Linggo, Nobyembre 10, 2013

ANG DIYOS NG BUHAY

Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon 
2 Macabeo 7, 1-2. 9-14/Salmo 16/2 Tesalonica 2, 16-3, 5/Lucas 20-27-38 




Tayong mga Katoliko ay naniniwala sa muling pagkabuhay. Ang muling pagkabuhay ay binabanggit sa Kredo. Pinaniniwalaan natin na tayong lahat ay muling bubuhayin ng Panginoong Diyos. Ang Diyos natin ang muling bubuhay sa ating lahat sa muling pagkabuhay. Katulad ng muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, tayo ay sumasampalataya na tayo'y muling bubuhayin tulad Niya. Kapag tayo ay muling binuhay, hindi na mamamatay o mabubulok ang ating mga katawan. Ang ating mga katawan ay babaguhin ng Panginoon at ito'y magiging maluwalhati, tulad ng Kanyang katawan. 

Isang grupo na hindi naniniwala sa muling pagkabuhay ay ang mga Saduseo. Hindi sila naniniwala sa muling pagkabuhay. Naniniwala sila na kapag namatay ka na, iyon na iyon. Huwag kang mag-aaksaya ng panahon. Dapat magpakasaya ka sa buhay mo. Tapos na ang lahat kapag namatay ka na. Nakahimlay ka lang sa lupa. Walang langit, walang muling pagkabuhay. 

Ayon din sa mga Saduseo, kapag namatay ang isang tao, pumupunta sila sa tirahan ng mga patay. Ito ay tinatawag na Sheol. Sa lugar na ito, wala silang ugnayan sa Diyos at sa kapwa-tao na namatay kasama nila. Hindi sila makakatanggap ng anumang gantimpala mula sa Diyos. Magpakailanman silang magkahiwalay sa Diyos. Hindi sila makakapag-ugnay sa Diyos at kapwa. 

Nilapitan nila ngayon si Hesus sa Ebanghelyo upang tanungin tungkol dito. Gumawa sila ng kwento tungkol sa isang sitwasyon. May pitong lalaking magkapatid na nagpakasal sa iisang asawa. Nagpakasal ang una sa babaeng ito, hindi sila nagkaroon ng anak, at namatay ang lalaki. Ganun rin ang nangyari sa pangalawa at umabot pa sa pampito. Pagkatapos noon, pati ang babae ay namatay. Ang tanong nila sa Panginoon ay kung alin sa magkakapatid ang magiging asawa ng babaeng ito sa muling pagkabuhay. Sino sa pitong magkapatid na ito ang asawa ng babae sa kabilang buhay.

Ang tawag sa pagpapakasal sa kapatid ng asawa mong sumakabilang buhay ay levirate marriage. Ito po ay isang tradisyon na ginagawa ng mga Hudyo. Inutusan ito ni Moises sa ika-25 kabanata ng aklat ng Deuteronomio. Ayon sa batas ng mga Hudyo, kapag pumanaw ang isang lalaki na walang iniwang anak sa kanyang asawa, pwedeng magpakasal ang babaeng ito sa kapatid ng kanyang asawa. Hindi siya maaaring magpakasal sa isang lalaking estranghero. 

Bakit naman nagtatanong ang mga Saduseo tungkol sa muling pagkabuhay? Kung hindi sila naniniwala sa muling pagkabuhay, bakit nila ito tinatanong sa Panginoon? Bakit nagtatanong sila sa Panginoon tungkol sa isang bagay na hindi naman nila pinaniniwalaan? Iisa lamang ang dahilan noon siguro - patunayan na hindi totoo ang muling pagkabuhay. Gusto nilang patunayan na tama ang kanilang tinuturo. Para bang may halong yabang sa sadya nila. 

Tinutulan ni Kristo ang paniniwalang ito ng mga Saduseo. Ang sagot Niya sa tanong ng mga Saduseo ay kahit gaano mang kalakas ang kapangyarihan ng kamatayan, mas malakas pa rin ang kapangyarihan ng Diyos. Hindi mananaig ang kamatayan laban sa Diyos. Mas makapangyarihan ang Diyos kaysa sa kamatayan. Nagmula sa Diyos ang buhay ng lahat ng mga nilikha Niya at Siya ay Diyos ng buhay. Ang Diyos ang nagbibigay-buhay sa Kanyang mga nilikha. Siya lamang ang may karapatan sa buhay, kaya ang buhay ay dapat ginagalang. Pinatunayan ng Panginoon na mali ang tinuro ng mga Saduseo tungkol dito. Hindi naging matagumpay ang sadya ng mga Saduseo. Hindi na nilalapitan si Hesus upang magtanong. Lagi Siyang nananalo. 

Ang muling pagkabuhay naman ay iba sa ating buhay dito sa lupa. Ito'y hindi katulad ng buhay natin dito sa lupa na puno ng mga bisyo at kasalanan at mamamatay ulit. Reincarnation siguro ang tawag doon. Hindi sinasabi ng Panginoon na tayo ay magkakaroon ng reincarnation. Ibig sabihin noon, paulit-ulit tayong mamumuhay sa lupa. Ang tinuturo ng reincarnation ay kapag tayo'y namatay, mamumuhay tayo uli dito sa lupa. Pero, ibang uri nga lang. Halimbawa, kung ang isang tao'y namuhay bilang isang lalaki sa buhay na ito, sa susunod na buhay niya, siya'y magiging babae. O kaya ang isang tao ay magiging isang hayop o halaman. Hindi iyon tinuturo ng Panginoong Hesukristo. 

Ang muling pagkabuhay na itinuturo ni Hesus ay isang pamumuhay ayon sa Diyos. Hindi na tayo babalik sa dating kinagawian sa pagkabuhay na muli. Bagkus, tayo'y mamumuhay at mamamalagi ayon sa kalooban ng Diyos. Walang makakatalo sa kapangyarihan at buhay ng Diyos. Kahit ang sinumang hindi gumagalang sa buhay, kahit ang kapangyarihan ng kamatayan, hinding-hindi nila kayang magtagumpay laban sa Panginoong Diyos. Hindi matatalo ninuman ang Panginoong Diyos. Ang Diyos ang laging mananaig sa huli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento