Sabado, Nobyembre 9, 2013

SIGLA AT PAG-IBIG PARA SA TEMPLO NG DIYOS

Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22 


Ang pagmamahal ni Hesus sa templo ng Diyos ay masasaksihan natin sa Ebanghelyo ngayon. Nagalit Siya at pinalayas Niya ang mga nagbebenta at nagbibili sa templo. Sa halip na nagdarasal, nakikipag-usap at nakikipag-ugnay sa Diyos, sila'y nagbibili at nagbebenta. Mistulang palengke ang templo. 

Bakit pa naman humantong ang galit ni Kristo sa paggawa ng eksena at pagwala sa templo? Hindi nagpapasikat si Kristo. Talagang galit na galit Siya. Ang galit Niya at ang pagpapalayas sa mga nagbibili at nagbebenta sa templo ay isang pagpapadama ng pagmamahal Niya sa tahanan ng Kanyang Ama. Lubos Siyang nasaktan sa ginawang pambabastos sa templo.

Hindi lang pisikal na gusali lamang ang templo ng Diyos. Ang ating mga katawan ay templo rin ng Diyos. Nananahan sa atin ang Espiritu Santo.  Isang biyaya mula sa Diyos ang ating mga katawan. Siya ang may-ari ng ating katawan. Tayo'y mga katiwala o tagapangasiwa lamang. Paano nating pinagangasiwa ang ating katawan? May mga mabuting tagapangasiwa at may mga masama rin. Ang tanong - saan tayo kabilang? Paano tayo'y naging tagapangasiwa ng ating mga katawan? Ginagamit ba natin ang ating katawan sa mabuti o sa masama? 

May dalawang klaseng katiwala ng Templo ng Espiritu Santo. Ang una ay ang mga mabubuting katiwala. Umiiwas sila sa paggawa ng masama at gumagawa sila ng mabuti. Hindi sila abusado. Inaalagaan nila ang kanilang katawan sapagkat alam nila hindi pag-aari nila ang katawang ito, ang Diyos ang may-ari nito. Ang pangalawang uri ng katiwala ay ang mga masamang katiwala. Inaabuso nila ang kanilang katawan. Ginagamit nila ito sa masama. Wala silang pakialam o pangangalaga sa kanilang templo. Hindi nila nalalaman kung saan nanggaling ang kanilang mga katawan. Inaakala nila na dahil sila'y malaya at pinangasiwa ng Diyos ang katawan nila, pwede silang maging pasaway at sumuway sa kaloobann ng Panginoong Diyos. 

Kapag nakita ng Panginoong Hesus ang labas at loob ng ating katawan, matutuwa ba Siya sa nakita Niya? Titinginan ng Panginoon ang nasa labas at loob ng ating katawan, lalung-lalo na ang mga puso natin. Anong makikita ni Kristo sa atin? Kabutihan ba o kasamaan? Matutuwa ba Siya sa makikita Niya o hindi? Lahat ng iyon ay depende sa ating pangangasiwa sa ating mga katawan. 

Nawa matuwa ang Panginoong Hesukristo sa ating pangangasiwa sa ating mga katawan. Ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon ang ating mga katawan. Pagbutihin natin ang ating pangangasiwa. Huwag natin gamitin sa anumang masama ang ating mga katawan, kahit masyadong mahirap gawin. Gamitin natin ang ating katawan sa pagiging mabuti at huwag abusuhin ito. Kung hindi natin pinagbuti ang ating pangangasiwa, baka tumindi ang galit ni Hesus at kailangang linisin ang templo ng Diyos. Alagaan natin ang ating mga katawan, tulad ng pag-alaga ni Hesus sa templo ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento