Disyembre 18, 2013
Ikatlong Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-25
Sa Ebanghelyo ngayon, mapapakinggan natin kung paanong tinanggap ni San Jose ang Mahal na Ina at ang ating Panginoong Hesukristo. Napakasakit talaga para kay San Jose nang hiniwalayan niya si Maria. Buntis si Maria, pero hindi tao ang nagbuntis sa kanya. Buntis si Maria sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ito'y dahil sa "oo" ni Maria noong ipinahayag sa kanya ng Arkanghel Gabriel ang lahat tungkol sa kapanganakan ng Panginoong Hesus. Minahal niya talaga si Maria. Pero, kung tinuloy niya ang kasalan nila ni Maria, malamang may iskandalong magaganap. Kaya, dahil sa kanyang pag-ibig kay Maria at pagiging malinis na tao, hiniwalayan niya si Maria upang walang iskandalong magaganap.
Makikita natin kung gaanong minahal ni Jose si Maria. Ikakasal sila, pero bumitiw si Jose upang hindi mapahiya si Maria. Napakahirap ang desisyong kinailangang gawin ni Jose. Nasaktan siya. Nanghihinayang siya na hindi tinuloy ang kasal niya kay Maria. Kahit na minamahal niya si Maria, tingin niya na mas mabuti pang hiwalayan si Maria kaysa mapahamak si Maria.
Habang pinag-iisipan ito ni Senor San Jose, nagpakita ang isang anghel sa kanya sa pamamagitan ng isang panaginip. May dalang balita ang anghel tungkol sa sanggol sa sinapupunan ni Maria. Ang sanggol sa sinapupunan ni Maria ay walang iba kundi ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Nakakapangilabot ang balitang ito. Hindi pangkaraniwang bata ang isisilang ng Mahal na Ina. Si Maria ang magiging Ina ng Tagpagligtas, ang Mesiyas, ang Kristo.
Alam po natin siguro na si San Jose ay galing sa lipi ni Haring David. Hinulaan ng mga propeta sa Lumang Tipan na ang Mesiyas ay magmumula sa lipi ni David. Iyan po ay ang Betlehem. Hinihintay niya at ang lahat ng mga Israelita ang pagtupad ng mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan. Pero, hindi niya inaasahan na siya mismo ang magiging amahan ng Mesiyas. Hindi niya inaasahan iyon. Isa pong napakalaking pananagutan para kay Jose. Hindi inaasahan ni San Jose na siya ang gaganap bilang amahan ng Mesiyas.
Pero, tinanggap pa rin ni San Jose si Maria at si Hesus. Inutos ito ng Diyos. Buong pagpapakumbaba niyang tinanggap ang kalooban ng Diyos. Kahit maaari niya sanang tanggihan at balewalain ang mga sinabi ng anghel, hindi iyon ginawa ni Jose. Hindi siya tumutol sa kalooban ng Diyos. Hindi siya kumontra. Kahit alam niyang napakalaki ang pananagutang ito, tinanggap pa rin niya at sinunod ang kalooban ng Diyos. Binitiwan ni San Jose ang lahat ng kanyang mga katakutan, at sumunod sa kalooban ng Diyos.
Tularan po natin ang katapangan ni San Jose. Kahit may mga kinatatakutan tayo, kung inutusan tayo ng Diyos, tayo po ay sumunod sa Kanyang utos. Sabi pa nga ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma, "Kung ang Diyos ay panig natin, sino ang laban sa atin?" (Roma 8, 31) Huwag tayong matakot. Ang Diyos ang bahala sa lahat. Kung natatakot tayo, kasama natin ang Diyos. Natural talaga ang matakot, pero ang Diyos ang Siyang magbibigay ng lakas sa atin upang maging matapang tayo, kahit kapag tayo ay natatakot. Magkaroon tayo ng lakas ng loob upang sumunod at tumupad sa kalooban ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento