Lunes, Disyembre 2, 2013

MARIA: PINAGPALANG ALIPIN NG DIYOS

Disyembre 9, 2013
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria (Nuestra Senora de la Inmaculada Concepcion), 
Punong Patronesa ng Bansang Pilipinas 
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38




Ang Pilipinas po ay kilala bilang isang Pueblo Amante de Maria (Bayang sumisinta kay Maria). Ito ay dahil sa debosyon ng maraming Pilipino sa Mahal na Ina. Napakalalim ang pagmamahal ng mga Pilipino sa Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng kanilang debosyon sa kanya sa ilalim ng ilang mga titulo ni Maria. Marami po ang mga deboto ng Mahal na Birhen ng Guadalupe (na ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Disyembre), Mahal na Birhen ng La Naval de Manila (tuwing Oktubre), Mahal na Birhen ng Antipolo, at marami pang iba. Pero, ang punong patronesa ng Pilipinas ay ang Mahal na Ina sa ilalim ng titulong Nuestra Senora de la Inmaculada Concepcion o ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria.

May dalawang maling akala tungkol sa Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria. Ang unang akala ay ito ang kapanganakan sa Mahal na Ina. Ang pangalawa naman ay noong ipinaglihi ni Maria si Kristo sa kanyang sinapupunan. Hindi na po iyon ang Immaculada Concepcion; ibang usapan na iyon. Ang Immaculada Concepcion ay ang paglilihi sa Mahal na Birheng Maria sa sinapupunan ni Santa Ana. 

May isa pong mahahalintulad sa Immaculada Concepcion. Ilarawan nating may dalawang tao na nahulog sa putikan. Nadapa at nahulog sa putikan ang una. Siya'y tinulungan ng isang taong upang makabangon at makatayo mula sa putikan. Nakabangon at nakaligtas siya, pero, may dungis na nananatili dahilan sa kanyang pagkahulog. Mabuti naman na ang lalaking nagligtas sa kanya ay may dalang tubig upang linisin niya ang kanyang sarili.

Ngayon, ang pangalawa naman ay mahuhulog na sa putikan. Malapit na siyang bumagsak sa putikan, bigla na lang siya iniligtas ng taong nakaligtas sa iyo. Nailigtas ang pangalawa, pero may pagkakaiba. Ang una ay naligtas pagkatapos na siya'y madapa. Ang pangalawa naman ay nailigtas bago pa siya nadapa sa putikan. Wala siyang dungis at hindi na siya kailangang maglinis. 

Ganyan din po ang nangyari kay Maria. Iniligtas siya ng Diyos sa kakaibang paraan. Bago pa man siya isinilang sa mundo, siya'y niligtas na ng Diyos mula sa kasalanang mana. Wala siyang dungis ng kasalanang mana. Ang dungis ng kasalanang mana ay tinanggal sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag, pero hindi na kinailangan pang dumaan sa prosesyong iyon ang Mahal na Ina. Hindi niya pinayagang madungisan ang Mahal na Ina. Bago pa man siya ipinanganak ni Santa Ana, iniligtas at nilinis na siya ng Panginoong Diyos upang magampanan niya ang isang malaking responsibilidad mula sa Diyos - ang maging ina ng Mesiyas, ang Panginoong Hesukristo. 

Kaya noong binati siya ng Arkanghel Gabriel, nagulumihanan siya sa ganong pagbati. Hindi niya sukat akalain na siya'y napaka-espesyal at napakahalaga sa mata ng Diyos. Dahil sa pagbati ng Arkanghel sa kanya, siya'y nagpakumbaba. At noong binati siya ng anghel, sinabi sa kanya ng anghel na makinig, sapagkat imporante ang kanyang sasabihin. Si Maria'y nakinig sa mga sinasabi ng arkanghel. Sinabi ng anghel ang lahat ng mga detalye ng mga pangyayaring magaganap, lalung-lalo na kay Maria. Sinabi ng anghel na pinili siya ng Diyos na maging ina ni Hesus, ang ipinangakong Mesiyas.

Napakabigat ng pananagutang ito. Malaking responsibilidad ito. Siguro may iba siyang plano sa buhay bago nagpakita sa kanya ang Arkanghel Gabriel. Hindi niya akalain na malaki ang magiging pananagutan niya sa buhay. Naintindihan ba ni Maria sa mga sinabi ng arkanghel? Hindi! Kahit na nakinig si Maria, hindi niya lubusang naintindihan ang mga sinabi ng Arkanghel si Gabriel. Kaya nagtanong siya sa Arkanghel Gabriel kung papaanong mangyayari na siya'y magiging ina ng Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Alam ni Maria ang lahat ng mga propesiya sa Lumang Tipan patungkol sa ipinangakong Mesiyas. Ang hindi lang niya maintindihan ang kung bakit at paano mangyayari ito sa kanya.

Pagkatapos ipaliwanag kay Maria ng Arkanghel Gabriel ang lahat, tinanggap niya ang pananagutang ito mula sa Diyos. Sinabi niyang siya'y alipin ng Panginoon, at mangyari nawa ang mga sinabi sa kanya. Tinanggap ni Maria ang pananagutang ito. Kahit ang ibig sabihin na may mga pagsubok na kailangan niyang pagdaanan sa kanyang buhay, siya'y mananalig sa Diyos at hahayaang mangyari ang kalooban ng Diyos. Ito ang kanyang "oo" sa kalooban ng Diyos. Ang kanyang "oo" ay ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Buong pagpapakumbaba niyang tinanggap at sinundan ang kalooban ng Diyos, katulad ng isang alipin. 

Sa Mateo 23:12 at Lucas 14:11, binigyang diin ni Kristo ang pagpapakababa. Ang sinabi Niya, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas." Si Maria ay nagpakababa sa harapan ng Diyos, kaya siya'y pinalad ng Diyos. Itinaas siya ng Diyos sa lahat ng mga nilalang. Dahil sa pagpapakababa ni Maria, nalugod sa kanya ang Diyos at siya'y pinili na maging ina ng Anak ng Diyos, ang Mesiyas, si Hesus. 

Tunay na pinagpala ang tapat na alipin ng Diyos na si Maria. Kahit hindi niya naintindihan ang mga pangyayari sa kanyang buhay, lalung-lalo na sa buhay ng kanyang anak na si Hesus, siya'y sumunod at tumalima sa kalooban ng Ama. Hindi siya naging hadlang sa mga plano ng pagliligtas ng Diyos sa sanlibutan. Buong pagpapakumbaba niyang tinanggap ang pananagutan niya sa Diyos, at tumalima sa kalooban ng Diyos. 

VIVA LA VIRGEN!! 




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento