Isaias 2, 1-5/Salmo 121/Roma 13, 11-14a/Mateo 24, 37-44
Isang bagong kalendaryo ang sinisimulan ng Santa Iglesia sa araw na ito. Sapagkat ngayon po ang Unang Linggo ng Adbiyento. Ang panahon ng Adbiyento ay binigay sa atin ng Santa Iglesia upang ipaghanda ang ating mga sarili, pisikal at espiritwal, para sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Apat na linggo sa panahon ng Adbiyento ang ibinigay sa atin ng Simbahan upang tayo'y maging handa para sa panahon ng Kapaskuhan.
Tanungin po natin ang ating sarili. Ano ang paghihintay para sa atin? Malaking bagay ba ito para sa atin o maliit lamang? Ano ang mga pakiramdam kapag tayo ay naghihintay para sa isang bagay o okasyon? Ano nga ba ang tingin natin sa paghihintay? Nakakabuti ba ito para sa atin, o kaya nagsasayang lang tayo ng oras?
Bahagi ng ating buhay ay ang paghihintay. Sa una, para bang pasiyente tayo kapag tayo ay naghihintay. Pero, kapag lumipas na ang panahon, para bang nakakainip. Nakakasawa na ang paghihintay. Kahit na dumating sa atin ang ating hinihintay o ang ating hinihingi, kapag matagal na nating hinintay, para bang nawalan na tayo ng interesado doon. Marami po sa atin ay hindi mahilig maghintay. Nakakaiinip at parang matagal ang paghihintay. Pakiramdam natin ay para bang masyadong matagal dumating o mangyari ang isang bagay. Gusto natin mangyari na ang isang pangyayari. Nagmamadali na tayo.
Katulad na lamang noong lumaban si Manny Pacquiao kay Brandon Rios noong nakaraang linggo. Marami ang hindi makapaghintay sa pagbabalik ng Pambansang Kamao ng Pilipinas sa ring. Mag-iisang taon na siyang wala sa pagboboksing, at simula ng taong 2013, marami ang nagtataka kung babalik pa ba siya. Noong sinabi ng balita na babalik siya sa Nobyembre, marami tuloy ang sabik na sabik na para sa araw na iyon. Hinihintay na ang araw ng laban ni Pacquiao upang manatiling nakatutok at panoorin muli ang ating idolong si Manny Pacquiao.
Marami pong tinuro ang ating Panginoong Hesukristo tungkol sa paghihintay. Kabilang na doon ang ating Ebanghelyo ngayon. Alam po ninyo, matagal na tayong naghihintay kung kailan muling babalik ang Panginoon dito sa lupa. Ipinangako Niya na Siya'y babalik muli sa katapusan ng panahon. Ilang taon na, hindi pa rin Siya bumabalik dito sa lupa. Maaaring pinagpapaliban muna ni Kristo ang muling pagparito Niya bilang Haring Hukom. Pero, sabi nga ni Kristo, walang nakakaalam kung kailan Siya babalik.
Hindi natin malalaman o maasahan kung kailan darating si Hesus. Pinapaalala tayo ni Hesus na maging handa para sa Kanyang pagdating. Hindi natin alam kung kailan magaganap ang muling pagparito Niya. Kaya, katulad ng mga sinasabi ng boy scout at girl scout dito sa Pilipinas, dapat laging handa. Ganyan rin ang sinasabi ni Hesus ngayon. Dapat tayong maging handa para sa mga pangyayaring hindi natin inaasahan.
Anong klaseng paghahanda? Espiritwal at pisikal na paghahanda. Hindi sapat ang pisikal na paghahanda. Upang maging sapat ang ating paghahanda, kinakailangan natin ng espiritwal na paghahanda? Paano tayo makakapaghanda ng espiritwal sa ating paghihintay sa Panginoong Hesus? Unang-una, magdasal sa Diyos. Mahirap para sa atin ang maghanap ng oras na manalangin sapagkat para bang wala nang oras. Inaaksaya natin ang oras natin. Marami tayong ginagawa. Kinakailangang kausapin natin ang Panginoon, kahit sandali lamang. Magkaroon ng oras na makipag-ugnay sa Diyos. Hindi na kinakailangang ipakita sa mga tao na tayo ay nananalangin.
Pangalawa, magbalik-loob sa Diyos. Ibinibigay ng mga panahon ng Adbiyento at Kuwaresma na pagnilayan kung ano ang naging takbo ng ating buhay. Saan nga ba patungo ang buhay natin? Kung tayo ay naliligaw, huwag mawalan ng pag-asa. Pwedeng mag-u-turn. Pwedeng umikot. May pag-asa pang magbago ang buhay natin. Paano natin babaguhin ang ating buhay? Una, humingi ng kapatawaran sa Diyos sa Sakramento ng Kumpisal. Pangalawa, iwasan na gawin uli ang mga kasalanang nagawa natin.
Ang Adbiyento ay hindi nag-aaksaya ng panahon. Problema na po para sa atin ay nakakalimutan na natin ang panahon ng Adbiyento, lalung-lalo na sa ating bansang Pilipinas. Anong nangyari? Setyembre pa lamang, may napapakinggan na tayong mga tugtuging pampasko?! Bakit na nating nakakalimutan ang kahalagahan ng panahon ng Adbiyento? Bakit nagmamadali tayong lahat? Bakit minamadali natin ang Pasko? Binabalewalaan na natin sa panahon ngayon ang kapanahunan ng Adbiyento.
Isang aral na makukuha natin sa panahong ito ay huwag magmadali. Ang paghihintay ay mukhang pag-aaksaya ng panahon, pero mahalaga ito. Napakahalaga ng panahon ng Adbiyento para sa ating lahat. Binibigyan tayo ng panahon na maghanda at maghintay para sa araw ng kapanganakan ni Kristo. Gamitin nawa natin ang lahat ng oras sa Adbiyento na paghandaan ang pisikal at espiritwal na sarili ng ating buhay.
Huwag tayong magmadali. Gamitin natin ng tama sa paghihintay at paghahanda ang panahon ng Adbiyento. Pagsapit ng Pasko, ano ang makikita ng Panginoong Hesus sa ating puso? Habang may panahon pa, magbalik-loob na tayo sa Diyos upang maipaghanda natin ang ating sarili para sa kaarawan ni Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento