Sabado, Setyembre 26, 2020

ANG KAGITINGAN NG MGA TAPAT SA DIYOS

28 Setyembre 2020 
Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir 
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25*/Mateo 5, 1-12 
*Maaring laktawan 



Ang araw na ito ay inilaan upang gunitain ang unang Martir at Santo ng Pilipinas na walang iba kundi si San Lorenzo Ruiz. Isa itong espesyal na araw na ito sapagkat inaalala natin ang kagitingan ng unang Pilipinong Santo at Martir na si San Lorenzo Ruiz. Bilang unang Pilipinong Santo at Martir, ipinakita niya ang kanyang katapatan sa Panginoon hanggang sa huli. Iyan ang dahilan kung bakit siya itinatampok at ginugunita sa araw na ito. Nanatili siyang tapat hanggang sa huli. Kahit na siya'y inusig, ipinasiya pa rin niyang manatiling tapat kay Kristo. Iyan ang aral na ating matutunan mula kay San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong Santo at Martir.

Sa isang bahagi ng mahabang pangaral sa Unang Pagbasa, ang kagandahang-loob at habag ng Diyos ay inilarawan sa pamamagitan ng mga tanong. Ang Diyos ay hindi nagpapabaya. Wala Siyang bibiguin. Ang mga naglilingkod sa Diyos nang buong katapatan ay hindi masisiphayo kailanman. Ang Diyos ay hindi naghahatid ng kabiguan o kasiphayuan sa Kanyang mga matapat na lingkod. 

Ito rin ang binigyan ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Ang mga inuusig alang-alang sa Kanya ay itinuring na mapalad. Kahit na inuusig sila, mapalad pa rin sila sa paningin ng Diyos dahil ipinapakita nila ang kanilang katapatan sa Kanya. Kahit nasa harap ng matinding panganib, pinili pa rin nilang mamuhay alang-alang sa Diyos. Pinili nilang talikuran ang kasamaan at mamuhay nang banal. Sa halip na piliin ang kanilang sarili, pinili nila ang Panginoon. Ang kaharian ng Panginoon sa langit ay matatamasa nila dahil sa kanilang katapatan sa Kanya hanggang sa huli. 

Dagdag pa ni Apostol San Pedro sa unang bahagi ng kanyang mahabang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, talikdan ang lahat ng uri ng kasamaan (2, 1). Talikuran ang makasalanang pamumuhay. Kung iyan ang gagawin natin, ipinapakita natin ang ating katapatan sa Panginoon. Ang pagtalikod natin sa kasamaan ay patunay na tayo'y nasa panig ng Diyos. Ang katapatan sa Diyos ay magiging tunay kung ang kasamaan ay tatalikdan at itatakwil.

Itinuturo sa atin ni San Lorenzo Ruiz kung paanong maging tapat sa Diyos nang buong katapatan hanggang sa huli. Sa halip na itakwil at talikdan ang Panginoong Diyos nang sa gayon ay humaba pa ang kanyang buhay dito sa mundo, ipinasiya niyang mamatay bilang isang martir. Ipinasiya niyang manatiling tapat sa Diyos, kahit na ang kapalit nito ay ang kanyang buhay dito sa daigdig. Iyan ang tunay na magiting. Iyan ang tunay na matapat sa Panginoon. 

Linggo, Setyembre 20, 2020

MGA PAGKAKATAONG IBINIBIGAY NG DIYOS

27 Setyembre 2020 
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 18, 25-28/Salmo 24/Filipos 2, 1-11 (o kaya: 2, 1-5)/Mateo 21, 28-32 


Isa lamang ang aral na itinuturo sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Ang bawat isa sa atin ay binibigyan ng Diyos ng pagkakataong maging mabuti at banal katulad Niya. Ilang ulit man tayo magkasala laban sa Kanya, binibigyan Niya tayo ng pagkakataong magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Ang Diyos ay hindi titigil sa pagbibigay ng pagkakataon sa bawat isa sa atin habang nabubuhay pa tayo sa daigdig na ito. Hindi Niya tayo susukuan habang nabubuhay pa tayo sa daigdig. Patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal. 

Sabi nga ng Panginoong Diyos mismo sa Unang Pagbasa, magkakaroon ng buhay ang mga masasamang nagpakabuti. Ang mga salitang ito ng Panginoong Diyos ay naghahatid ng pag-asa sa lahat. Inihayag mismo ng Panginoong Diyos na mayroong pagkakataong magbago ang bawat tao. Gaano pa man kasama ang isang tao, hindi pa huli ang lahat para sa kanya habang siya'y nabubuhay pa sa daigdig. Hindi magiging hadlang ang bilang at ang bigat ng mga kasalanan ng bawat tao upang siya'y makapagbagong-buhay at magpakabuti. 

Ang aral na ito ay binigyan ng pansin ni Hesus sa Ebanghelyo. Ginamit Niya ang talinghaga tungkol sa dalawang anak upang ilarawan ang puntong ito. Gaano man karami o kabigat ang mga nagawang kasalanan, hindi ito magiging basehan upang malaman kung may pag-asa pang magbago ang isang makasalanan. Habang may buhay pa ang bawat tao sa mundo, mayroon pa silang pag-asang tahakin ang landas ng kabanalan. Maaari pa silang magbago at maging mabuti sa paningin ng Diyos. Hindi ipagkakait ng Panginoon ang pagkakataong magbagong-buhay mula sa isang tao dahil sa dami o sa bigat ng mga nagawang kasalanan. Hindi iyan ang gawain ng Diyos. Bagkus, patuloy Niyang bibigyan ng pagkakataon ang bawat tao upang magbagong-buhay at maging banal.

Bakit binibigyan ng Diyos ang bawat tao ng pagkakataong magbagong-buhay at maging banal? Nais ng Diyos na mamuhay na nakaugnay kay Kristo ang bawat tao sa mundong ito. Si Apostol San Pablo ay nagsalita at nangaral tungkol sa buhay na nakaugnay sa Panginoong Hesus sa Ikalawang Pagbasa. Iyan ang nais ng Diyos para sa lahat. Nais ng Diyos na mamuhay na nakaugnay kay Kristo ang lahat. Ang tanging hangarin ng Diyos para sa bawat isa ay makaugnay ang Panginoong Hesukristo. Nais ng Diyos na ang bawat isa sa atin ay Kanyang makaugnay. 

Kaya naman, huwag nating sayangin ang mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa ating lahat. Patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong magbagong-buhay, maging mabuti, at tahakin ang landas ng kabanalan. Samantalahin natin ang mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa atin. Kapag ginawa natin iyon, makakaugnay nating lahat ang butihing Panginoong Diyos. 

Huwebes, Setyembre 17, 2020

ANG PAGLILINGKOD AY HINDI TUNGKOL SA PAGKAMIT NG GANTIMAPALA MULA SA DIYOS

20 Setyembre 2020 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 6-9/Salmo 144/Filipos 1, 20k-24. 27a/Mateo 20, 1-16a 


Isang magandang paksa o tema ang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Tinalakay ang paglingkod sa Diyos. Ang mga tunay na lingkod ng Diyos ay hindi naghahanap o naghahangad ng anumang kapalit para sa Kanya. Oo, makakatanggap ng pagpapala at gantimpala mula sa Diyos ang lahat ng mga maglilingkod sa Kanya. Subalit, ang mga tunay na lingkod ng Panginoong Diyos ay hindi naghahangad ng anumang gantimpala mula sa Kanya. Bagkus, ang tangi nilang hinahangad ay paglingkuran ang Diyos. 

Ang talinghaga tungkol sa mga manggagawa sa ubasan ay isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang mga manggagawa na kumayod at nagtrabaho buong araw ay nagreklamo sa may-ari ng ubasan dahil tila hindi makatarungan ang ginawa niya sa kanila. Parehas lamang ang bayad sa lahat ng mga manggagawa sa ubasan. Ang mga unang nagtrabaho sa ubasan ay nakatanggap ng bayad na tulad ng ibinayad sa mga sumunod sa kanila. Kung gagamitin ang lohika o pananaw ng mundong ito, hindi makatarungan ang ginawa ng may-ari ng ubasan sa talinghaga ni Kristo. 

Kinukunsinti ba ni Kristo ang kawalan ng katarungan? Kinukunsinti ba ni Kristo ang pagiging abusado? Hindi. Ang talinghagang ito ay hindi isinalaysay ni Kristo upang ibigay ang Kanyang pagkunsinti sa pang-aabuso at kalupitan. Katunayan, si Kristo nga ay naging biktima ng kawalan ng katarungan. Ang Kanyang kamatayan sa krus ay hindi makatarungan. Isinalaysay Niya ang talinghagang ito upang ilarawan ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos. Ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos ang dahilan kung bakit iniligtas Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. 

Naghangad ba ng kapalit ang Diyos noong iniligtas Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo? Hindi. Ang Diyos ay hindi naghangad ng kapalit mula sa sangkatauhan. Bagkus, ginawa Niya ito sapagkat niloob Niyang mangyari ito. Kahit na hindi masusuklian ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob, ginawa pa rin Niya ito. Iyan ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos. Hindi naghahanap o naghahangad ng kapalit. 

Kaya naman, ang panawagan sa Unang Pagbasa ay para sa ating lahat. Hanapin at hangarin ang Panginoong Diyos. Ito rin ang panawagan ni Apostol San Pablo sa wakas ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Pagsikapang mamuhay ayon sa Mabuting Balita (Filipos 1, 27a). Kapag pinagsikapan nating mamuhay ayon sa Mabuting Balita, ipinapakita natin na hinahangad natin ang Panginoong Diyos nang higit sa lahat ng bagay. 

Ang bawat isa sa atin ay hinahamon na maglingkod sa Panginoong Diyos nang hindi naghahangad ng anumang kapalit sa Kanya. Ang mga tunay na naglilingkod sa Panginoon ay hindi naghahangad ng anumang gantimpala mula sa Kanya. Hindi nila hinahabol ang Kanyang gantimpala. Bagkus, ipagpapatuloy nila ang kanilang paglilingkod sa Panginoon nang buong puso at nang buong sarili.  

Linggo, Setyembre 13, 2020

HINDI HADLANG ANG SAKIT AT HAPIS

15 Setyembre 2020 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35) 


Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan sa paggunita at pagninilay sa mga hapis ng Mahal na Birheng Maria. Sa kabila ng hapis at dalamhati, ipinakita ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang pag-ibig para sa kanyang Anak na si Hesus. Kahit na siya'y napuno ng hapis at dalamhati sa ilang mga sandali ng kanyang buhay dito sa daigdig, hindi nabawasan ang pag-ibig ng Mahal na Ina para sa Panginoon. Kung tutuusin, sa mga sandali ng hapis at dalamhati, ipinakita ni Maria ang kanyang pag-ibig para sa kay Kristo. Ang hapis at dalamhati ay hindi naging hadlang para kay Maria upang patunayan ang kanyang pag-ibig kay Hesus na kanyang Anak. 

Sa Unang Pagbasa, binigyan ng pansin ang pagdurusa ni Hesus. Sa Ebanghelyo, inilarawan ang sakit at hapis ni Maria habang nasilayan ang kanyang Anak na si Hesus na nakabayubay sa krus. Katunayan, labis ang kanyang hapis nang marinig niya mula kay Simeon sa isa pang salaysay sa Ebanghelyo na maaaring gamitin sa araw na ito na ang puso niya'y "para na ring tinarakan ng isang balaraw" (Lucas 2, 35). Siguro, naaalala ng Mahal na Inang si Maria ang mga salitang ito ni Simeon habang siya'y nasa paanan ng krus ni Kristo. Napakasakit para sa Mahal na Ina na masilayan ang Panginoong Hesukristo na nakapako sa krus. Subalit, sa kabila nito, pinili pa rin ni Maria na samahan si Hesus hanggang sa huli. Kahit masakit para sa kanya, hindi niya iniwan si Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. 

Ipinakita ni Maria sa pamamagitan ng kanyang pananatili sa tabi ng kanyang Anak na si Hesus hanggang sa kahuli-hulihan ang kanyang katapatan at pagmamahal para sa Kanya. Kahit labis na nagdalamhati at nasaktan sa mga sandaling iyon ang Mahal na Ina, pinili pa rin niyang ipakita ang kanyang pagmamahal at katapatan kay Kristo hanggang sa kahuli-hulihan.

Para sa mga tunay na umiibig, hindi magiging hadlang sa pagpapakita ng pag-ibig ang sakit at hapis. Iyan ang aral na itinuturo ng Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Hapis. Sa gitna ng hapis at sakit, patuloy niyang ipinakita ang kanyang katapatan at pag-ibig kay Hesus. 

Sabado, Setyembre 12, 2020

HUWAG NATING KALIMUTAN

14 Setyembre 2020 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


Ang tema ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal ay nasasaad sa Salmo, "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng Diyos" (Salmo 77, 7k). Ang mga gawa ng Panginoon na naghahayag ng Kanyang kadakilaan ay hindi dapat kalimutan. Inihahayag ng Diyos ang Kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Sa bawat sandali ng kasaysayan ng daigdig, ang Diyos ay hindi tumigil sa paggawa ng mga bagay na ito. Isa lamang ang dahilan kung bakit patuloy Niya itong ginagawa - para sa ating ikabubuti. Ang ating kapakanan ay lagi Niyang isinasaisip. Ang Diyos ay gumagawa ng mga dakilang bagay para sa ating kabutihan. Hindi Siya titigil sa paggawa ng mga ito. Kaya naman, hindi natin dapat limutin ang mga gawang ito ng Diyos na naghahayag ng Kanyang kadakilaan. 

Tampok sa mga Pagbasa ang ilan sa mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa Unang Pagbasa, inutusan ng Panginoong Diyos si Moises na gumawa ng isang ahas na tanso. Ang lahat ng mga Israelita na tumingin sa ahas na tanso na pinagawa ng Diyos kay Moises ay gumaling. Ang ahas na tanso na ipinagawa kay Moises ay ginamit ng Panginoon bilang Kanyang instrumento upang mapagaling ang mga Israelitang natuklaw ng makamandag na ahas. Ipinadala ng Diyos ang makamandag na ahas upang parusahan ang mga Israelita. Subalit, Siya rin ang nag-utos kay Moises na gumawa ng isang ahas na tanso upang gumaling ang lahat ng tumingin dito kahit na sila'y tinuklaw ng makamandag na ahas. 

Sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo, ang pinakadakilang gawa ng Panginoon ay tinalakay at binigyan ng pansin. Walang makahihigit sa gawang ito ng Diyos. Ang Panginoon ay pumarito sa daigdig bilang tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang maging handog sa krus para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili ni Kristo sa krus, ang bawat isa sa atin ay naligtas. Isa lamang ang dahilan kung bakit niloob ng Diyos na mamatay si Kristo sa krus bilang handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan - pag-ibig. Dahil sa pag-ibig, ang Diyos ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. 

Hindi natin dapat limutin ang krus ni Hesus. Ang lahat ng hirap, sakit, at pagdurusa sa krus ay pinagdaanan ni Hesus dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Tiniis Niya ang lahat ng iyon hanggang sa Siya'y mamatay sa krus dahil minamahal Niya tayo. Huwag natin itong kakalimutan. 

Miyerkules, Setyembre 9, 2020

SIYA ANG UNANG NAGPATAWAD

13 Setyembre 2020 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sirak 27, 33-28, 9/Salmo 102/Roma 14, 7-9/Mateo 18, 21-35 


Ang pagpapatawad ay pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Ang pagpapatawad ay hindi madali. Hindi biro ang magpatawad. Kung tutuusin, hindi sinabi ng Panginoong Diyos kailanman na madaling magpatawad. Mahirap talaga magpatawad. Subalit, kahit mahirap itong gawin, kailangan pa rin natin itong gawin dahil ginawa rin ito ng Diyos sa atin. Ang bawat isa sa atin ay nagkasala laban sa Panginoon. Subalit, sa kabila ng ating mga kasalanan, pinatawad Niya tayo. Kung ang bawat isa sa atin ay pinatawad ng Panginoon, kailangan nating patawarin ang mga nagkasala laban sa atin. 

Isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ang talinghaga tungkol sa lingkod na hindi marunong magpatawad. Hindi pinatawad ng lingkod na ito ang kanyang kapwa-lingkod na may utang sa kanya, kahit na ang kanyang utang ay pinatawad ng hari. Dahil diyan, siya'y pinarusahan ng hari sa huli. Sa pamamagitan ng talinghagang ito, itinuro ni Hesus ang kahalagahan ng pagpapatawad. Kung ang Diyos ay nagpapatawad, dapat rin tayong magpatawad. Ang aral na ito ni Kristo ay binigyan rin ng pansin sa Unang Pagbasa, Salmo, at Ikalawang Pagbasa. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan rin ang kahalagahan ng pagpapatawad. Sa Salmo, inilarawan ang habag at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paanong ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang awa at habag para sa lahat. Kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang awa at habag sa ating lahat, kailangan nating magpakita ng awa at habag sa kapwa. Oo, mahirap itong gawin. Hindi ito madali. Subalit, kailangan natin itong gawin dahil ang Diyos ang unang gumawa nito sa atin. Kung tunay tayong nasa panig ng Diyos, gagawin pa rin natin ito, gaano man ito kahirap gawin. 

Mas madali para sa Panginoon na hayaan tayong malipol at mapahamak dahil sa ating mga kasalanan. Subalit, sa kabila ng ating mga kasalanan, pinili Niya tayong patawarin. Kaya naman, kung tayo'y tunay ngang nasa panig ng Panginoon, pipiliin nating magpatawad katulad Niya. Pipiliin nating maging mga salamin ng Kanyang habag at awa sa ating kapwa, gaano man ito kahirap. 

Lunes, Setyembre 7, 2020

HINDI PANGKARANIWANG TUNGKULIN

8 Setyembre 2020 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria 
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 



Ipinapaliwanag sa mga Pagbasa ang dahilan kung bakit inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang ipagdiwang ang Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. Bakit nga ba napakaespesyal ang araw ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria sa daigdig? Sabi sa Unang Pagbasa na isang babae ang magsisilang sa sanggol na itinakdang maging hari (Mikas 5, 2). Ipinakilala naman sa Ebanghelyo ang babaeng iyon na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Siya ang babaeng magsisilang sa tunay na Hari na si Hesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos, pagdating ng takdang panahon. Iyan ang dahilan kung bakit napaka-espesyal ng araw na ito. 

Matapos ang kanyang kalinis-linisang paglilihi at ang siyam na buwan na pananatili sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana, ang Mahal na Birheng Maria ay isinilang sa daigdig na ito. Hindi pangkaraniwan ang sanggol na isinilang ni Santa Ana. Bagkus, ang sanggol na ipinaglihi't ipinanganak ni Santa Ana ay ang pinili't hinirang ng Diyos upang maging ina ni Kristo. Ang sanggol na ipinaglihi at isinilang ni Santa Ana ay itinalaga ng Diyos para sa isang tungkulin. Magkakaroon siya ng papel sa planong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Ang papel na ibinigay ng Diyos sa kanya - maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Ang araw na ito ay napakaespesyal dahil ipinagdiriwang natin ang pagsilang ng isang hindi pangkaraniwang sanggol. Siya'y walang iba kundi ang Mahal na Inang si Maria. Siya'y hindi pangkaraniwan dahil niloob ng Diyos na siya'y maging isang napakaespesyal na babae. Si Maria ay itinalaga ng Panginoon para sa isang hindi pangkaraniwang tungkulin. Iyan ang dahilan kung bakit siya napakaespesyal. 

Huwebes, Setyembre 3, 2020

PANANAGUTAN NATIN SA DIYOS

6 Setyembre 2020 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 33, 7-9/Salmo 94/Roma 13, 8-10/Mateo 18, 15-20  


"Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't isa. Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling Niya." Ang mga salitang ito ay mula sa awiting "Pananagutan" na kinatha ng yumaong Padre Eduardo Hontiveros SJ. Isa ito sa mga napakasikat na awitin na kanyang isinulat. Madalas itong marinig tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma, subalit inaawit rin ito sa labas ng panahong yaon. Ang awiting ito ay hindi lamang pang-Kuwaresma.

Napakaganda ng aral at mensahe ng awiting "Pananagutan." Isa lamang ang aral o mensahe ng awiting ito. Ang ating kapwa ay ang ating pananagutan sa Diyos. Ang bawat isa sa atin ay may tungkulin bilang kapwa. Kailangan nating maging mabuti sa ating kapwa. Kailangan nating ituring ang isa't isa bilang ating kapwa. Iyan ang pananagutan o responsibilidad na kinakailangan nating tuparin. Ang nagbigay ng responsibilidad na iyan sa atin ay walang iba kundi ang Diyos.  

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ang pakikipag-kapwa. Katunayan, inilalarawan ng mga Pagbasa ang kahalagahan ng pagiging isang mabuting kapwa. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos na mananagot sa Kanya si propeta Ezekiel kapag hindi niya ipinarating sa bayang Israel o sa isang tao ang babalang nais Niyang iparating sa kanila (Ezekiel 33, 7-8). Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa pag-ibig para sa kapwa. Kailangan nating ibigin ang ating kapwa (Roma 13, 8). Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagturo tungkol sa pakikipagkasundo sa kapwa kapag may alitan o 'di pagkakaunawaan. 

Kung tutuusin, isa lamang ang aral na ibinibigay sa atin sa Linggong ito. Maging mabuting kapwa. Makipagkapwa. Magpaka-kapwa. Iyan ang ating pananagutan o responsibilidad sa Diyos. Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng Panginoong Diyos ng pananagutan sa ating kapwa-tao. Ang ating tungkulin bilang mga Kristiyano at bilang tao ay ang pagiging mabuting kapwa sa isa't isa. 

Maging mabuting kapwa. Magpaka-kapwa. Ang Panginoon ay nalulugod sa mga tutupad sa kanilang pananagutan na maging isang mabuting kapwa. Inihahayag ng bawat isa sa pamamagitan ng pagiging mabuting kapwa sa isa't isa ang kanilang pag-ibig para sa Diyos na nagbigay ng tungkuling ito sa lahat ng tao.