Ika-8 Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66
Magandang umaga po sa ating lahat! Gising pa bo ba kayo? Dalawang araw na lamang po, Pasko na po! Nasa ika-8 araw na po tayo ng ating Simbang Gabi o Misa de Gallo. Bukas na po ang huling araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo? Tanong ko lamang po, sino na po ang nasa ika-8 araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo? Isang araw na lamang po ang kailangan ninyong titiisin at makukumpleto na ninyo ang siyam na araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo.
Ang Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa pagsilang ni San Juan Bautista. Katulad ng sinabi ng anghel na si Gabriel, si Elisabet ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at Juan ang magiging pangalan ng bata. Dahil hindi naniwala si Zacarias sa sinabi ng anghel, siya'y naging pipi at hindi nakapagsasalita hanggang sa araw na matupad ang mga sinabi ng anghel na si Gabriel. Ngayon, dumating na ang araw ng kapanganakan ng anak ni Elisabet.
Like father, like son. Ito po ay isang kasabihan sa wikang Ingles. Ang ibig sabihin noon, sa bawat galaw ng isang lalaki, may pagkakatulad na ito sa kanyang ama. Parang ganon ang nangyayari sa Ebanghelyo nang ipapangalan na ang anak nina Zacarias at Elisabet. Gusto ng mga kamag-anak nila na Zacarias rin ang pangalan ng bata para may junior itong si Zacarias. Kaya nila ipapangalan nilang Zacarias ang bata para may kahalili si Zacarias. Maaaring sumunod sa yapak ng kanyang ama ang batang ito.
Pero, hindi iyon ang magiging pangalan ng bata. Sa halip na ipangalan rin siya katulad ng kanyang tatay, iba ang magiging pangalan niya. Juan ang magiging pangalan ng bata. Nagulat ang mga kamag-anak nila nang marinig ang sinabi ni Elisabet. Wala silang kamag-anak na may ganong pangalan. Bago para sa kanila ang pangalang ito. Ang inakala nila na ang pipiliing pangalan ng mga magulang nila ay ang pangalan ng ama ng bata. Kakaiba ang kanyang pangalan. Hindi inaasahan na ito ang magiging pangalan ng bata dahil walang kamag-anak sila na may ganong pangalan.
Dahil doon, kinailangan nila ang kumpirmasyon ni Zacarias. Si Zacarias ang tatay ng bata, kaya siya ang may huling sabi. Tandaan, hindi nakapagsasalita si Zacarias nang siyam na buwan dahil sa pagduda niya sa sinabi ng Panginoon nang magpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon sa templo. Siguro, sa katahimikan, si Zacarias ay nagnilay sa mga sinabi sa kanya ng anghel. Pinagninilayan niya siguro kung ano ang mangyayari sa kanyang anak. Pinagninilayan niya siguro ang misyon ng magiging anak niya sa mundong ito. Pinagninilayan niya siguro ang pagdududa niya sa Diyos at dahil doon, mas lumalim ang kanyang pananalig sa Diyos. Ito'y mga posibilidad na inisip niya sa siyam na buwan ng katahimikan.
Ngayon, dumating na ang araw ng kapanganakan sa kanyang bagong anak. Siya ang tinanong tungkol sa magiging pangalan ng anak niya. Siya ang magkukumpirma ng pangalan ng sanggol. Siya ang huling magdedesisyon tungkol dito. Dahil sa hindi siya makapagsalita, isinulat niya ang pangalang, "Juan." Ikinumpirma ni Zacarias na hindi ipapangalan ang bata na katulad niya, kundi ang pangalang ibinigay ng Diyos sa batang ito. Hindi siya o ang sinumang tao ang masusunod, kundi ang utos ng Diyos. Hindi siya ang may huling sabi kundi ang Diyos.
Kahit na may mga ibang plano sa buhay natin, ang plano ng Diyos ay palaging masusunod. Hinding-hindi matatalo ang mga plano ng Diyos. Kahit gaanong kaganda ang ating mga plano sa buhay, mas maganda pa rin ang plano ng Diyos. Ang Diyos pa rin ang huling babanat at Siya ang bahala sa ating mga plano sa buhay. Dinidinig ng Diyos ang ating mga panalangin. Pero, huwag magduda sa Diyos. Kapag ang Diyos ay nangako, hindi Siya nagbibiro. Seryosong-seryoso at totoong-totoo ang Diyos kapag Siya'y nangako. Manalig tayo at sumunod sa plano ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento