Sabado, Nobyembre 2, 2013

HINAHANAP NI HESUS ANG MGA MAKASALANAN

Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 11, 22-12, 2/Salmo 144/2 Tesalonica 1, 11-2, 2/Lucas 19, 1-10



Isa na naman pong publikano ang mapapakinggan natin sa ating Ebanghelyo. Siya po ay si Zaqueo. Nais niyang makita ang Panginoong Hesus. Hindi siya matangkad kaya hindi niya makita ang Panginoon dahil sa dami ng tao. Ano naman ang ginawa niya tungkol dito? Humanap ng puno ng sikamoro at hinintay na dumaan doon si Kristo upang makita niya. Pandak siya. Napakaliit niya. Hindi niya makita ang Panginoon dahil sa kanyang katangkaran, kahit na gusto niyang makita si Hesus.


Hindi inaasahan ni Zaqueo na dadalaw si Hesus sa bahay niya. May halong pagkagulat at pagkasaya ang reaksyon ni Zaqueo nang tinawag siya ni Hesus. Malaki rin ang pagkagulat sa reaksyon ng mga taong sumusunod sa Panginoon. Nagtataka siguro sila kung bakit palaging dumadalaw ang Panginoon sa mga bahay ng mga publikano, babaeng bayaran, at lahat ng uri ng mga makasalanan sa paniningin at paniwala nila.

Bakit dinadalaw ng Panginoon ang isang publikano? Hindi ba siya'y isang taksil? Ipinagkanulo niya ang kanyang bayan upang magtrabaho para sa mga Romano? Sila'y sakim at ang habol nila ang pera. Gusto nilang maging mayaman. Gusto nilang magkaroon ng maraming pera. Kaya anuman ang sobra sa mga buwis na kinolekta nila, pupunta iyon sa kanila. Para bang ninanakaw nila ang pera ng kanilang kapwa-tao. Napakatindi ng mga buhay nila. 

Sa tulong ni Kristo, si Zaqueo ay nagbagong-buhay. Dahil sa mga kasalanang nagawa niya laban sa kanyang kapwa, babayaran niya sila. Isasauli niya ang kayamanan ng mga dinaya niya. Hindi lang iyan. Ibabahagi niya ang kalahati ng kanyang kayamanan sa mga mahihirap. Mula sa pagiging sakim na publikano, siya'y nagbagong-buhay at naging bukas-palad. Hindi na niya uulitin pa ang mga kasalanang nagawa niya. 

Bakit nga ba pumupunta si Hesus sa mga bahay ng mga makasalanan? Hinahanap Niya ang mga makasalanan upang iligtas. Ang mga sumuway sa kalooban ng Diyos, ang mga makasalanan, ang sadya ng pagparito ni Hesus sa lupa. Tayong lahat ay katulad ni Zaqueo, na nagkasala. Huwag tayong matakot. Huwag tayong magtago. Hinahanap ni Hesus ang mga makasalanan. Tayong lahat, hinahanap tayo ni Hesus. Kung hinahanap natin si Hesus, ganun din si Hesus. Hinahanap rin Niya tayo. Hahanapin tayo ni Hesus upang bigyan ng isa pang pagkakataong magbagong-buhay. 

Ang mga kasalanan nagawa natin sa nakaraan ay natapos na. Hindi na ito maaaring magbago. Pero, kahit na ang mga kasalanan natin ay mabigat, bibigyan tayo ng isa pang pagkakataon ng Diyos na makapagbagong-buhay. Iyan ay kung gusto nating magbagong-buhay. Kapag inamin natin at pinagsisihan ang ating mga kasalanan, tayo'y binibigyan pa ng pagkakataong makapagbagong-buhay. Bibigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos, pero nasa ating mga kamay ang desisyong magbagong-buhay. 

Tayong lahat na nagkasala laban sa Diyos ay hinahanap ni Hesus. Ang paghanap Niya sa atin ay katulad ng paghanap ng isang ina sa anak niyang nawawala. Kung tayo'y nagtatago, huwag na tayong magtago. Magpahanap tayo kay Hesus, katulad ni Zaqueo. Kapag nahanap tayo ni Hesus, bibibgyan tayo ng pagkakataong magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos. Isang napakagandang karanasan ang pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob. Anuman ang mga nagawang kasalanan na nagtatago sa atin sa paningin ng Diyos, hahanapin Niya tayo kapag inamin natin ang ating mga kasalanan at pagsisihan natin ito. 

Huwag na tayong magtago, magpahanap tayo sa Panginoon. Hinahanap tayo ng Panginoong Hesukristo dahil sa pag-ibig Niya sa atin. Nagbigay pa nga Siya ng isang babala - mapapahamak tayo kung hindi tayo nagsisi at nagbalik-loob sa Diyos. Nasa atin ang desisyon. Madalas tayong gumawa ng mali. Pero, bibigyan tayo ng isa pang pagkakataon ng Diyos na magbagong-buhay kung tayo ay magpahanap sa Kanya. Itigil na ang pagtatago mula kay Kristo. Hindi Niya tayo itatakot. Magpahanap na tayo kay Hesus, katulad ni Zaqueo upang tayo ay makapagbalik-loob sa Diyos.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento