Sabado, Nobyembre 2, 2013

PAGTUGON SA PAANYAYA NG DIYOS

Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
Karunungan 3, 1-9/Salmo 23/Roma 6, 3-9/Mateo 25, 31-46 

Tuwing kapanahunan ng Undas, lalung-lalo na kahapon at ngayon, ay dumadalaw sa mga sementeryo. Ito nga po siguro ang panahon kung saan ang sementeryo ay punung-puno na ng tao. Maraming tao ang pumupunta ngayon sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay upang magsindi ng kandila at mag-alay ng mga panalangin para sa mga yumaong mahal sa buhay. 

Ginugunita po natin ngayon ang Simbahang Nagdurusa (Suffering Church). Sila po yung mga Kristiyanong nasa Purgatoryo. Sila'y pinagpaparusa nang pansamantala. Namatay sila sa grasya ng Diyos, pero hindi pa sila dalisay. Kaya, sila'y pinapunta sa Purgatoryo upang sila'y ihanda para sa pagpunta nila sa langit. Sila'y iniligtas sa pagdurusa sa impiyerno, ngunit kinakailangan silang linisin sa mga maliliit na kasalanan nila.

Ang araw na ito ay ibinigay sa atin ng Simbahan upang ipagdasal ang mga kaluluwa ng mga kapanalig nating yumao. Inaanyayahan sila ng Diyos na makasama Siya sa kalangitan. Tinanggap nila ang paanyayang ito, pero hindi pa sila handa. Kinakailangang pumunta sila sa Purgatoryo upang sila'y linisin mula sa mga hindi mortal na kasalanan na ginawa nila. Sa tulong ng mga panalangin at pag-alay ng Banal na Misa para sa kanila, lalung-lalo na sa araw na ito, makakatulong ito sa mga kaluluwa sa Purgatoryo na makapasok sa kaharian ng langit. 


Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa paggawa ng mabuti sa ating kapwa-tao. Lahat tayo ay nilikha sa larawan ng Diyos. Kahit ang mga dukha, sila'y nilikha ng Diyos. Kadalasan, hindi natin pinapansin ang Panginoon sa ating kapwa. Hindi rin natin Siya nararamdaman sa ating piling. Kaya, para bang hindi natin pinapansin ang ating kapwa-tao. Paminsan-minsan, iniiwasan natin ang ating kapwa-tao. 

Ginagawa natin kay Hesus ang anumang ginagawa natin sa kapwa. Kung gumawa tayo ng mabuti sa ating kapwa, ito'y ginagawa natin kay Hesus. Kung masama ang ginawa natin sa kapwa, ginawa natin iyon kay Hesus. Kung hindi natin pinansin ang anumang hinihingi ng kapwa, lalung-lalo na ang paghihingi ng limos ng mga mahihirap, hindi natin pinapansin si Hesus. 

Ang mga tupa, gumawa sila ng mabuti sa kanilang kapwa, hindi nila napansin o nalaman na ginawa rin nila ito kay Hesus. Ang mga kambing, sinabi pa sa Panginoon na dapat nagpakita Siya sa kanila upang gumawa ng mabuti. Ano ba tayo? Tupa o kambing? Saan ba tayo kabilang? Gumagawa ba tayo ng kabutihan sa ating kapwa, na hindi natin nalalaman na si Kristo ay pinaglilingkuran natin, o kaya kinakailangan pang magpakita si Kristo upang gumawa tayo ng mabuti? 

Inaanyayahan tayo ng Diyos na makasama Siya sa kalangitan. Ang paggawa ng mabuti sa kapwa, lalung-lalo na sa mga mahihirap, ay isang paraan upang tayo'y makapasok sa kaharian ng langit. Ang mga Korporal at Espiritwal na Gawa ng Awa ay makakatulong sa atin na makapasok sa langit. Kapag tayo ay nagdarasal at gumagawa ng mabuti sa mga kapatid natin nabubuhay o yumao, tiyak na tayo'y magkakaroon ng gantimpala mula sa Diyos sa ating kamatayan. Gagantimpalaan tayo ng Panginoon para sa mga kabutihang ginawa natin. 

Bukas sa lahat ang paanyaya ng Diyos na makasama Siya sa langit. Pero, nasa ating mga kamay ang desisyon. Tayo ang gagawa ng desisyon kung paano tayo tutugon tayo sa paanyaya ng Diyos. Hindi tayo pinipilit ng Diyos. Paano tayo makakatugon sa paanyaya ng Diyos? Ang panalangin at ang paggawa ng mabuti sa ating kapwa, nabubuhay man o yumao. Kapag ginawa natin iyon, harinawa, sa pagwawakas ng ating buhay dito sa lupa, gantimpalaan tayo ng Diyos sa paggawa ng mabuti na walang hinahanap na kabayaran. 

Ipagdasal po natin ngayon ang mga kapatid nating yumao: 

O Panginoon, nawa'y pagkalooban Mo sila ng walang hanggang kapahingahan
at nawa ay masinagan sila ng panghabang-panahong liwanag.
Mahimlay nawa sila sa kapayapaan.
Amen.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento