagbago ang laman ng Kanyang itinuturo. Bagkus, nanatiling tapat si Hesus sa Kanyang itinuturo tungkol sa Kanyang sarili. Patuloy na ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay. Hindi binago ni Hesus ang Kanyang itinuturo para sa mga tao. Hindi ginawang dahilan ni Hesus ang pagsang-ayon o pagtutol ng mga tao sa Kanyang mga itinuturo para baguhin ang mga ito. 

Buhay at pag-ibig ang ibinibigay ng Panginoon sa ating lahat. Hindi Siya nagbibigay ng mga nakakasama sa atin. Hindi Niya ibibigay ang mga bagay na aakay sa atin tungo sa kasamaan at kapahamakan. Bagkus, ibinibigay Niya ang mga bagay na nakakabuti sa atin. Nagkakaloob Siya ng mga bagay para sa ating kapakanan. At ang mga bagay na Kanyang ipinagkakaloob sa atin ay pawang kabutihan lamang. Walang masamang ibinibigay ang Diyos. Puro kabutihan lamang ang Kanyang ibinibigay sa atin. Ang buhay na Kanyang ibinibigay sa atin ay tunay ngang mabuti. Ang pag-ibig na Kanyang ibinibigay sa atin ay tunay nga ring mabuti. Wala tayong makikitang masama sa mga kaloob sa atin ng Panginoon. 

Kay Hesus natin matatagpuan ang tunay na buhay at pag-ibig. Siya ang bukal ng buhay. Siya ang bukal ng pag-ibig. Siya ang bukal ng lahat ng kabutihan. Siya ang Diyos nating nagmamahal nang tunay. At dahil sa pag-ibig Niyang ito, ibinigay Niya ang sarili Niyang Katawan at Dugo upang maging ating pagkain at inuming espirituwal. Ibinigay Niya ang buo Niyang sarili sa krus alang-alang sa ating kaligtasan. Ito ang ating inaalala sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. 

Tunay ngang pagdiriwang ng buhay at pag-ibig ang Banal na Misa. Sapagkat sa pagdiriwang ng Banal na Misa, tinatanggap natin ang Tinapay ng Buhay. Ang bawat isa ay nakikinabang sa Katawan at Dugo ni Kristo Hesus na nagkakaloob ng buhay at pag-ibig. At ang buhay at pag-ibig na kaloob sa atin ni Kristo ay tunay at walang hanggan. Hindi nating mahahanap ang walang hanggang buhay at pag-ibig dito sa daigdig. Matatagpuan lamang natin iyon kay Hesus na kapiling natin sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa anyo ng tinapay at alak. 

Linggo, Agosto 5, 2018

KALUWALHATIANG NAGHAHAYAG NG PAGMAMAHAL

6 Agosto 2018
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (B) 
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Marcos 9, 2-10


Ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo sa Bundok ng Tabor ay isa sa mga pinakamahalagang sandali sa Kanyang buhay bago ang Kanyang Misteryo Paskwal. Sa sandaling ito'y lalong binigyang linaw ang pakay ng Panginoong Hesukristo sa sanlibutan. Bakit nga ba pumarito sa lupa si Hesus? Ang tanong na iyan ang pinagtuunan ng pansin ng Kanyang Pagbabagong-Anyo. Nagbagong-anyo si Hesus upang magbigay ng kahit kaunting bakas ng Kanyang tungkulin dito sa lupa bilang Mesiyas at Manunubos ng lahat. 

Pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa ang kaluwalhatian ni Kristo. Si Propeta Daniel ay nagsalita sa Unang Pagbasa tungkol sa isang pangitain. Sa pangitaing yaon, nakita ni Daniel ang Panginoon. Ang pangitain ni Daniel sa Unang Pagbasa ay tungkol sa kaluwalhatian ng Panginoon. At iisang pangyayari lamang ang pinagtutuunan ng pansin sa mga salaysay ng Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo - ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus. 

Sa Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus, nahayag ang Kanyang kaluwalhatian. Kaluwalhatiang naghahayag ng pagmamahal. Ang kaluwalhatian ni Hesus ang nagsasalarawan sa Kanyang tunay at wagas na pag-ibig para sa sangkatauhan. Ang Kanyang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob ang tunay na dahilan kung bakit ipinasiya ni Hesus na kamtin ang Kanyang kaluwalhatian. Kinamtan ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Ipinapakita ng kaluwalhatian ni Hesus ang Kanyang walang hanggang pag-ibig para sa lahat. Iyan ang nais ilarawan ni Hesus sa Kanyang Pagbabagong-Anyo sa bundok. Sa Kanyang kaluwalhatian makikita ang Kanyang pagmamahal. Ang walang hanggang pag-ibig ni Hesus sa lahat ay inilalarawan ng Kaniyang kaluwalhatian. At nais ni Hesus na makilala natin Siya bilang Panginoon at Diyos na tunay na nagmamahal. Iyan ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang bumaba sa lupa upang tayo'y iligtas.

Ang walang hanggang pagmamahal ni Hesus para sa lahat ang naghahayag ng Kanyang kaluwalhatian. Tunay nga itong kamangha-mangha.

Sabado, Agosto 4, 2018

HUWAG HANGARIN ANG MGA MASASAMANG BAGAY

5 Agosto 2018 
Ikalabing-walong Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Exodo 16, 2-4. 12-15/Salmo 77/Efeso 4, 17. 20-24/Juan 6, 24-35

Bilin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso na dapat talikuran at hubarin ang mga masasamang pita. Ang mga masasamang hangarin ang dudulot ng kapahamakan sa bawat isa. Kaya naman, ipinapaalala ni Apostol San Pablo kung ano ang dapat gawin ng mga tunay na nakikinig at sumusunod kay Kristo. At ang mga turo at aral ni Kristo ay buong katapatang isinasabuhay ng mga totoong nakikinig sa Kanya. 

Huwag hangarin ang mga masasamang bagay. Huwag maging gahaman. Huwag maging makasarili. Magtiwala lamang sa Diyos. Siya ang bahala. Siya ang mag-aayos ng lahat ng bagay. Siya ang magkakaloob sa atin ng anumang kailangan natin. Kaya nga, sabi nga sa panalanging itinuro sa atin ni Hesukristo, "Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw" (Mateo 6, 11). Sa pamamagitan ng ating pagtitiwala sa Diyos, ipinapahayag natin ang ating hangarin na matupad ang Kanyang kalooban. At iyon ay tunay na kalugud-lugod sa Kanyang paningin. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang paghangad ng mga tao para sa mga bagay na masasama. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng mga tao sa kanilang pagrereklamo kay Moises ang kanilang hangarin na manatiling mga bihag at alipin na lamang sa Ehipto. Matapos silang palayain ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto, inihayag ng mga tao na mas mamatamisin pa nilang mamatay roon kaysa mamatay sa ilang kung saan wala silang mahanap na pagkain o inumin. Ang kanilang pag-iisip ay lumabo dahil sa kanilang paghahangad na makakain uli ng masasarap na pagkain, kahit na ito'y taliwas sa kalooban ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, nabatid ni Hesus ang masasamang hangarin ng mga taong Kanyang pinakain. Batid ni Hesus ang tunay na dahilan kung bakit Siya sinundan ng mga tao. Batid ni Hesus na nais Siyang gawing hari dahil sa Kanyang ginawa para sa kanila. Batid ni Hesus na pansariling interes lamang ang umudyok sa mga tao na hanapin at sundan Siya. Alam ng Panginoong Hesus na Siya'y sinundan nila upang magkaroon sila ng napakaraming pagkain. Nais nilang abusuhin ang biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon. Nais nilang abusuhin ang habag at malasakit ng Panginoong Hesukristo. Balak nilang samantalahin si Hesus para mapakinabangan nila. Hinanap at sinundan nila ang Panginoong Hesukristo dahil naniwala silang mayroon Siyang pakinabang para sa kanila. 

Ang hangarin ng mga tao sa Unang Pagbasa at sa Ebanghelyo ay hindi dapat maging hangarin ng bawat taong nakikinig sa Salita ng Diyos. Hindi dapat ihangad ng bawat isa na maging mas mataas pa kaysa sa Panginoon. Hindi dapat ihangad ng bawat isa na diktahan o kontrolin ang Diyos. Bagkus, ang dapat hangarin ng bawat taong nakikinig at tumutupad sa Salita ng Diyos ay ang katuparan ng Kanyang kalooban. Kung tunay ngang pinahahalagahan ng bawat isa ang Salita ng Diyos, buong kababaang-loob siyang tatalima at mananalig sa kalooban ng Panginoon. Ang pagbibigay ng buong pusong pananalig sa awa't habag ng Panginoon ang nagpapatunay na talagang pinapahalagahan ng bawat isa ang Kanyang mga atas. 

Pinagkalooban ng Diyos ng mana ang mga Israelita sa Unang Pagbasa. Si Hesus ay ipinagkaloob ng Ama sa Bagong Tipan upang maging pagkain at inuming pang-espirituwal ng lahat. At tanging Siya lamang ang makakapawi sa mga kagutuman at kauuhawang hindi mapapawi ng anumang pagkain o inumin dito sa lupa. Kaya, walang dahilan para pagdudahan ang Diyos. Walang dahilan para hangarin ang masasamang bagay. Ang dapat hangarin ay ang katuparan ng kalooban ng Diyos.