Linggo, Enero 26, 2014

MAGING MGA SAKSI NG LIWANAG

Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 8, 23b-9, 3/Salmo 26/1 Corinto 1, 10-13/Mateo 4, 12-23 (o kaya:  4, 12-17) 


Napakahirap talikdan ang mga kinasanayan natin sa buhay.  Halimbawa, kapag may bagong trabaho ang isang tao.  Sabihin natin na siya’y taga-Santa Rosa, Laguna.  Tinanggap siya ng isang kumpanya sa Makati.  Ang oras ng kanyang pasok ay alas-7 na ng umaga.  Sa dati niyang trabaho sa Laguna, ang oras ng kanyang pasok ay alas-8 ng umaga.  Siguro, sa unang araw ng pagpasok niya sa bagong trabaho, mahihirapan siya.  Kailangan niyang gumising, kumain, maligo at magbihis ng mas maaga.  Marahil kung dadaan pa siya ng EDSA, malamang kailangan nandoon na siya ng alas-6 ng umaga.  Mahirap talaga ang pagbago sa mga bagay na kinasanayan natin sa buhay.

Siguro, ganito rin ang pakiramdam ng mga alagad ni Hesus noong tinawagan sila.  Nahirapan sila sa pagtalikod sa kanilang mga hanapbuhay at maging mga tagasunod ni Hesus.  Katulad lamang nina Simon Pedro, Andres, Santiago at Juan, ang apat na mangingisda.  Buong buhay nila siguro ay nangingisda na sila.  Ang pangingisda ang kanilang hanapbuhay.  Siguro, natuto sila ng pangingisda noong mga bata pa sila at nasanay na sila hanggang sa kanilang pagtanda.  Sa pamamagitan ng pangingisda, naitutulong nila ang kanilang pamilya.  Mahirap itong talikdan, lalung-lalo na kapag ang ginagawa ninyo ang makakatulong sa ating pamilya.

Gaano mang kahirap talikdan ang kanilang hanapbuhay at iwanan ang kanilang pamilya, sumunod naman kay Hesus ang apat na mangingisda.  Kahit alam nila na masakit para sa kanila ang lumayo sa kanilang pamilya, sumunod pa rin sila.  Nagkaroon sila ng lakas ng loob upang sundan si Hesus.  Silang lahat ay naging mga unang tagasunod at alagad ni Hesus.  May isang espesyal na misyon si Hesus para sa kanila – ang tulungan Siya sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.  Maging mga misyonero. 

Hindi lamang ang apat na mangingisda ang pinili ni Hesus upang maging mga alagad Niya.  Hindi ba labindalawa ang Kanyang pinili.  Isa sa kanila ay isang maniningil ng buwis.  Sino iyan?  Si San Mateo.  Si San Mateo ay nagsimula bilang isang publikano.  Kumukuha siya ng pera para sa Roma.  Sa mata ng mga Hudyo, isa siyang taksil.  Isa na siyang makasalanan.  Pero, pinili pa rin siya ni Hesus na maging mga alagad Niya.   Kahit masama ang reputasyon ng mga publikano sa mata ng mga Israelita, pinili pa rin ni Kristo si Mateo.

Si Hudas Iskariote, ang magkakanulo kay Hesus, ay pinili rin ni Hesus na maging alagad Niya.  Kahit alam ni Kristo na Siya’y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote, pinili pa rin Niya ito.  Bakit?  Minamahal ni Hesus si Hudas (agape).  Kahit si Hudas Iskariote  ang magkakanulo kay Kristo, minamahal pa rin Siya ni Kristo.  May papel na ginampanan si Hudas Iskariote sa buhay ni Kristo – ang ipagkanulo siya.  Pero, hindi pinilit ni Hesus si Hudas na magbagong-buhay.  Hindi pinili ni Hesus si Hudas upang ipagkanulo Siya.  Binibigyan ni Hesus si Hudas Iskariote ng pagkakataong magbagong-buhay.  Pero, ano ang ginawa ni Hudas?  Sinayang. 

Biro n’yo ‘yon?  Lahat ng mga alagad ni Kristo ay may nakaraan.  Mayroon silang kahinaan.  Isa sa kanila pa nga ang nagkanulo sa Kanya.  Bakit hindi Niya pinili ang mga matatapat sa Diyos?  Bakit mga makasalanan ang pinipili ni Kristo na maging alagad Niya?  Ito ay dahil sa Kanyang awa.  Ang awa ng Diyos ay walang hanggan.  Walang hahadlang at hindi magwawakas ang awa ng Diyos.  Hindi nagmamaliw ang awa ng Diyos.  Pati ang mga makasalanan at mahihina ang loob, tinatawag at pinipili rin sila ng Diyos.  Ang awa ng Diyos ay laging mananatili sa mga humihingi sa Kanyang awa. Sabi pa nga ni Kristo na naparito Siya hindi upang hanapin ang mga banal, kundi ang mga makasalanan. 

Sabi nga ng isang kasabihan, “Ang bawat santo ay may nakaraan, at ang bawat makasalanan ay may kinabukasan.”  Kung mga makasalanan nga ang tinawag at hinirang ng Panginoon bilang mga alagad Niya, tayo pa kaya?  Tutugon ba tayo sa Kanyang tawag na maging saksi Niya sa sanlibutan?  May mga kahinaan rin ang mga santo, pero sila’y naging saksi ni Kristo sa sanlibutan.  Tayo pa kaya?  Bakit hindi tayo maglakas-loob, katulad ng mga santo, na maging mga misyonero at saksi ni Kristo sa sanlibutan? 

Tayong lahat ay hinirang ng Diyos para sa isang importanteng misyon sa ating buhay – maging saksi sa liwanag ng Diyos.  Sino ang liwanag na iyon?  Si Hesus.  Si Hesus ay liwanag na tinutukoy sa Unang Pagbasa.  Si San Juan Bautista, na ibinilanggo ni Haring Herodes sa simula ng Ebanghelyo ay sumaksi sa liwanag.  Sumaksi siya kay Hesus, ang liwanag ng sanlibutan.  Nawa, katulad ni San Juan Bautista at ang mga alagad, tayo ay maging mga misyonerong sumasaksi sa liwanag – si Hesus.  Huwag nating ikahiya si Hesus.  Huwag nating ikahiya ang Kanyang awa.  Ipagmalaki natin si Hesus.  Si Hesus ang liwanag na tumatanglaw sa dilim.  Si Hesus ay maawain.  Binibigyan tayo ni Hesus ng pagkakataong magbagong-buhay.  Huwag nating sayangin ito.  


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento