Isaias 66, 18-21/Salmo 116, 1. 2/Hebreo 12, 5-7. 11-13/Lucas 13, 22-30
Isa itong napakalakas na kasabihan sa wikang Ingles. Ito'y nagbibigay ng motivation dahil napakalakas ang ibig sabihin nito. Marahil, ito'y naging isang motto para sa ilang tao. Halimbawa nga lang po, marami pong gustong pumayat. Walang mangyayari kung hindi ka kumain ng tama at excercise.
Isa pa pong halimbawa. Ako, isa akong estudyante ng karate martial arts. Hindi porke't ako'y nag-aaral ng karate, master na ako noon. May stripe ako sa aking white belt upang ipakita na ako'y nagkaroon ng pagsusulit. Pero, mahaba pa ang pagdadaanan ko bago magkaroon ng black belt sa karate.
Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na makikita ng lahat ng mga bansa ang pagliligtas ng Diyos. Hindi lamang ito para sa mga Hudyo o mga Israelita, para po ito sa lahat. Walang pinipili ang Diyos. Ililigtas ng lahat ng tao ang Diyos, kahit anuman ang kanyang lahi, wika o pananampalataya. Hindi pa kinakailangang umanib sa isang sekta o relihiyon upang maligtas ng Diyos.
Sa Ikalawang Pagbasa, mapapakinggan natin ang pagdidisiplina ng Diyos. Dinidisiplina tayo ng Diyos upang tayo'y maging mabuti. Iwinawasto tayo ng Diyos kapag tayo ay nagkakamali. At kapag itinutuwid tayo ng Diyos, marami sa atin ang nagrereklamo. Pero, ginagawa iyon ng Diyos para sa ating kabutihan. Siya ay katulad ng isang ama sa kanyang anak. Kaya, kapag nagkamali tayo at itinutuwid tayo ng Diyos, dapat magpakumbaba tayo at aminin ang ating kasalanan.
Sa Mabuting Balita, tinatanong ang Panginoong Hesus kung ilan nga ba ang maliligtas. Ano ang sagot ng Panginoon? Hindi madali ang pagpasok sa kaharian ng langit. Hindi binanggit kung ano ang bilang ng mga maliligtas. Hinahamon tayo, hindi lamang ang mga alagad o ang nagtanong, kundi tayong lahat. Para sa ating lahat ang hamon ni Hesus - pumasok sa makipot na pintuan. Sa gayon, tayo ay maliligtas at makakapasok sa kaharian ng langit. Masyadong mahirap.
Hindi madali lang ang pagpasok sa kaharian ng langit. Kahit bukas ang kaligtasan para sa lahat ng tao, kailangan nating pumasok sa makipot na pintuan. Paano tayo maliligtas? Huwag subukang pumasok, sa halip, sikaping makapasok sa makipot na pintuan. Kailangan natin ng pagtitiyaga o perseverance. Huwag sumuko agad. Ibigay ang lahat ng makakaya mo. Kailangang ibigay ang lahat. Baka sa pagtatapos ng pagtitiyaga mo, makakapasok ka sa makipot na pintuan.
Hindi lang pagtitiyaga ang kailangan. Aside from perseverance, you need to let go of material things. Ilarawan natin sa isipan ang itsura ng makipot na pintuan. Marami tayong dinadala, at napakaliit ng pintuan. Tingin ninyo, sa dami ng dinadala ninyo, makakapasok ba kayo? Hindi. Mukhang kailangan ninyong tanggalin ang mga dinadala natin upang tayo'y makapasok. Kailangan natin ng mga adjustments. Kung masyadong mababa ang pintuan, kinakailangan nating yumuko. Kung marami tayong dinadala, mukhang kailangan nating iwanan iyon. Hindi natin madadala ang marami nating dinadala. Kaya, kailangan nating bumitiw sa mga materyal na bagay upang makapasok sa kaharian ng langit.
Hindi lang kaligtasan ng ating sarili ang dapat isipin, kundi ang kaligtasan ng lahat ng tao. Dapat gumawa tayo ng mabuti sa ating kapwa. Huwag tayong maging sakim o makasarili. Anu-ano ang mga mabubuting gawa ang maaari nating gawin sa ating kapwa? Mga korporal at espiritwal na gawa ng Awa, pagtulong sa mga mahihirap, pagtuturo ng katesismo, etc.
Maraming mga mabuting gawa ang pwede nating gawin. Kapag mayroon tayong kapwa Katoliko na hindi nagsismba ngayong Linggo, akayin natin siya na magsimba uli. Isa pa, tumulong sa mga nangangailangan. Diba, nasalanta ng bagyong Maring ang ilang bahagi ng bansa? Baka tulungan natin sila sa pamamagitan ng pagdala ng mga relief goods, etc. Sa gayon, nakakagawa tayo ng mabuti. Maraming iba pa. Huwag lang nating isipin ang kaligtasan ating mga sarili, kundi isipin din natin ang kaligtasan ng ating kapwa.
Mga kapanalig, ang pagpasok sa kaharian ng Diyos sa langit ay masyadong mahirap para sa atin. Hindi ito parang instant coffee o instant noodles. Dapat hindi nating iniisip kung ilan ang mga naligtas at mga napahamak. Hindi na mahalaga para sa atin na malaman kung sino ang nasa langit at nasa impiyerno. Ang dapat nating isipin ay ang ating kaligtasan at ang kaligtasan ng maraming tao. Paano tayo maliligtas? Sumikap makapasok sa makipot na pintuan, at tumulong sa kapwa. Sa gayon, makakapiling natin ang ating Panginoong Diyos sa langit at makadulog at makasalo ang Panginoon sa hapag na inihanda Niya sa langit.
Bukas ang makipot na pinto. Papasok ka ba? Tandaan, no pain, no gain!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento