Linggo, Oktubre 6, 2013

PANANAMPALATAYA AT PAGLILINGKOD SA DIYOS

Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Habacuc 1, 2-3; 2, 2-4/Salmo 94/2 Timoteo 1, 6-8. 13-14/Lucas 17, 5-10

Nalalapit na po ang pagwawakas ng Taon ng Pananampalataya. Tayo po'y binibigyan ng pagkakataon ng mga Pagbasa ngayon, lalung-lalo na ang Mabuting Balita, na pagnilayan muli ang ating pananampalataya. Inilunsad ng Santo Papa-Emerito Benito XVI ang Taon ng Pananampalataya noong Oktubre ng nakaraang taon. Ang Taon ng Pananampalataya ay isang pagkakataon upang sariwain natin ang ating pananampalataya.

Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, hiniling ng mga alagad ni Kristo na dagdagan ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Ginamit ni Kristo ang isang puno ng sikomoro upang ilarawan ang kapangyarihan ng pananampalataya. Malaki man o hindi, kung may pananampalataya ang bawat isa sa Diyos, magagawa niya ang mga bagay na kamangha-mangha at mukhang imposibleng gawin. Walang imposible kung may pananampalataya sa Diyos. 

Ang ating mga tagumpay ay nanggaling sa Diyos. Kinakailangan nating maging masipag at matiyaga sa ating mga ginagawa. Ginagantimpalaan ng Diyos ang mga taong masipag at matiyaga. Pero, huwag po nating kalilimutan na ang Diyos ang tumulong sa atin upang maging matagumpay sa ating buhay. Ito'y maaaring maging daan na maging mayabang at arogante. Kaya nga sinasabi ng isang kasabihan: "Do your best, and God will do the rest." Gawin mo ang makakaya mo, ang Diyos ang bahala sa iba. 

Sa ikalawang bahagi, inilalarawan ng Panginoon ang ating ugnayan sa Diyos. Ginagamit Niya ang halimbawa ng alipin at amo. Mapagpakumbaba ang alipin, walang inaasahang gantimpala mula sa kanyang amo. Pinaglilingkuran niya ang kanyang amo hanggang sa matapos ang kanyang amo. Walang siyang hinahanap na kabayaran sa kanyang paglilingkod. Buo ang kanyang pagpapakumbaba. Buong pagpapakumbaba siyang maglilingkod. Kahit pagod na pagod na ang alipin, kapag siya'y inutusan ng amo, gagawin niya iyon. 

Si Kristo po ay namuhay bilang isang lingkod. Siya'y nagpakumbaba, nagkatawang-tao, namuhay bilang alipin, at naging masunurin sa kalooban ng Diyos hanggang kamatayan (Filipos 2, 6-11). Kahit na Siya ang Anak ng Diyos at ang Pangalawang Persona ng Banal na Trinidad, Siya'y nagpakumbaba, nagkatawang-tao at pinaglingkuran ang Diyos at kapwa-tao. Kahit na Siya'y makapangyarihan, pinili ni Hesus ang maglingkod. Sabi pa nga Niya, "Ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi maglingkod." (Mateo 20, 28) 

Ganon din po ang Mahal na Inang si Maria. Napakalaki ang kanyang pananagutan - ang maging ina ng Panginoong Hesukristo. Hindi niya naintindihan ang lahat ng mga sinabi sa kanya ng Arkanghel Gabriel tungkol sa magiging anak. Hindi rin niya naintindihan ang mga pangyayari sa buhay ng kanyang anak na si Hesus, lalung-lalo na kung bakit kinailangan pa Niyang mamatay sa krus. Pero, buong pusong at pananalig niyang tinanggap ang kanyang pananagutan. Sinabi niya, "Ako'y alipin ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang ayon sa wika mo.

Tayo pong lahat ay mga lingkod ng Diyos. Ang ating pananampalataya sa Diyos ay ang ating ugnayan sa Kanya. Kung wala tayong pananampalataya sa Kanya, hindi tayo makakapaglingkod sa Kanya. Sa ating paglilingkod sa Diyos, huwag tayo umasa ng mga papuri para sa ating mga sarili. Huwag tayong umasa ng kabayaran o papuri para sa ating sarili sa ating paglilingkod sa Diyos. Buong pagpapakumbaba nating paglingkuran ang Diyos na walang hinahanap na kabayaran.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento