Sabado, Agosto 27, 2022

"PUSPOS NG PAG-IBIG AT LIPOS NG HABAG"

11 Setyembre 2022 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Exodo 32, 7-11. 13-14/Salmo 50/1 Timoteo 1, 12-17/Lucas 15, 1-37 (o kaya: 15, 1-10) 


"Ang Panginoon ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag. Banayad magalit, ang pag-ibig Niya'y hindi kumukupas" (Salmo 145, 8). Ito ang aral nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa Linggong ito. Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nagsisilbing pahiwatig nito. Bagamat ang misteryo ng Awa at Habag ng Panginoong Diyos ay maraming ulit na'ng binigyan ng pansin at pinagnilayan ng Simbahan, hindi tumitigil sa pagninilay sa misteryong ito ang Simbahan. Lagi tayong inaanyayahan ng Simbahan na muling maakit at mamulat sa Awa at Habag ng Diyos sa tuwing ang misteryong ito ay pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan. 

Sa unang bahagi ng Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagalit sa mga Israelita. Nagselos ang Diyos dahil ipinagpalit Siya ng mga Israelita sa isang guyang gawa sa ginto. Dahil dito, binalak Niya silang lipulin at iligtas lamang si Moises. Ang kasalanang ginawa ng mga Israelita laban sa Diyos. Ang Diyos ay ipinagpalit sa isang gintong guya (Exodo 32, 8. 10). Subalit, hindi Niya itinuloy ang paglipol sa mga Israelita dahil si Moises ay nanalangin para sa kanila at sa kanilang kaligtasan (Exodo 32, 11. 14). Sa kanyang panalangin sa Diyos, buong kababaang-loob na isinamo ni Moises sa Panginoon na kahabagan at patawarin ang mga Israelitang nagkasala laban sa Kanya sa ilang. Ang samo ni Moises alang-alang sa mga Israelita sa ilang sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa para sa Linggong ito ay dininggin at pinagbigyan ng Diyos. Sa pamamagitan nito, binigyan Niya ng pagkakataong maging tapat sa Kanya muli ang mga Israelita. 

Iyan ang habag at awa ng Panginoon. Kahit nagalit at nasaktan dahil sa kasalanan, hindi Niya lilipulin ang mga nagkasala laban sa Kanya kung mananalangin sila nang may kababaang-loob. Kung buong kababaang-loob silang hihingi ng kapatawaran at awa mula sa Kanya, hindi Niya ito ipagdadamot o ipagkakait sa kanila. Bagkus, lagi Siyang handang ipakita sa mga taos-pusong magsisisi't magbabalik-loob sa Kanya. 

Nakasentro sa misteryo ng habag at awa ng Diyos ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, nagpatotoo siya tungkol sa kanyang pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang habag at awa ng Diyos ay ang dahilan kung bakit siya naging isang misyonerong ibinilanggo dahil kay Kristo mula sa pagiging isang dating tagausig ng mga sinaunang Kristiyano. Binago ng habag at awa ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ni Kristo Hesus ang isang dating tagausig ng mga sinaunang Kristiyano na si Apostol San Pablo. Kung paanong iniligtas ng habag at awa ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong si Kristo Hesus ang sangkatauhan, iniligtas rin ng habag at awa ng Diyos si Apostol San Pablo. 

Sa Mahabang Pagbasa ng Ebanghelyo, tatlong talinghaga ang isinalaysay ni Hesus upang isalungguhit ang pagiging maawain at mahabagin ng Diyos. Iyon ang tema ng tatlong talinghagang isinalaysay ni Hesus. Katunayan, maaari nating sabihing ang Diyos ay nagpakilala mismo sa lahat sa pamamagitan ng tatlong talinghagang ito. Sa pamamagitan ng tatlong talinghagang ito, ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili. Si Hesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao na dumating sa mundo upang maghatid ng kaligtasan sa lahat ng mga makasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay, ang lahat ng mga makasalanan ay binigyan Niya ng pagkakataong bumalik sa Diyos at humingi ng habag at awa sa Kanya. Dahil dito, mayroon na silang daang pabalik sa Diyos. 

Ang Panginoon ay tunay ngang maawain at mahabagin. Hindi Niya ipagkakait sa mga makasalanang magsisisi at magbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso ang Kanyang habag at awa. Ikinatutuwa pa nga Niya ito sapagkat labag sa Kanyang kalooban ang kapahamakan ng tao. Nais Niya silang iligtas. Subalit, nasa tao pa rin ang pasiya kung tatanggapin nila nang buong puso ang Kanyang habag at awa. 

Biyernes, Agosto 26, 2022

ANG PINAGINDAPAT NG DIYOS

8 Setyembre 2022 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 


Bagamat tahimik ang Banal na Kasulatan tungkol sa kaganapang ito, ang Pagsilang ng Mahal na Birhen ay isang napakahalagang sandali sa kasaysayan ng pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang sandaling ito ay isang hudyat na matutuloy ang plano ng Diyos. Siyam na buwan matapos Niyang iligtas si Mariang nasa loob ng sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana mula sa bahid ng kasalanan, isinilang ang babaeng Kanyang hinirang upang maging Bagong Kaban ng Tipan. Ito ang dahilan kung bakit isang napakahalagang kaganapan sa kasaysayan ng pagligtas ng Diyos sa atin ang Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. 

Ang misyon ng Mahal na Birheng Maria, na ibinigay sa kanya ng Diyos, ay ang tanging dahilan kung bakit ang araw ng kanyang pagsilang sa mundo ay napakahalaga. Nang isilang si Maria sa mundo, nahayag ang plano ng Diyos. Hindi isang pangkaraniwang sanggol na babae ang isinilang ni Santa Ana. Ang sanggol na babae na ito ay ang Ina ng Mesiyas. Noong sumapit ang takdang panahon, tinanggap ng Mahal na Birheng Maria nang buong kababaang-loob ang misyong inilaan sa kanya ng Diyos sa simula pa lamang (Genesis 3, 14-15; Lucas 1, 38). 

Kaya naman, ang Ebanghelyo para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ay tungkol sa talaan ng angkang pinagmulan ni Hesus at ang panaginip ni San Jose kung saan ang pagsilang ng ipinangakong Mesiyas ay nahayag. Ipinaliwanag ng anghel sa panaginip ni San Jose ang dahilan kung bakit napakaespesyal si Maria. Isinalungguhit ng anghel ang pagkahirang at pagtalaga ng Diyos kay Maria bilang Ina ni Kristo. Ang ipinangakong Mesiyas ay dinadala ng Birheng Maria sa kanyang sinapupunan at ang Banal na Sanggol na ito ay kanyang iluluwal matapos ang siyam na buwan. 

Sa pamamagitan nito, natupad ang pangako sa Unang Pagbasa. Sabi sa simula ng pahayag ng Diyos na inilahad ni Propetang si Mikas sa Unang Pagbasa: "Betlehem Efrata, bagamat pinakamaliit ka sa mga angkan ni Juda ay sa iyo magmumula ang isang maghahari sa Israel. Ang [Kanyang] pinagmula'y buhat pa nang una, mula pa noong unang panahon" (Mikas 5, 1). Natupad ang pangakong ito sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan. 

Niloob ng Diyos na si Maria mismo ang maging Ina ni Kristo. Dahil dito, iniligtas Niya mula sa bahid ng kasalanan si Maria bago pa siya isilang sa mundo. Sabi ni Apostol San Pablo sa wakas ng alternatibong Unang Pagbasa para sa araw na ito: "Ang mga tinawag Niya ay Kanya ring pinawalang-sala, at ang Kanyang mga pinawalang-sala ay Kanya namang binigyan ng karangalan" (Roma 8, 30). Katunayan, isang kakaibang uri ng karangalan ang ibinigay ng Diyos kay Maria. Iniligtas ng Diyos si Maria mula sa bahid ng kasalanan bago siya isilang sa lupa upang maging marapat siyang dalhin sa kanyang sinapupunan ang ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Iyan ang bukod tanging dahilan kung bakit naging napakespesyal ang Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. Isinilang ang babaeng pinagindapat ng Diyos na maging Ina ng Mesiyas. 

Ipinapaalala sa atin ng Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria na may saysay ang ating buhay dahil sa misyong ibinigay sa atin ng Diyos. Mayroon tayong misyon. Tatanggapin at susundin ba natin ang misyong ibinigay sa atin ng Panginoon nang buong kababaang-loob, katulad ng Mahal na Ina? Niloob ng Panginoon na bigyan tayo ng misyon. Kahit hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanan, dinalisay at pinagindapat tayo ng Diyos at patuloy Niya itong gagawin para sa atin upang lalo pa natin Siyang bigyan ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagtupad sa ating misyon na Kanyang bigay sa atin. Katulad ng ating Mahal na Inang si Maria, tatanggapin at susundin ba natin ang Kanyang kalooban nang may kababaang-loob? 

Huwebes, Agosto 25, 2022

"SINONG TAO ANG MAKATATAROK SA KALOOBAN AT ISIP NG DIYOS?"

4 Setyembre 2022 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 9, 13-18b/Salmo 89/Filemon 9b-10. 12-17/Lucas 14, 25-33 


"Sinong tao ang makatatarok ng kaisipan ng Diyos? Sino ang nakaaalam sa kalooban ng Panginoon?" (Karunungan 9, 13). Dalawang retorikal na tanong ang nagsimula sa pangaral sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Isa lamang ang puntong binibigyang-diin ng dalawang retorikal na tanong na ito sa simula ng Unang Pagbasa: ang kalooban ng Diyos ay hindi matatarok ng sinumang tao dito sa mundo. Walang kakayahan ang tao na unawain nang buong-buo ang kalooban ng Panginoong Diyos. Maraming limitasyon ang isip ng tao upang maunawaan ang kalooban ng Diyos. Dahil dito, labis na mahihirapan ang tao na unawain ang kalooban ng Diyos nang buong-buo. Ang isip at lohika ng Diyos ay sobrang lalim at dakila para sa isip ng tao. 

Ito ang puntong nais bigyan ng pansin ni Hesus sa Kanyang pangaral sa Ebanghelyo noong sinabi Niyang: "Hindi maaaring maging alagad Ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa Akin" (Lucas 14, 26). Ito ang kalooban ng Diyos. Ito ang isip at lohika ng Diyos. Unahin natin Siya. Ang Diyos ay dapat nating gawing pangunahing prioridad sa ating buhay. Ang ating mga pamilya, kapwa, bayan, at maging ang ating sarili ay dapat rin nating ibigin, subalit hindi dapat mahigitan ng ating pag-ibig para sa bayan, pamilya, kapwa, at sarili ang ating pag-ibig sa Diyos. Walang dapat pumalit sa Diyos sa sentro ng ating buhay. 

Dagdag pa ni Hesus sa Kanyang pangaral sa mga tao sa Ebanghelyo: "Hindi maaaring maging alagad Ko ang sinumang hindi magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa Akin" (Lucas 14, 27). Ito ang kalooban ng Diyos na sumasalamin sa Kanyang isip at lohika. Kung nais nating maging tagasunod ng Panginoong Hesus na buong puso't katapatang umiibig sa Kanya, dapat nating sundin ang Kanyang kalooban. Bagamat taliwas ito sa kalooban natin na sumasalamin sa ating isip at lohika, dapat natin itong sundin. Mahirap unawain ang ipinapagawa sa atin ni Hesus kung gagamitin natin ang isip at lohika ng tao. Bakit ba nating tatahakin ang landas ng Panginoon kung marami namang hirap at sakit ang ating titiisin? Anong uri ng pag-iisip at lohikang ito? Ito ang pag-iisip at lohika ng Diyos. 

Ang puntong ito ay isinalamin ni Apostol San Pablo sa kanyang pakiusap kay Filemon sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito. Nakiusap siya kay Filemon na tanggapin muli si Onesimo, hindi na bilang alipin kundi bilang kapatid kay Kristo (10. 16-17). Sa totoo lamang, mahirap itong gawin para kay Filemon. Subalit, iyan ang kalooban ng Diyos na ipinangaral ni Apostol San Pablo kay Filemon. 

Hindi rin naging madali para kay Apostol San Pablo ang pagsunod sa kalooban ng Diyos na taliwas sa isipan ng tao. Sabi nga niya na nakabilanggo siya dahil kay Kristo (Filemon 9b). Mahirap talagang unawain ang kalooban ng Panginoong Diyos, lalung-lalo na kung ang gagamitin natin ay ang pag-iisip at lohika ng tao upang saliksikin at unawain ito. Ang tangi nating magagawa bilang mga mananampalataya ay manalig at sumunod sa kalooban ng Diyos. 

Mahirap talagang unawain ang kalooban ng Diyos. Masyado itong malalim para sa atin. Subalit, kung ang Diyos ay tunay nating iniibig at sinasamba, buong pananalig nating tatanggapin at susundin ang Kanyang kalooban. 

Sabado, Agosto 20, 2022

DIYOS NG KATOTOHANAN

29 Agosto 2022 
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, martir 
Jeremias 1, 17-19/Salmo 70/Marcos 6, 17-29 


Inilaan ng Simbahan ang araw na ito sa paggunita sa isang malagim na kaganapan sa kasaysayan ng kaligtasan. Matapos ihanda ang daraanan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus, namatay bilang isang martir si San Juan Bautista. Gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo para sa araw na ito, ang paraan ng pagkamatay ni San Juan Bautista ay pagpugot ng ulo. Inutusan ni Haring Herodes ang kanyang mga kawal na pugutan ng ulo si San Juan Bautista bilang pagtupad sa kanyang pangako kay Salome na ibigay sa dalaga ang kanyang hiling. Isang malalim na dahilan kung bakit ito hiniling ng dalagang si Salome - ito ang kagustuhan ng kanyang inang si Herodias. Malalim ang galit ni Herodias kay San Juan Bautista dahil sa kanyang mga pangaral.  

Ano ang pangaral ni San Juan Bautista na naging dahilan ng pagtanim ng matinding galit at poot sa puso ni Herodias? Ang kanyang pangaral laban sa pakikiapid. Sabi sa unang bahagi ng Ebanghelyo na nagsalita si San Juan Bautista laban sa pagsasama nina Haring Herodes at Herodias na asawa ni Felipe dahil hindi naman sila magkabiyak (Marcos 6, 18). Nagalit rin si Herodes kay San Juan Bautista, subalit 'di hamak na mas nagalit si Herodias kaysa kay Herodes dahil binalak ni Herodias na ipapatay agad ang Tagapagbinyag. Hindi matanggap ni Herodias ang napakasakit na katotohanang nagkakasala siya sa mata ng Diyos sa pamamagitan ng pakikiapid. 

Nakaranas rin ng mga pag-uusig ang mga Propeta sa Matandang Tipan, katulad na lamang ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Katunayan, sa Unang Pagbasa, inilarawan mismo ng Panginoong Diyos kay Propeta Jeremias kung ano ang dapat niyang asahan sa kanyang pagmimisyon bilang Kanyang Propeta. Si Propeta Jeremias ay hindi pakinggan ng marami sa bayang Israel, kahit na isinugo pa siya ng Diyos. Kahit ang Panginoong Diyos mismo ang humirang sa Kanya, hindi siya tatanggapin o pakikinggan ng marami. Kamumuhian siya ng marami at uusigin dahil isa siyang tunay na Propeta ng Diyos. 

