Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12
Naalala ko po ang isang kwento tungkol sa isang Katoliko at isang Muslim. Nag-away sila tungkol sa anong relihiyon ang may mas maraming mga santo. Kaya, nag-pustahan sila. Ang pusta ay sa tig-iisang santo na binanggit ng isa sa kanila, bubunutin nila ang buhok ng kaharap nila.
Nagsimula ang Katoliko. "San Pedro." Isang buhok ang binunot ng Katoliko mula sa ulo ng Muslim. Bumanat naman ang Muslim (nakalimutan ko ang pangalan ng santong binanggit niya). Dalawa ang pinangalanan niya, kaya dalawang buhok ang binunot ng Muslim. Sumagot ang Katoliko ng tatlo pang Santo, tatlong buhok ang binunot niya mula sa Muslim. Apat namang banal ang sinagot ng Muslim, kaya apat na buhok ang binunot niya.
Napikon tuloy ang Katoliko. Kaya, sinagot niya ang Muslim, "Todos Los Santos!"
Ano nangyari? Naubos na tuloy ang mga buhok ng Muslim.
Ngayon po ay Todos Los Santos o ang Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal. Dito po ay nagpapasalamat tayo sa Diyos para sa mga Banal na Taong namuhay dito sa lupa. May ilan po sa kanila ay namatay bilang martir. May ilan rin sa kanila ay namatay nang natural. Sila'y nagsimula bilang mga makasalanan na nagbalik-loob sa Diyos at namuhay ng isang banal na pamumuhay. Marami po sa mga Santo ay namuhay ng isang simpleng pamumuhay at inialay ang kanilang buhay para sa Diyos.
Magtataka po kayo siguro. Kinakailangan bang maging Pari o Madre ang isang tao upang maging banal? Hindi! Tinatawag tayo ni Kristo upang maging banal. Lahat tayo ay tinatawag ng Panginoon upang maging banal. Wala Siyang pinipili. Anuman ang ginagawa natin sa buhay, ang Panginoon ang tumatawag sa atin upang maging banal. Lahat po ba ng mga tao ay makakarinig sa pagkatawag na ito ng Diyos? Hindi ko po alam.
Bakit tayo tinatawag ng Panginoon na maging banal? Dahil nais Niyang makiisa tayo sa piging na inihanda Niya sa langit. Minamahal Niya tayo at nais Niyang maranasan natin ang kagalakan ng pagiging banal. Nais Niyang makapunta tayo sa langit pagpanaw natin. Nais ng Diyos ang makigalak sa Kanya. Pero, nasa atin ang desisyon kung paano ang ugali natin. Nasa atin ang desisyon kung pipiliin natin maging banal o hindi. Nasa ating mga kamay ang desisyon.
Ang mga Santo nga sa kanilang nakaraan ay mga makasalanan. Pero, kung makasalanan sila, bakit sila naging Santo? Sapagkat tinawag sila ng Diyos na maging banal, nagbagong-buhay at nagbalik-loob sila sa Diyos, at sila'y namuhay ng simple at kalugud-lugod sa mata ng Diyos. Tayong lahat rin ay mga makasalanan. Pero, huwag tayong mag-alala. May pag-asa tayong magbagong-buhay at tumulad sa mga banal na nasa langit ngayon. Kaya nga sabi ng isang kasabihan, "May nakaraan ang isang banal, at may bukas pa ang isang makasalanan." Ibig sabihin, kahit ang mga makasalanan, may pag-asa silang maging banal. Hindi lahat ng mga Santo ay naging perpekto sa buhay nila. Pero, sila'y nagbagong-buhay at nagbalik-loob sa Diyos.
Si San Agustin ng Hippo nga, isang makasalanan noong namumuhay siya. Pero, paano ba siya nagbago? Sa pamamagitan ng mga panalangin ng kanyang inang si Santa Monica. Marami pa, si San Ignacio ng Loyola. Nagkaroon siya ng ambisyon na maging masikat, pero paano siya nagbagong-buhay? Noong nagkaroon siya ng isang mabigat na sugat sa isang digmaan sa Pamplona. Habang nagpapagaling, siya'y nagbalik-loob sa Diyos. Marami pang ibang mga santo na pwede nating tularan. Ang mga santong ito ay nakaranas ng kagalakan sa pagiging banal.
Tunay ngang mararanasan natin ang tunay na kagalakan sa pagiging banal. Sino ang pinagmumulan ng kagalakan ng mga banal? Ang Diyos. Ang Diyos mismo ang nagpapasaya sa kanila. Ang kagalakang ipinagkakaloob na Diyos ay ang tunay na kaligayahan. Napakasarap at napakasaya ang pagiging banal at lingkod ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento