Linggo, Oktubre 20, 2013

MANALANGIN NANG MATIYAGA

Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
(Exodo 17, 8-13/Salmo 120/2 Timoteo 3, 14-4, 2/Lucas 18, 1-8)

Napakahirap po para sa atin (lalung-lalo na po ako) ang manalangin palagi. Maraming pagkakataon kung saan napakarami tayong ginagawa. Ito'y maaaring maging trabaho o pag-aaral at pag natapos na tayo sa ating trabaho o kaya mga assignment para sa school, pagod na pagod na tayo at nakakalimutan nating manalangin. O kaya, kung magdarasal tayo, minamadali natin. Para bang may rush hour. Iyan ay napakahirap gawin - manalanging palagi at humanap ng oras upang manalangin. 

Isang talinghaga ang ginagamit ni Hesus sa ating Ebanghelyo upang turuan tayong manalangin. Madalas ang paggamit ni Hesus ng mga talinghaga sa Kanyang pagtuturo ng Mabuting Balita. Ginagamit Niya ang mga kwentong ito upang ilarawan ang aral o mensahe mula sa talinghagang ikinuwento Niya. 

Sa Ebanghelyo, ginagamit ni Hesus ang larawan ng isang kurap na hukom. Hindi niya kinakatakutan ang sinuman, kahit na ang Diyos. Kung may mga taong nasa panganib, wala siyang pakialam. Ang iniisip lamang niya ay ang kanyang sarili lamang. Ito naman ang isang babaeng balo. Humihingi siya ng katarungan, pero hindi pinansin ng hukom. Dahil doon, aba, kinukulit niya ang hukom na iyon. Kahit na ang hukom ay walang pakialam, nangungulit pa rin ang babaeng balo. Tingin ko sa una, hindi niya pinapansin. Pero, habang patuloy ang pangungulit ng babeng balo, aba, naiirita na siguro. Araw-araw na siguro ang pangungulit ng babaeng iyon.

Sa bandang huli, pinagbigyan na ng hukom ang babaeng balo. Bakit? Napamahal ba sa kanya ang babaeng iyon? Dahil ba naaawa o namalasakit siya sa babaeng iyon? Hindi! Pinagbigyan ng hukom ang babaeng balo para hindi na siya kulitin pa ng babaeng balo. Parang araw-araw na yata kasi siyang ginagambala ng babaeng iyon. Kahit na kurap, pinagbigyan ng hukom ang babaeng balo. Ayaw pa niyang makita muli ang babaeng iyon at baka sa pagbabalik ng babaeng iyon, hindi na maganda ang sasapitin ng hukom na iyon. 

Kung ang kurap, napakinggan at pinagbigyan ang hiniling ng babaeng balo, ang Diyos pa kaya? Paminsan-minsan, tayo ay tinutuksong huwag nang manalangin. Nag-aaksaya lang tayo ng oras. Hindi naman tayo nadidinig ng Diyos. Kaya marami ang hindi na nananalangin. Inaakala nila na hindi naman nadidinig ng Diyos ang kanilang mga panalangin. 

Manalangin tayo nang may tiyaga. Huwag mawalan ng pag-asa. Tumutugon ang Diyos sa ating mga panalangin. May mga pagkakataon kung saan natatagalan ang Diyos ay dahil hindi naman Siya mabagal. Kung pwede nga lang, ibibigay na Niya ang ating mga hinihingi. Ang dahilan kung bakit matagal ang pagtugon ng Diyos sa pagtugon sa ating mga kahilingan ay dahil hinahanda pa Niya, hinihintay ang tamang panahon, o kaya may mas magandang plano Siya para sa atin. Tinutugon tayo ng Diyos, hintayin natin ang tamang panahon kung kailan ibibigay ng Diyos ang ating mga kahilingan. Manalangin nang matiyaga. Huwag magsawang manalangin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento