Linggo, Agosto 11, 2013

PANANAMPALATAYA: PAKIKIPAG-UGNAY SA DIYOS

Agosto 11, 2013
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 

Karunungan 18, 6-9/Salmo 32/Hebreo 11, 1-2. 8-19 (o kaya: 11, 1-2. 8-12)/Lucas 12, 32-48 (o kaya: 12, 35-40)



Matagal na po magmula noong nilisan ng Panginoong Hesus ang mundo. Wala man lamang ang nakakaalam kung kailan Siya babalik. Sabi pa nga ng Panginoon na wala nga ang nakakaalam sa oras na iyon, ang mga anghel, o si Kristo mismo. Iisa lamang ang nakakaalam tungkol sa oras ng pagbabalik ng Panginoon - ang Diyos Ama. Pero, napakaganda ng ibinibilin sa atin ng Panginoong Hesukristo sa ating Ebanghelyo ngayon - maging handa. 

Isang parabula ang ginagamit ni Hesus sa ating Ebanghelyo para ilarawan ang ugali ng tao. Ang isa ay ang tapat at matalinong alipin at ang isa nama'y ang tamad at abusadong alipin. Unahin muna natin ang tapat na alipin. Pag-alis ng kanyang panginoon, sinunod niya ang lahat ng mga utos ng Panginoon. Binantayan niya ang lahat at naghintay para sa pagbabalik ng kanyang panginoon. Kahit matagal bago umuwi ang kanyang panginoon, susundin niya ang utos ng kanyang panginoon. Hindi siya susuway, bagkus, mananatiling tapat sa kanyang panginoon. Kaya, ginantihan siya ng mabuti ng kanyang panginoon. 

Ang isa na namang alipin ay ang tamad at abusado. Noong umalis ang kanyang panginoon, siya'y nagpanggap bilang panginoon. Nakalimutan niyang babalik ang kanyang panginoon at nakalimutan rin niya ang kanyang mga utos at tuntuning na dapat matupad. Nawalan siya ng koneksyon, pagkakaugnay sa kanyang panginoon. Binugbog niya ang kanyang kapwa-alipin. Mapapansin ninyo, nagiging abusado siya sa kanyang kapwa-alipin kasi nagpapanggap na siya. Isa pa, kumakain, umiinom at naglalasing pa ang aliping ito sa halip na sundin ang utos ng kanyang panginoon. Hindi naging maganda ang sinapit niya dahil pinarusahan siya ng kanyang panginoon.

Ngayon, ano ang mensaheng ipinapaabot ng parabulang ito? Huwag mawalan ng pananampalataya sa Panginoong Diyos. Hindi porke't hindi natin nakikita ang Diyos, hindi malalaman ng Diyos ang ginagawa natin, mabuti man o masama. Ang pananampalataya sa Diyos ay ang ating pagkakaugnay sa Kanya. Ito ang ating relasyon sa ating Panginoon. Huwag natin putulin ang ating pagkakaugnay sa Diyos. Pagdating ng araw, gagantihan tayo ng Panginoong Diyos dahil tayo'y naging tapat sa Kanya. 

May mga sandaling nakakalimutan ang Diyos. Kapag mahirap ang ating pinagdadaanan sa buhay, nakakalimutan natin ang Diyos. Mga problema, pagsubok, pangangamba, ang nakakatulong na kalimutan ang Diyos. Dahil sa bigat ng problema o pagsubok, nakakalimutan natin na lumapit sa Diyos upang humingi ng tulong sa Kanya. Matutulungan tayo ng Diyos kahit sa sandali ng problema o pagsubok sa buhay. 

Hindi lamang iyan. Nakakalimutan natin ang Diyos sa mga tagumpay sa buhay. Maganda ang ating buhay. Masaya tayo. Pero, hindi natin pinapansin ng Diyos. Ang mahirap para sa atin ay kapag nagiging mahirap ang buhay, doon tayo lumalapit sa Diyos. Dapat lapitan natin ang Diyos oras-oras. Ito'y upang panatilihin ang ating pakikiapag-ugnay o relasyon sa Kanya. 

Ang ating relasyon sa Diyos ay ang pananampalataya sa Kanya. Kahit hindi nakikita nang pisikal ang Diyos, nananalig pa rin tayo sa Diyos. Ang mga puso ng tunay na mananampalataya sa Diyos ay konektado na sa Diyos. Magiging malakas ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Sa gayon, sila'y naghahanda para sa pangako ng Diyos. Pagdating ng araw ng ikalawang pagbalik ng Panginoong Hesukristo, sino ang mga sasalubong sa Kanya? Ang mga nananatiling tapat sa Kanya. 

Nawa po, manatiling tapat tayo sa ating pananampalataya sa Diyos upang pagdating ng araw, sasalubungin natin si Kristo sa Kanyang pagbalik dito. 

Manalangin tayo: Panginoon, tulungan po ninyo kaming maging tapat sa Iyo. 
AMEN. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento