Sabado, Disyembre 7, 2013

MAS MALAKAS ANG KILOS KAYSA SA SALITA

Disyembre 16, 2013
Unang Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36 


Simula po ngayon ng Simbang Gabi. Kaya, gumigising po ng maaga ang buong Pilipinas siguro para sa siyam na araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo. Paniniwala po ng marami, kapag ang siyam na araw ng Simbang Gabi ay kinumpleto ng isang tao, ipagkakaloob sa kanila ng Diyos ang kanilang gusto o kahilingan para sa araw ng Pasko. 

Ang mga paring SVD ay itinatag ni Santo Arnold Janssen. Ang ibig sabihin ng SVD ay Societas Verbi Divini sa wikang Latin (Society of the Divine Word). Paanong nakuha ng kongregasyong ito ang pangalan nito? "Sa pasimula pa ay naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos. Nagkatawang-tao ang Salita at nakipamuhay sa atin." (Juan 1, 1. 14) Doon niya ipinangalan ang kongregasyon ng mga kapariang iyon. May kanta pa sila para sa isandaang taon ng mga paring SVD dito sa Pilipinas. Ang pamagat ng awiting iyon ay, "Witness to the Word." Ang kantang iyon ay tungkol sa pagsaksi nila sa Panginoong Hesukristo bilang Diyos, ang Salitang nagkatawang-tao.

Sa ating Ebanghelyo, pinuri si San Juan Bautista ni Hesus. Malaki ang papel na ginampanan ni Juan Bautista. Siya ang sumaksi sa Mesiyas at inihanda niya ang napakaraming tao para sa pagdating ng Mesiyas. Dahil sa mga pagtuturo ni Juan Bautista, maraming tao ang nagsisi upang masalubong nila ang Mesiyas sa pagkatao ng Panginoong Hesukristo.

Nililinaw rin ni Hesus na kahit malaki ang papel ni San Juan Bautista, mas malaki ang papel na gagampanan Niya. Katunayan nga, napakarami Siyang ginawa na higit pa kaysa kay Juan Bautista. Mas malaki rin ang responsibilidad ni Kristo. Ang misyon Niya dito sa lupa ay walang katulad. Siya ang itinakdang Mesiyas na mag-aalay ng buhay para sa kaligtasan ng marami. Siya ang ipinangakong Tagapagligtas na hinulaan ng mga propeta sa Lumang Tipan. Sumulat ang mga propeta sa Lumang Tipan tungkol sa Kanya. 

Ang mga ginawa ni Hesus sa Kanyang buhay ay kakaiba. Gumaling ang mga maysakit, lumalayas ang mga demonyo, nakakakita ang mga bulag, nakakarinig at nakakapagsalita ang mga pipi, nabubuhay ang mga patay at marami pang iba. Nagturo pa Siya ng maraming bagay tungkol sa kaharian at pag-ibig ng Diyos. Hindi lamang iyon ang mga ginawa ni Hesus. Maraming mga dakilang bagay ang ginawa ni Hesus na nagpapatunay na Siya nga ang ipinangakong Mesiyas at iisa si Hesus at ang Diyos Amang nasa langit.

Ang mga gawa ni Hesus ang Siyang nagpapatunay sa mga sinasabi Niya. Maraming bagay ang ipinapagawa sa Kanya ng Ama at ito ay ginagawa Niya. Tumatalima Siya sa kalooban ng Ama. Hindi Siya sumusuway sa kalooban ng Ama. Sa gayon, sila ay tunay na iisa. Tatlo man sila, Ama, Anak at Espiritu Santo, ang tatlong personang ito ay may iisang Diyos. Silang tatlo ay ang iisang Diyos. Actions speak louder than words. Mas malakas ang kilos kaysa sa salitaPinatunayan ni Hesus ang mga sinabi Niya at ang mga sinasabi tungkol sa Kanya ni Juan Bautista. Siya ang ipinangakong Tagapagligtas. Siya ang Mesiyas. Siya at ang Ama ay iisa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento