Sabado, Setyembre 28, 2013

SINO ANG TUNAY NA MAYAMAN SA MATA NG DIYOS?

Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Amos 6, 1a. 4-7/Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10/1 Timoteo 6, 11-16/Lucas 16, 19-31


Siguro marami po sa inyo ang magtataka kung hinahatol ng Panginoon ang pagiging mayaman. Dahil ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa Talinghaga tungkol sa Mayamang Lalaki at si Lazaro. Napakinggan natin na pagkamatay nilang dalawa, si Lazaro ay napunta sa langit, samantala ang mayamang lalaki ay napunta sa impiyerno. Mukhang ang mensahe ng Ebanghelyo ay mapapaimpiyerno ang mga mayayaman.


Hinahatol ba ni Kristo ang mga mayayaman? HINDI. Hinahatol ni Kristo ang pagiging sakim. Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin na nagiging maramot ang mayamang lalaki kay Lazaro dahil hindi niya pinapansin si Lazaro. Hindi pinapansin ng mayamang lalaki si Lazaro na naghihirap sa labas ng kanyang bahay. Kaya ano nangyari sa kabilang buhay? Siya naghirap samantala ang maralitang si Lazaro ay nasa langit.


Wala namang masama sa pagpapakasaya at pagiging mayaman, katulad ng mayamang lalaki sa Ebanghelyo. Hindi naman porke't mayaman, mapupunta ang isang tao sa impiyerno. Hindi iyon ang mensaheng ipinapaabot ni Kristo. Ang mensahe lang ni Kristo ay huwag maging sakim habang nagpapakasaya. Paminsan-minsan kasi, nagpapakasaya tayo, pero hindi natin pinapansin ang kapwa nating nangangailangan. Huwag gawing daan patungo sa kasakiman ang pagpapakasaya sa pagiging sakim at pagiging maramot sa mga dukha.


Ang pagiging mayaman ay isang pagpapala mula sa Diyos. Huwag lang nating abusuhin o gamitin sa masama ang mga biyaya ng Diyos. Kasi kapag naging masama tayo dahil doon, hindi iyon kasalanan ng kayamanan, bagkus, iyon ay kasalanan natin. Huwag nating sisihin sa kayamanan ang pagiging sakim. Tayo kasi ang gumagamit ng kayamanan at nasa atin ang desisyon kung gagamitin ang mga ito sa kabutihan at sa masama.


Tingnan po ninyo ang inyong mga katabi at ang mga dinadala nila. May masama ba kayong nakikita sa kanila? Siguro, wala, noh (maliban na lang kung katabi mo ang mortal mong kaaway; biro lang..). Masdan natin ang ating kapaligiran. May makikita ba kayong masama? Hindi, noh? Lahat ng nakikita natin sa ating daigdig ay nilikha ng Diyos. Walang nilikhang masama o basura ang Diyos. Nasa atin ang desisyon kung tayo'y magiging mabuti o masama.


Ang tunay na mayaman ay nagbabahagi ng kanyang biyayang natanggap mula sa Diyos. Ibinabahagi niya ito sa kanyang kapwa, lalung-lalo na ang mga masa. Hindi siya gahaman, bagkus, siya ay bukas-palad. Sa mata ng Diyos, tunay na nagiging mayaman ang isang tao kapag siya'y bukas-palad at nagbabagi ng mga biyaya sa kanyang kapwa-tao. Ang mga maramot at sakim, hindi mayaman sa mata ng Diyos. Hindi minamahal ang kanyang kapwa-tao, at hindi niya ibinabahagi ang kanyang biyayang natanggap. Siya'y sakim, hindi tunay na mayaman.


Mensahe ni Hesus ngayong Linggo - huwag maging maramot. Binababala tayo ni Hesus na maaring maging maramot tayo. Mag-ingat po tayo sapagkat ang pagiging masaya dahil sa mga kayamanan natin ay maging daan upang maging sakim. Maaring maging abusado tayo sa ating kayamanan. Hindi masama ang kayamanan mismo, kundi kung paanong ginagamit ang kayamanan. Tayo ang magdedesisyon kung paanong gagamitin natin ang mga pagpapala ng Diyos. Nakikita ng Diyos ang mga tunay na mayaman at ang mga may kayamanan, pero hindi naman nagbabahagi nito. Ang tunay na mayaman, sa mata ng Diyos, ay nagbabahagi sa kanyang kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga mahihirap. Sapagkat anuman ang ginagawa natin para sa kanila, ginagawa natin ito para sa ating Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento