Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde
Malakias 3, 19-20a/Salmo 97/2 Tesalonica 3, 7-12/Lucas 21, 5-19
Tayong lahat ay hindi mahilig sa mga katapusan, lalung-lalo na kapag magtatapos na ang mga programa sa telebisyon. Halimbawa lamang po nito ay ang programang Be Careful With My Heart sa ABS-CBN Channel 2. Siguro, marami na po ang nasawa sa panonood ng programang ito dahil sa sobrang haba nito. Pero, nang mabalitaan nila na ikakasal na sina Maya at Ser Chief sa Nobyembre 15, siguro nagulat sila. Kaya, marami ang nakatutok sa ABS-CBN sa araw ng kasal. Ang ibig sabihin ng kasal, malapit na magtapos ang Be Careful With My Heart. Kung kailan matatapos na ang programa, ayaw na nilang bumitaw. Nakakakilig much ang kwento nina Maya at Ser Chief, aaminin ko po.
Papalapit na po tayo sa pagwawakas ng Taon K sa Kalendaryo Panliturhiya. Ang Taon ng Pananampalataya ay magwawakas rin po sa susunod na Linggo - ang Kapistahan ng Kristong Hari. Kaya, binibigyan tayo ng pagkakataon ng mga Pagbasa ngayon na pagnilayan ang katapusan ng panahon. Sa katapusan ng panahon, babalik ang Panginoong Hesukristo bilang Hari at Hukom ng lahat ng nabubuhay at nangamatay na tao.
Hindi po permanente ang mga buhay natin dito sa lupa. Pansamantala lamang po ang mga buhay natin sa daigdig na ito. Balang araw, tayo'y mamamatay rin. Mahirap lang po sa atin siguro ay masakit itong tanggapin. Hindi natin kayang tanggapin ang masasakit na pananalitang ito. Ayaw natin pakawalan ang ating buhay. Napakahirap po para sa atin ang pakawalan ang mga bagay sa ating buhay, lalung-lalo na ang mga tagumpay, parangal, atbp. Natatakot tayong mamatay at mahirap para sa lahat ng tao ang huwag matakot sa kamatayan. Maraming kinakatakutan ang lahat ng tao, pero, mas natatakot tayo sa kamatayan.
Maraming pangyayari dito sa mundo ang hinula ni Hesus. Una, may mga huwad na propeta na maghahanap ng atensyon. Ipagkakalat niya na siya ang Mesiyas at dumating na ang panahon. Lolokohin lamang ng mga propetang ito ang lahat ng mga makikinig sa kanya. Hindi galing sa Diyos ang mga sinasabi nila. Walang katotohanan sa mga sinasabi niya. Naghahanap lamang siya ng atensyon. Para bang tsismis. Napakahirap ang hindi mag-tsismis. Binababalaan tayo ng Panginoon na huwag magpahulog sa bitag ng kasinungalingan.
Pangalawa, maraming mga kalamidad ang mangyayari. Maging lindol, bagyo, at marami pang iba, ito'y mangyayari. Ang ating bansang Pilipinas ay naging biktima ng dalawang kalamidad ngayong taong ito. Una, ang lindol sa Gitnang Kabisayaan,, lalung-lalo na po sa Bohol at Cebu. Nakita po natin sa mga larawan mula sa internet at telebisyon ang mga gusaling nawasak dahil sa lindol na ito. Pangalawa, ang bagsik ng bagyong Yolanda sa Silangang Kabisayaan, lalung-lalo na po sa Tacloban. Ito na ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayon. Kitang-kita sa mga larawan sa internet at sa telebisyon ang bagsik ng bagyong ito. Ilang araw na silang nagutom at hindi naligo, pero tiniis pa nila ang lahat ng iyon. Pero, tiniis nila iyon. Sila'y nagkaroon ng lakas upang tiisin ang paghihirap na iyon.
Ngayon, kung itatanong ninyo kung malapit na ang pagwawakas ng panahon, ang sagot ko, hindi ko alam. Malapit na nga ba ang katapusan ng panahon? Hindi ko po alam. Sabi nga ni Kristo, walang nakakaalam dito. Kahit ang mga anghel at banal sa langit, kahit pa si Kristo mismo, hindi alam. Sino ang may alam kung kailan nga ba ang katapusan? Ang Amang nasa langit lamang. Ang Diyos Ama lamang mismo ang nakakaalam tungkol dito.
Ang mga nagtiis at nanatiling tapat pa rin sa Diyos ay gagantimpalaan Niya sa buhay na walang hanggan. Tunay nga silang mapalad. Gagantimpalaan sila ng Diyos para sa pagtitiyaga nila sa buhay nila sa lupa. Hindi nila alam kung kailan mamamatay sila o kung kailan magwawakas ang panahon. Ang alam lamang nila, tatanggap sila ng gantimpala mula sa Diyos para sa pagtitiis para sa buhay na walang hanggan. Nawa, kabilang tayo sa mga makakamit ng buhay na walang hanggan dahil sa pagtitiis natin sa mga pagsubok dito sa lupa at pananatiling tapat sa Diyos at sa ating pananampalataya sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento