Kapistahan ng Pagbabagong
Buhay ni Apostol San Pablo
Mga Gawa 22, 3-16 (o kaya: 9, 1-22)/Salmo 116/Marcos 16, 15-18
Mga Gawa 22, 3-16 (o kaya: 9, 1-22)/Salmo 116/Marcos 16, 15-18
Marahil itatanong ninyo,
perpekto ba ang buhay ng isang santo?
Ang sagot niyan ay
hindi. Ang mga santo ay namuhay at
nagkasala sa ilang bahagi ng buhay nila.
Hindi sila perpekto. Madalas
silang magkamali. Pero, sa tulong ng
Diyos, silang lahat ay nakapagbagong-buhay.
Sa kanilang pagbabagong-buhay, iniiwasan nila ang bawat
pagkakamali. Kaya nga sabi ng isang
kasabihan, “May nakaraan ang bawat santo, at may kinabukasan ang bawat
makasalanan.” (Every saint has a past,
and every sinner has a future)
Isa pong halimbawa dito ay
si Apostol San Pablo. Ginugunita natin
ngayon sa araw na ito ang kanyang pagbabagong-buhay. Dati, siya’y kilala bilang Saulo. Nagkaroon siya ng sigla nang itinuro sa kanya
ang Kautusan ni Moises sa kanyang kabataan.
Malalim ang kanyang sigla.
Siguro, lahat ng mga nasusulat sa Kautusan ni Moises ay sinundan
niya.
Paano naman nagkamali si
Saulo? Dahil ginamit niya ang kanyang
sigla sa kamalian. Ginamit niya ito sa
mali. Umusig siya ng kapwa, lalung-lalo
na po ang mga tagasunod ni Kristo. Dahil
sa kanyang sigla sa pagsunod sa Kautusan ni Moises, nabulag siya sa paggawa ng
mali. Nagkamali siya. Isa sa mga utos sa Sampung Utos ng Diyos ay
ang pagpatay ng kapwa. Pero, marami ang
pinatay ni Saulo na tagasunod ng Panginoon.
Kabilang na sa kanila ay si San Esteban.
Pinayagan niya ang pagbabato kay San Esteban.
Ang kanyang
pagbabagong-buhay ay nagsimula sa daan papuntang Damasco. Dito nagsimula ang proseso ng kanyang
pagbabagong-buhay. Sa daan na ito ay
ginanap ang simula ng kanyang metanoia. Paano nangyari iyon? Nagpakita si Hesukristo kay Saulo. Ano ang sinabi ni Hesus? Una, tinanong at nagpakilala na Siya’y
inuusig ni Saulo. Paano inusig ni Saulo
si Hesus? Sa pamamagitan ng pag-usig sa
Kanyang mga tagasunod. Sabi pa nga ng
Panginoong Hesus na ang anuman ang gawin natin sa ating kapwa-tao, ginagawa
natin ito kay Hesus. Kung gumawa tayo ng
mabuti tayo sa kapwa, ginagawa natin ito kay Hesus. Ngunit kung masama ang ginagawa natin sa
kapwa, kay Hesus rin ito ginagawa.
Inutusan rin si Saulo ng
Panginoong Hesukristo na pumunta sa Damasco at doon uutusan ang dapat niyang
gawin. Pagkatapos ng pagpapakita ni
Hesus kay Saulo, nabulag siya. Nabulag
siya dahil sa kaningningan ni Hesus noong nagpakita Siya sa kanya. Tinuloy nila ang pagpunta sa Damasco. Tatlong araw siyang hindi kumain ni uminom. Nagdasal siya ng mataimtim.
Ngayon, paano bang ibinalik
ang paningin ni Saulo? Sa pamamagitan ni
Ananias, isang lingkod ng Panginoon. Hinirang
siya ng Panginoon na ibalik ang paningin ni Saulo. Hinirang din ng Panginoon si Saulo na maging
misyonero. May isang bagong misyon sa
buhay ni Saulo – ipangaral ang Mabuting Balita tungkol sa Panginoong
Hesukristo.
Noong ibinalik kay Saulo ang
kanyang paningin, bumalik ba siya sa dati?
Itinuloy ba niya ang kanyang pag-uusig sa mga Kristiyano? Hindi.
Sa halip, nagpabinyag siya. Sa
pamamagitan noon, sinimulan na ni Saulo ang kanyang misyon bilang tagapangaral
ng Mabuting Balita ng Panginoon.
Posible po bang maging santo
ang isang karaniwang tao? Oo. Pwedeng-pwede. Kahit gaano mang kabigat ang kasalanan ng
isang tao, maaaring maging isang santo ang isang tao. Paano?
Sa awa ng Diyos. Ang Diyos ay
mahabagin at mapagpatawad. Walang
imposible sa Diyos. Kahit ang
pinakamasamang tao, kaya Niyang gawin santo kung ito’y Kanyang niloloob. Sa tulong ng Diyos, kayang palambutin ng
Diyos ang matitigas na puso ng mga makasalanan.
Ito ay kung pinapayagan ng makasalanan.
Ang mga banal o santo ay may
nakaraan. Maaaring hindi maganda ang
kanyang nakaraan. Punung-puno ng
kasamaan ang kanilang buhay. Pero, para
sa Diyos, hindi pa huli para sa kanila.
May bukas pa ang mga makasalanang ito.
Si Apostol San Pablo ay isang halimbawa nito. Marami pang ibang mga Santong namuhay ng
masama sa kanilang nakaraan. Pero, sila’y
hinirang ng Diyos sa kabila ng kanilang mga kasamaan. Tinulungan ng Diyos ang mga makasalanan na
magbagong-buhay.
Sabi nga ng Panginoong Hesus
na naparito Siya hindi upang hanapin ang mga banal, kundi ang mga
makasalanan. Naparito Siya para sa
atin. Sa tulong ng Panginoon, nawa’y
makapagbagong-buhay tayo, tulad ng lahat ng mga banal sa langit. May
bukas pa. Maaari rin tayong maging mga
santo. Kahit mahirap iwasan ang tukso,
sikapin natin na gumawa ng mabuti. Kung
ang bawat santo ay may nakaraan, tayo rin ay may kinabukasan. Tama nga ang kasabihang, “Ang bawat santo ay
may nakaraan, at ang bawat makasalanan ay may kinabukasan.” May kinabukasan tayong tumulad sa lahat ng
mga banal. Bagamat marami tayong mga
kahinaan, tulad ng mga banal, sikapin nating gumawa ng mabuti sa Diyos
at kapwa-tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento