Kapistahan ng Santo Niño (A)
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso
1, 3-6. 15-18/Mateo 18, 1-5. 10
Siguro, ang pinakamasayang
bahagi ng buhay ay ang pagiging isang bata.
Ang ating mga magulang ang nagtatrabaho para sa atin. Tayo naman ay pumupunta sa eskuwelahan para
mag-aral. Hindi natin kailangang
magtrabaho dahil ang mga magulang natin ang nagtatrabaho para sa atin.
Napakarami nating mga kaibigan. Ang
saya-saya noon, noh? Sa labas ng oras sa
paaralan, tayong lahat ay lumalabas paminsan-minsan at gumigimik kasama ng
ating mga kaibigan, hindi ba? Saan tayo
pumupunta? Marami ang naglalakwatsya sa
mga mall, lalung-lalo na po ngayon.
Makikita natin ngayon na maraming mga kabataan ang naglalakwatsya sa mga
mall katulad ng SM, Robinson’s, etc. Hindi
lamang iyan, marami ang nag-oonline sa mga social networking sites, katulad ng
Facebook, Twitter, Instagram, at marami pang iba para makapag-chat sa mga
barkada nila.
Usung-uso rin po ngayon ang throwback Thursday at ang flashback Friday sa mga social
networking sites katulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Nagpopost tayo ng mga lumang litrato natin
noong tayo’y bata pa. Masarap siguro
balikan ang nakaraan. Masarap balikan
ang kahapon. Masarap alalahanin ang mga
nangyari sa atin sa ating kabataan.
Sa ating Ebanghelyo,
itinuturo ni Hesus kung paano tayong maging dakila – magpakumbaba katulad ng
isang bata. Tayong lahat ay mga bata sa
paningin ng Diyos. Hindi tayo higit na
dakila kaysa sa ating kapwa. Walang
dakila sa atin. Pantay-pantay ang
paningin ng Diyos sa ating lahat.
Minamahal tayong lahat ng Diyos at tayo’y Kanyang kinakalinga. Bakit?
Sapagkat tayong lahat ay mga anak Niya.
Tayo’y pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Walang taong higit na dakila kaysa sa kanyang
kapwa dito sa lupa.
Maitatanong siguro ninyo –
ang ibig sabihin ba ni Hesus ay maging isip-bata? Hindi po maging isip-bata ang ibig sabihin ni
Hesus. Bahagi ng buhay ang maturity o ang pagiging sa tamang
edad. Hindi tayo mga bata buong-buhay
natin. Ang ating mga magulang ay hindi
natin makakasama habambuhay. Hindi sila
magtatrabaho para sa atin habambuhay.
Kinakailangang tayo rin ay matuto na gawin ang mga gawain na sapat para
sa ating edad. Halimbawa, kung tayo’y
disyesais anyos na ang isang tao, ang inaasahan sa kanya ay ang pagbabago sa
kanyang ugali.
Pero, sa ating pagtanda,
huwag nating kalimutan na magpakumbaba.
Matuto tayong ipagmalaki na tayo’y ipinanganak dito sa mundo at
inalagaan ng mga magulang natin. Huwag
nating sabihin na tayo’y lumitaw sa mundo agad.
Si Hesus nga ay nagkaroon ng mga magulang sa pagkatao nina San Jose at
ng Mahal na Birheng Maria. Ikinahiya ba
ni Hesus na may mga magulang Siya?
Hindi.
Sabi nga ni Apostol San
Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos na Siya’y nagpakumbaba at namuhay
katulad natin, maliban sa kasalanan.
Naranasan ni Hesus ang pagiging bata.
Naranasan ni Hesus ang pagduyan ni Maria sa Kanya. Naranasan Niya ang bawat ng yugto ng pagiging
isang bata. Hindi Siya nagmadaling
maging isang ganap na mayor de edad.
Bagkus, dinanas Niya ito upang makiisa sa atin. Makikita natin ang pakikipagkaisa ni Hesus sa
atin. Kahit na maaari Siyang magpakita
agad bilang Diyos, hindi Niya ginawa iyon.
Pinili Niyang mamuhay katulad natin.
Ano ang nasa isipan ninyo
kapag nakikita ninyo ang isang imahen o larawan ng Señor Santo Niño? Tandaan natin ang ikalawang kabanata ng sulat
ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos.
Alang-alang sa atin, nagpakababa Siya at namuhay bilang isang taong
katulad natin, maliban sa kasalanan. May
sadya rito si Hesus – iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Bakit naging bata si Hesus? Upang maganap Niya ang Kanyang misyon dito sa
lupa. Ang imahen ng Niño Hesus ay
naglalarawan sa pagpapakababa ni Hesus.
Nagpakababa Siya at Siya’y nagkatawang-tao, katulad natin. Makikita natin ang pakikipagkaisa ni Hesus sa
atin. Makikita natin ang pagiging
kapatid Niya sa atin.
Nawa, kapag tinitingnan
natin ang imahen ng Santo Niño, alalahanin natin ang ginawa ng Panginoong
Hesukristo para sa atin. Ang imahen ng
Santo Niño ay isang paglalarawan sa ginawang pagpapakumbaba ni Hesus
alang-alang sa atin. Hindi Siya
nagpakita agad bilang Diyos noong dumating Siya dito sa lupa, kahit na maaari
Niyang gawin iyon. Bagkus, alam Niya na
tayo’y mga makasalanan. Alam Niya ang
ating mga kakulangan. Alam Niya ang mga
dinadanas natin sa buhay. Kaya,
nagpakumbaba Siya at namuhay katulad natin bilang pakikiisa sa atin sa bawat
sandali sa ating buhay.
Tularan natin ang halimbawang
ipinapakita sa atin ni Hesus sa larawan o imahen ng Santo Niño. Dahil sa pagpapakumbaba at pagiging masunurin
ni Hesus hanggang kamatayan, Siya’y dinakila ng Diyos. Ginantimpalaan Siya ng Diyos. Nawa’y magpakumbaba rin tayong lahat. Ipagmalaki natin na tayo’y mga anak ng
Diyos. Huwag nating ikahiya na tayo’y
mga anak ng Diyos. Pero, hindi ibig
sabihin noon na maging mayabang na tayo.
Dapat tayong magpakumbaba katulad ni Hesus upang sa katapusan ng ating
buhay, tayo rin ay gagantimpalaan ng Diyos at tayo'y Kanyang dadakilain, tulad ng pagdakila Niya kay Hesus.
VIVA SEÑOR SANTO NIÑO!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento