Huwebes, Mayo 28, 2020

INA NG SIMBAHAN, INA NG AWA

1 Hunyo 2020 
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 86/Juan 19, 25-34 


Sa araw na ito na inilaan ng Simbahan sa paggunita sa Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Simbahan, magandang bigyan ng pansin ang kanyang titulo bilang Ina ng Awa. Napakalinaw ng ugnayan ng dalawang titulong ito sa isa't isa. Kilala o tinatawag na Ina ng Awa ang Mahal na Birheng Maria dahil siya ang Ina ni Hesus, ang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Dinala niya sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ang bukal ng awa na si Hesus. Dumating sa mundo ang Panginoong pinagmulan ng awa sa pamamagitan ni Maria na naglihi't nagluwal sa Kanya. 

Ang pagdating ng Panginoong Hesus sa daigdig ay inihayag sa Unang Pagbasa mula sa aklat ng Genesis. Inihayag ng Diyos na dudurugin ang ulo ng ahas. Ang dudurog sa ulo ng ahas, ayon sa pangako ng Panginoong Diyos, ay ang binhi ng babae (Genesis 3, 15). Sa pamamagitan nito, ang tagumpay at kadakilaan ng Awa ng Diyos ay mahahayag. Ang Awa ng Panginoong Diyos ay darating sa daigdig sa pamamagitan ng isang babae. Natupad ito sa pamamagitan ni Hesus at ni Maria. Si Hesus, ang Awa ng Diyos, ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria. Iyan ang dahilan kung bakit si Maria ay tinatawag na Ina ng Awa. Si Maria ay Ina ng Awa dahil sa kanya nagmula ang bukal ng awa na si Hesus. 

Nang si Hesus ay dumating sa daigdig, hindi Siya tumigil sa pagpapakita ng awa kailanman. Lagi Niyang ipinakita ang Kanyang Awa sa pamamagitan ng Kanyang mga pangaral at mga gawa. Hindi layunin ni Hesus ang magpakitang-gilas sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Ang Kanyang mga salita at gawa ay hindi pagpapakita ng galing at karunungan. Hindi Niya ipinagyayabang sa mga tao kung ano Niyang gawin. Bagkus, ang Kanyang mga salita at gawa ay mga palatandaan ng Kanyang Awa. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa, si Hesus ay nagpakilala bilang Panginoon at Hari ng Awa. 

Isang napakagandang halimbawa nito ay itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay hango sa isang bahagi ng napakahabang salaysay ni San Juan tungkol sa Mahal na Pasyon ni Kristo. Sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo, ipinagkatiwala ng Panginoong Hesukristo ang Mahal na Birheng Maria at si Apostol San Juan sa pangangalaga ng isa't isa. Iyan ang dahilan kung bakit ang Mahal na Birhen ay kinikilala bilang Ina ng Simbahan. Si Maria ay naging Ina ng Simbahan dahil sa Awa ng Panginoong Hesus. Mula sa krus, ipinakita ni Hesus ang Kanyang Awa para sa Simbahan sa pamamagitan ng pagbibigay Niya kay Maria upang maging Ina ng Simbahan. Si Maria ay ibinigay ni Hesus sa Simbahan (na noo'y kinatawan ni Apostol San Juan sa paanan ng krus) upang maging kanyang Ina dahil sa Kanyang Awa. 

Bilang Ina ng Simbahan, ang Mahal na Birheng Maria ay nagsisilbing salamin at paalala ng Awa ng Panginoong Hesukristo. Kung paanong hindi sinukuan ni Hesus ang mga apostol sa kabila ng kanilang mga kahinaan at pagkukulang, hindi rin sila sinukuan ni Maria. Sabi sa alternatibong Unang Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol na ang mga apostol ay sinamahan ng Mahal na Inang si Maria sa pananalangin matapos ang Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Hesus (Mga Gawa 1, 14). Buong kataimtimang nanalangin ang mga apostol habang hinihintay ang pagdating ng Espiritu Santo. Kasama nilang manalangin ay ang Mahal na Birheng Maria. Kasama nila ang Mahal na Inang si Maria na patuloy na sumasalamin at nagpapaalala sa kanila sa Awa ng Panginoon. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay kilala bilang Ina ng Awa at Ina ng Simbahan hindi dahil sa awa na nagmumula sa kanyang sarili. Ang awang ipinapakita ng Mahal na Birheng Maria ay hindi hiwalay o magkaiba sa Awa ng Panginoon. Hindi gawa ng sarili niyang kapangyarihan ang awang kanyang ipinapakita. Bagkus, si Maria ay kilala bilang Ina ng Awa at Ina ng Simbahan dahil sa Awa ng Panginoon na patuloy niyang tinataglay at sinasalamin. Ang awang ipinapakita ng Mahal na Birhen sa lahat ng mga bumubuo ng Simbahan ay walang iba kundi ang Awa ng Diyos. Sa Panginoong Diyos nagmumula ang awang ipinapakita ng Mahal na Ina. 

Isang Ina ang ibinigay ng Panginoong Hesus sa Kanyang Simbahan. Ang Mahal na Birheng Maria ay ibinigay ni Hesus sa Simbahan upang maging kanyang Ina dahil sa Kanyang Awa. Niloob ni Hesus na ang Kanyang Inang si Maria ay maging Ina ng Simbahan dahil sa Kanyang Awa. Dahil sa Kanyang Awa, niloob ni Hesus na maging bahagi ng Kanyang pamilya ang Simbahan. 

Martes, Mayo 26, 2020

KAHANGA-HANGANG GAWA NG DIYOS

31 Mayo 2020 
Linggo ng Pentekostes (A) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13/Juan 20, 19-23 


Labis na nagulat ang mga Hudyong dumayo sa Herusalem para sa pagdiriwang ng Pentekostes sa Unang Pagbasa. Sila'y nagulat nang labis sapagkat narinig nila ang mga apostol ni Kristo Hesus na nagsasalita sa kani-kanilang mga katutubong wika, kahit na sila'y mga taga-Galilea. Alam ng mga tao na ang mga apostol ay nagmula sa Galilea. Subalit, sa kabila nito, sila'y nagsalita sa iba't ibang wika tungkol sa mga gawa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga (Mga Gawa 2, 7-8. 11). Hindi nila akalain na makakapagsalita ang mga Galileong ito sa kani-kanilang mga wika. Ang bawat isa sa kanila ay paniguradong nagtaka kung paanong nangyari ito. 

Ang mga apostol ay nakilala ng mga tao. Nakilala sila bilang mga lalaking mula sa lalawigan ng Galilea. Mga simpleng tao lamang ang mga apostol. Sila ay hindi mga dalubhasa. Hindi sila tulad ng mga Pariseo, mga Saduseo, o ng mga eskriba. Sila'y mula sa iba't ibang sektor ng lipunan. May mangingisda, may maniningil ng buwis o publikano, may makabayan, at iba pa. Subalit, sa kabila nito, nakapagsalita sila sa iba't ibang wika tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Paano nga ba nangyari ito? Ni hindi nga sila nag-aral ng ibang wika. Ang mga wikang alam nila ay yaong mga ginagamit nila sa kanilang mga tahanan at sa kanilang bayan. 

Maliwanag na nakasaad sa unang bahagi ng salaysay sa Unang Pagbasa na bago lumabas ang mga apostol mula sa bahay na pinagtitipunan nila, ang Espiritu Santo ay pumanaog sa kanila.  Ang bawat isa sa kanila ay napuspos ng mga biyaya ng Espiritu Santo nang Siya'y pumanaog sa kanila. Nang lumabas sila mula sa bahay, nagsalita ang mga apostol sa iba't ibang wika tungkol sa Panginoon. 

Hindi lamang ang pagsasalita sa iba't ibang wika ang biyayang natanggap ng mga apostol. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: "Iba't iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito" (1 Corinto 12, 4). Ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo ay napakarami. Ang mga biyayang ito ay ipinagkakaloob ng Espiritu Santo upang ang Panginoon ay lalo pang mabigyan ng kadakilaan ng mga naglilingkod sa Kanya. Patuloy Siyang nagkakaloob ng biyaya sa mga lingkod ng Diyos. Ang mga kaloob na ito ay ginamit ng mga apostoles sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo upang mahayag sa pamamagitan nila ang kadakilaan ng Diyos. 

Sa salaysay sa Ebanghelyo, ibinigay ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang Espiritu Santo sa mga apostol (Juan 20, 22). Kahit na si Hesus ay iniwanan at tinalikuran ng mga apostoles nang Siya'y magpakasakit at mamatay (maliban na lamang kay Apostol San Juan na nasa tabi ng Mahal na Birheng Maria sa paanan ng krus), pinili pa rin Niya sila upang maging Kanyang mga saksi. Pinili pa rin ng Panginoong Hesukristo ang mga apostoles upang sumaksi sa Kanya sa iba't ibang bahagi ng daigdig sa kabila ng kanilang mga pagkukulang at kahinaan. Iyan ang dahilan kung bakit ibinigay ni Kristo ang Espiritu Santo sa mga apostol nang Siya'y magpakita sa kanila matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Walang magagawa ang mga apostol sa sariling kapangyarihan. Ang katotohanang ito ay nababatid ng Panginoong Hesus. Kaya naman, ibinigay Niya sa mga apostol ang Espiritu Santo upang sila'y samahan, tulungan, at gabayan sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi sa iba't ibang bahagi ng mundo. Ang Espiritu Santo ang tutulong sa mga apostol na maging matagumpay sa pagsaksi kay Kristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Tutulungan sila ng Espiritu Santo na maging mga instrumento ng Panginoon. Sa tulong ng Espiritu Santo, mahahayag sa pamamagitan nila ang kadakilaan ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga apostol, gagawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Espiritu Santo. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos ay masasaksihan ng bawat tao sa daigdig sa pamamagitan ng mga apostol at ng mga susunod sa kanila. 

Kaya naman, ang paglukob ng Espiritu Santo sa mga apostol noong Pentekostes ay isang kahanga-hangang gawa ng Diyos. Ang mga apostol ay biniyayaan ng iba't ibang kaloob noong sila'y nilukuban ng Espiritu Santo. Ang mga kaloob na ito ang tumulong sa kanila na tuparin ang kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. 

Patuloy na nasasaksihan ng bawat tao sa pamamagitan ng Simbahan ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Patuloy na nasasaksihan ng lahat ng tao dito sa daigdig ang pagtulong ng Espiritu Santo sa tunay at nag-iisang Simbahan itinatag ni Kristo. Patuloy na sinasamahan, tinutulungan, at ginagabayan ng Espiritu Santo ang Simbahan. Lumipas man ang maraming taon sa kasaysayan, hindi tumigil ang Espiritu Santo sa pagtulong sa tunay at nag-iisang Simbahan itinatag ni Kristo sa lupa. Tunay nga itong kahanga-hanga. 

Huwebes, Mayo 21, 2020

HINDI TAYO PABABAYAAN

24 Mayo 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (A) 
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23/Mateo 28, 16-20 



Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon. Bago Siya umakyat sa langit, ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol ang kanilang misyon. Ang misyon ng mga apostol ay maging mga saksi ni Hesus sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Subalit, bago nila simulan ang misyong ibinigay ng Panginoong Hesus, kailangan nilang hintayin ang pagdating ng Espiritu Santo upang ang bawat isa sa kanila ay mapuspos ng Kanyang mga pagpapala. Ang bawat isa sa kanila ay gagabayan at sasamahan ng Espiritu Santo sa bawat sandali ng kanilang misyon. 

Ang misyong ibinigay ni Hesus sa mga apostol ay binigyan ng pansin ni San Mateo sa wakas ng kanyang Ebanghelyo. Inilarawan ni Hesus sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo na hango sa huling kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Mateo ang misyon ng mga apostol. Ang misyon ng mga apostol ay sumaksi kay Kristo sa iba't ibang bansa sa daigdig. Napakalayo ang lalakbayin nila upang tuparin ang kanilang tungkulin bilang mga saksi ni Kristo. Sila ang magpapakilala kay Kristo sa lahat ng bansa. Iyan ang kanilang misyon. 

Bagamat iisa lamang ang binigyan ng pansin ng Unang Pagbasa at Ebanghelyo, may isang kapansin-pansing pagkakaiba. Ang Pag-Akyat sa Langit ni Kristo Hesus ay hindi inilarawan o binanggit ni San Mateo sa huling bahagi ng Ebanghelyo na hango sa huling kabanata ng kanyang Ebanghelyo. Ang mga huling salita sa huling kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo ay ang pangako ni Kristo Hesus, "Tandaan ninyo: Ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan" (Mateo 28, 20). Isang napakagandang pangako mula sa Panginoong Hesus. Lagi Niyang sasamahan ang mga apostol hanggang sa wakas ng panahon. 

Kahit na si Hesus ay naka-akyat na sa langit at nakaluklok sa kanan ng Ama, tulad ng inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa (Efeso 1, 20), hindi Niya pinabayaan ang Kanyang Simbahan sa lupa kailanman. Oo, umakyat na si Hesus sa kalangitan. Oo, nakaluklok na Siya sa kanan ng Amang nasa langit. Pero, hindi ito nangangahulugang iniwanan at pinabayaan ni Hesus ang Kanyang Simbahan. Ang Panginoong Hesukristo ay hindi nagpapabaya kailanman. Bagkus, lagi Niyang sinasamahan ang Kanyang Simbahan hanggang sa wakas ng panahon. Kahit na nakaluklok Siya sa Kanyang trono sa langit, kahit na Siya'y nakaluklok sa kanan ng Diyos Ama, hindi Niya pinababayaan ang Simbahan. Mula sa Kanyang marangal na trono sa langit, laging sinasamahan ni Kristo ang Kanyang Simbahan. 

Maraming taon ang lumipas sa kasaysayan ng daigdig. Subalit, hindi pa rin tumitigil si Hesus sa pagtupad sa Kanyang pangako bago Siya umakyat sa langit. Patuloy Niyang tinutupad ang pangako Niyang ito. Hindi tumigil ang Panginoong Hesus sa pagtupad sa pangakong ito. Bagkus, ang pangakong ito ay tinutupad Niya nang buong katapatan hanggang sa kasalukuyan. 

Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay tunay na mapalad dahil lagi tayong sinasamahan ng Panginoong Hesukristo. Kahit na hindi Siya nakikita ng ating mga mata, kasama pa rin natin Siya. Siya'y lagi nating kasama. Hindi Niya pababayaan ang Simbahan. Hindi Niya tayo pababayaan kailanman. Siya'y lagi nating kasama, kahit na Siya'y nakalulok sa Kanyang trono sa langit. Mula sa langit, tayong lahat na bumubuo sa Kanyang Simbahan dito sa daigdig ay lagi Niyang sinasamahan at pinagmamasdan. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. 

Huwebes, Mayo 14, 2020

MAY PUMAPATNUBAY SA ATIN

17 Mayo 2020 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Mga Gawa 8, 5-8. 14-17/Salmo 65/1 Pedro 3, 15-18/Juan 14, 15-21 


Ipinangako ni Hesus sa mga apostol sa Ebanghelyo para sa araw na ito na sila'y sasamahan at papatnubayan ng Espiritu Santo sa bawat sandali ng kanilang buhay (Juan 14, 16-17). Ang mga apostol ay may kasama sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Bukod pa roon, hindi lamang basta isang kasama sa paglalakbay kundi isa ring Patnubay. Iyan ang Espiritu Santo. Sasamahan ng Espiritu Santo ang mga apostol sa bawat sandali ng kanilang pagmimisyon upang sila'y tulungan. Hindi pababayaan ang mga apostol na mahirapan at mabigo sa pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo. Sasamahan sila't tutulungan ng Espiritu Santo. 

Ang mga kaganapang tampok sa salaysay sa Unang Pagbasa ay isang maliwanag na halimbawa kung paanong ang mga apostol ay tinulungan at pinatnubayan ng Espiritu Santo. Si Apostol San Felipe ay tinulungan ng Espiritu Santo sa kanyang paglalakbay at pagmimisyon sa Samaria. Tinulungan ng Espiritu Santo si Apostol San Felipe sa pangangaral tungkol sa ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Kumilos rin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng mga himalang ginawa ni Felipe. Hindi ginawa ni Felipe ang mga himalang iyon gamit ang sariling kapangyarihan. Bagkus, kumilos ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng mga himalang ginawa ni Felipe. Si Felipe ay isa lamang simpleng instrumento ng Panginoon. Ang Espiritu Santo ang may gawa ng mga kababalaghang nasaksihan ng mga taga-Samaria. Dahil sa mga ginawa ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni Apostol San Felipe na nasaksihan naman ng mga taga-Samaria, tinanggap nila ang Salita ng Diyos na ipinangaral sa kanila (Mga Gawa 8, 14). Hindi binigo ng Espiritu Santo si Felipe. Tinulungan at ginabayan ng Espiritu Santo si Felipe sa kanyang misyon. 

"Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang loobin ito ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama." (1 Pedro 3, 17). Ito ang mga sinabi ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Nangaral siya tungkol sa pagiging matapat sa Diyos sa kabuuan ng Ikalawang Pagbasa. Mahirap maging tapat sa Diyos sa lahat ng oras, lalung-lalo na sa mga sandali ng kagipitan o pagsubok. Gustuhin man nating maging tapat sa Panginoon sa lahat ng oras, hindi madaling gawin iyan. Subalit, itinuturo ni Apostol San Pedro na dapat piliin pa rin nating maging tapat sa Panginoong Diyos sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap natin sa buhay. Ito ang dapat nating gawin. Kailangan nating maging tapat sa Panginoong Diyos sa mga sandali ng hirap at ginhawa. Ang bawat isa sa atin ay tutulungan ng Espiritu Santo na gawin ito. Ang Espiritu Santo ang hihimok sa atin na maging matapat sa Panginoon. Tutulungan tayo ng Espiritu Santo na tuparin at sundin ang aral na ito na inilahad ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan. Ang Espiritu Santo ang papatnubay at gagabay sa ating lahat upang tayo'y mamuhay nang matapat sa Panginoong Diyos. 

Patuloy na pinapatnubayan at sinasamahan ng Espiritu Santo ang Simbahan sa kasalukuyan. Sa kabila ng mga pagsubok at salot na naganap sa kasaysayan ng daigdig, tulad na lamang ng mga pandemiya, ang Simbahan ay hindi pinabayaan ng Espiritu Santo kailanman. Laging sinasamahan ng Espiritu Santo ang Simbahan mula noon hanggang ngayon. Hindi ito magbabago kailanman. Ang Simbahan ay laging sasamahan, tutulungan, at gagabayan ng Espiritu Santo. 

Tayong lahat na bumubuo sa nag-iisang Simbahang itinatag ng Panginoong Hesus sa daigdig ay tunay na pinagpala. Tayong mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan na itinatag ng Panginoong Hesukristo ay mapalad sapagkat hindi Niya tayo pinababayaan kailanman. Hindi Niya tayo pinabayaang mag-isa at mabigo. Ipinagkaloob ni Hesus ang Espiritu Santo upang maging ating kasama at gabay sa lahat ng oras. 

Linggo, Mayo 10, 2020

NANANALANGIN KASAMA NATIN AT PARA SA ATIN

13 Mayo 2020 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Fatima 
*Ang mga Pagbasa ay mula sa Pagkat ng mga Pagdiriwang sa Karangalan ng Mahal na Birheng Maria 
Mga Gawa 1, 12-14/Lucas 1/Lucas 1, 39-47 




Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang mga kaganapan matapos umakyat sa langit ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang mga apostol ay nanalangin nang buong kataimtiman habang hinihintay ang pagpanaog ng Espiritu Santo sa kanila. Isa sa mga kasama nila sa pananalangin ang Mahal na Inang si Maria (Mga Gawa, 1, 14). Sinamahan ng Mahal na Birheng Maria ang mga apostol sa pananalangin habang hinihintay ang pagdating ng Espiritu santo, tulad ng ipinangako ni Kristo. 

Napapanahong pakinggan ang salaysay na ito mula sa mga Gawa ng mga Apostol sa araw na ito na inilaan ng Simbahan sa paggunita sa Mahal na Inang si Maria bilang Birhen ng Fatima. Sa mga larawan o imahen ng Mahal na Birhen ng Fatima, makikita ng bawat isa na may hawak siyang Rosaryo. Karamihan sa mga imahen o larawan ng Mahal na Ina sa ilalim ng titulong Birhen ng Fatima kung saan ang kanyang mga kamay ay nagkadaop sa pananalangin habang hinahawak niya ang Rosaryo. Ipinapakita lamang nito na ang Mahal na Ina ay lagi nating kasama sa pananalangin, lalo na kapag tayo'y nagdasal ng Santo Rosaryo. 

Habang tayo'y nananalangin ng Santo Rosaryo, pinagninilayan natin ang mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesus. Mga Misteryo ng Tuwa, Hapis, Luwalhati, at Liwanag. Habang pinagninilayan natin ang mga sandaling ito, kasama nating magnilay at manalangin ang Mahal na Ina. Anumang ang mga misteryong ating pagninilayan - Tuwa, Liwanag, Hapis, o Luwalhati - habang dinadasal natin ang Rosaryo, kasama natin sa pagpupuri ang Mahal na Ina. Kasama natin ang Mahal na Ina sa pagbibigay ng papuri sa Panginoon sa tuwing dinadasal ng bawat isa ang Banal na Rosaryo. Tulad ng Mahal na Ina sa Ebanghelyo, ang ating mga puso't kaluluwa ay magbibigay ng papuri sa Diyos nang buong pananalig sa kanya kapag tayo'y nagdasal ng Santo Rosaryo. 

May aral tayo mapupulutan mula sa pananalangin ng Santo Rosaryo. Ang bawat isa sa atin ay tinuturan ng Santo Rosaryo na manalig at magpuri sa Panginoong Diyos sa bawat sandali ng ating buhay, katulad ng Mahal na Birheng Maria. Kahit na tayo'y humaharap sa mga pagsubok sa buhay, dapat pa rin nating ibigay ang ating papuri at pananalig sa Diyos. Hindi tayo makakaligtas mula sa mga pagsubok sa buhay. Hindi magaan ang buhay sa bawat oras. Subalit, sa kabila ng mga ito, tayong lahat ay dapat manalig at magpuri sa Diyos. Hindi Niya tayo pababayaan. Lagi natin Siyang kasama. At kasama rin natin ang Mahal na Ina. 

Ipinapaalala sa atin ng Santo Rosaryo na lagi nating kasama ang Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. Mapuno man ng tuwa, liwanag, hapis, o kahit luwalhati at tagumpay, kasama natin ang Diyos. Higit sa lahat, kasama rin natin ang Mahal na Birheng Maria na patuloy na nananalangin para sa atin at kasama natin. 

Huwebes, Mayo 7, 2020

DAAN, KATOTOHANAN, AT BUHAY

10 Mayo 2020 
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Mga Gawa 6, 1-7/Salmo 32/1 Pedro 2, 4-9/Juan 14, 1-12 



Bagamat napapaloob sa panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ay mula sa ika-14 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan. Ang Ebanghelyo para sa Linggong ito ay bahagi ng mga huling pangaral ng Panginoong Hesus sa mga apostoles bago Niya harapin ang Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Bilang mga Kristiyano, alam natin na hindi nagtapos ang lahat para sa Panginoong Hesus sa krus. Ang kamatayan ng Panginoong Hesukristo sa krus ay hindi hudyat ng katapusan at kabiguan. Matapos mamatay sa krus, si Hesus ay nabuhay na mag-uli. 

Ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa Ebanghelyo gamit ang tatlong salita. Ang tatlong salitang ito ay daan, katotohanan, at buhay. Ang Panginoong Hesus ay ang daan, katotohanan, at buhay (Juan 14, 6). Ito ang dahilan kung bakit sa simula pa lamang ng salaysay sa Ebanghelyo ay sinabihan na ni Hesus ang mga apostol na huwag mabalisa, manalig sa Diyos, at manalig sa Kanya (Juan 14, 1). Dagdag pa ni Hesus matapos Niyang sabihing Siya ang daan, katotohanan, at buhay: "Walang makakalapit sa Ama kundi sa pamamagitan Ko" (Juan 14, 6). 

Daan, katotohanan, at buhay. Ginamit ni Kristo ang mga salitang ito upang ipakilala ang Kanyang sarili. Mahalaga ring pagnilayan ang tatlong salitang ito. Subalit, ano nga bang mayroon sa mga salitang ito at ginamit ito ng Panginoong Hesukristo sa pagpapakilala ng Kanyang sarili? 

Una, daan. Si Hesus ay ang daan. Siya ang daan patungo sa Ama. Sabi nga Niya matapos Niyang ipakilala ang Kanyang sarili bilang daan, katotohanan, at buhay: "Walang makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan Ko" (Juan 14, 6). Iyan ang dahilan kung bakit si Hesus ay namatay sa krus alang-alang sa atin. Si Hesus ay nag-alay ng Kanyang buhay sa krus alang-alang sa atin upang ang bawat isa sa atin ay magkaroon ng daan patungo sa langit. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang sarili sa krus, ipinakita ni Hesus ang daan patungo sa Ama - Siya. Siya lamang at wala nang iba. Walang ibang daan tungo sa Amang nasa langit kundi si Hesus. Si Hesus ang daan na dapat nating tahakin kung hangad nating makapiling ang Amang nasa langit. Paano nating matatahak ang daang tungo sa Ama na mas kilala natin bilang si Hesus? Manalig at sumampalataya sa Kanya. Ipakita natin ang ating pananalig at pananampalataya kay Kristo sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Kapag iyan ang ginawa natin, ipinapakita ng bawat isa sa atin ang pagtanggap natin kay Kristo Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas. Kapag si Kristo Hesus ay tinanggap natin bilang Panginoon at Tagapagligtas, tinatahak natin ang daan patungo sa Amang nasa langit na walang iba kundi Siya mismo. 

Pangalawa, katotohanan. Si Hesus ang katotohanan. Si Hesus ang katotohanang ipinangaral sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, buong sigasig na nangaral at nagpatotoo ang mga apostol tungkol sa katotohanang mas kilala bilang si Hesus sa bawat sandali ng kanilang misyon dito sa daigdig. Ito rin ang ginawa ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Pinatotohanan ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro ang katotohanan na si Kristo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo Hesus, ang katotohanan, ay ipinalaganap ng mga apostol nang buong sigasig sa bawat sandali ng kanilang misyon dito sa daigdig. Hindi sila tumigil kailanman. Ang misyong ito ay patuloy na tinutupad ng Simbahan hanggang sa kasalukuyan. Lumipas man ang maraming taon sa kasaysayan, ang Simbahan ay hindi tumigil sa pagpapatotoo tungkol sa katotohanan na si Kristo kailanman. Ang Panginoong Hesukristo ay ang katotohanang ating pinanaligan at sinasampalatayanan bilang mga Katoliko. Tayong lahat, bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at kaisa-isang Simbahang itinatag ni Kristo, ay buong puso't kaluluwang sumasampalataya at nananalig sa Kanya bilang ating katotohanan. Hindi ito magbabago kailanman. 

Ikatlo, buhay. Si Hesus ay ang buhay. Siya ang pinagmulan ng buhay. Sabi nga sa Panalangin sa Banal na Awa na dinarasal tuwing sasapit ang ikatlo ng hapon: "O Bukal ng Buhay, Walang Hanggang Awa ng Diyos". Sa salaysay ng paglikha sa tao, hiningahan ng Diyos ang tao na Kanyang nilikha mula sa alabok (Genesis 2, 7). Napakalinaw na ang Diyos ay ang bukal ng buhay. Si Hesus ay Diyos. Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Siya ang nagbibigay-buhay sa bawat isa sa atin. Siya ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Siya rin ang dahilan kung bakit ang bawat isa sa atin ay maaaring makibang sa biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit. Hindi lahat ay makakapasok sa langit. Tanging ang mga dadaan sa Kanya ang makakapasok sa kaharian ng langit. Tanging ang mga tumatanggap, nananalig, at sumasampalataya sa Kanya nang buong katapatan hanggang sa huli ang makakapasok sa Kanyang kaharian sa langit. Kung nais nating matamasa ang buhay na walang hanggan sa langit, kailangan nating gawin ang mga ito. Iyan ay dahil si Hesus ay ang buhay. Siya ang nagbibigay-buhay at ang buhay. Kung wala si Hesus, wala tayong buhay. 

Ang paalala ni Hesus sa pambungad ng salaysay sa Ebanghelyo ay hindi lamang para sa mga apostol. Ang paalalang ito'y para sa lahat ng mga Kristiyano. Lumipas man ang maraming taon mula noong ang mga salitang ito'y namutawi mula sa mga labi ng Panginoong Hesus, hindi ito magiging luma kailanman. Ang saysay ng mga salitang ito ay mananatili magpakailanman. 

Kung tapat tayong nananalig at sumasampalataya sa daan, katotohanan, at buhay na si Hesus, wala tayong dapat ipangamba o ikabahala. Siya ang bahala sa atin.