Masakit ang katotohanan. Subalit, hindi iyon magbabago. Sa Diyos nagmumula ang katotohanan. Ang tanong - tatanggapin ba natin ito o hindi? 

Biyernes, Agosto 19, 2022

PAALALA TUNGKOL SA KABABAANG-LOOB

28 Agosto 2022 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 3, 19-21. 30-31 (gr. 17-18. 20. 28-29)/Salmo 67/Hebreo 12, 18-19. 22-24a/Lucas 14, 1. 7-14

Malinaw na inilarawan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito ang aral na nais ituro ng Simbahan sa atin sa Linggong ito. Ang aral na itinuturo sa atin sa Linggong ito ay ang kahalagahan ng kababaang-loob. Katunayan, ilang ulit na itinuro ng Simbahan ang aral na ito. Subalit, ang aral na ito ay muling itinuturo ng Simbahan upang hindi natin ito makalimutan. Dahil dito, ang mga mahahalagang aral tulad na lamang nito ay paulit-ulit na ipinapaalala ng Inang Simbahan sa atin at patuloy itong gagawin ng Inang Smbahan nang sa gayon ay hindi ito makalimutan. 

Ang pangaral sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ay nagsimula sa pamamagitan ng mga ganitong kataga: "Anak ko, maging mapagpakumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin, at mamamahalin ka ng mga malapit sa Diyos. Habang ikaw'y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba; sa gayo'y kalulugdan ka ng Panginoon" (Sirak 3, 17-18). Napakalinaw sa mga salitang ito kung ano ang nais pagtuunan ng pansin ng mangangaral na ito: ang kahalagahan ng kababaang-loob. Ang mga naghahangad na kalugdan ng Panginoong Diyos ay magpakumbaba.

Kinalulugdan ng Panginoong Diyos ang mga may kababaang-loob. Bakit? Hindi nila nakakalimutan ang kadakilaan ng Diyos. Hindi nila nakakalimutan ang kadakilaan ng Diyos na inilarawan sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito. Ang Diyos ay ang pinakadakila sa lahat. Hindi Siya dapat limutin. Gaano man kalayo ang narating ng isang tao sa buhay, ilang ulit man siya magtagumpay, ang Diyos ay hindi niya dapat limutin. Dahil hindi siya nilimot ng Diyos, hindi rin niya dapat limutin ang Diyos. 

Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo na ang mga nagpapakataas ay ibaba at ang nagpapakababaa ay itataas (Lucas 14, 11). Sa pamamagitan ng mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Hesukristo sa Kanyang pangaral tungkol sa mabuting pakikitungo at kababaang-loob, naisalungguhit ang kahalagahan ng birtud na ito. Ang birtud na ito ay napakahalaga sapagkat ipinapakita nito na ang Diyos ay hindi nakakalimutan ng tao. 

Laging ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang kahalagahan ng pamumuhay nang may kababaang-loob. Sa pamamagitan ng kababaang-loob, naaalala natin ang Diyos. 

Huwebes, Agosto 18, 2022

ANG TANGING MAKAPAGLILIGTAS SA ATIN

21 Agosto 2022 
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 66, 18-21/Salmo 116/Hebreo 12, 5-7. 11-13/Lucas 13, 22-30 

"Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?" (Lucas 13, 23). Ito ang tanong ng isa sa mga tagapakinig ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang tinanong ng taong ito ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos na nagpahayag sa Unang Pagbasa na darating Siya upang ang lahat ng bansa sa mundo ay Kanyang titipunan. Sa pamamagitan nito, makikilala Siya bilang Diyos na nakakabatid sa lahat ng mga iniisip ng tao at naghahatid sa kanila ng kaligtasan at kaparusahan (Isaias 66, 18-19). Si Hesus ay ang Diyos na dumating sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay, at muling darating sa wakas ng panahon bilang Hukom ng lahat. 

Sa halip na sagutin ang tanong ng Kanyang tagapakinig tungkol sa bilang ng mga taong maliligtas, inilarawan ng Panginoong Hesus kung ANO ang dapat gawin ng bawat tao upang mapabilang sa mga iniligtas ng Diyos. Para sa Panginoong Hesus, hindi na mahalaga para sa atin na malaman kung ILAN ang mga maliligtas. Bagkus, ang dapat nating isipin ay kung paano tayo mapapabilang sa mga iniligtas sa wakas ng panahon. Nais talaga ni Hesus na iligtas ang lahat. Iyan naman talaga ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang mamatay sa krus at mabuhay na mag-uli pagsapit ng ikatlong araw. Subalit, alam rin ni Hesus na mayroong magmamatigas pa rin at ang kaligtasang hatid ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay ay hindi nila tatanggapin. Dahil dito, sinabi ni Hesus na dapat magsumikap ang lahat na pumasok sa pintuang makipot (Lucas 13, 24). 

Inilarawan rin ng Panginoon kung ano ang sasapitin ng mga hindi magsusumikap na pasukin ang makipot na pintuang Kanyang inilarawan. Ang mga taong ito ay hindi makakapasok sa Kanyang kaharian sa langit. Bagkus, tatangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin (Lucas 13, 25-28). Kahit magmakaawa pa sila kay Hesus, hindi sila papapasukin. Inaksaya nila ang kanilang buhay sa mundo upang pakinggan at sundin ang mga turo ni Hesus. Subalit, kung kailan tapos na ang kanilang buhay, saka pa lamang sila magmamakaawa kay Kristo. Hindi sila nagsikap na pumasok sa makipot na pintuan noong nabuhay sila sa mundo, kahit sa pinakahuling sandali ng kanilang buhay. Kaya naman, hindi sila makakapasok sa kaharian ng Diyos sa langit, ilang ulit man silang magmakaawa at sumamo sa Kanya. 

Paano nga ba tayo makakapasok sa makipot na pintuang inilarawan ni Hesus? Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo na ito ang Kanyang sasabihin sa mga hindi makakapasok sa Kanyang kaharian sa langit sa wakas ng panahon: "'Lumayo kayo sa Akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!'" (Lucas 13, 27). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan ni Hesus na dapat nating sundin ang kalooban ng Diyos. Hindi sasapat ang pakikinig lamang. Ang kalooban ng Panginoon ay dapat nating tuparin at sundin, gaano man ito kahirap gawin. Hayaan nating maghari ang Panginoon sa ating buhay. 

Kaya naman, ang Simbahan ay nagpapatuloy sa kanyang misyon ng Ebanghelisasyon sa kasalukuyan. Hindi tumigil ang Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, gaano man ito kahirap. Patuloy na ginagawa ng Simbahan ang nasasaad sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Sa pamamagitan ng misyon ng Ebanghelisasyon na hindi tinigilan ng Simbahan kailanman, ang Panginoong Diyos ay kumikilos mula sa langit. Itinutuwid tayo ng Diyos, gaya ng inilalarawan sa Ikalawang Pagbasa. Nais ng Panginoong Diyos na tuwirin at dalisayin tayo upang maging karapat-dapat tayong makapasok sa Kanyang kaharian sa langit. Iyan ang nais ng Diyos para sa atin. 

Nais man ng Diyos na iligtas tayong lahat, hindi Niya ito magagawa kung hindi ito loloobin natin. Kaya naman, araw-araw tayong tinatanong kung tatalima tayo sa kalooban ng Diyos nang kusang-loob at may kababaang-loob. Ano ang ating pasiya? Tandaan, ang Diyos lamang ay ang tanging makakapagligtas sa atin. Sa Kanya tayo dapat umasa at sumunod kung nais tayong maligtas.