Miyerkules, Enero 1, 2014

MAPAYAPA AT MAPANIBAGONG SIMULA KASAMA SINA HESUS AT MARIA

Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos (A) 
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21

Isa pong Mapagpala at Manigong Bagong Taon po sa inyong lahat! Happy New Year! 

Sinisimulan po natin ang isang panibagong taon sa ating kalendaryo. Nagtapos ang tatlumpung daan at animnapu’t limang araw (isang buong taon). Parang napakabilis ng panahon, noh? Parang kahapon lang, noh? Marami tayong pinagdaanan noong taong 2013. Marami rin tayong natanggap na biyaya mula sa Diyos sa nakaraang taon. Harinawa, sa bagong taon na ito, marami ring biyaya ang ipagkaloob sa atin ng Diyos. 

Isang espesyal na solemnidad ang ipinagdiriwang ng Santa Iglesya sa pagsimula ng taong 2014. Ito po ay ang Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Nagbibigay-pugay, hindi sinasamba, ng Inang Simbahan sa ating Mahal na Inang si Maria. Ang Mahal na Ina ay ang Theotokos, ang tagapagpadala ng Diyos, ang Ina ng Diyos. Bakit? Sapagkat siyam na buwan na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan si Hesus, ang Anak ng Diyos, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Si Maria ang Ina ni Hesus at si Hesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Dahil dito, si Maria ay ang Ina ng Diyos. 

May isang maling akala tungkol sa ating mga Katoliko. Sinasamba raw natin ang Birheng Maria. Hindi po natin sinasamba ang Mahal na Birheng Maria o sinumang santo. Bagkus, tayo ay nagbibigay-galang kina Maria at sa lahat ng mga banal. May isang espesyal na pangalan ang pagbibigay-galang kay Maria. Ang tawag dito ay hyperdulia. Mas mataas ito sa pagpaparangal sa mga santo na ang tawag ay dulia, ngunit mas mataas sa hyperdulia ang cultus latria, ang pagsamba sa Diyos. Si Maria ay napakahalaga para sa Simbahan sapagkat kung hindi dahil sa kanyang fiat o ang kanyang “oo” sa kalooban ng Diyos, hindi magaganap ang plano ng kaligtasan ng Diyos. Kaya, dahil dito, ipinaparangal natin si Maria. 

Si Hesus ay nagkaroon rin ng ina sa pagkatao ni Maria, katulad natin. Hindi Siya biglang nagkatawang-tao sa lupa nang walang ina. Nagkatawang-tao Siya at Siya’y ipinaglihi ni Maria. Sabi nga sa Ikalawang Pagbasa ngayon na sinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak at Siya’y ipinanganak ng isang babae. Kung hindi dahil sa pag-ibig sa atin ng Diyos at ang “oo” ni Maria, hindi tayo maliligtas mula sa pagkaalipin ng kasalanan. Minamahal tayo ng Diyos, kaya plano Niya tayong iligtas mula sa kasamaan. Bahagi ng plano ng Diyos ay ang pagpili ng isang babae na maging ina ng Kanyang Anak. Si Maria ay pinalad ng Diyos na piliin na maging ina ng Anak ng Diyos, ang Salitang nagkatawang-tao, ang Pangalawang Persona sa Banal na Trinidad, si Hesukristo. 

Ang napakalaking pagpapala ng Diyos sa atin ay ang pagsusugo sa Kanyang Anak na si Kristo Hesus, ang ating Panginoon. Tingnan po natin ang mga biyayang tinanggap natin sa lahat ng mga taong ito. Ang lahat ng mga damit at bagay na ginagamit at nakikita natin ngayon ay biyaya mula sa Diyos. Sana’y maging kuntento tayo sa lahat ng mga biyaya na tinanggap natin mula sa Diyos. Napakarami ang pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Ngunit, may isang pagpapalang mas mahalaga at mas malaki kaysa sa mga nakikita natin – ang Kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Kristo, tayo ay pinalaya mula sa pagkaalipin sa kasamaan. Hindi na tayo mga alipin, mga anak na tayo ng Diyos at tayo’y mga kapatid ni Kristo. Si Kristo ang ating Tagapagligtas at kapatid. Siya ang ating Kuya. 

Tatlong okasyon ang ipinagdiriwang natin ngayon. Ang una ay ang Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng Diyos. Ang pangalawa naman ay ang Bagong Taon. Ang pangatlo naman ang Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan. Nawa po ang ating pagsimula ng Bagong Taon ay naging mapayapa at kasama sina Hesus at Maria. Magpasalamat tayo sa Diyos sa lahat ng mga biyayang tinanggap natin sa nakaraang taon at sa lahat ng mga araw sa buhay natin. Ang pinakamunti at pinakamahalagang pagsalubong sa Bagong Taon ay ang pasasalamat sa Diyos sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin. Sama-sama nating simulan ang Bagong Taon kasama ang Panginoong Hesus at ang ating Mahal na Inang si Maria.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento