Sirak 3, 19-21. 30-31/Salmo 67/Hebreo 12, 18-19. 22-24a/Lucas 14, 1. 7-14
Kilala ang ating Santo Papa Francisco sa kanyang pagpapakababa. Hindi siya nakatira sa papal apartments. Sa halip, siya'y nakatira sa Domus Sanctae Marthae. Ang sasakyan niya ay isang simpleng Ford Focus. Hinihikayat pa niya ang iba pang mga pari na piliin ang mga simpleng sasakyan sa halip ang mga magagandang sasakyan. Marami pang mga ginawa ni Pope Francis na nagpapakita sa kanyang pagiging mapagpakumbaba, kahit noong Kardinal pa siya sa Arkidiyosesis ng Buenos Aires sa Argentina.
Ang Tatlong Pagbasa ngayon ay tungkol sa pagiging pagpapakumbaba. Sabi ni Sirak sa Unang Pagbasa na ang pagpapakababa ay nakalulugod sa mata ng Diyos. Tayo'y binayayaan ng mga kakayahan ng Diyos. Gamitin natin ito nang may kababaan nang loob. Huwag maging mayabang sa pagpapakita ng mga ito. Alamin natin ang ating mga limitasyon, sapagkat tao lamang tayo. Huwag nating gagawin o pilitin ang hindi natin kayang gawin. Binayayaan tayo ng mga kakayahan ng Diyos, huwag maging ambisyoso para sa iba pa. Maging mapagpakumbaba at kuntento sa mga kakayahang ibinigay sa atin ng Diyos.
Ginamit ng manunulat ng mga sulat sa Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ang Panginoong Hesukristo bilang huwaran ng pagpapakababa. Nagkatawang-tao si Kristo upang buksan ang pintuan ng langit. Paano binukas ni Kristo ang pintuan ng langit? Siya'y nagpakumbaba, at namatay para sa ating kaligtasan. Kahit Diyos Siya, nagpakababa Siya at inialay ang Kanyang sarili para sa ating lahat upang tayo'y makapagsaluhan sa hapag na inihanda Niya sa langit. Makakasalo natin ang mga banal sa langit, kahit na tayo ay tao at makasalanan.
Sa ating Ebanghelyo, makikita natin na inanyayahan si Hesus sa isang bahay ng Pariseo. Napansin ng Panginoon ang mga galaw ng ibang mga inanyayahan. Pinipili nila ang upuan para sa mga piling panauhin. Dahil dito, nagkaroon ng isang pagkakataon ang Panginoong Hesus na magturo. Tinuruan ng Panginoon ang mga dapat gawin sa kainan sa pamamagitan ng talinghaga.
Una, kapag inanyayahan, dapat yung pinakamababang upuan ang pinipili natin. The lowest seat. Nakakahiya kasi kapag tayo ang nakaupo sa pinakamataas na upuan, may mas mataas ang ranko kaysa atin ay dumating, at pinapaalis tayo ng nag-anyaya sa atin. Common sense lang naman po iyon. Wala tayong karapatan na ilaan ang sarili bilang pinakamataas. Kaya, dapat hintayin natin na tayo'y itataas ng nag-anyaya sa atin.
Pangalawa, anyayahan ang mga dukha, sa halip ang mga ka-level natin sa buhay. Kadalasan, kapag tayo ang mga mayayaman, pamilya o kaibigan. Mabuti naman iyon. Pero, kahit ginagawa natin iyon, hindi natin napapansin na may grupo na hindi kasali. There are some people that we exclude. At iyon ang mga dukha. Kapag inanyayahan natin kasi ang mga ka-level natin sa buhay, babayaran tayo sa pamamagitan ng pag-anyaya sa atin. Naging kasanayan na ito para sa ating lahat.
Para kay Hesus, ang bahala na magbabayad sa atin ay ang Diyos. Kapag inanyayahan natin ang mga dukha, hindi nila tayo mababayaran, di po ba? Huwag tayong umasa ng kabayaran para sa kabutihan na ginawa natin. Maaari ngang gumagawa ka ng mabuti, pero iyon po ba ay pagkakawang-gawa? Binababalaan tayo ni Hesus na ang paggawa ng mabuti ay maaari maging isang bitag na maging mayabang at maghangad ng kabayaran.
Huwag nating isipin na tayo'y dapat itaas at parangalan. Huwag tayong maghangad ng kabayaran para sa kabutihang ating ginawa. Dahil pinapakita nito na kulang tayo sa pagpapakumbaba. Bahala na ang Diyos na itaas tayo at Siya na mismo ang magbabayad para sa ating pagkakawang-gawa. Nawa, maging bukas-palad tayo sa ating pagkakawang-gawa at huwag maghangad ng kabayaran para sa ating pagkakawang-gawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento