Linggo, Disyembre 29, 2013

ANG TUNAY NA PAMILYA: NAGMAMAHALAN AT NANANATILI SA GITNA NG MGA PAGSUBOK SA BUHAY

Kapistahan ng Banal na Mag-Anak nina Hesus, Maria at Jose (A)

Sirac 3, 3-7. 14-17a/ Salmo 127/ Colosas 3, 12-21/ Mateo 2, 13-15. 19-23





































Si San Jose ay nagkaroon ng isa pong panaginip muli. Nabalitaan niya sa pamamagitan ng anghel ng Panginoon sa panaginip na ipinapahanap at ipinagpapatay ni Haring Herodes ang lahat ng sanggol mula dalawang gulang pababa. Kabilang na dito ang sanggol na Hesus na isinilang pa lamang. Nanganganib na ang buhay ni Hesus. Nasa panganib ang ating kaligtasan. Nasa panganib ang Mesiyas. Kaya, iniutos si San Jose ng anghel ng Panginoon na iligtas ang Mahal na Birheng Maria at ang Sanggol na Hesus. Sila’y tatakas sa Ehipto hanggang sa mamatay si Haring Herodes.
 

Ang Pagtakas sa Ehipto ay isa sa mga Siete Dolores o Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria. Kung mailalarawan natin sa ating mga isipan ang mukha ng Mahal na Ina habang tumatakas sila nina San Jose at ang Sanggol na Hesus, siguro makikita natin ang labis na katakutan para sa bata. Mararamdaman natin na natatakot si Maria nang malaman niya ang balita na nais ipapatay ang kanyang anak na si Hesus habang sanggol pa. Sinong ina ang hindi matatakot para sa kaligtasan ng kanyang anak? Kung may inang hindi natatakot dahil nanganganib na ang kanyang anak, may pusong bato siya. Wala siyang pakialam. Hindi niya talaga mahal ang kanyang anak. Pero, si Maria, ipinapakita niya sa kanyang katakutan ang pagmamahal niya kay Hesus. Nag-aalala siya para sa kaligtasan ni Hesus. Masakit sa kanya na makitang nanganganib ang buhay ng kanyang anak. Si Hesus ay napakahalaga para kay Maria. Dahil dito, alang-alang sa kaligtasan ng sanggol na Hesukristo, ang Mahal na Ina ay sumunod at tumalima sa kalooban ng Diyos. 

Ang papel naman ni San Jose ay ang itakas sa Ehipto ang mag-inang si Maria at Hesus. Ibinabala si San Jose na may problema. Sumunod sa utos ng Diyos si Jose. Kahit masyadong malayo ang Ehipto mula sa Betlehem, kahit nakakapagod ang biyahe papuntang Ehipto, kahit ilang araw ang biyahe mula Betlehem patungong Ehipto, sumunod pa rin si Jose. Ginawa niya ito alang-alang sa kaligtasan ni Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas. 

Bakit nga ba iniutos ni Haring Herodes na ipapatay ang mga sanggol na dalawang gulang pababa? Isa sa mga sanggol na iyon ang papalit sa kanya. Ayaw niyang may magtataboy sa kanya. Kaya, sinisigurado niyang walang magtataboy sa kanya sa pamamagitan ng pagpatay sa lahat ng mga sanggol sa Betlehem. Kabilang na doon si Hesukristo. Ang balak niya ay para bang patayin ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ni Hesukristo. KJ siya, noh? 

Pero, ang Diyos, hindi Niya papayagan na patayin si Hesus nang ganon na lamang. Marami pa ang kinakailangang pagdaanan ni Hesus sa mundong ito bago Siya mamatay. Ipinagtanggol ng Diyos ang Banal na Pamilya nina Hesus, Maria at Jose sa lahat ng mga problema o pagsubok nila sa buhay. Ang Banal na Pamilya nina Hesus, Maria, at Jose ay tumatalima sa plano ng Diyos. 

Makikita rin natin ang tunay na pagmamahalan nina Hesus, Maria at Jose. Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, sila’y nananatiling magkasama at nagmamahalan. Hindi sila nagkahiwalay sa panahon ng pagsubok. Kahit kailan, hindi nagkasira ang kanilang pagsasama. Nananatili silang magkasama at nagmamahalan. Sumusunod rin sila sa mga utos, plano at kalooban ng Diyos. Isinasabuhay din nila ang mga tinuro ng Diyos sa Banal na Kasulatan. 

Ang Banal na Pamilya nina Hesus, Maria at Jose ay dapat tularan. Dapat tularan ng mga pamilya sa mundo ngayon ang kanilang pananatili at pagmamahalan. Sa gayon, mararanasan ng bawat isa ngayon ang isang buong pamilya na nagmamahalan at nananatiling iisa. Ang Diyos ay ang bumubuo at nagtatanggol sa lahat ng mga pamilya sa buong mundo ngayon, katulad ng pagbuo at pagtanggol Niya sa Banal na Mag-Anak. Maraming mga isyu at problema sa mundo ngayon. Pero, kung nagmamahalan at nananatiling magkasama ang bawat pamilya, tiyak na ipagtatanggol sila ng Diyos, hindi lamang sa panahon ng pagsubok, kundi araw-araw, katulad ng pagtanggol Niya kay Hesus, Maria at Jose.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento