Sabado, Nobyembre 23, 2013

ANG HARING NAKAPAKO SA KRUS

Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon/Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K)
2 Samuel 5, 1-3/Salmo 121/Colosas 1, 12-20/Lucas 23, 35-43


Ano ang pangkaraniwang kahulugan ng salitang, “Hari?” Paano mo mailalarawan ang isang hari? Ano ang mga katangian ng isang hari? Ang hari, dapat may korona. Siya’y makapangyarihan. Ang hari ay sumusuot ng mga magagarang damit. Napakaganda ang kanilang mga damit. Sila’y matatapang; hindi susuko sa laban. Iilan lamang po ito sa mga pangkaraniwang paglalarawan sa isang hari.

Ang ating Panginoong Hesukristo ay isang hari rin. Pero, sa Ebanghelyong narinig, parang hindi naman Siya hari. Bakit? Nakapako Siya sa krus! Sinong hari ang nakapako sa krus? Unang tingin pa lang, hindi na nararapat ang Panginoon na maging hari. Walang haring mahina. Walang haring nakapako sa krus. Hindi lang iyan, nilalapastangan Siya. Hindi ba ang isang hari, ginagalang ng mga tao? Ang koronang sinusuot ni Hesus, napansin ba ninyo? Hindi gawa sa ginto, kundi gawa sa tinik! Si Hesukristo, nilalapastangan, pinagtatawanan ng mga tao. Mukha Siyang mahina, mukhang hindi talagang hari ang Panginoon.

Kung ating suriing mabuti ang Mabuting Balita, may ginagawa si Kristo sa Krus upang patunayan na Siya’y isang Hari. Ano nga ba talaga ang dahilan kung bakit nga naparito si Kristo sa lupa? Hindi ba ang misyon Niya ay iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan (espiritwal at pisikal). Isa na itong katangian ng isang hari. Ang isang hari, inililigtas Niya ang mga tao. Inuuna Niya ang mga taong sinasakupan Niya. Kahit na mukhang mahina si Kristo at hindi inililigtas ang Kanyang sarili, mayroon Siyang ililigtas – ang sangkatauhan.

Isa ring katangian ng isang hari ay ang pagiging handa sa paglilingkod sa kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga sinasakupan niya. Servant leadership ang tawag dito. Kahit na ang isang tao ay ang pinuno, siya’y laging handa na maglingkod sa kanyang mga tagasunod. Kahit mas mataas pa ang ranko ng isang lider kaysa sa iba, maglilingkod pa rin siya. Hindi lamang niya iniisip ang sarili niyang kapakanan. Iniisip rin niya ang kapakanan ng mga tagasunod niya. Iniisip niya ang mga ikabubuti sa kanila. Siya’y laging handang maglingkod.

Si Hesus ay isang mabuting huwaran ng steward leadership. Kahit na Siya ang hari ng langit at lupa, iniisip rin Niya ang mga ikabubuti sa atin. Inuunahan at pinaglilingkuran Niya ang mga tao Niya. Kahit na Siya’y Diyos, Siya’y nagpakumbaba at naging taong tulad natin. Namuhay Siya bilang alipin. Pinaglingkuran Niya tayo sa pamamagitan ng pagtuturo ng Mabuting Balita sa lahat ng tao, lalung-lalo na ang mga makasalanan.

Nagkaroon rin ng isang pagkakataong kung saan pwedeng takasan ng Panginoong Hesus ang Kanyang pagkamatay sa Krus. Pero, pinili Niyang sundan ang kalooban ng Ama. Ang Kanyang panalangin sa Halamanan ng Getsemani, “Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod.” Maaari Niyang takasan ang maglingkod. Kahit may tukso na huwag nang mamatay sa krus, pinagtagumpayan Niya ito alang-alang sa ating lahat. Pinili ng Panginoon ang mamatay alang-alang sa kaligtasan ng lahat ng tao. Isang haring mag-aalay ng buhay upang iligtas ang mga tao. Hindi plano Niya ang sinunod. Plano ng Ama ang Kanyang sinunod. Dahil sa desisyong ginawa Niya, pinaglilingkuran Niya ang Ama at ang tao. Hindi sarili ang iniisip ni Hesus, iniisip Niya tayo na mga nabihag ng kasamaan at kasalanan. Misyon Niya ay ang iligtas tayo upang tayo’y makasama Niya sa Kanyang kaharian sa langit.

Noong ipagtatanggol sana ng mga apostol si Hesus sa Halamanan mula sa mga autoridad (lalung-lalo na si San Pedro), pinigil Niya. Pinigilan Niya ang Kanyang mga alagad. Kahit nagkaroon uli Siya ng pagkakataon ng takasan ang Kanyang kamatayan, kahit na nagkaroon ng pagkakataon upang hindi Siya madakip, hinayaan Niyang mangyari iyon. Kalooban ito ng Ama, Siya’y nagiging masunurin sa kalooban ng Ama. Si Hesus ay isa ngang hari na mag-aalay ng buhay alang-alang sa mga pinaghaharian Niya.

Sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa Krus, pinaglingkuran ni Hesus nang buong pagpapakumbaba ang Ama at ang kapwa-tao. Wala Siyang hinahanap na kapalit. Nagpakababa Siya at kusang naglingkod hanggang kamatayan. Isang halimbawa ang binibigay sa atin ni Hesus – pagpapakababa. Tayong lahat ay dapat ring magpakababa at gumawa ng mabuti para sa ating kapwa, tulad ni Hesus. Anu-ano ang mga paraan ng paggawa ng mabuti sa kapwa? Kahit ang mga maliliit na bagay lamang. Hindi naman kinakailangang mali. Sinasabi nga ng isang kasabihan, “Ang isang maliit na bagay ay makakagawa ng malaking diperensya.” Basta, ang mahalaga ay kung naggaling ang ating paggawa ng mabuti sa ating puso.

Si Hesus ay babalik sa wakas ng panahon bilang Hukom nating lahat. Hindi Niya tatanungin kung magkaano ang pera o ilan ang ating mga sasakyan. Bagkus, kung tatanungin Niya tayo, tatanungin Niya kung ilang beses na nating pinaglingkuran at gumawa ng mabuti para sa kapwa. Sinasabi ni Hesus na anuman ang ginagawa natin sa ating kapwa, ito ay ginagawa natin sa Kanya. Ito’y para bang isang paanyaya mula kay Hesus na makapasok sa langit. Ito’y para bang RSVP. Hindi tayo pipilitin ni Hesus. Tayo ang gagawa ng desisyon. Nasa ating mga kamay ang ating desisyon.

Inaanyayahan tayo ni Kristo na makasama Niya sa Kanyang kaharian sa langit. Nawa’y tanggapin natin ang paanyayang ito, katulad ng pagtanggap nito ni Dimas. Si Hestas, inalipusta si Kristo sa krus. Nabulag siya sa maling akala na dahil hindi nagrereklamo o anuman si Kristo sa krus, mahina na Siya. Ngunit, binuksan ni Dimas ang kanyang isip at mga mata kay Kristo at naniwalang wala siyang kasalanan. Naniwala rin siya na isang tunay na hari ang Panginoong Hesukristo at hindi ito mula sa mundong ito. Huwag tayo magpapabulag sa pag-aakalang mahina si Hesus. Di porke’t nakapako si Hesus sa krus, mahina na Siya. Hindi totoo ‘yan! Makapangyarihan si Hesus, kahit na nakapako sa krus. Ang Krus ay simbolo ng Kanyang tagumpay, pagpapakababa, at paglilingkod sa atin.

Tularan natin si Kristong Hari sa paglilingkod sa kapwa-tao. Gaano man kataas ang posisyon ng isang tao sa kanyang buhay, siya’y dapat maglingkod rin sa kapwa. Sapagkat anuman ang ginagawa natin bilang paglilingkod sa kapwa natin, ginagawa natin ito kay Kristong Hari. Sa katapusan ng panahon, tayo’y gagantimpalaan ng Panginoong Hesukristo para sa mga mabubuting gawa sa ating kapwa. Paano Niya tayo gagantimpalaan? Isasama Niya tayo sa Kanyang kaharian sa langit – tulad ng pagsama Niya kay Dimas.


VIVA CRISTO REY!! VIVE CRISTUS REX!!
MABUHAY ANG KRISTONG HARI!!





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento